Share

Contract Marriage To Mr. Billionaire
Contract Marriage To Mr. Billionaire
Penulis: Diena

Chapter 1

"Inay! Itay! Halina po kayo at kakain na! " malakas na sigaw ko upang masiguro na marinig nila ako dahil nasa dulo na sila ng maisan nagbubunot ng damo. "Tanghali na po. Tama na muna iyan! "

Pero mukhang ayaw pa nila tumigil sa ginagawa kaya inutusan ko na lang ang bunso namin na sunduin sila inay at itay doon sa dulo.

"Ate, naman e! Ang layo kaya nila. Ang init pa, " pagdadabog niya.

Pinanlakihan ko siya ng mata. " Bilisan mo na. Daanan mo na rin si Maureen doon sa sapa tapos na siguro iyon sa paglalaba. "

Lalo siyang nagdabog. Mangiyak-ngiyak itong nagpapadyak na umalis upang sundin ang utos ko. Natawa nalang ako.

Ako nga pala si Gueene Ysabelle Ignacio-Aloquin. Panganay sa tatlong anak. At proud ako na isang magsasaka ang mga magulang ko. Dito nila kami binubuhay na magkapatid. Maliit lang itong sakahan namin na minana pa ni Itay sa kanyang namayapang ama.

Ang pagtatanim ng mais ang pangunahing pangkabuhayan namin. Sa kabila ng hirap at kapos sa pera nagawa parin nila kaming pag-aralin. Nakatapos ako ng dalawang taon na pag-aaral sa kolehiyo. Ang pangalawa namin na si Maureen ay kasalukuyan nang nasa second year college, teacher ang kurso na kinuha niya. Ang bunso naman namin na si Beatriz ay nasa second year high school palang.

Nang makatapos ako ng pag-aaral, naghanap kaagad ako ng trabaho. Ngunit sa kasamaang palad, bilang isang kahera sa isang mamahaling bar ako napunta sa dami ng pinag-aapply-an. Dahil magandang mukha lang daw meron ako ngunit walang laman ang utak. Masakit. Pero wala akong pagpipilian kundi tanggapin nalang ang katotohanan.

Hindi kasi ako biniyayaan ng talino katulad ng dalawa kong kapatid. Ganda at diskarte lang mayroon ako pero mahina ang utak ko. Pinilit ko lang na makatapos ng kolehiyo upang hindi mabigo ang mga magulang ko sa akin na ang taas ng expectation na malayo ang mararating ko.

Hinain ko na ang mga pagkain na dala ko sa maliit na mesa na gawa sa kawayan nang makita silang apat na paparating. Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ko nang makita ang mga magulang ko ang laki ng ngiti sa mga labi. Na para bang may isang bagay silang narinig na ikinatuwa ng mga puso nila.

"Hindi lang matalino itong si Maureen ang ganda pa, " sabi ni Itay saka pinatong ang sumbrero na gawa sa buri sa gilid ng kahoy na upuan. "Akalain mo bang isang anak ng Mayor ang magkagusto sa kanya. "

Nangunot ang noo ko nang makita ang pamumula ng pisngi ng kapatid ko. Sa natural na ganda, makinis at maputing balat ni Maureen, hindi maikaila na maraming magkagusto sa kanya. At isa pa, matalino siya. Kaya hindi na ako magtataka kung pati anak ng Mayor dito sa bayan namin ang pagka interesan siya.

Ngunit nababahala ako sa kapatid ko. Kung totoo mang nagustuhan siya ni Juancho, masasaktan lang siya.

"Sabi niya, pupunta daw siya rito kapag may bakanteng oras siya upang pormal na magpaalam sa inyo na liligawan ako, " aniya at lalong namula ang pisngi.

Nangislap ang mga mata ng mga magulang namin ng marinig iyon. "Aba'y dapat nating paghandaan ang pagpunta niya rito. Nakakahiya naman kung pupunta siya rito na marumi at amoy pawis kami, " saad ni Inay.

"Tama ang inay mo, anak. At saka para maka handa narin tayo ng kaunting salo-salo," sabi ni Itay.

Napabuntonghininga nalang ako. Hindi na ako sumabat dahil alam ko kokontrahin lang nila ang sasabihin ko. Ate lang naman ako at sila ang mga magulang.

"Ikaw Gueene, na promote ka na ba sa trabaho mo? " tanong ni Itay sa akin nasa plato niya ang tingin. "Mag isang taon ka na riyan sa trabaho mo. Kahit papano nakapag-aral ka naman sa kolehiyo pero bakit hanggang ngayon tagalinis at tagakuskos ka parin ng kobeta diyan tinatrabahuan mo. "

Mariin akong napalunok. Iyon ang alam ni Itay. Iyon ang alam nilang lahat. Na isa akong tagakuskos at tagalinis ng kobeta. Kasi kapag nalaman nila ang tunay kong trabaho, hindi ko alam kung ano ang gagawin nila sa akin.

Hindi nila alam na isa akong kahera sa bar. Nasa tagong lugar kasi ang bar na pinagtatrabahuhan ko. Malayo dito sa Poblacion Managa. Masama man na magsinungaling sa magulang pero kailangan ko. Dahil kapag alam nila, panigurado ubos lahat pati sahod ko.

"Kung hanggang diyan ka lang sa posisyon mo, mas mabuti pa kung maghanap ka nalang ng ibang trabaho. Ano pa ang silbi ng pinag-aralan mo kung hanggang sa pagkuskos ka lang ng kubeta. Sayang ang pagod at hirap namin ng inay mo. Sayang lang ang pera na pinaghirapan namin. Kulang pa nga iyong pera na inaabot mo sa amin sa gastos namin sa pag-aaral mo. Minsan, gamitin mo rin ang utak mo. "

Lihim na pinahid ko ang luha sa aking mata. Isang taon nang ganito pero hindi parin ako sanay. Nasasaktan parin ako sa mga sinasabi niya na paulit-ulit ko nang naririnig. Masakit kasi mismong mga magulang ko dina-down ako. Hindi ko man lang naranasan na purihin nila ako katulad ng kung paano nila purihin si Maureen.

Naintindihan ko naman dahil tama sila. Na mahina ang utak ko. Pero magaling naman ako sa ibang bagay at hindi nila iyon nakikita dahil ang tanging tinitingnan nila ay ang mga mali ko at ang mga bagay na hindi ko kayang abotin. Tulad ng talino na mayroon ang dalawang kapatid ko na wala sa akin.

Pinagsikapan ko na makatapos ng pag-aaral dahil akala ko maging proud sila sa akin. Na kahit mahina ang utak ko nagawa ko paring makatapos. Pero mali pala ako. Dahil ang tanging hangad nila magkaroon ako ng magandang trabaho, may malaking sweldo kapag nakatapos ako ng kolehiyo.

Hindi nila inisip ang hirap at pagod ko. Sa pag-aasam na makahanap ng magandang trabaho na nababagay sa pinag-aralan ko. Ang magkaroon ng malaking sweldo nang sa ganun hindi na sila mapapagod sa pagtatrabaho sa sakahan.

Gusto ko mang ibigay ang lahat ng sweldo ko sa kanila, pero paano naman ako? Paano naman ang future ko kung wala ng matira na pera sa akin? Paano kung magkasakit ako? Magkasakit ang isa sa kanila, saan kami kukuha ng pera pambili ng gamot, pang hospital? Sa pag-aaral palang ni Maureen kulang na kulang ang kinikita nila.

"Naghahanap naman ho ako ng malilipatan na trabaho, Itay. Pero mas mababa ho kasi ang sahod kaya-, "

"Mas mabuti pa maging kasambahay, malaki ang sweldo. Doble riyan sa kinikita mo, " aniya at dismayado na tumayo.

My mother looked at me apologetically. "Pagpasensyahan mo na ang iyong Itay.. "

Maliit akong ngumiti. "Tama naman ho si Itay, Nay" sabi ko. Kinuha ko ang natirang pera ko at inabot sa kanya. "Itabi niyo na ho. Magpadala ulit ako sa susunod na sweldo ko."

Ayaw pa sana niyang tanggapin ngunit iligay ko iyon sa palad niya. "Kailangan ko na ho umalis. Alas dos kasi ang trabaho ko, " bahagya kong ginulo ang buhok ni Maureen. " Mag-aral ka ng mabuti, " pinisil ko naman ang pisngi ni Beatriz. "At ikaw rin. "

"Opo ate, " sabay na sagot nilang dalawa. "Mag ingat ka, ate. "

Ngumiti ako at kumaway sa kanila bago tumalikod at umalis. Ganito parati ang maramdaman ko kapag aalis na ako upang babalik sa trabaho. Masakit sa dibdib, mabigat sa loob. Hindi ko alam kung saan nagmula, kung ano ang dahilan. Nang lingunin ko sila, doon ko nalaman ang kasagutan. Dahil mas masaya sila kapag wala ako.

Napahikbi ako habang nakatanaw sa kanila na masayang nag-uusap, tumatawa. Bumalik si Itay at muli silang sinaluhan sa pagkain sa hapag na hinanda ko kanina.

Akala ko, bahay ang pahingahan. Akala ko, pamilya ang ang nagsilbing pahinga. Pero sa sitwasyon ko, mas mabuti pang malayo ako sa kanila dahil doon naramdaman ko kung ano ang tunay na pahinga.

Kapayapaan. Iyon ang tunay na pahinga ko. Pero hindi ko naman matiis ang pamilya ko. Hindi ko matiis makita ang mga magulang ko nagkada-kuba sa pagtatrabaho para lang maitaguyod kami. Para lang paaralin kami. Isa lang naman ang gusto nila, ang makatapos kami sa kolehiyo at makahanap ng magandang trabaho. Nang sa ganun, hindi kami matulad sa kanila. Kayod-kalabaw sa ilalim ng mainit na araw.

"Pangako Inay, Itay, aakyat kayong dalawa sa entablado at isabit sa akin ang medalya na bunga ng mga pinaghirapan niyo, " saad ni Maureen.

"Hindi rin ako magpapatalo, " sabat ni Beatriz. "Aakyat rin sila Inay at Itay para isabit sa akin ang medalya ko. "

Ginulo ni Itay ang ibabaw ng ulo nila. "Proud na proud ako sa inyong dalawa, " aniya na nagpadurog ng puso ko.

Kailan ko kaya marinig ang katagang iyon kay Itay? Ni minsan hindi niya ako sinabihan na proud siya sa akin. Na masaya siya kasi ang panganay niya na kahit mahina ang utak ay nakapagtapos din ng pag-aaral. Nakahanap rin ng trabaho.

Puno ng luha ang mga mata, kasabay ng hikbi nagawa ko pang ngumiti habang nakatingin sa kanila. "Makita ko lang na masaya kayo, gagawin ko ang lahat maabot lang ang mga pangarap ng kapatid ko. Balang araw, magbubunga rin ang paghihirap ko. Maiahon ko rin kayo sa kahirapan sa pagsusumikap ko. "

Bilang isang panganay, hindi lang ako ate sa mga kapatid ko, pangalawang nanay rin nila ako. Kaya hanggat kaya kong suportahan sila, gagawin ko. Hindi ko man magawang maging proud si tatay sa akin sa mga narating ko, gagawin ko na lang sa ibang paraan nang sa ganun makita niya ang halaga ko.

Naglagay ako ng kaunting powder sa mukha at lipstick nang sa ganun hindi ako mukhang kinawawa tingnan. Nasa trabaho ako kaya dapat presentable ang hitsura ko. Pinusod ko ang aking buhok na hanggang baywang. Inayos ko rin ang kwelyo ng aking damit. Nang makitang ayos na, lumabas na ako sa employees area upang palitan ang pwesto ng kasama ko.

Hapon palang kaya wala pang masyadong tao. Hindi pa gaanong busy kaya nilinis ko na lang ang area ko kahit wala namang dumi. Gusto kong libangin ang sarili ko dahil kapag wala akong ginagawa, naalala ko lang ang mga salita ni Itay sa akin. Masasaktan lang ako at baka madamay pa ang trabaho ko. Ayaw ko magkamali. Mahirap na.

Kailan kaya maubos ang pera ng mga mayamang tao na'to? Wala silang ibang magawa kundi ang gabi-gabi na pumasok dito sa bar ang lumaklak ng mamahaling alak na katumbas sa isang taon kung sahod. Ang mag arkila ng mga babae sa isang gabi lang. Wala ba silang pinagkaabalahan sa perang pinaghirapan nila?

Napabuntonghininga nalang ako habang sinusuyod ng tingin ang buong paligid. Ako yung nanghihinayang sa perang winawaldas nila. Kunsabagay, marami naman silang pera. Kahit maglustay sila gabi-gabi hindi iyon mauubos, hindi sila maghihirap.

"Gueene, may pogi. Naghahanap ng ka-table. "

"Naku, Shara! Wag ako, " tanggi ko kaagad.

Isa rin siyang kahera ngunit nag-sa-sideline bilang isang bayaran. Malaki raw kasi ang pera na makuha niya kapag tatanggapin niya ang alok na maka-table siya. Maganda si Shara, sexy, malaki ang hinaharap, akitin ng mga lalaki. Ilang beses na niya akong inaalok ng ganito ngunit hindi kaya ng loob ko kahit pa malaking halaga ang makuha ko.

"Table lang daw. Chika chika ganun. Gusto niya lang raw ng may makausap. Mukhang brokenhearted ang pogi, " aniya. "Sige na. Magbayad daw siya kahit magkano basta may makausap lang siya ngayong gabi habang nag-chi-chill siya. Kung hindi nga lang ako ang papalit sayo ngayon, naku!! " kinikilig pang dugtong niya.

Hinila niya ako palapit sa kanya. "Nakita mo iyong lalaki sa dulo sa tapat ng VIP? " aniya at tinuro pa. Kaagad ko naman iyon nakita dahil nag-iisa lang siya roon. "Iyan ang tinutukoy ko. Ang gwapo diba? "

"Tsk, hindi ako interesado, " saad ko at bumalik sa aking pwesto. Inayos ko ang sales ko ngayong gabi at ni-turn over kay Shara dahil mag out na ako. "Alis na ako, " paalam ko dito at umalis na hindi pinansin ang mga sinasabi niya.

Kahit mahirap lang kami, kahit halos wala na kaming makain, pero ni isang beses hindi kami tinuruan ng aming magulang na kumapit sa patalim. Hindi bale nalang daw na mamatay kaming gutom, kaysa busog kami ngunit galing naman sa hindi marangal na gawain.

Awtomatikong natigil sa paghakbang ang paa ko nang tumapat ako sa table ng lalaki na tinutukoy si Shara. Hindi ko maaninag ng maayos ang kanyang mukha dahil nasa madilim na bahagi siya naka pwesto. Dagdag pa ang kulay pula na ilaw sa loob ng buong bar.

Ano kaya problema nito at parang pasan niya ang buong mundo? Akala ko kapag mayaman wala ng problema na iniisip dahil nakukuha na nila lahat ng gusto nila. Pera ang pinapagalaw at sulosyon. Pero mukhang hindi yata lahat. Aalis na sana ako nang magsalita siya na nagpahurumintado ng puso ko.

"Join me. Don't worry, I'm harmless, " he said in hoarse voice.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status