Share

Kabanata 3

Kabanata 3

Bonding

Mga ilang araw na rin na nandito si Xander. At sa bawat araw na pagsubaybay ko sa kanya ay parang wala naman masyadong kakaiba. Lagi kasi silang dikit ni Auntie, e. Hindi ko tuloy malaman kung may kahina-hinala ba sa kanya. Kainis!

Kagaya na lang ngayon! Para silang wala sa sala kung maglampungan! At talagang naglatag pa sila ng kama sa lapag para doon sila! Nag-set sila ng papanoorin sa sala pero sarili lang naman nila ang pinanood nila! Natigil lang ang hagikgikan nila ng tumunog ang cellphone ni Tita. Tumayo siya at sinagot 'yon at bahagyang lumayo sa ‘min.

Tumayo naman si Xander mula sa pagkakahiga pagkatapos umupo sa tabi ko sa sofa. Kumuha siya ng orange juice na nasa mesa sa tabi ko pagkatapos ay ininuman 'yon. Naubos niya 'yon ng isang lagok lang. Pagod na pagod, ah?

"Ang sama yata ng tingin mo?" kuryosong tanong niya pagkatapos ilapag ang baso sa mesa.

"Depende 'yon sa taong kaharap ko ngayon," masungit na sabi ko.

Kumunot ang noo niyang humarap sa ‘kin. Sumandal siya sa back rest ng sofa pagkatapos ay nagdekuwatrong humarap sa ‘kin.

"Bakit ba ang taray-taray mo lagi sa ‘kin? Wala naman akong ginagawang masama," aniya.

Isinulok ko pa lalo ang katawan ko sa dulo ng sofa para lang hindi kami masyadong magdikit. Ganoon din naman ang puwesto niya. Sulok sa sulok ang puwesto naming dalawa sa sofa.

"Wala nga sa ‘kin... Pero sa Auntie ko, meron!"

Kumunot ang kanyang noo. "What do you mean?"

"Hindi ba niloloko mo lang siya? Why don't you break up with her? Mas magiging maayos pa ang buhay namin kung ganoon. Hindi ‘yung niloloko mo lang siya!" pagtatapat ko sa kanya.

Laglag ang panga at awang ang mga labi ang isinagot lang niya sakin. I smirked. "You see? Hindi ka makapagsalita dahil tama ako ‘di ba?" pagdidiin ko. Pigil na pigil ako sa pagsasalita ng malakas dahil baka may ibang makarinig, lalong-lalo na si Auntie!

Bahagya siyang tumawa kaya kumunot lalo ang noo ko. Anong tinawa-tawa nito? Akma siyang magsasalita nang may bigla kaming narinig na yapak na papalapit sa ‘min.

Lumingon kami sa kinalalagyan no’n at doon ay nakita ko si Tita na bagsak ang mukha. Nag-aalalang nilapitan ko siya.

"Tita? Anong nangyari?" alala kong tanong.

Bumuntong hininga siya pagkatapos ay tumingin kay Xander na hindi ko namalayang nakalapit na rin pala.

"I need to go to Manila. Nagka-emergency problem sa business ko roon,” sabi niya.

"What? Anong klaseng problema? Malala ba, Tita? Gusto mo bang samahan kita?" tanong ko.

Bumaling siya sa ‘kin pagkatapos ay tipid na ngumiti saka umiling. "Hindi naman. Minor problems lang. Kaya ko na 'yon."

"Aalis tayo kung ganoon?" tanong ni Xander sa gilid ko.

"Uhm... Ayos lang naman kung ako na lang mag-isa. Babalik naman din ako kaagad. Maiwan ka na lang dito."

Kumunot ang noo ni Xander. "Iiwan mo 'ko rito?" tanong niya kay Tita.

"Ilang araw ka ba roon, Auntie?" singit kong tanong.

Napabaling ang mukha niya sa ‘kin. "Lima o isang linggo siguro. Marami rin kasi akong naiwang trabaho roon. Kailangan kong tapusin sa loob ng isang linggo para sa kasal ay wala nang problema."

Tumango-tango ako saka inilagay ang mga kamay sa likod. Isang linggo? Ibig sabihin iiwan niya si Xander dito ng isang linggo? Mas mapapadali yata ang pag-iimbestiga ko sa kanya kung ganoon na mag-isa lang siya rito. Hmm... Pinigil ko ang ngisi ko at pinanood silang dalawa na mag-usap.

"Ayaw mo bang maiwan dito? Mabilis lang naman ang isang linggo. Ayaw ko kasi na mapagod ka pa sa kakabyahe. Isa pa, gusto kong malibot mo ang buong lugar ng San Guillermo. Sigurado akong matutulungan ka rin ni Aira do’n," ani Tita.

Sumulyap sa ‘kin si Xander pero binigyan ko lang siya ng isang makahulugang ngisi sabay taas-baba ng kilay.

"Pero—"

"Ayaw mo? O sige suma—"

"No, Tita!" mabilis kong pagtutol at pinutol ang akmang sasabihin ni Tita pagkatapos ay lumapit ng husto kay Xander. Tinapik-tapik ko ang balikat niya na may kasamang puwersa na nagpalingon sa kanya sa ‘kin gamit ang nagtataka pero matatalim na mga mata niya. Hindi ko alam kung paano napaghalo niya ang dalawang emosyon na 'yon pero ganoon ang ginawa niya.

Nagtataka naman akong tinignan ni Tita. "Don't worry, Tita! I'll take care of him. Ipapasyal ko siya rito sa San Guillermo habang wala ka para naman maging pamilyar na siya rito dahil dito rin naman kayo titira after the wedding, right?" sabi ko at matamis na ngumiti kay Auntie. "So don't worry... Tumuloy kana sa Manila. Hindi naman namin siya mapapabayaan dito," sabi ko, assuring my Auntie.

Matamis siyang ngumiti pagkatapos ay lumingon kay Xander na hanggang ngayon ay nanatiling tahimik.

"Okay! It settled. Iiwan kita rito, okay?" sabi ni Tita kay Xander.

Nakita kong tumango si Xander pero hindi nakaligtas sa ‘kin ang palihim niyang buntong hininga. Oh, promise me, hindi lang buntong hininga ang aabutin mo sa ‘kin kapag wala na si Auntie.

"Kailan pala alis mo Auntie?" tanong ko.

"Ngayon na actually. I have an early meeting tommorow morning kaya kailangan ko nang bumyahe ngayon."

"Tulungan na kitang mag-empake?"

Matamis siyang ngumiti sakin pagkatapos ay nilahad ang kamay.

"Sure..."

Binaybay namin ang daan papunta sa kuwarto niya. Nilapag niya sa kama ang maliit niyang maleta pagkatapos ay kumuha ng mga damit sa closet niya. Umupo naman ako sa kama at nagpasyang ako ang magtutupi at maglagay ng mga damit niya sa maleta.

"Bakit parang ang dami naman masyado nito para sa isang linggo?" taka kong tanong kay Tita.

"Oo nga... Mukha tuloy hindi kana uuwi," pagsang ayon ni Xander na nasa tabi ko na pala at tumutulong rin sa paglalagay ng mga damit ni Auntie sa maleta.

Tumaas ang kilay ko sa kanya nang makita ang malungkot niyang mukha. Napangiti naman si Auntie at parang kinikilig nang makita ang emosyon na 'yon sa mukha ni Xander. Kaagad siyang lumapit dito saka ikinulong ang parehong palad sa magkabilang pisngi niya.

"Aww... Isang linggo nga lang 'di ba? Saka, ayoko nang maglaba pa kaya ganoon," ani Tita.

Tumango si Xander pagkatapos ay hinawakan ang magkabilang kamay ni Tita na nakalapat sa pisngi niya pagkatapos ay marahang hinalikan 'yon na nagpangiti naman kay Auntie.

Umubo ako pagkatapos ay isinara ang maleta ni Auntie. "Okay na, Auntie. Naayos ko na lahat," ani ko na nagpaputol sa ginagawa nila. Baka kung saan pa 'yon umabot.

She chuckled at nagpaalam na magbibihis na. Kinuha naman ni Xander ang maleta niya pagkatapos ay ibinaba na. Sa labas na raw namin hintayin si Auntie kaya bumaba na rin ako.

Pagbaba sa sala ay kita ko na roon si Manang na nag-aabang.

"Balita ko aalis daw Auntie mo papuntang Manila?" tanong ni Manang.

Tumango ako. "Opo. Isang linggo lang naman. May emergency raw po sa office."

"Tinawagan ko na si Rudy para ihanda ‘yung kotse. Naghihintay na siya roon sa labas."

Tumango ako pagkatapos ay sumilip sa bukana ng double doors namin. Nakita ko roon si Mang Rudy na tinutulungan si Xander na ipasok sa compartment ng kotse ang maleta ni Tita.

"Sasama ba si Xander?"

Natuon ang atensiyon ko kay Manang nang magsalita siya. "Hindi po. Maiiwan siya rito," nakangisi kong saad.

Kumunot naman ang noo ni Manang sa ‘kin pagkatapos ay nagpamaywang. "Baka may binabalak ka riyan, ah? Ikaw siguro dahilan kaya pina-iwan ng Tita mo 'yan dito 'no?" mapang-akusang sabi ni Manang.

Ngumuso ako at umiling-iling para ipakitang hindi totoo ang mga bintang niya kahit na may binabalak nga ako.

"Wala po. Ano namang gagawin ko?" inosente kong tanong.

Umiling-iling si Manang sa ‘kin. Hindi ko na siya pinansin pa dahil nakababa na si Tita at nagpapaalam na sa ‘ming lahat para makaalis na. Nanatili kami ni Xander sa bukana ng pinto habang papalayo ang kotse ni Auntie.

Narinig ko ang buntong hininga ng katabi ko kaya napalingon ako sa kanya.

"O, bakit nagbuntong hininga ka naman diyan?" mataray kong tanong.

Saglit siyang lumingon pagkatapos ay umiiling-iling na pumasok sa mansiyon.

I mocked at him. How dare he? Basta-basta na lang akong tinalikuran?

Pasipa kong binuksan ang pintuan ng masiyon para makapasok sa loob. Nahanap ng mata ko si Xander na walang buhay na nakaupo sa sofa. Pumunta ako sa kinaroroonan niya at pabagsak na naupo sa single sofa at itinaas ang dalawang paa sa mesa.

I smirked at the way he look at me.

"Umupo ka nga nang maayos," masungit na aniya.

Nagkibit-balikat ako at hindi siya sinunod.

"Bukas na lang kita ipapasyal," sabi ko.

Nagtaas siya ng isang kilay at matiim na tumingin sa ‘kin.

"Tototohanin mo talaga 'yung sinabi mo sa Auntie mo?"

"Of course. Baka akalain pa ni Tita hindi ko sinusunod sinasabi niya."

"Oh, I thought you hate me?"

"Yes, I do," sabi ko at ibinaba ang mga paa at umayos ng upo.

"Pero malay mo ito na pala ‘yung bonding time natin ‘di ba?" I said sarcastically.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status