Share

Chapter 2

“Ella.”

Natigil siya sa paglakad nang marinig ang boses ng barangay captain nila. Nais pa naman sana niyang magmadali pero parang nais pa siyang pigilan ng Kapitan nila. Uuwi na lang sana siya, para kasing hindi nakahintay ang Kapitan nila at naghanap na agad ng iba.

Ang galing ng talent, grabe, bulong niya sa sarili.

Sabagay, lahat ng lalaki ay ganoon talaga ang ugali. Oo, nilalahat na niya. Mga lalaki na hindi marunong tumupad sa mga pangako pero panay bitaw naman ng pangako. Bakit ba kasi parang ang dali lang sa mga lalaki na mangako? Daig pa ang extra rice sa canteen nila noong high school. Ang mali nga lang din, naniwala siya. Parang hindi na siya nasanay.

Ilang lalaki na ba ang nangako sa kaniya na hindi marunong tumupad? Ilang lalaki na ba ang nagbitaw ng pangako na pinaniwalaan niya? Si Kenneth?

No, hindi lang si Kenneth. May iba pa na ayaw na niyang banggitin pa. May iba pa na ayaw na niyang isipin pa. May iba pa na ayaw na niyang maalala pa.

Pero sabagay, bakit hindi pa ba kasi siya nasanay? Bakit nasasaktan pa rin siya? Para kasing gripo ang bibig ng mga lalaki. Kung makabitaw ng pangako para lang nakikipag-usap ng simple. Para bang pagkatapos mangako, wala ng babalikan pa.

Akala siguro ng mga lalaki, bibili lang sila through online at hindi babayaran. Grabe, ang galing! Ang galing manloko. Para bang wala silang masasaktan.

Pagkatapos niyang tumigil sa paglakad ay nagbilang pa siya ng tatlong segundo bago lumingon. Ayaw niyang makarinig siya ng salitang sorry ngayon. Ayaw niyang may manghingi ng tawad sa kaniya dahil hindi tumupad sa pangako.

Mahirap bang tumupad? Mahirap gawing totoo ang mga salitang binitawan? Mahirap bang huwag manakit ng damdamin? Bakit panay pangako lang sila at hindi man lang gumawa ng paraan upang tuparin?

Paglingon niya ay nag-aayos ng salamin ang Kapitan nila at ngumiti sa kaniya. Medyo gusot pa nga ang t-shirt nito na parang takot padaanan ng plantsa.

May gana pa talagang ngumiti, ano? Para bang hindi nanakit ngayon. Pero kahit anong ngiti pa ‘yan, para kay Ella, kung hindi tumupad, peke pa rin.

“Pumunta ka, ibig bang sabihin niyan ay pumapayag ka na?” nakangiting tanong nito sa kaniya.

Aba! Para yatang iba ang ihip ng hangin ngayon. Parang kung umakto ang Kapitan nila ay parang wala itong tinanggap na aplikante kanina.

“Opo.” Labis-labis ang pagpigil niya na huwag mang-insulto. Baka rin kasi iba ang pagkaintindi niya kaya may mukha pang iniharap ang Kapitan nila.

Napakamot ito sa ulo nang muling mag-angat ng tingin.

Heto na, mukhang ito na ang oras na hihingi ito ng pasensiya. Inihanda niya ang sarili, gusto pa nga niya sanang takpan ang tainga niya.

“May nag-apply dito kanina bago ka dumating. Akala ko kasi hindi ka na pupunta.” Tumingin ito sa suot na relo.

Mukhang tama nga ang hinala niya. Bakit naman niya naisip na mali ang akala niya, sobrang halata na nga diba? Sino bang niloloko niya? Niloko na nga siya, lolokohin pa niya ang sarili.

“Alas nueve na rin ng umaga eh,” patuloy nito. “Akala ko talaga hindi ka na tutuloy. Pero ayos lang naman sa akin kung dalawa kayo, mas maganda nga iyon para hindi kayo mabigatan sa trabaho. Lalo na at bata ang tuturuan niyo, medyo makulit pa naman ang mga bata natin dito. Alam mo naman siguro iyon. Pero asahan niyo na lang na liliit ang sahod kumpara sa sinabi ko sa’yo kahapon.

“Tingin ko naman ay papayag din iyong binata na nakausap ko kanina. Medyo matino naman iyon tingnan, maiintindihan naman niya siguro ako.” Ngumiti ito. “Ano? Payag ka? Tatawagan ko agad ang lalaking ‘yon. Mukhang interesado talaga iyon sa trabaho eh.”

Ah, nagpaparinig ka po ba, Kap? Ibig bang sabihin niyan na ako ang hindi interested? Bulong niya sa sarili.

Sabagay, totoo naman.

Wala naman sigurong problema kung may kasama siya. Ayos lang naman siguro kung lalaki ang kasama niya. Wala naman sigurong problema diba?

Lumunok siya ng laway, hindi niya alam kung bakit parang ayaw niyang maipit sa sitwasiyon na ganoon. Biglang nagsitayuan ang mga balahibo niya. Mukhang masamang pangitain ito.

Sasagot na sana siya nang dumaan ang lalaking tinutukoy ng Kapitan nila. Agad na dumaan sa kaniyang ilong ang mabango nitong amoy. Pinagmasdan niya ang masuwabeng paglakad ng lalaki na daig pa ang sumabak sa isang fashion runway. May kausap ito sa cellphone at nagmamadali itong lumabas sa Barangay Hall.

“Siya nga pala ang tinutukoy kong makakasama mo kung sakaling papayag ka,” anito at humarap sa kaniya. “Oh, ano? Decide na.”

Nagmamadali ka ba, Kap? Hindi ba puwedeng magpakipot muna ako?

Pero hindi ito ang panahon na magpakipot pa siya. Hindi ito ang panahon para isipin kung dapat ba niyang pasukin ito o hindi. Kailangan niya ng pera para kahit papaano makatulong din siya sa Mama niya. Kailangan niya ng pera! Kailangan niya talaga.

Maliban pa roon, kailangan niya ring mag-move on. Kailangan niyang kalimutan ang lahat.

Nagbawi siya ng tingin at kay Kapitan na nag-focus. Baka kung saan pa mapunta itong iniisip niya. “Sige, Kap. No probs.”

Ngiti ang ginanti nito sa kaniya.

Teka, ibang ngiti ‘yon ah!

***

“Yes, `Nay. Tanggap po ako.”

Boses agad ng lalaki ang narinig niya nang makalabas siya sa Barangay Hall. Hindi pa pala nakaalis ang lalaki. Hindi pa rin yata ito tapos sa kausap nito.

Nagkibit-balikat siya at nagpatuloy na sa paglakad.

“Yes. Ano pong tinapay ang gusto mo, `Nay?”

Ang sweet ng boses ah, bulong niya. Mukhang sign ito na kailangan niya ring bumili ng tinapay para sa Mama niya.

Pero ang ipinagtataka niya ay kung bakit ngayon lang niya nakita ang lalaki na ‘to. Bakit ngayon lang niya nalaman na may itinatagong guwapo pala ang baranggay nila? Pero sabagay, ermitanya nga naman siya. Paano niya malalaman kung taga barangay nga nila ang lalaki o hindi. Ni kapitbahay nga niya ay hindi na niya kilala.

Dalawang taon din naman siyang halos hindi lumabas ng bahay. Natatakot na nga ang Mama niya na baka magkasakit siya dahil halos hindi na siya nasisikatan ng araw. Pero para sa kaniya, mas mabuti na ‘yon. Mas mabuti na iyon kaysa sa may makita siyang masakit sa mata at pati nananahimik niyang puso ay madamay pa. Natatakot siyang makasalubong na naman ang lalaking pumatay sa puso niya.

Ang palaging sinasabi ng Mama niya, wala naman daw posibilidad na magtagpo sila ni Kenneth. Nasa America daw ang lalaki tapos siya ay nasa isang sulok ng Pilipinas. Malayo sa kabihasnan. Mahirap daw ang iniisip niya.

Tinatawanan lang niya ang Mama niya at pagkatapos ay iiyak. Walang imposible sa lalaking nang-iwan sa kaniya. Nagawa nga nitong paglaruan siya kahit hindi naman siya stuff toy. Nagawa nga nitong ipagpalit siya sa best friend niya. Wala, walang imposible sa traydor na lalaki.

Napailing siya. Ang layo na ng nilipad ng utak niya. Ewan din ba, kahit anong iniisip niya ay naisisingit niya ang mga pighati niya sa buhay kahit hindi naman dapat.

Wala na dapat lugar si Kenneth sa buhay niya. Hindi na dapat pagsayangan ng panahon ang mga lalaking hindi marunong tumupad sa pangako. Hindi na dapat. Kasi hindi naman din siya iniisip no’n eh. Ang saya na nga siguro ng buhay no’n. Baka mayaman na ‘yon ngayon. Baka tumakbo na ‘yon bilang presidente sa America. At lahat ng manlolokong lalaki ang boboto rito. Panigurado ang panalo ng ex-boyfriend niya.

Kahit hindi na ito gumastos, panigurado na ang panalo. Sa dami ba naman ng manloloko sa panahon ngayon, hindi na dapat ito kabahan.

Nagmadali siya sa paglakad. Baka kung saan pa mapunta itong iniisip niya.

***

Walang emosiyon na mababakas sa mukha niya nang humarap siya sa salamin. Nasa baba ng kaniyang kama ang dalawang kahon na kinuha niya sa ilalim ng kaniyang kabinet. Tumayo siya papalapit sa salamin na nakadikit sa sementado nilang dingding.

Hindi siya ganito noon. Palaging nakadikit ang ngiti sa kaniyang mga mata. Pero biglang nagbago ang lahat. Tila ba isang mabangis na bagyo ang dumaan sa buhay ni Ella. Tila ba isang pitik lang sa daliri ay nagbago ang lahat.

Gusto niyang bumalik sa dating siya. Gusto niyang bumalik ang magandang atmospera sa apat na sulok ng kaniyang kuwarto. Gusto niya ulit malayo sa lungkot. Gusto niyang bumalik ang masayahin niyang mukha. Gusto niyang layuan ang lahat ng mga malulungkot na ala-ala.

Pero paano?

Mahirap ba talaga ‘yon? Mahirap ba talagang buksan muli ang puso niya upang pumasok ang tuwa? Mahirap ba talagang bumalik siya sa dating siya at tumawa ulit? Mahirap ba talaga ‘yon?

Hinawakan niya ang salamin na para bang hinawakan niya rin ang sarili niyang mukha. Mula sa kaniyang magagandang mata patungo sa matangos niyang ilong.

“Gusto ko na mag-move on,” matigas niyang saad at hinarap na ang mga kahon.

Isa ito sa dahilan kung bakit hindi pa rin siya makausad. Laman ng mga kahon na ‘yon ang mga regalo sa kaniya dati ni Kenneth. Ang isang kahon naman ay mga litrato.

Kinuha niya ang isang kahon at lumabas na ng kuwarto. May dala rin siyang posporo, handa na siyang sunugin ang kadena na gumagapos sa kaniya patungo sa nakaraan.

Sana pagkatapos nito ay makausad na siya. Sana pagkatapos nito ay makalimot na siya. Sana pagkatapos nito ay maharap na niya ang magandang sikat ng araw.

Isa-isa niyang sinunog ang mga litrato. Bawat mukha niya roon ay nakangiti. Hindi niya inakalang ang katabi niya rin sa litrato ang magiging dahilan kung bakit siya malungkot ngayon.

Dalawang taon. Tama na ang dalawang taon. Gusto na niyang mag-move on.

Muli siyang pumasok sa kuwarto niya at kinuha ang isang kahon. Mga stuff toys ang laman no’n kaya pumunta siya sa kabilang kanto at ibinigay iyon sa mga bata. Sana dati pa niya ito ginawa.

“Thank you, Ate Ella. Ang bait niyo naman po,” pasasalamat ng bata sa kaniya habang hawak ang isang stuff toy na Pikachu.

Bakit ngayon ko lang naisipan ito? Bakit ngayon lang? Bulong niya at hinawakan ang pisngi ng bata.

“You’re welcome.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status