Share

Chapter 1: Lucky

ELLIE

2002

"Ano na, sis? May susuotin ka na ba for our graduation ball?" Tanong ni Mia. Kasalukuyan kaming naglalakad–naghahanap ng magagandang damit na pwedeng isuot para sa event ng school.

"Meron na, last week pa ako nabilhan ni mama." Sagot ko habang nakatuon pa rin ang paningin sa mga damit na naka-display malapit sa nilalakaran namin.

Next week kasi ay graduation na namin. At ilang araw na lang mula ngayon, may gaganaping graduation ball para sa'min. Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako dahil magtatapos na'ko. I mean, my high school friends, magkakahiwa-hiwalay na kami.

"Eh bakit sumama ka pa sa'min ni Mia?" Takang tanong naman ni Cherry.

"Gusto ko lang, bakit ba? Tsaka wala naman akong ginagawa." Sagot ko.

Hindi na sila sumagot pa pagkatapos no'n. Ilang sandali pa ay pumasok na kami sa isang store. Ang alam ko ay tita ni Mia ang may-ari nito.

"Hi tita!"

Tama nga ako. Pagkapasok na pagkapasok pa lang namin ay agad kaming sinalubong ng tita niya. Agad naman nilang sinabi kung ano ang kailangan nila. Iniwan naman muna kami ng tita niya dahil maghahanap daw 'yon ng magagandang gowns.

"Where's Vincel? Dapat ay kayo ang magkasama ngayon." Wika ni Mia na ang tinutukoy ay ang boyfriend ko. Hindi ko alam kung nasaan siya.

"Hindi ko alam. Baka nagba-basketball kasama 'yong tropa niya."

"Walang kwenta talaga 'yang si Vince. Hindi manlang naglalaan ng oras sayo." Napairap naman si Cherry habang sinasabi 'yon. Natawa naman ako. Hindi dahil sa sinabi niya, kundi dahil sa 'Vince' na tawag niya sa boyfriend ko.

Kung ibang tao siguro ang makakarinig ng mga sinasabi nilang dalawa, aakalain nila na magkaibang tao ang tinutukoy nila. Iba-iba kasi ang tawag nila sa boyfriend ko. Tulad ng Vincel, Vince, Vicente, Eliote at madami pa. Pero para sa'kin, he's Vic, my 'mi amor'.

"Hayaan mo na, Che. Minsan lang naman." sagot ko.

"Minsan daw, eh inaaraw-araw nga niya 'yang basketball. Para pa nga niyang jowa 'yon kesa sayo, sis." Usal niya ulit. Ayan na naman siya. Palagi siyang ganiyan basta si Vic ang pinag-uusapan. Wala siyang ibang nakikita kay Vic kundi ang pagba-basketball nito. Ewan ko ba pero pansin kong masyado siyang iritado kay Vic.

"Pansin ko nga, sis. I mean, isang taon na kayo. Pero tingin ko yata ay mas nakakasama pa niya ng madalas 'yong mga kalaro niya kesa sayo. Bilang na bilang ko nga kung ilang beses lang kayong lumabas." Sabi naman ni Mia. Nako!

"Eh anong gusto niyo? Mag lupasay ako dahil hindi ko siya nakakasama ng madalas? Hayaan niyo na. Nag-e-enjoy naman siya do'n. Saka ayokong pinagbabawalan siya. Baka masakal." Paliwanag ko sa kanila. At ayon na naman ang dismayado nilang tingin. Binalewala ko na lang 'yon dahil sanay na'ko.

"Hindi naman sa gano'n. Baka kasi sa sobrang luwag mo sa kaniya, makahanap na ng iba." Napatampal na lang ako sa noo matapos 'yon sabihin ni Mia. Sasagot pa sana ako nang biglang dumating 'yong tita niya na may bitbit na gowns.

"Mia, hija, look at this. Maganda, right?" Excited na sabi niya at itinaas pa ang mga bitbit niya. Apat na gowns 'yong bitbit niya. Kulay itim, kulay abo, kulay champagne at kulay rosas.

"Nako, tita! The best ka talaga! Ang gaganda po!" Masayang saad naman ni Mia.

"Sis, anong kulay ba ang gown mo?" Bulong sa'kin ni Che.

"Black, sis."

Nagtataka ko siyang tinitigan. Bakit niya naitanong? Isinawalang bahala ko 'yon at agad ding nakiusisa sa kanila. Ang gaganda ng mga gowns na inilabas ng tita ni Mia. Tunay ngang magaling siyang designer at mananahi.

Natapos ang hapong 'yon na kulay champagne ang napili ni Cherry at kulay abo naman ang kay Mia. Hindi pa nagdidilim ay kaagad na rin akong nakauwi.

"Ellie, hinihintay na nga pala ng tita Mildred mo ang desisyon mo." Napatingin ako kay mama nang sabihin niya 'yon. Ang pag-aaral ko sa America ang tinutukoy niya.

Kasalukuyan kaming kumakain ngayon at may laman pa ang bibig ko kaya hindi kaagad ako nakasagot. Nilunok ko muna ang kinakain bago siya hinarap.

"Ma, hindi pa po kasi ako sigurado. Balak ding pasukin nina Mia at Cherry and medicine field. Kung maganda ang university na papasukan nila, baka po ay dito na lang rin ako mag college." Paliwanag ko.

Hindi ko kasi talaga kayang mahiwalay sa kanila. Nahihirapan ako kapag wala sila. Hindi rin kasi ako sanay na mahiwalay sa kanila dahil mula pagkabata, sila na ang palaging kasama ko.

"Make up your mind, anak. Ilang linggo na lang ay graduation niyo na. Kailangan mo nang makapag-isip kung saan ka mag-e-enroll."

"Uhm.. ma.. kailangan po ba talagang sa America ako mag-aral?" Tanong ko. Napabuntong hininga naman kaagad si papa.

"Alam mong gusto lang namin na maging maganda ang future mo, hija." Sagot ni papa.

Napatungo na lang ako. Alam kong gusto nilang maging maganda ang future ko. Pero may mga tao akong maiiwan kapag umalis ako. Bigla kong naalala.

Si Vic, hindi pa nga pala niya alam.

"Bakit ba ayaw mo roon sa tita mo? Dahil ba diyan sa nobyo mo?" Ayan na naman sila. Kapag talaga lumihis ako sa mga gusto nila, ipapasok na nila si Vic sa usapan. Hay!

"Ayan ka na naman, ma. Hindi naman po sa gano'n."

"Sigurado ka na ba diyan sa nobyo mo, hija?" Sumagot naman si papa. Napatingin ako sa kaniya pero hindi siya nakatingin sa'kin. Nasa pagkain ang paningin niya. Hindi ako nakasagot.

"Pag-aaral ang unahin mo, Elleonor."

Napapikit na lang ako. Kapag 'Elleonor' na ang tawag sa'kin ni mama, ang ibig sabihin lang no'n ay manahimik na ako dahil ginagamit na niya ang pagiging nanay niya. Na dapat ang lahat ng sasabihin niya ay susundin ko na. Nakakainis.

"Pakisabi po si tita Mildred na nag-iisip pa po ako." Ayon na lang ang nasabi ko at itinuloy ko na ang pagkain.

Matapos kong kumain ay agad rin akong umakyat sa taas para magpahinga at matulog.

*****

Ilang araw na ang nakakalipas mula nang pag-usapan namin ang tungkol sa pag-aaral ko sa America. Hanggang ngayon ay wala pa ring mahagilap na sagot mula sa'kin sina mama.

"Pst! Alam niyo ba, break na pala 'yong si Stella tsaka si Roi?" Nanlalaki ang mga matang sabi Mia. Natigilan ako dahil kilala ko si Stella, bestfriend siya ni Vic. Nandito kami ngayon sa paborito naming tambayan sa labas ng campus. Lunch time kaya may panahon kami para sa 'chismis'.

"Talaga? Saan mo na naman napulot 'yan?" Kaswal na tanong ni Cherry. Sanay na kami kay Mia. Parang araw-araw ay may chismis na dala. Hindi nawawalan. Sa aming tatlo, siya ang chismosa. Nahawa lang kami ni Cherry.

"Narinig ko lang kanina habang naglalakad ako sa hallway." Natawa na lang ako sa sinabi niya habang napatampal naman sa noo si Cherry. Ibang klase talaga ang tainga niya!

"Naniwala ka naman kaagad? Nako, Mia!" Usal ko. Sinimangutan niya lang ako.

"Teka, miyerkules ngayon, Ellie. Bakit nandito ka? Akala ko ba kapag miyerkules eh si Vincel ang kasama mo?" Takang tanong ni Mia.

"Busy raw." Malamya kong sagot.

"Ay sis, iba na 'yan."

"Busy sa iba, sis."

Napaismid na lang ako sa kumento nila. Ganiyan 'yang mga lintek na 'yan kapag ang jowa ko na ang pinag-uusapan.

"Hello? Graduation ball natin bukas. Wala pa raw siyang susuotin kaya busy siya ngayon. Bibili raw siya."

"Asus naniwala ang tanga!" Kontra kaagad ni Mia.

"Shut up, Mia!" Saway ko.

Inirapan niya lang ako sabay sumubo ang kinakain niya. Tahimik lang kami matapos 'yon. Hanggang sa nag salita ulit si Cherry.

"Sa'n kayo mag-co-college?"

"Diyan lang sa malapit na university. Kayo ba?" Sumagot kaagad si Mia.

"Hindi ko pa alam eh, hindi ko pa alam kung tuloy ako sa pag-me-medicine." Sagot naman ni Cherry.

Napako naman sa'kin ngayon ang paningin nila dahil ako na lang ang hindi pa nakakasagot.

"Ang balak ni mama ay ipadala ako sa America--"

"WHAT?!"

Pinagtitinginan na kami ng mga tao ngayon dahil lintek sa lakas ang boses nila. Sumigaw ba naman. Napabuntong hininga na lang ako.

"Tingin ko kahit na tumanggi ako, ipapadala pa rin nila ako do'n." Dagdag ko. I know my parents. Alam kong kahit na hingin nila ang opinion ko, desisyon pa rin nila ang masusunod sa huli.

"Paano si Vince? Paano kami?" medyo mahinahon nang tanong ni Cherry. Hindi naman maipinta ang muka ngayon ni Mia.

"Hindi ko pa nasasabi sa kaniya,"

"Sis naman.."

"Uuwi naman ako tuwing bakasyon. Ano ba kayo.." Usal ko nang makitang naluluha na sila. Lintek naman. Naluluha na rin tuloy ako!

"Mami-miss ka pa rin namin huhuhu!" At humagulgol na nga sila. Kung kanina ay pinagtitinginan kami dahil sa ingay nila, ngayon ay mas natuon pa nga sa'min ang atensyon ng mga tao dahil umiiyak na kaming tatlo.

"H-Hindi naman ako mamamatay!" Natatawa pero umiiyak kong sabi. Nagulat ako nang tumayo silang dalawa at bigla akong niyakap.

"Kahit na. America 'yon, sis. Hindi namin kayang puntahan 'yon gamit lang ang jeep." Saad ni Mia habang humahagulgol pa rin.

"Kahit naman kaya kong pumunta doon eh hindi ko pa rin naman magagawa." Sabi naman ni Cherry habang humahagulgol din. Kaya naman niya talaga. Mayaman siya eh.

"Edi ikaw na ang mayaman!" Sigaw naman ni Mia sa kaniya. Hindi ko alam kung tuluyan na akong matatawa o iiyak pa rin. Tawa na may halong iyak ang ginagawa ko eh.

"Promise mga sis, babalik ako."

Tanging nasabi ko bago humiwalay mula sa pagkakayakap nila. Ewan pero natutuwa ako. Natutuwa ako dahil malulungkot pala sila kapag umalis ako. Na importante pala talaga ako para sa kanila.

I'm so glad I have them both. I'm so lucky.

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Lopez Maricar
update nmn po kau
goodnovel comment avatar
friadame
thanks for reading!!
goodnovel comment avatar
MissNerdyGirl20
Here we go! Yiiie expect me as a madaldal reader hahahahahah
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status