Share

Chapter 3

Nagsusuklay na siya sa harap ng salamin nang pumasok ang kaniyang Mama dala ang kape na hiningi niya. Maaliwalas ang mukha nito na siyang hinahanap-hanap niya tuwing umaga. Ngumiti ito pagkatapos malapag ang kape sa mesa.

Maaga siyang gumising, mas nauna pa nga siya sa alarm clock niya. Siya pa ang gumising sa alarm clock niya na nakalimutan niya pa lang bilhan ng bagong battery. Pero nang maalala niyang regalo pala iyon ni Kenneth ay dinala niya iyon at nilagay sa basurahan.

Tapos na siyang mag-decide. Itatapon na niya lahat ng mga bagay na may kinalaman kay Kenneth. Hindi man madali pero sa bawat pagtapon niya ay nabubunutan siya ng tinik. Nakaramdam siya ng ginhawa at maganda na ang kaniyang bawat paghinga.

Daig pa niya ang isang manonood na nabunutan ng tinik pagkatapos mapanood ang buong teleserye. Pero at least, alam na ang buong nangyari.

“Mukhang ang ganda ng gising natin ah?” Lumapit sa kaniya ang Mama niya at bumulong, “Anong mayro’n? Tapos na ba ang menstruation mo?” Humalakhak ito at agad na lumayo sa kaniya. Parang alam na nitong may gagawin siya.

Ang Mama niya talaga. Sumabay na rin siya sa halakhak nito at binigyan ng matalim na tingin.

Sabagay, ganito naman talaga ang pakiramdam niya kapag tapos na ang menstruation niya. Ewan din ba at daig pa niya ang iniwan ulit kapag may dalaw siya. Parang pasan niya ang buong mundo at ibinigay sa kaniya lahat ang mga problema ng tao. Mas gugustuhin pa niyang mag-solve ng Math problem, huwag lang siyang dalawin ng menstruation.

“Marinig ka ng mga kapitbahay natin, baka sabihin pa na bugnutin ako tuwing may regla.” Pero patuloy pa rin sa pagtawa ang Mama niya at iniwan siya sa kusina. “Mama!”

Napailing na lang siya at hinigop ang kape niya. Sasabihin pa naman niya sana na first day niya ngayon sa trabaho pero iba ang takbo ng utak ng Mama niya.

Ano kayang mangyayari mamaya? Sana mabait ang mga bata, bulong niya at muling humigop ng kape.

“Mama,” tawag niya sa kaniyang Mama na patuloy pa rin sa pagtawa. “Kulang po yata ng asukal itong kape eh. May galit po ba kayo sa’kin?”

Pero sana, mabait din ang lalaking ‘yon. Ayokong may kasamang daig pa ang mood ko kapag may dalaw, tukoy niya sa lalaking makakasama niya sa trabaho.

***

“Good morning, children!”

Agad na nagsitayuan ang mga bata at ang iba ay nagpalakpakan pa sabay sabing, “Nandito si Kapitan!”

Iba talaga ang impluwensiya kapag ikaw ang leader. Daig pa ang isang artista kapag dumaan ang isang pinuno. Pero hindi niya rin lubos maisip kung paano nagagawa ng isang leader ang ngingiti kahit alam naman nilang ang kaharap nilang tao ay hindi sa kanila ibinigay ang boto.

Siguro kapag ikaw ang nanalo, hindi mo na iisipin kung bumoto ba ito sa iyo o hindi. Total, ikaw na ang panalo eh. Bakit kailangan pa na isipin mo iyon? Kasi kahit bumoto man sa iyo o hindi, serbisyo mong paglingkuran ang mga nasasakupan mo.

Napailing siya nang lihim. Ayaw niyang isipin ang politiko ng ganito kaaga. Wala rin naman siyang balak na tumakbong Kapitan kaya mas mabuti na tumahimik na lang. Wala siyang plano na tahakin ang magulong mundo ng politika.

Muli na namang may sumigaw na nandito raw kamo ang Kapitan. Ang cute lang, ganito rin sila noon kapag pumapasok ang guro nila. Minsan nga ay pantakot pa ng class president nila ang teacher nilang palaging magkasalubong ang mga kilay. Kapag narinig ang isang sigaw na ‘Nandito si Ma’am’ ay bumabalik sa dating anyo ang classroom nila na dinaanan ng malakas na bagyo.

Nakaka-miss din naman talaga mag-aral.

“Good morning, Captain!” sabay-sabay na pagbati ng mga bata. Hindi mabayaran kahit ilang libo ang matamis na ngiti ng mga batang kaharap niya. Hindi niya kayang i-imagine na ganito ka-cute ang tuturuan niya.

Baka hindi matinong aralin ang maituro niya.

Parang mas gusto niya tuloy magpa-movie marathon ng Barbie. Panigurado, magugustuhan iyon ng mga bata. Maliban na lang sa mga lalaki.

Napailing siya, mukhang natamaan na rin siya ng kalokohan.

“Good morning, visitor,” bati rin sa kaniya ng mga bata.

Akala pala ng mga bata na bisita siya. Ngumiti na lang siya at hinarap ang Kapitan.

Noong nasa on-the-job training siya, pinipilit niya talagang maging mabait. Kahit nahihirapan siya at gusto na niyang magalit ay dinadaan na lang niya sa ngiti.

Mas mabuti na maganda pa rin ang impression sa kaniya ng mga bata. Nasa kamay ng mga bata ang kapalaran niya no’n. Kaya kahit mahirap ay dinadaan niya sa ngiti. Ayaw niyang mabagsak dahil lang sa nagpadala siya sa bugso ng damdamin.

Ang hirap pala talaga kung high school student ang tinuturuan, maliban na lang talaga kung natural na mabait ang mga estudyante. Pero hindi lahat mabait at hindi rin sa lahat ng panahon ay kaya niyang maging mabait.

Nagpapasalamat pa rin siya at naging mabait ang mga bata noong grand demonstration na niya. Akala niya talaga kamatayan na niya ang araw na iyon at mapapalitan na ang birthday niya. Pero, salamat sa Dios at tinupad ng mga bata ang panalangin niya. Naging mabait ang mga ito at naging matalino. Mapayapa at matiwasay ang kaniyang grand demonstration.

Pinakilala siya ni Kapitan kaya natigil ang imagination niya. Matamis siyang ngumiti sa mga bata at kumaway nang banggitin na ang pangalan niya.

“Good morning, Teacher Ella,” sabay-sabay na muling pagbati sa kaniya ng mga bata.

Iba pa rin talaga ang kasiyahan na nakukuha niya kapag nagtuturo siya. Tuwing nasa ganito siya ay nasasabi niya sa sarili na para sa kaniya talaga ang pagtuturo. Nasasabi niya sa sarili na nakatadhana talaga para sa kaniya na maging guro.

Iba ang hatid sa kaniyang saya kapag suot niya ang uniform ng teacher. Mula pa noon ay gusto niya talagang magturo. Gusto niyang ibahagi ang kaniyang kaalaman. Gusto niyang maging bahagi ng buhay ng bawat mag-aaral. Kahit mahirap ay kakayanin niya.

Pero hindi lahat ay kayang i-appreciate ang paghihirap ng bawat guro. Na para bang wala lang sa kanila ang bawat luha at pawis na tumutulo. Na para bang walang ibang ginawa ang guro para maituwid ang baliko nitong mga landas.

Kahit ano pang sabihin ng iba, para sa kaniya ang pagiging guro ay hindi lang isang profession kun’di isang ilaw na magliliwanag sa buhay ng bawat mag-aaral.

At ngayon, siya ang magliliwanag sa bawat estudyante na bibigyan niya ng kaalaman.

“Good morning, class. You can call me Teacher Ell na lang, okay?”

Muli siyang ngumiti. Sa wakas ay bumalik na siya sa daan na dapat niyang tahakin.

Sana ito na ang simula, mahina niyang bulong sa sarili.

***

“Teacher,” tawag sa kaniya ng bata habang dala ang papel nito at lumapit sa kaniyang mesa.

Ilang minuto na rin ang lumipas mula nang nagsimula siyang magbigay ng aktibidad sa mga bata. Masigla naman itong tumugon sa mga binigay niya.

Walang nagreklamo, agad namang kumuha ng drafting tools ang mga bata at nagsimulang sumunod sa iniutos niya. Ang iba nga ay tuwang-tuwa nang malamang drawing ang una nilang activity.

“Oh, bakit?” malambing niyang tanong at iniurong ang upuan niya nang makalapit na ang batang babae.

Bigla itong umupo sa kandungan niya at ipinakita ang dala nitong papel. May nasimulan na itong iguhit. Dalawang stick man at may kulay na rin ang iba. Huminga ito nang malalim at hinarap siya.

“Teacher Ell,” muli nitong banggit. “Gusto ko po sanang isali si Papa sa draw ko. Puwede po ba?” Bahagya nitong kinagat ang ibabang labi at yumuko na para bang nahihiya sa kaniya.

Nagtaka siya kung bakit ganoon ang tanong ng bata. Bakit naman ito nanghihingi ng permiso sa kaniya?

“Bakit mo naman naitanong? May problema ba kung isasali mo siya sa drawing mo?”

Hindi pa rin ito tumingin sa kaniya, sa halip ay hinigpitan nito ang hawak sa papel.

Hindi niya alam kung ano ang pinagdadaanan ng bata. Hinaplos na lang niya ang buhok nito at tiningnan ang suot nitong school ID.

“Chanel. Ang ganda naman ng name mo.” Patuloy pa rin siya sa paghaplos ng buhok nito, pagkatapos ay niyakap niya ang bata. “Kung saan ka comfortable, iyon ang iguhit mo, baby.”

“Thank you, teacher.”

Mabilis na umalis sa kandungan niya ang bata at muling tumabi sa kaibigan nito. Pinagmasdan niya itong mapait na ngumiti at ipinagpatuloy ang pagguhit.

Hindi man niya maintindihan kung bakit ganoon ang inakto ng bata pero ang naibulong niya sa isip ay kailangan pala ng ibayong pag-iingat ang bawat bata na tuturuan niya. Kailangan na sa mga salitang sasabihin niya ay matulungan niya ang mga bata. Sa lugar na ito, siya ang ina. At nakasalalay sa kaniya ang magiging epekto ng lahat.

Hindi lang sila mga bata, may puso at pinagdadaanan din sila na kailangan bigyan ng pansin, aniya sa isip at tumayo upang tingnan ang mga ginuhit ng mga estudyante niya.

“Angela, hindi nga orange ang color ng apple. Bakit ba ang kulit mo?”

Nilingon niya ang yaya ng isang bata na hindi pinakinggan ng binabantayan nito. Lumiko siya at nilapitan ang dalawa. Mukhang may yaya na hindi binibigyan ng pansin ngayon.

Tahimik siyang tumingin sa ginuguhit ng bata. Apple nga iyon pero ang hawak nitong pankulay ay orange. Palihim siyang ngumiti, ibang artist pala itong alaga niya.

“Angela?” tawag niya sa bata at agad naman siya nitong hinarap.

“Teacher!” Hinawakan nito ang papel at pinatingin sa kaniya. “See my drawing?”

Tumango siya at hinawakan ang kamay nitong may hawak ng color. “Alam mo ba kung ano ang totoong color ng apple?”

Tumango ito at sinabayan ng pagngiti. “Yes po, teacher. It's red.”

“Then why are holding this color?”

“It’s my Mommy's favorite,” mahina nitong bulong. “Can I use this instead of red?”

“You can draw orange instead of apple, dear. But why did you–”

“Apple is my Mommy's favorite fruit.”

“As you wish, good luck.”

Ang yaya naman ang hinarap niya. Tinapik niya ang balikat nito at bumulong, “Pagbigyan mo na ang alaga mo, ang importante alam niya na red ang apple.”

“May green apple rin po, Teacher,” pahabol ni Angela na ikinangiti niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status