Napatingin si Sahara sa address na ibinigay sa kanya ni Aling Merly. Napakunot ang noo niya at napanguso.
"Medyo malayo-layo rin pala ito..."
Pero wala siyang pagpipilian. Kailangan niyang kumayod. Inayos niya ang bitbit na mga tahi, saka tinawag ang paborito niyang pedicab driver para dalhin siya sa sakayan ng cab. Gamit niya ang cab tuwing may malalayong delivery — isang bagay na pinag-iipunan niya rin para lang di mapagod si Daddy sa pag-aalala.
Pagkaupo sa loob ng cab, muling sinipat ni Sahara ang address.
"Buti na lang, kahit malayo, dagdag kita naman ‘to."
Habang nasa biyahe, napansin niyang unti-unting sumisikip ang dibdib niya. Pakiramdam niya kasi, bumababa na ang natitirang lakas niya. Pero pinilit niyang iwaksi ang pagod.
"Hindi pwede. Kailangan ko 'to matapos."
Matapos ang tatlumpung minutong biyahe, narating din niya ang destinasyon. Napataas ang kilay niya nang makita ang bahay — medyo may kalakihan ito.
"Mukhang may kaya rin ang mga ito..."
Bumaba siya ng cab, kinuha ang eco bag at ang bayong na may lamang tinahing mga uniporme, at nagtungo sa gate.
Dinampot niya ang doorbell at pinindot ito.
Hindi nagtagal, may lumabas na maid na mukhang nasa mid-30’s. Ngumiti ito sa kanya.
"Good afternoon po. Delivery po ng tinahing uniporme, galing po kay Aling Merly," magalang na sabi ni Sahara.
Pinapasok siya ng maid. "Pasok ka, iha. Kanina ka pa hinihintay ng Madam ko."
Medyo kinakabahan si Sahara habang pumapasok sa loob ng bahay. Malinis, elegante, pero hindi OA ang dekorasyon.
Ilang saglit pa, may lumabas na isang babae na mukhang nasa early 20’s — halos kaedad niya. May dalang tray ng juice, at mukhang masayahin.
"Ay! Ang bilis mo naman ate, akala namin bukas pa madedeliver 'yan," bungad nito.
Ngumiti si Sahara. "Maaga po kasi akong nag-umpisa ng paghatid."
Kasunod ng babae, isang mas matandang ginang ang lumapit — mukhang nasa mid-50’s. Mukha itong may-ari ng bahay.
"Ayan na pala. Maraming salamat, iha ha. Ang gaganda ng tahi, siguradong matutuwa ang mga nurse namin dito."
Napansin ni Sahara ang mga uniporme — puro pang-nurse nga ang mga pinatahi.
Narinig niyang bumubulong ang babaeng kaedad niya. "Naku, excited na kami! Kasi may bagong guwapong doktor na darating. Ewan ko ba, parang artista raw. Sa wakas makikita na namin siya bukas!"
Napangiti lang si Sahara, kahit medyo wala siya sa mood makinig sa tsismis.
"Doktor na naman... hindi ko naman yata kailangang makilala 'yon."
Matapos ibigay ang mga uniporme, nag-abot pa ng tip ang ginang. "O, iha, dagdag mo na 'to. Napakabait mong bata. Sana makapunta ka ulit sa susunod."
Nagpasalamat si Sahara nang buong puso. Malaki rin ang halaga ng binigay, sapat para makadagdag sa gamot ni Daddy.
Pagkalabas niya ng bahay, sumakay siya ng pedicab pauwi. Habang nasa biyahe, hindi maipinta ang ngiti sa kanyang mukha.
"Salamat naman... kahit papaano, may dagdag na pambiling gamot si Daddy."
Bagamat pagod, dama niya ang kakaibang gaan sa dibdib.
"Kailangan ko lang talagang magsikap pa. Kaya ko 'to."
Pauwi na sana si Sahara galing sa malaking bahay kung saan siya nag-deliver ng mga uniporme, nang maalala niyang kailangan pa niyang dumaan kina Aling Merly. Kailangang ipaalam na naihatid na niya ang mga tahi at maibalik ang bayong.
Mabilis siyang lumakad pabalik sa bahay ni Aling Merly. Pagkarating niya roon, nadatnan niyang abala pa rin ang matanda sa pag-aayos ng mga bagong tahi.
"Ay, Sahara! Nandiyan ka na. Kumusta? Naabot mo ba 'yung bahay nila?" bungad agad ni Aling Merly, habang pinupunasan ang pawis sa noo.
Ngumiti si Sahara, kahit medyo pagod. "Opo, Aling Merly. Na-deliver ko na po. Nagpasalamat po sila, binigyan pa nga po ako ng tip."
"Ay, buti naman. Maupo ka muna, iha. O, heto, mag-meryenda ka muna," sabay abot ng platong may suman at mainit na salabat.
Nagpasalamat si Sahara at naupo sa bangkito. Habang kinakain ang suman, naramdaman niyang unti-unting bumababa ang pagod na kanina pa niya pinipigilan.
Tahimik lang silang dalawa sandali, hanggang sa muling nagsalita si Aling Merly.
"Sahara... kumusta naman si Daddy mo? Kaya mo pa ba lahat 'tong pinagdadaanan mo?" tanong nito, puno ng pag-aalala sa tono.
Napabuntong-hininga si Sahara. "Kinakaya naman po, Aling Merly. Kahit mahirap... basta po may panggamot si Daddy, ayos lang po kahit pagod."
Tumango ang matanda. Kita sa mga mata nito ang awa at paghanga sa kasipagan ni Sahara.
"Alam mo, iha... hanga talaga ako sa 'yo. Ang dami mong ginagawa para sa tatay mo. Bata ka pa, pero ang tapang mo."
Hindi alam ni Sahara kung paano tutugon. Napayuko siya at bahagyang ngumiti. "Salamat po, Aling Merly. Kung wala rin po kayo at si Manang Rosa... ewan ko po kung paano kami makakaraos ni Daddy."
Ngumiti si Aling Merly at kinuha ang maliit na sobre mula sa drawer. Iniabot ito kay Sahara.
"O, iha... dagdag mo na 'yan sa pambili ng gamot. Alam ko namang kapos kayo ngayon."
Nanlaki ang mata ni Sahara. "Naku, Aling Merly! Huwag na po— sobra-sobra na po ang tulong ninyo sa akin."
"Hay, nako, iha... wag ka na mahiya. Basta kay Daddy mo 'yan. Hindi naman ako nalugi sa pagtulong sa mga gaya mong mababait at masipag."
Napaluha si Sahara, pinunasan niya agad ang mata bago pa man mapansin. "Maraming salamat po talaga, Aling Merly. Pangako po, babawi rin ako balang araw."
Tumango lang si Aling Merly, sabay tapik sa balikat ni Sahara. "Sige na, magpahinga ka na rin. Baka pagod ka na. Mag-umpisa ka pa bukas sa bagong trabaho mo."
"Opo po. Salamat po ulit."
Paglabas ni Sahara ng bahay ni Aling Merly, malalim siyang huminga. Habang naglalakad pauwi, napatingin siya sa paligid.
"Almost five years na rin kami rito..."
Dati, nasa malaking bahay sila. Noon ay maayos ang kanilang buhay — maganda ang bahay, kumpleto ang gamit. Pero dahil sa isang iglap, nawala ang lahat. Ang negosyo ni Daddy biglang bumagsak, halos lahat ng ari-arian naibenta para lang may panggastos sa ospital.
Ngayon, isang maliit na inuupahang bahay ang kanilang tahanan, sa simpleng komunidad kung saan rin nakatira si Manang Rosa.
"Pero kahit ganito na ang buhay namin, nagpapasalamat pa rin ako... basta kasama ko si Daddy, ayos na ako."
Mahigpit niyang hinawakan ang sobre sa kamay niya.
"Kailangan ko talagang magsikap... para kay Daddy."
Dumaan muna si Sahara sa maliit na bakery sa kanto bago umuwi.
Hindi siya sanay mag-almusal ng marami sa umaga, lalo na ngayon na kabado siya para sa unang araw ng trabaho.
Tinapay at kape lang ang binili niya — sapat na pampabusog habang inaayos ang mga dapat gawin.
Pagkatapos magbayad, maingat niyang isinilid sa bayong ang mga pinamili saka naglakad pauwi.
Pagdating niya sa bahay, nakita niyang nagpapahinga si Daddy sa lumang tumba-tumba sa may beranda. Nakatanaw ito sa mga ulap, wari’y malalim ang iniisip.
Napangiti si Sahara. Kahit mahina na ang katawan ni Daddy, lumalaban pa rin ito.
Si Manang Rosa naman ay abala sa pagdidilig ng mga halamang gulay sa maliit nilang bakuran.
“Magandang hapon po, Manang!” bati ni Sahara habang nilalapag ang bayong sa mesa.
Napalingon si Manang Rosa at ngumiti. “Ay, Sahara. Nakauwi ka na. Nagpahinga ka ba nang maayos?”
Tumango si Sahara. “Opo, Manang. Dumaan lang po ako sa bakery, bumili ng tinapay at kape.”
Napatingin siya sa mga tanim na pinapandilig ni Manang Rosa — may talbos ng kamote, pechay, sili, at ilang halamang pampalasa.
“Malaking tulong talaga itong mga tanim niyo, Manang. Hindi na tayo masyado bumibili sa palengke,” sabi ni Sahara habang pinapanood si Manang.
Ngumiti ang matanda. “Aba, oo. Kaya nga tinuruan din kita, para kahit papaano eh marunong ka rin. Tingnan mo nga, pati 'yang mga alagang manok natin, ikaw na rin marunong mag-alaga.”
Napangiti si Sahara, naalala ang sarili noong bagong lipat sila rito. Noon ay hindi siya marunong magtanim, ni mag-alaga ng kahit anong hayop. Pero sa tulong ni Manang Rosa, unti-unti siyang natuto.
“Salamat talaga, Manang. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ko rin po siguro matutunan ‘to.”
“Naku, iha. Ganyan talaga. Dapat marunong tayong mag-adjust sa buhay. Mas importante, matibay ang loob natin. Lalo ka na— ikaw ang sandigan ni Daddy mo ngayon.”
Napatingin si Sahara sa ama niya, bahagyang nakapikit at tila nagpapahinga pa.
"Kailangan ko talagang maging matatag para sa kanya..." bulong niya sa sarili.
Lumapit siya sa loob, naghanda ng simpleng meryenda para sa kanila. Alam niyang mahaba pa ang araw — at mas mahaba pa ang laban na kakaharapin niya.