Share

Chapter 14

“Dustine!” Malakas na napasigaw si Deroi ng makita ang kalagayan nito. Kahit nahihirapan, ay pinilit nitong makatayo at makalapit kay dustine. Napamulagat nalang sya ng makita ang pinsala na dulot ng pagkakatilapon nito at pagkahampas ng malakas sa puno.

Dahan-dahan nya itong inangat sa kanyang hita, nagsilapitan naman agad ang iba ng masigurong patay na ang halimaw.

“Dustine, anong nangyayari Deroi?” Nanginginig na tanong ni Xinniang.

“Nahampas sya ng malakas sa puno, tingin ko ay nabalian sya,” Nagulat sila ng mapaubo ito ng napakadaming dugo. Agad na nataranta silang lahat.

“Dustine, Dustine pakiusap lumaban ka, wag mo naman kaming iwan, pakiusap,” Natatarantang hinawakan ni Xinniang ang kamay ni Dustine.

Biglang sumagi sa isip ni Artemis ang mga boteng ibinigay ni Lola Belinda, agad nyang kinuha ang isa at lumapit kay Dustine. Agad ng pinatak nya sa bibig nito ang laman ng bote, sa gulat nila ay biglang umilaw ng nakakasilaw, nakita nalang nilang wala ng sugat si Dustine at tila himalang bumangon na parang walang nangyari.

Nanlalaki ang kanilang mga mata sa nasaksihan, ngunit kaakibat nito ang tuwa sa kanilang mga puso. Pagkatapos makapagpahinga, lumingon sila sa kung saan ang mga halimaw nakahandusay, ngunit sa kanilang takot at pagkabigla, ay wala na roon ang mga halimaw. Biglang may kumislap na itim na mga bato, syam na mga bato ang kanilang nakita, eksakto sa kanilang bilang. Isa-isa silang kumuha, para itong kristal na itim, kumikislap sa liwanag ng sinag ng buwan sa kalangitan. May mga nakaukit na pangalan ng bawat isa.

Itinago nila ito ng maigi, batid nilang may paggagamitan sila ng bagay na iyon sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Tahimik at maingat nilang muling binagtas ang masukal na daan patungo sa lugar ng mga halimaw. Dala-dala ang pag-asang mapagtatagumpayan nila ang kanilang misyon. Sinundan nila ang mga daan na walang marka na pula, at kasalukuyan silang nasa ikatlong tuldok na ng mapa. Huminto si Artemis na kasalukuyang nangunguna sa paglalakad.

“Magpahinga na muna tayo rito, kailangan natin ng panibagong lakas. Hindi natin alam kung anong uri ng panganib ang naghihintay sa atin sa pang-apat na daan, hindi sya nakamarka ng pula ngunit nakamarka naman ng asul!” Agad namang sumang-ayon ang lahat. Pagod na pagod narin sila sa kakalakad, idagdag pa na maraming sugat at pinsala sa kanilang katawan mula sa laban kani-kanina lang, kaya agad na silang nag-ayos ng pahingahan.

Pinagkasya nalamang nila ang kakarampot na baon na kanilang dala, dagdag pa na gutom na sila dahil kagabi pa sila naglalakad sa gubat ng kumakalam ang sikmura.

Lumapit si Artemis kay Xinniang na kasalukuyang nagpupunas ng kanyang espada. Binigyan nya ito ng tinapay na agad naman nitong tinanggap at ngumiti ng bahagya.

“Salamat, upo ka!” Alok naman nito. Agad namang tumabi si Artemis kay Xinniang. Nasa may kataasan silang bahagi ng natumbang puno kaya tanaw nila ang paligid, maging ang kanilang mga kasamahan na ngayon ay nakapalibot sa apoy habang masayang nag-uusap ay natatanaw din nila.

“Ayos kalang ba?” Panimula naman ni Arremis habang nananatili ang mga mata sa baba.

“Oo, ayos lang, nalulungkot lang ako dahil nabawasan tayo, ngunit kahit papaano ay ayos narin dahil alam kong buhay sila. Natatakot ako para sa mga kasamahan ko, ngunit hanggat nakikita ko ang mga ngiti sa labi nila ay gumagaan ang kalooban ko, ikaw, ayos ka lamang ba? Hindi ka ba nasaktan?”

Umiling naman agad si Artemis, hanggang ngayon ay hindi nya parin nakakalimutan ang ilusyong ipinakita sa kanya ng pangatlong tagapagbantay. Nawalan sya ng pagkakataong itanong kay lola Belinda ang sitwasyon, at ayaw nya ring makaapekto ito sa kanyang interest na ipagpatuloy ang kanyang nasimulang misyon. Sa ngayon, ay sasarilinin nya nalang muna ang kanyang suliranin.

“Ayos lamang ako Xinniang, kayo ang nagpapalakas ng loob ko, kaya hanggat ayos kayo ay ayos lamang ako,” Mahinang sambit nito.

Tumingala si Xinniang at nakita ang dalawang naglalakihang buwan na ngayon ay nagsisilbing tanglaw sa napakatahimik na lugar na kanilang kinalalagyan. Napakaganda nitong tingnan.

“Napakaganda!” Hindi napigilang masambit ni Xinniang habang nakangiti at nakatingala sa buwan.

“Oo nga, ang ganda!” Sagot naman ni Artemis habang nakatitig ang mga mata kay Xinniang. Sa oras na yun, batid na nya sa kanyang sarili kung sino ang tinutukoy ng kanyang ina, ang babaeng kanyang nais na makasama at maprotektahan sa hinaharap.

Biglang namula ang mukha ni Xinniang ng mapatingin kay Artemis, nakatitig ito sa kanya ng mariin, nangungisap ang malamlam nitong kulang asul na mga mata. Bahagyang nililipad ng mabining hangin ang mahabang puting buhok nito, ang matangos nitong ilong at madepinang panga, at ang mapupulang labi nito na bahagyang nakaawang. Ipinikit nya ang kanyang mga mata at ipinilig ang kanyang ulo upang tanggalin ang mga kakaibang bagay na tumatakbo sa kanyang isipan.

Nagulat sya ng hawakan ni Arremis ang kanyang mga kamay, isinuot nito sa kanya ang pulseras na katulad ng kwentas nito.

“Xinniang, ingatan mo to, nais kong sayo ihandog ang bagay na ito, pangako, mula ngayon ay poprotektahan kita sa abot ng aking makakaya,” Kahit na pulang-pula na ang kanyang pisngi ay tumango na lamang sya. Kahit na naguguluhan ay minabuti na lamang nyang isantabi. Maya-maya, ay napatayo silang lahat ng makarinig ng sunod-sunod na kaluskos. Agad na pinatay nina Deroi ang apoy at binuhusan ng tubig. Agad silang nagtago sa ibabaw ng mga puno at inihanda ang mga sandata.

Maya-maya lang ay nagulat sila, sunod-sunod na nagsidatingan ang mga nakamaskarang nilalang, nakasuot ng itim na kapa at may mga malalaking sungay pa a kanilang mga noo. Nakausli ang mga malalaking pangil sa kanilang bibig at ang kanilang mga kuko ay matutulis. Nasa labin-lima ang bilang ng mga ito at inaamoy-amoy ang hangin. Tila mga alagad ito ng demonyo, naamoy nila ang sariwang dugo ng mga tao, kaya madali silang napasugod dito.

Nakita nilang kakapatay lang ng apoy, biglang naalerto ang mga ito.

“Heto bi abok bitre sula!" Maya-maya lang ay sumigaw bigla ang nagsisilbing pinuno ng mga ito. Tila nag-uusap ang mga ito gamit ang kanilang sariling lengwahe.

“Bitro tulka bida hikoli,” Sagot naman ng isa.

Pigil ang kanilang hininga at pilit isinisiksik ang mga sarili sa ibabaw ng puno.

Paikot-ikot ang mga ito at pilit parin silang hinahanap. Ngunit nabulabog ang lahat ng biglang...

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status