Share

Behind the Boss's COLD FACADE
Behind the Boss's COLD FACADE
Author: Eckolohiya23

Chapter 1

Author: Eckolohiya23
last update publish date: 2026-10-08 16:34:59

Madilim, tahimik, at walang kahit anong anino ng sibilisasyon sa kahabaan ng provincial highway na iyon. Tanging ang matatalim na ilaw ng tatlong itim na SUV ang humihiwa sa makapal na kadiliman ng gabi.

Sa loob ng gitnang sasakyan, nakaupo si Ceejay Xavier Altamonte.

Wala siyang emosyon habang nagbabasa ng mga confidential reports sa kanyang tablet. Ang liwanag ng screen ay tumatama sa kanyang perpektong panga at sa mga matang kasinglamig ng yelo. Suot ang isang mamahaling dark navy-blue bespoke suit, mukha siyang isang hari na nakaupo sa kanyang trono. Para kay Ceejay, ang bawat segundo ay pera, at ang bawat desisyon ay pwedeng makapagpabagsak ng isang kumpanya. Wala siyang pakialam kung nasa gitna sila ng isang liblib na probinsya para sa isang lihim na site inspection. Trabaho kung trabaho. Wala siyang inuurungan. Wala siyang kinatatakutan.

"Boss, medyo masyadong tahimik ang kalsada ngayon. Wala tayong nakakasalubong na kahit anong sasakyan mula pa noong lumagpas tayo sa bayan," basag ng kanyang head security at driver na si Marco sa nakakabinging katahimikan ng sasakyan.

Hindi nag-angat ng tingin si Ceejay. "Just keep driving, Marco. I want to be back in Manila before sunrise. Hindi pwedeng malaman ng board of directors, lalo na ng magaling kong stepbrother, na umalis ako."

"Copy, Boss."

Ngunit bago pa man muling maibalik ni Ceejay ang atensyon sa kanyang binabasa, isang nakakabinging tunog ang bumasag sa gabi.

BANG!

Bumagsak ang tablet ni Ceejay nang biglang sumabog ang windshield ng sasakyan nila. Agad na kumabig si Marco sa manibela, nagpakawala ng malakas na pagtili ang mga gulong sa sementadong kalsada.

"Ambush! Boss, yuko!" sigaw ni Marco.

Bago pa man makapagreak si Ceejay, pinaulanan na ng sunod-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng baril ang convoy nila. Sa likurang bahagi ng utak ng malamig na bilyonaryo, mabilis na nagkalkula ang kanyang isip. Hindi ito simpleng holdap. Asasinasyon ito. At iisang tao lang ang may sapat na motibo at pera para magbayad ng ganitong klaseng sindikato para tapusin siya—ang kanyang stepbrother.

Nakita ni Ceejay sa side mirror kung paano sumabog ang lead car nila matapos tamaan ng isang pampasabog. Lumipad ang sasakyan at bumagsak sa gilid ng bangin, nagliliyab.

"Marco, get us out of here!" utos ni Ceejay, ang kanyang boses ay nananatiling awtoritatibo at walang bahid ng panginginig, kahit pa umuulan na ng bala sa paligid nila.

"Hindi ko na makontrol ang sasakyan, Boss! Sabog ang dalawang gulong natin sa unahan!" tarantang sigaw ng driver habang pilit na iniiwas ang SUV sa mga nagliliparang bala na tumatagos na sa makapal na bakal ng sasakyan nila. "Tumalon ka na, Boss! Malapit tayo sa bangin, tatalon ka bago tayo mahulog! Ako na ang bahala rito, idi-distract ko sila!"

Hindi ugali ni Ceejay ang tumakbo sa laban, ngunit alam niyang kapag nanatili siya sa loob ng sasakyan, sigurado ang kamatayan niya. At hindi siya mamamatay nang hindi nakakaganti sa mga taong nagtangkang pabagsakin siya.

"Make sure you survive, Marco," malamig ngunit seryosong utos ni Ceejay.

Nang maramdaman niyang unti-unting kumiling ang SUV patungo sa madilim na gilid ng highway, sinipa ni Ceejay ang pintuan. Kasabay ng isang malakas na pagsabog mula sa likurang sasakyan nila, tumalon si Ceejay palabas sa umaandar at nawawalan ng kontrol na SUV.

Bumagsak siya sa matigas at mabato-batong gilid ng kalsada. Nagpagulong-gulong ang katawan niya pababa sa isang matarik na dalisdis. Naramdaman niya ang matutulis na sanga at mga bato na humihiwa sa kanyang mamahaling suit at balat. Bawat pagbagsak niya ay tila dumudurog sa kanyang mga buto, ngunit ipinikit niya ang kanyang mga mata at pinilit na protektahan ang kanyang ulo.

Ilang segundo matapos siyang huminto sa paggulong, narinig niya ang isang nakakayanig na pagsabog mula sa itaas. Ang SUV nila.

Nag-iwan ng nakakabinging ugong sa kanyang mga tainga ang pagsabog. Ramdam niya ang init ng apoy mula sa itaas ng highway, ngunit mas naramdaman niya ang mainit na likido na umaagos mula sa kanyang tagiliran.

Kumurap-kurap si Ceejay, pilit na inaaninag ang paligid sa kabila ng pagkahilo. Inilapat niya ang kanyang kamay sa kanyang tagiliran. Nang iangat niya ito, nakita niya ang malapot at madilim na dugo. Daplis ng baril. O baka naman bumaon. Hindi na niya matukoy dahil sa sobrang manhid ng kanyang katawan.

Sa itaas, narinig niya ang mga yabag at boses ng mga armadong lalaki.

"Hanapin niyo ang katawan ni Altamonte! Walang aalis dito nang hindi nakikita ang bangkay niya! Siguraduhing patay ang hayop na 'yan!" sigaw ng isang garalgal na boses.

Nag-igting ang panga ni Ceejay. Ang kanyang mga mata, na kanina ay malamig, ngayon ay nagliliyab sa galit at determinasyon. Pilit siyang bumangon, kahit pa bawat paggalaw ay tila may libo-libong karayom na tumutusok sa kanyang tagiliran. Wala siyang oras para magreklamo. Kailangan niyang mabuhay.

Nasa ibaba siya ng highway, at sa harapan niya ay ang isang napakalawak na palayan. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ang pasukin ito.

Ginamit niya ang mga nagtataasang puno ng niyog at ang matataas na talahib bilang panangga sa mga mata ng sindikatong patuloy na nagpapaputok sa itaas. Nagsimula siyang maglakad, ngunit dahil sa pagkawala ng maraming dugo, nanghina ang kanyang mga tuhod. Bumagsak siya sa maputik na lupa ng palayan.

Ang isang bilyonaryong sanay sa malambot na kama ng kanyang penthouse, na hindi humahawak ng kahit anong marumi, ngayon ay nakadapa sa gitna ng malamig, basa, at mabahong putikan. Ang kanyang bespoke suit na nagkakahalaga ng daan-daang libo ay sira-sira na at puno ng putik at dugo.

Ngunit hindi sumuko si Ceejay. Gamit ang kanyang mga siko at tuhod, nagsimula siyang gumapang.

Ramdam niya ang matatalim na dahon ng palay na humihiwa sa kanyang mukha at leeg. Nalalasahan niya ang putik at sariling dugo sa kanyang mga labi. Ang amoy ng pulbura ay napalitan ng amoy ng basang lupa at probinsya. Bawat pag-usad niya ay isang matinding pag-torture sa kanyang sugatang katawan. Ang lamig ng hamog sa madaling araw ay tila nanunuot sa kanyang mga buto, pinapabagal ang daloy ng kanyang dugo.

Hindi ako pwedeng mamatay dito, bulong ni Ceejay sa kanyang sarili. Hindi sa isang putikan. Babalikan ko kayo. Babalikan ko kayong lahat at luluhod kayo sa harapan ko.

Gumapang siya nang gumapang, tinatawid ang malawak na palayan habang sa malayo ay nakikita niya ang patuloy na paghahanap ng mga flashlights ng mga tauhan ng kanyang stepbrother. Tiniis niya ang hapdi at pag-uhaw. Ibinuhos niya ang lahat ng kanyang lakas, pinipigilan ang sariling mawalan ng malay.

Makalipas ang halos dalawang oras na pag-usad sa dilim, nakita niya ang isang hugis sa di kalayuan. Isang istruktura. Nang mas lumapit siya, naaninag niya ang isang lumang hacienda na tahimik na nakatayo sa dulo ng palayan. May mahinang ilaw na nagmumula sa likurang bahagi nito.

Para itong isang liwanag ng pag-asa para sa isang taong nasa bingit ng kamatayan.

Pilit na itinayo ni Ceejay ang kanyang sarili, sumandal sa isang punong mangga malapit sa bakod ng hacienda. Bawat paghinga niya ay may kasamang mabigat na daing. Nanlalabo na ang kanyang paningin. Ang kanyang utak ay unti-unti nang pinapatay ang kanyang mga senses para protektahan ang kanyang katawan.

Nakarating siya sa likurang bahagi ng lupa, malapit sa isang poso. Nakarinig siya ng kaluskos, pagbukas ng isang p***o, at mga mahihinang yabag. May paparating.

Gusto pa sana niyang tumayo nang tuwid. Gusto pa sana niyang ayusin ang kanyang sarili at maglabas ng awtoridad bilang isang Altamonte bago humingi ng tulong. Ngunit hindi na kinaya ng kanyang katawan.

Kasabay ng pagbukas ng isang maliit na gate, tuluyang bumigay ang kanyang mga tuhod. Bumagsak si Ceejay Xavier Altamonte sa malamig na semento, ang kanyang mukha ay dumikit sa lupa. At bago siya tuluyang kainin ng matinding kadiliman, isang pares ng pambabaeng tsinelas ang pumasok sa kanyang nanlalabong paningin.

Continue to read this book for free
Scan code to download App

Latest chapter

  • Behind the Boss's COLD FACADE   Chapter 12

    Hindi maipaliwanag ni Alessandra ang kakaibang kuryente na patuloy na gumagapang mula sa kanyang palad papunta sa kanyang dibdib.Habang hinahawi nila ang makapal na dagat ng mga tao sa gitna ng Pamaypayan Festival sa bayan ng Lopez, ang tanging nagbibigay sa kanya ng kaligtasan ay ang malaki, magaspang, at napakahigpit na pagkakahawak ni Xavier sa kanyang kamay. Kanina pa sila naglalakad, ngunit wala itong senyales na gusto siyang bitawan. Sa tuwing may mga taong muntik nang bumangga sa kanya dahil sa sikip ng daan, mabilis siyang hinihila ng lalaki palapit sa matigas nitong katawan, ginagawang kalasag ang sarili laban sa kaguluhan ng piyesta.Palihim na tiningala ni Alessandra ang lalaking kasama niya. Kahit nakasuot lamang ito ng kupas na itim na t-shirt mula sa ukay-ukay, hindi maikakaila ang kakaibang awtoridad na bumabalot dito. Ang matalim nitong panga, ang matangos na ilong, at ang madilim na mga mata na palaging nakabantay sa paligid—hindi ito mukhang isang simpleng lalaking

  • Behind the Boss's COLD FACADE   Chapter 11

    Kung may magsasabi kay Ceejay Xavier Altamonte noong nakaraang linggo na isusuot niya ang isang kupas na itim na t-shirt na nagkakahalaga lamang ng limampung piso mula sa ukay-ukay, malamang ay tinanggalan na niya ng trabaho ang taong iyon.Bawat piraso ng damit sa kanyang walk-in closet sa Maynila ay gawa ng mga sikat na designer sa Italy at Paris. Sanay ang kanyang balat sa mamahaling silk at Egyptian cotton. Ngunit ngayon, nakatayo siya sa harap ng isang maliit at basag na salamin sa loob ng hacienda, suot ang magaspang na damit at isang kupas na maong na pantalon.Bumuntong-hininga ang bilyonaryo. Inayos niya ang kanyang buhok gamit ang kanyang mga daliri. Kahit nakasuot ng mumurahing damit, hindi maitatago ang kanyang tindig at awtoridad. Ang hapit na t-shirt ay perpektong bumakat sa kanyang malapad na balikat, matigas na dibdib, at maskuladong mga braso.Binuksan niya ang pinto at lumabas. At doon, tila tumigil ang ikot ng kanyang mundo.Nakatayo si Alessandra malapit sa poso, n

  • Behind the Boss's COLD FACADE   Chapter 10

    Tumigil na ang malakas na buhos ng ulan, ngunit ang patuloy na pagtulo ng tubig mula sa butas-butas na yero at ang paghampas ng malamig na hangin sa mga dahon ng kawayan ay nag-iwan ng isang malungkot na himig sa buong hacienda.Alas-dos na ng madaling araw. Sa loob ng maliit at madilim na kwarto, gising na gising pa rin si Ceejay Xavier Altamonte.Nakatitig siya sa kisame, ngunit hindi ang maruming kahoy ang nakikita niya. Ang mukha ni Alessandra ang patuloy na naglalaro sa kanyang isipan—ang mga namumula nitong mata, ang panginginig ng mga balikat nito, at ang desperasyon sa boses nito habang kinukwenta ang mga baryang hindi kailanman sasapat para dugtungan ang buhay ng kanyang ina.“Mamamatay ako kapag hindi ko siya nadugtungan ng buhay... dahil lang wala akong pera.”Paulit-ulit na umaalingawngaw ang mga salitang iyon sa utak ni Ceejay na parang isang sirang plaka. Sa bawat pag-ulit nito, parang may mainit na patalim na humihiwa sa kanyang dibdib.Dahan-dahan siyang bumangon mula

  • Behind the Boss's COLD FACADE   Chapter 9

    Malakas ang buhos ng ulan nang gabing iyon. Ang mga patak ng tubig na bumabagsak sa lumang yero ng hacienda ay lumilikha ng isang nakakabinging ingay na tila sumasabay sa magulong isipan ni Ceejay.Nakaupo siya sa gilid ng kanyang kama sa loob ng madilim na kwarto. Hindi siya makatulog. Bumabagabag sa kanya ang nangyari kaninang tanghali—ang takot at pait sa mga mata ni Alessandra nang bulyawan niya ito at palayasin sa kanyang tabi. Hanggang ngayon, ramdam pa rin niya ang init ng malambot nitong mga daliri sa kanyang tagiliran. At sa tuwing maaalala niya kung paano niya ito sinigawan para lang pagtakpan ang sarili niyang katorpehan at pagnanasa, parang may kung anong mabigat na bato ang dumadagan sa kanyang dibdib.Bumuntong-hininga nang malalim ang bilyonaryo. Hindi siya sanay sa ganitong pakiramdam. Si Ceejay Altamonte ay hindi nakokonsensya. Ngunit sa babaeng ito, lahat ng kanyang mga panuntunan ay nawawasak.Dahan-dahan siyang tumayo. Gusto niyang uminom ng tubig, at siguro, pasik

  • Behind the Boss's COLD FACADE   Chapter 8

    Lumipas ang ilang oras mula nang mangyari ang hindi inaasahang pagyakap ni Alessandra. Para sa dalaga, isa iyong simpleng ekspresyon ng labis na pasasalamat at kaligayahan dahil sa wakas ay malaya na sila ng kanyang ina mula sa matabang asenderong si Don Ignacio.Ngunit para kay Ceejay Xavier Altamonte, ang ilang segundong pagdikit ng katawan nito sa kanya ay isang parusa na pilit niyang nilalabanan buong maghapon.Tanghali na. Dahil wala na siyang utang, hindi na kailangang magpaalipin ni Alessandra sa mansyon ng hacienda. Sa halip, ginugol niya ang oras sa paglilinis ng kanilang maliit na bakuran at pag-aayos ng kanilang tagping-tagping kwarto. Habang nagwawalis, hindi maalis ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Paminsan-minsan ay humuhuni pa siya ng isang malambing na kanta.Sa loob ng kwarto, nakaupo si Ceejay sa gilid ng matigas na kawayang papag. Nakasandal ang kanyang likod sa dingding, ang kanyang mga braso ay mahigpit na nakahalukipkip sa kanyang matigas na dibdib. Mula

  • Behind the Boss's COLD FACADE   Chapter 7

    "Limang daang libong piso."Paulit-ulit na umalingawngaw ang halagang iyon sa isip ni Ceejay. Nakatingin siya sa madilim na bubong ng kwarto, nakikinig sa mahina at pagod na paghinga ni Alessandra na nakatulog na sa sahig dahil sa labis na pag-iyak at pagod.Para kay Ceejay Xavier Altamonte, ang limang daang libong piso ay isang halagang kaya niyang kitain sa loob ng wala pang limang minuto. Ito ang presyo ng isang bote ng wine na binubuksan niya kapag may naisara siyang deal, o ang tip na iniiwan niya sa mga exclusive restaurants sa Europe. Ngunit para sa babaeng nagligtas ng buhay niya, ang halagang ito ay isang malaking kadena na pumipigil sa kalayaan nito at nagbabanta sa buhay ng sarili nitong ina.Hindi siya pwedeng mag-abot ng cash. Una, wala siyang dalang pera. Pangalawa, kung gagamitin niya ang kanyang mga black cards at ipapakita kay Alessandra, mabubunyag ang pagpapanggap niya bilang si "Xavier" na may amnesia. Kailangan niya itong gawin sa paraang hindi siya mag-iiwan ng b

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status