Share

Chapter 4

Nanuyo ang lalamunan ko habang nag-iisip sa kung ano ba ang maaari kong sabihin o kung dapat bang may sabihin ako dahil nakasisiguro akong isang salita ko lang ay mabubuking niya ako.

“Sweetie…still there?” muling nagsalita si Ma’am Rowena dahil sa matagal kong pananahimik. “Are you alright? Why aren’t you answering me?”

Wala talaga akong ideya sa kung ano ang gagawin ko. Hindi ako maaaring magsalita ngunit kung mananahimik naman ako ay magtataka siya. Rinig na rinig ko ang malalakas na tambol sa aking dibdib. Napatingin ako kay Mrs.Dela Rue, nakangiti siya sa akin ngayon at parang ini-encourage ako na makipagusap sa aking ‘ina’.

Ibinuka ko ang labi ko, magsasalita na sana kasabay ng pagbabakasakaling hindi niya mapansin ang aking boses ngunit bago pa man mangyari iyon ay nakarinig na ako ng pag-uusap sa kabilang linya, mukhang sekretarya niya iyon.

“I'll just call you some other time, sweetie. I need to take care of something. Enjoy your stay there, I love you!” paalam niya at pinatay na ang tawag pagkatapos.

Nang marinig ko ang sunod-sunod na tunog, hudyat na tapos na ang tawag ay nakahinga na ako nang maluwag. Dapat ay magawan agad ito ng paraan dahil nasisiguro kong hindi ito ang magiging huling beses na tatawag si Ma’am Rowena rito. Kakausapin ko mamaya si Angelina at tatanungin siya kung ano ang magagawa niya sa bagay na ito.

Kinausap ko nga si Angelina kinagabihan at sa ilang araw na lumipas ay hindi na tumawag pa rito si Ma’am Rowena. Mukhang may ginawa na nga si Angelina tungkol doon. Kasalukuyan din kasi siyang nagbabakasyon ngayon, hindi siya pwedeng makita sapagkat ang alam ng marami ay narito siya sa probinsya para kilalanin ang kaniyang fiance.

Ayon iyon sa plano niya. Habang narito ako sa mansiyon ng mga Dela Rue at nagpapanggap bilang Angelina ay mananatili naman siya sa ibang lugar. I-dinelete rin naming dalawa ang aming mga social media accounts para gumana nga ang planong ito at hindi magkaroon ng loopholes.

“Hindi ka na sana nag-abala,” nahihiyang saad ko kay Gustave.

Ngumiti lang siya sa akin at iminuwestra ng maupo ako kaya naman sinunod ko iyon dahil nakakahiya naman kung tatanggi pa ako gayong siya na itong nag-effort para dalhan ako ng pasalubong.

Narito kami ngayong dalawa sa patio. May bilugang wooden table rito at may silya rin kaya madalas ay dito kami tumatambay sa tuwing nagkakausap kaming dalawa.

“Alam kong magugustuhan mo ‘to,” saad niya noong mapansin ‘ata na hindi maalis ang tingin ko sa ice-cream na dala niya.

“Nasarapan kasi ako sa dinala mo noong nakaraan eh,” pag amin ko.

First time ko kasing makatikim ng maanghang na ice-cream at hindi ko aakalaing magugustuhan ko ang lasa nito.

“Hayaan mo at lagi kitang ibibili nito,” pangako niya sa akin at nagsimula ng kumain kaya naman iyon na rin ang ginawa ko.

Sa mga nakalipas na araw ay naging malapit kami ni Gustave. Madalas kasi kaming mag-usap dahil sa mga Dela Rue ay siya ang madalas na naiiwan dito. Nasa kabilang lalawigan ang eskwelahan niya at sa tuwing umuuwi siya rito ay palagi niya akong binibilhan ng pasalubong. Nahihiya na nga ako eh, pero mapilit siya kaya hinayaan ko na lang.

“Hindi ka ba niyayayang lumabas ni Kuya?” tanong niya sa akin kalaunan.

Umiling ako, “Hindi naman. Abala ‘ata siya sa trabaho.”

Hindi rin kami madalas magkausap ni Damon dahil palagi talaga siyang wala rito. Nabanggit din sa akin ni Mrs.Dela Rue na nagkaroon ng problema sa power plant kaya siguro ganoon.

“What if sumama ka na lang sa akin? Malapit na ang semestral break namin at balak ko sanang gumala para mag-unwind.”

Sa maamong mukha ni Gustave at tila nakikiusap na mga mata ay alam ko ng mahihirapan akong tumanggi. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Mukhang maganda ngang mamasyal pero sa sitwasyon ko ngayon ay sa tingin ko’y hindi iyon nararapat.

“Sige na, Angelina…”

Napabuntong-hininga ako, “Pag-iisipan ko muna.”

Lumawak ang ngiti niya at tumango sa akin. Itinuloy na ulit namin ang pagkain at pagkukwentuhan. Hilig niyang ibahagi sa akin ang mga nangyayari sa kaniya sa Law School dahil sabi niya ay wala naman siyang ibang mapagsasabihan niyon.

Ngayon ay masasabi ko na malaki ngang talaga ang pagkakaiba ng magkapatid. Masyadong expressive si Gustave, makikita mo iyon sa kaniyang mata at maging sa tono ng boses habang misteryoso naman si Damon, bihira siyang magpakita ng emosyon. Madalas ay seryoso, ngunit may pagkakataong ring nanunuya.

Nagtatawanan kami ni Gustave noong matigil kami dahil sa malakas at sunod-sunod na pagbusina. Sabay kaming napalingon at nakita ang kahihinto lang na sasakyan ni Damon.

Padarag na bumukas ang pinto at lumabas mula roon si Damon na matalim ang tingin at umiigting ang panga. Mabilis at mabibigat ang kaniyang mga hakbang.

Akala ko ay tuloy-tuloy ang paglalakad niya pero nagulat ako noong huminto siya sa may tapat namin. Una niya akong tiningnan gamit ang napakatalim na tingin bago binalingan ang kaniyang kapatid at may isinenyas ritong kung ano.

Mabilis na namutla si Gustave at agaran ding tumayo para sundan ang Kuya niya na itinuloy na ang pagpasok sa loob.

Ano bang nangyayari? Bakit parang galit si Damon kay Gustave?

Agad na lumapit sa akin si Guada, “Sa tingin ko’y kailangan mong sundan ang dalawang ‘yon. Mag-aaway ‘ata.”

Mag-aaway, bakit?

“Napapansin kong ilang araw ng bad trip si Sir Damon kay Sir Stave eh. Baka nga mag-away na iyon ngayon,” saad pa ng isang kasambahay kaya naman agad akong napatayo.

Walang pagdadalawang-isip ay agad akong sumunod sa loob. Kung mag-aaway man sila ay ‘wag naman sanang maging pisikal.

Pero nasaan ba sila? Sana naman ay hindi ko na kailangan pang suyurin ang buong mansiyon para maghanap!

Nakarinig ako ng pagkabasag sa itaas kaya naman mabilis akong umakyat sa hagdan. Nakaramdam kaagad ako ng kaba nang makita ang basag na muwebles at ang nagkalat nitong mga parte sa sahig.

Nang igala ko ang aking paningin ay nanlaki ang aking mata sa nakita.

“Damon!” sigaw ko para pigilan siya.

Hawak niya sa kwelyo si Gustave. Halatang-halata sa mukha niya ang galit habang si Gustave naman ay nangingiti sa mga oras na ito. Nakakayanan niya pa talagang ngumiti sa sitwasyong ‘to kahit na isang suntok lang ng kapatid niya ay paniguradong knock out kaagad siya!

“Ano ba, Damon! Bitawan mo nga ang kapatid mo,” pilit kong inalis ang kamay niya sa kwelyo ni Gustve pero masyado iyong mahigpit.

Nilingon ko si Gustave ngunit nang makitang halos matawa na siya ay gusto ko siyang batukan. Dapat ay tinutulungan niya na ako sa pag-alis ng kamay ni Damon eh.

“Why are you here? Leave us alone, may kailangan lang kaming pag-usapan,” sinabi iyon ni Damon ng hindi ako tinitingnan.

“Pag-uusapan? Bakit mo kinukwelyuhan si Gustave kung ganoon? Bitawan mo na siya at kumalma ka muna bago makipag-usap sa kapatid mo!”

Sinamaan niya ako ng tingin at halos mapaatras ako ng dahil doon. Bakit ba mainit ang ulo ng isang ‘to? Baka dahil sa trabaho? Pero bakit sa amin niya ibinubuntong ‘yon?!

“You’re defending him, huh? Kinakampihan mo ang kapatid ko.”

Kumunot ang noo ko, “Wala akong kinakampihan, okay? What I mean is, you should calm down first before you talk with your brother.”

Unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa dahil hindi pa rin nawawala ang apoy sa mga mata ni Damon. Pero nabawasan na rin ang pangambang nararamdaman nang makita ko na inalis niya na ang kamay sa kwelyo ni Gustave.

Naroon pa rin ang galit sa mga mata ni Damon pero may distansiya na sa pagitan nila ng kaniyang kapatid kaya medyo panatag na ako.

“Leave us…” utos ni Damon.

Tumango ako at aalis na sana ngunit pinigilan ni Damon ang braso ko. Nalito naman ako kaya inangat ko ang paningin sa kaniya para sana makapagtanong pero na kay Gustave ang kaniyang paningin.

“Leave us,” kay Gustave niya iyon sinabi, “mag-uusap tayo mamaya.”

Itinaas ni Gustave ang pareho niyang kamay na animo’y sumusuko bago tuluyang umalis. Ngayon na kaming dalawa na lang ni Damon ang nandirito ay bumalik ulit ang kabang nararamdaman ko kanina.

Hindi niya naman siguro ako sasaktan ‘di ba? Baka akala niya ay hindi ako marunong manlaban, marunong kaya ako ng self-defense!

“Ngayon ay tayo naman ang mag-uusap,” masama ang tingin niya sa akin.

Unti-unti naman akong napapaatras at pasimpleng naghahanap ng maaaring panglaban sa kaniya.

“A-ano naman ang pag-uusapan natin?” medyo nanginig pa ang boses ko.

“Marami,” bulong niya. “Doon tayo sa kwarto ko mag-uusap.”

Nanlaki ang mga mata ko at agad na umiling. Sa kwarto niya? Mag-uusap? Ayoko nga! Para na ako niyang pumasok sa lungga ng leon.

Hindi pa man ako nagsasalita ay mukhang nababasa niya na sa reaksiyon ko na hindi ako sang-ayon sa gusto niya kaya naman muli niya akong hinawakan sa braso at hinila.

“Bitawan mo ako, ano ba?!” Nagpumiglas ako, buong lakas na inaalis ang mariing pagkakahawak niya sa akin pero hindi ako nagtagumpay.

Hindi niya ako pinakinggan at mas lalo lang na nadagdagan ang kabang nararamdaman ko noong makarating na kami sa tapat ng pintuan ng kaniyang kwarto. Isang tulak niya lang roon ay agad na iyong bumukas at inihayag ang magara at napakalaki niyang silid.

Padarag niya akong binitawan at mabilis niyang isinarado ang pinto upang hindi ako makalabas.

“Ano bang problema mo at basta-basta ka na lang na nanghihila?” pinilit kong ‘wag magtaas ng boses pero hindi ko itinago ang galit sa boses ko.

“My problem? My problem is you!” Hinilot niya ang kaniyang sentido. “Nagtatrabaho ako maghapon para sa ‘yo, para sa ‘tin, at para sa magiging pamilya natin tapos pag-uwi ko rito maaabutan kitang nakikipaglandian sa kapatid ko. What do you think would I feel? Should I be happy?”

Napaawang ang labi ko at mas naging iritado pa lalo, “Kumakain at nag-uusap lang kami ni Stave sa patio. Naasan ang pakikipaglandian doon?”

“Nakikipagtawanan ka sa kapatid ko pero pagdating sa akin ay palagi kang galit o iritado. That means something right?” ipinagpatuloy niya pa ang pang-aakusa. “Mas gusto mo ba ang kapatid ko kaysa sa akin?”

Hindi ako nakasagot agad sa tanong niyang iyon kasi hindi ko talaga inaasahan. Inaakusahan niya ako na nakikipaglandian kay Gusatave tapos ngayon naman ay pinaparatangan niya ako na may gusto sa kapatid niya.

Seriously? May problema ba sa pag-iisip ang lalaking ‘to?

“You can’t answer immediately because you really feel something for him, huh?”

Napabuntonghininga ako, “Hindi ako nakasagot agad kasi hindi ko maintindihan kung bakit mo ako pinaparatangan ng ganoon. Wala akong gusto kay Stave! Saan mo ba napupulot iyang mga pinagsasabi mo?”

Hindi niya ako sinagot na para bang wala siyang narinig sa akin. Naglakad siya patungo sa kaniyang dresser at inalis ang suot na relo.

“From now on, you are not allowed to be close with my brother. I don’t want a cheating wife.”

Hindi ko na talaga kinakaya ang mga pinagsasabi niya kaya naman sumunod ako sa kaniya at hinarap siya.

“Cheating? Ano, ‘yong pakikipag-usap ko lang na ganoon ay cheating na? Eh ano ang tawag mo roon sa ginawa mo sa garahe? ‘Wag mong sabihing ganoon ka magpahayag ng loyalty?” sarkastikong sagot ko sa kaniya.

“We are not yet official when I did that so it isn’t counted. Eh ikaw, nakikipaglandian ka sa kapatid ko habang tayo na, ayaw ko ng ganoon. Engaged na tayong dalawa at malapit na ring ikasal kaya naman hindi ka na dapat nag-i-entertain pa ng ibang lalaki, ako lang dapat.”

“Nakikipag-usap nga lang ako sa kapatid mo. At ang ibig sabihin mo ba ay hindi na ako pwedeng makipag-usap sa ibang lalaki dahil lang engaged na tayo at malapit ng ikasal? Ang unfair naman no’n!” sagot ko. “We are getting married pero it doesn’t mean that you will control my life. May kalayaan akong gawin ang gusto ko at wala namang malisya ang pakikipag-usap ko. Ikaw lang naman itong nag-iisip ng masama.”

‘Malandi ka kasi kaya lahat sa ‘yo ay may malisya!’ Gusto ko sanang idagdag iyon pero pinigilan ko ang sarili ko dahil baka mas lalong uminit ang ulo niya.

Huminga siya nang malalim at unti-unting kinalas ang butones ng kaniyang polo kaya naman nanlaki ang mga mata ko at agad na nailang. Hindi ko alam kung saan ko ibabaling ang ulo ko.

Mukhang nabasa niya ang pagka-ilang sa mukha ko dahil napansin ko ang pagtaas niya ng kilay at ang pag-angat ng gilid ng kaniyang labi. Hindi ako sigurado pero sa palagay ko ay sinadya niya talagang gawing mas sexy pa ang paraan ng pagkakalas niya ng butones.

“M-Mabuti pa ay sa s-susunod na lang tayo mag-usap,” Kinurot ko ang braso ko. “Pareho tayong g-galit…walang patutunguhan ang pag-uusap natin.”

Ngayon ay hantad na hantad na ang kaniyang dibdib at abs. Ramdam na ramdam ko ang pag-init ng pisngi ko. Dapat talaga ay umalis na ako rito pero hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko maigalaw ang mga paa ko.

“Really?” Ngumisi siya at tuluyang ng inalis ang pang-itaas na damit. “Paano kung sabihin kong ngayon ko gustong mag-usap, na ngayon natin dapat na ayusin ang problema nating dalawa. Alam mo namang hindi dapat pinapabukas ang problema, ‘di ba?”

Unti-unti siyang lumapit sa akin kaya naman unti-unti rin akong umaatras. Hindi ko alam kung alin ba ang mas mabuti, iyong galit siya kagaya kanina o iyong nang-aakit kagaya ngayon?

Hinuli niya ang kamay ko at nang makaramdam ako ng kakaibang kuryente nang maglapat ang balat naming dalawa ay agad kong binawi ang mga Ito.

“Bukas na lang tayo mag-usap, may gagawin pa pala ako ngayon!” Tinalikuran ko na siya at kumaripas ng takbo palabas ng kaniyang kwarto.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status