Share

Chapter 3

ANG akala ni Nathaniel, kapag kasama niya si Candy ay babalik na sa normal ang kanyang buhay pero isang pagkakamali ang lahat. May mga pangyayari talaga sa ating buhay na hindi na natin magagawang ibalik, gustuhin man natin. 

Alam niyang kahit na hindi magsalita sa kanya si Candy ay nasasaktan niya ito sa kalamigang kanyang pinapakita. May mga pagkakataon din talagang ayaw niyang paniwalaan ang sinasabi nito tulad kanina. Ang sabi kasi nito kanina, may alaalang bumabalik sa isipan nito sa pagpasok pa lang nila sa Zapanta Resort. 

Masaya daw silang naghahabulan at nagtatawanan. Hah, paano mangyayari iyon kung...hindi na niya nagawa pang ituloy isipin ang mga salitang iyon. May mga pagkakamali siyang kailangan na talagang ibaon sa limot. Ngunit, kahit anong gawin niya ay sumasampal pa rin sa kanya ang katotohanang hindi na ang Candelaria Ynares na kasama niya ngayon ang mahal niya. 

Patunay 'yung kahit kurot ay wala siyang naramdaman sa kanyang puso habang pinagmamasdan niya sina Zak at Candy buhat sa malayo. Napabuntunghininga siya. Kung noon siguro niya nakita 'yung tagpo na magkadikit ang mga katawan nina Zak at Candy, baka hindi siya makapagpipigil. Baka sugurin at pagsusuntukin lang niya si Zak kahit hindi pa niya alam kung bakit nangyari ang eksena na iyon. 

Ngunit, iba na nga ang damdamin niya sa kanyang asawa. Gayunman, hindi pa rin niya ito iiwan basta-basta lalo na't hanggang ngayon ay hindi pa naman ito nakakaalala. Saka, may malaking kasalanan din naman siyang nagawa rito kaya hindi rin niya ito maaatim na pabayaan na lang. Bukod doon, malaki ang tiwala niya kay Zak. Alam niyang hinding-hindi siya nito tatraydurin. 

Ang pagkakaibigan nila ay subok na ng panahon. Kaya nga, ang Isla Zapanta ay naging saksi sa pagmamahalan nila noon ni Candelaria. Kaya lang, may mga pangyayaring nakakapagpabago sa ating buhay at nagtatapos iyon sa kamatayan. 

FIVE years ago... 

Ang buhay ni Irene Santos ay nasa loob lamang ng kuwarto na iyon. Wala naman kasi siyang pamilya dahil namatay na ang kanyang Mama twelve years ago kaya ang tiyahin niyang si Corazon ang gumabay sa kanya hanggang sa magtapos siya ng kolehiyo kahit na first year college siya ng pumanaw ito sanhi ng cancer of the bone. 

Kahit pa sabihin na ilang buwan lang ang tinagal ng buhay ng kanyang tiyahin mula ng malaman nitong mayroon itong cancer ay nagawa nitong mapaghandaan ang kanyang pag-aaral kung sakaling agad itong mawala. May bank book itong ibinigay sa kanya na naglalaman na dalawang milyon at sa kanya rin nito iniwan ang house and lot na naipundar nito. Ngunit dahil nga sa highschool pa lang siya ay gustung-gusto na niya ang pagsusulat ay nagawa na niyang makapagsulat ng romance sa pocketbook. 

Sa loob lamang ng apat na taon ay nagawa na niyang makapagsulat ng libro sa Heart Valentine kaya naman marami na rin siyang fans at agad naging exclusive writer ng nasabing publication. 

Ngunit kahit na nagsusulat siya ng romance novel ay hindi pa rin niya masabi na may kakayahan nga ba talagang magmahal ang kanyang puso. Sa dinami-rami kasi ng manliligaw niya ay wala siyang nagustuhan, ni isa man. Kahit pa ang mga iyon ay guwapo, macho at mukhang artistahin. Mayroon pa ngang propesyunal tulad ni Benjamin Morales. 

Marahil, talagang hindi pa tumitibok ang kanyang puso. O baka naman takot lang talaga siyang magmahal. Ayaw niya kasing dumating ang araw na matapos niyang ibigay ang puso niya sa isang tao ay iiwanan lang siya nito dahil sa hindi natagalan ang trip niya sa buhay. Ibig niya kasing makilalasa pagsusulat, hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo gaya ni JK Rowling. Kaya naman, bukod sa publication na pinagtatrabahuan niya ay nagsimula na rin siyang gumawa ng mga nobela sa ibang bansa. 

At dahil nga sa wala naman siyang kasintahan ay walang dahilan para masira ang focus niya. Ngunit, ang nananahimik niya sanang mundo ay biglang nagbago ng dumating si Benjamin Morales sa kanyang buhay na nagdedeklara ng pag-ibig. Dahil sa mas matanda ito halos isang dekada sa kanya ay hindi niya ito nagustuhan. O maaaring may iba pang dahilan kaya inayawan niya ito. 

Sa simula pa lang kasi ay parang itinatalaga na nito ang sarili bilang boyfriend niya kahit ilang beses na niya itong binasted. Bukod din kasi sa alam niyang hindi niya ito magugustuhan talaga ay natatakot din talaga siyang magmahal.Siguro dahil wala naman siyang magulang na masasabihang totoo nga ang pag-ibig. Ayon kasi sa kanyang tiyahin ay hindi pa man siya ipinapanganak ay hiniwalayan na ng ama niya ang kanyang ina. 

Ngunit, nagbago ang tingin niya sa pag-ibig nang makilala niya si Zak Zapanta. Unang kita pa lang niya rito ay ang gaan na ng loob niya rito. Pakiramdam niya ay matagal na niya itong kakilala at kahit na ilang oras pa lang sila nitong nagtatagpo. 

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Kahit kasi ilang nakatuon ang tingin niya sa kanyang laptop ay wala siyang maisulat gayung dati rati naman kapag humarap na siya sa kanyang computer ay agad na siyang nakakapagsulat. Kaso ngayon, walang ibang laman ang kanyang utak kundi si Zak Zapanta. 

Ano kaya ang ginagawa nito ngayon? Dadalawin pa kaya ulit siya nito o hindi na ito magpapakita pa sa kanya? 

Nang maisip niyang hindi na niya ito makikita pa ay biglang bumigat ang kanyang dibdib. Pakiwari nga niya'y may bakal na ibinalibag sa kanya kaya ang sakit-sakit ng kanyang puso. Ang tanging pag-asa na lang niya na babalik pa ito ay ang pangako nitong dadalawin siyang muli. Gusto niyang umasa dahil kinuha rin nito ang cp number niya kasi kahit na ilang oras na silang magkahiwalay ay hindi pa ito nagti-text o tumatawag sa kanya. 

Nabulabog lamang ang kanyang gunita nang makarinig siya ng malalakas na katok sa pintuan na para bang nagmamadali. Ang unang naisip niya ay mayroong may emergency kaya naman hindi na niya naisip na tanungin pa kung sino ang nasa likod ng pintuan. Basta na lang niya itong binuksan at hindi niya naiwasan ang makaramdam ng kilabot nang makita niya ang nanggagalaiting anyo ni Dok Benjamin. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status