Share

Chapter 3

Janine POV

         Pagkarating ko, galing trabaho napansin ko na tila malalim ang iniisip ni Rigor, kaya hindi na ako nagdalawang isip na tanungin siya kung anong nangyari.

        "Mahal, may problema ka ba?” tila nagulat pa siya nang magsalita ako. Matagal siya bago nakasagot, nakita ko ang pagbuntong hininga niya.

         "Mahal?” muling tawag ko. Bakas na bakas sa mukha nito ang pag-iisip.

"May problema sa bahay." walang buhay nitong sagot.

"Bakit? Anong problema sa inyo?" nag-aalalang tanong ko.

"Pina-check up ni mama si papa, masama daw kasi ang pakiramdam ni papa."

"Ganun. Anong sabi ng doctor?" 

"Kailangan daw i-confine si papa." Natigilan ako at nalungkot sa narinig kay Rigor, hindi man niya sabihin alam ko na namomroblema siya sa financial.

     Tiningnan niya ako at nginitian, alam kong pilit na ngiti iyon dahil pinipilit niya na hindi ipadama sa akin ang nararamdaman niya.

     Umupo ako sa tabi niya, hinawakan ko ang kanyang kamay ay ipinatong sa ibabaw ng aking mga hita. Doon niya ipinirmi ang kanyang tingin.

     "Bakit hindi mo muna galawin ang naipon mo." aniya ko.

      Kumunot ang noo nito. Tila hindi sang-ayon sa sinabi ko. 

      "Huwag kang mag-alala. Kung sakaling magkulang iyon. Tutulungan kita."

      Binalingan niya ako ng tingin.

"Pero para sa atin iyon at saka hindi mo responsibilad iyon." May diin nitong sabi.

Umiling ako at ngumiti.

"Pero ayokong pati ikaw ay sasagot sa gastusin ng pamilya ko."

     "Walang problema iyon sa akin, makapaghihintay ako hanggang sa makaipon ka na ulit. Ang mahalaga ay maipagamot mo ang papa mo. Tandaan mo kailangan natin magtulungan sa oras na ganito"

     Tiningnan niya muli ako nang may pag-aalinlangan. Tumango ako at muli siyang nginitian. 

      Naramdaman ko ang pagtaas ng kamay nitong nakapatong sa aking hita. Tila papunta iyon sa kung saan. Tiningnang ko siya ng masama. Pigil itong ngumiti dahil sa naging reaksyon ko. 

      Napailing na lang ako sa inasal nito. Nakuha pa niya gawin iyon sa ganoong sitwasyon.

**

     Katulad ng sinabi ko ginawa iyon ni Rigor, kinuha niya ang lahat ng naipon niya, na para sa future namin. Nakaipon siya nang halagang thirty thousand, ngunit nagkulang pa iyon nang limang libo, na siyang pambayad ng bill sa hospital. Kaya naman nabawasan ko rin ang naipon ko. Noong una ay ayaw pang pumayag ni Rigor na tanggapin ang pera, mag-aadvance na lamang daw ito sa kanyang pinapasukan trabaho tutal ay ilang linggo na rin ang nakalipas mula ng mag-umpisa siya. Ngunit hindi ako pumayag kaya naman napilitan na rin niyang kunin sa akin.

      Sa awa ng diyos ay nakalabas at naging maayos muli ang lagay ng papa ni Rigor, bagay na ikinatutuwa ko. Kahit na nabawasan o nawala man ang nakahanda para sa kinabukasan namin ay ayos lang basta marinig ko na magaling na ang ama niya at maibsan na rin ang pag-iisip o pag-aalala ni Rigor na bumabagabag sa kanya.

     **

     Alas-syete na ng gabi nang makarating ako sa inuupahan naming bahay. Nagtaka ako nang makita kong bukas na ang ilaw, ang alam ko ay alas-otso pa ang uwi ni Rigor sa trabaho.

     Pagbukas ko nang pinto ay nakita ko na agad si Rigor, sa isang sulok na tulala at bakas ang pag-iyak. Nanlaki ang mga mata ko. Nagmamadali ko siyang nilapitan, hindi ko na naibaba pa ang bag ko dahil sa pag-aalala ko.

     "Anong nangyari?" gulat kong tanong.

He looked at me. Sadness clouded his features.

 "Wala na si papa." Tears filled their eyes. Nahirapan siyang banggitin iyon.

     Ang kabog ng dibdib ko ay mas lalong nadagdagan ng marinig ang sinabi ni Rigor. Tuluyan ng humagulhol si Rigor, ang tila iniipon niyang luha kanina ay hindi na niya napigilan ilabas ng makita ako. Niyakap ko siya ng mahigpit at inalo. At pilit pinapagaan ang pakiramdam niya. Kahit na, ako man ay nahihirapan din na pigilang ang aking mga luha. Hindi ko dapat ipakita na umiiyak ako. Wala siyang mapagkukuhanan ng lakas ng loob kung hindi ako, kaya kailangan kong maging matatag para sa kanya.

      Kinabukasan ay umuwi ito sa probinsya nila sa Nueva Ecija. Naiwan akong mag-isa sa inuupahan naming bahay. Gustuhin ko man na sumama sa kanya ay hindi maari. Tiyak na malalaman ng mga magulang ko ang mga pangyayari kaya minabuti ko na lamang na magpaiwan, bagay na naiintindihan ni Rigor. Ipina-abot ko na lamang sa mama niya ang pakikiramay ko. Nag-abot rin ako ng kaunting tulong financial. Ayaw  tanggapin iyon ni Rigor, ngunit ipinilit ko pa rin. Iyon lang ang kaya kong itulong sa kanya dahil wala ako sa tabi niya.

      Sayang at hindi ko man lang nakilala ang ama niya. Nalaman ko nalang kay Rigor na ang papa niya ang nagmessage sa akin na nangungumusta at nagpapasalamat ang buong akala ko ay ang mama iyon ni Rigor. Sa maikling panahon ay nakausap ko si tito Ronie kahit sa text man lang.

      Lumipas ang dalawang linggo ay bumalik na si Rigor. Katulad ng ibang nawalan ng mahal sa buhay, pinipilit ni Rigor na maging maayos muli ang takbo ng kanyang buhay kahit wala na ang kanyang ama.  

      Lumipas pa ang mga buwan at unti-unti ng bumabalik ang dating sigla ni Rigor. Natutuwa ako at nalampasan niya iyon. Hindi madali ang mawalan ng mahal sa buhay. Ngunit kinakaya iyon ni Rigor. Muling nagsimulang mag-ipon si Rigor, sa akin na niya ibinibigay ang kanyang sahod. Sa totoo lang ay nag-aalangan ako na tanggapin iyon. Ngunit sinabi nito na ako na lamang daw ang magtabi noon. Sinunod ko ang sinabi niya. Itinatabi ko ang bawat bigay niya, bumabawas lamang ito ng kanyang gastusin at ibinibigay na lahat sa akin ang natitira sa sahod nito.

       Sobra akong natutuwa dahil hindi pa man kami tunay na mag-asawa ay ginagawa na niya ang gawain ng isang responsableng asawa.

     Nagsipag pa siyang mabuti sa kanyang trabaho para mas lalong makaipon muli.

"Mahal" malambing na tawag sa akin ni Rigor.

Tiningala ko ito, kasalukuyan kaming nakahiga ng mga oras na iyon at nagpapa-antok.

"Bakit?”

"Pumunta tayo sa darating na linggo sa inyo. Gusto kong magpakilala sa mga magulang mo." 

Napabaligwas ako ng bangon. Bahagya akong natigilan ay tinitigan siya ng hindi kapani-paniwala.

     "Seryoso ka ba dyan?”kinakabahan kong tanong.

      Ngumiti ito at tumango. 

"Gusto ko rin ipaalam sa kanila na nagsasama na tayo." dagdag pa nito. Mariin akong napapikit, paano ko iyon gagawin, iyon na nga lang na ipakilala ko siya ay kinakabahan na ako kung anong magiging reaksyon nila, iyon pa kayang sabihin na nagsasama na kami sa iisang bubong ng hindi pa kasal. Tiyak na hindi kaaya-aya ang sasabihin sa kanya nina tatay kapag nalaman iyon. 

      Marahan niya akong hinila ay ipinatong ang aking ulo sa kanyang dibdib. Naririnig ko ang mabilis na tibok ng kanyang puso.

      Hinaplos niya ang buhok ko. 

"Pasensya ka na gusto ko lang kasi na maging legal tayo sa inyo. Ayaw ko kasing si mama lang ang may alam ng pagsasama natin." Tama naman siya siguro nga ay panahon na rin na ipaalam ko rin sa pamilya ko. Bahala na kung ano ang magiging reaksyon nila.

      Pumayag ako sa gusto ni Rigor kahit na noong gabing iyon ay hindi ako makatulog dahil sa kaiisip. Tila parang bulkan ang puso ko na walang oras ang pagsabog dahil sa kaba.

      Dumating ang araw ng linggo umuwi kami sa amin sa Batangas kasama si Rigor. Nababa pa lang kami sa jeep ay nakatingin na agad ang maraming mata sa amin. Ngunit hindi ko iyon pinansin. Mabilis kong tinungo ang gate ng bahay namin, para makaiwas sa mapanirang tingin ng mga tao.

      "Tuloy kayo." saad ni nanay. Tumingin ito kay Rigor bago inilipat ang tingin sa akin. Kahit hindi siya nagsasalita ay alam ko na ang nasa isip niya. Alam na niya na kasintahan ko si Rigor base sa titig nito. Sinulyapan nito si tatay na walang imik.

      Nagmano si Rigor kay nanay bago kay tatay.

"Maghain ka muna." suysoy ni tatay kay nanay.

Naghain kaagad si nanay. Sakto ang dating namin oras ng tanghalian kaya sabay-sabay na kaming kumain. 

       Pagkatapos ng pananghalin ay namahinga kami sa upuan sa ilalim ng punong kahoy sa gilid ng aming bahay. Simula kanina ay hindi na ako nakapagsalita at walang humpay pa rin ang bilis ng tibok ng aking puso. Samantala si Rigor ang malimit magsalita at kumausap kay tatay. Nagsimulang magkwento si tatay kay Rigor. Unti-unting nabawasan ang kaba ko ng makitang tila maayos ang pag-uusap nila.

       Nagpasya akong pumasok muna sa loob. Nabungaran ko naman si nanay pagpasok ko. 

"Gaano na kayo katagal ng boyfriend mong yan.?” tanong agad ni nanay.

"Isang taon at kalahati na po." may kaba ko pa rin sagot.

"Nanay"

Tawag ko dito.

"May sasabihin po ako."

"Bakit buntis ka?” hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. Nagulat ako sa tanong na iyon ni nanay. 

        Kaagad akong umiling.

"Hindi po ang totoo. Nagsasama na kami sa iisang bahay." Nilakasan ko na ang loob kong sabihin iyon kay nanay kahit na nag-aalangan akong sabihin. Ngunit mas mabuti na rin iyon. Nakaramdam ako ng luwag sa dibdib ng masabi ko iyon. Ngunit nakita ko naman ang tila pag-iba ng awra ng kanyang mukha.

       Hindi kaagad ito nagsalita. 

"Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ng ama mo, kapag nalaman iyon. Alam mo naman na isa iyon sa kinaaayawan niya." Alam ko naman iyon, pero sana maunawaan niya.

Bumalik ako sa puwesto nina tatay ng matapos ang pag-uusap namin ni nanay. Sumunod sa akin si nanay. Sinabi nito na siya ang magbubukas kay tatay.

       "May sasabihin daw ang mga yan sayo." panimula ni nanay.

       Biglang nag-iba ang tingin ni tatay sa amin naging seryoso ang mukha nito.

Umupo ako sa tabi ni Rigor.

       "Tay ang totoo po ay sasabihin rin namin sa inyo na nagsasama na po kami sa iisang bubong ni Janine." 

        Hindi man lang nagulat si tatay sa sinabi ni Rigor. Ngunit alam ko na hindi niya nagustuhan ang narinig niya.

       "Karaniwan na lang ang ganyan bagay sa panahon ngayon." Iyon lang ang tanging sinabi ni tatay. Ngunit hindi niya pinagtuunan ng pansin ang nalaman.

Bagkus ay nagkunwari itong tila balewala iyon. Maghapon lamang ang inilagi namin sa bahay at bumalik na kaagad kami ng Cavite. Wala nang ibang nasabi si tatay sa amin. Hanggang sa pag-alis namin ay hindi na niya binuksan ang usaping iyon. Tuloy lang siya sa pagkukwento kay Rigor ng mga karanasan niya.

     "Kinabahan ka ba?" tanong ko kay Rigor ng nasa byahe na kami.

      "Sobra" natatawang sagot nito.

Talaga? parang hindi naman ito kinabahan.

Tinanong niya ako kung anong naging sabi ni nanay. Isinalaysay ko iyon sa kanya at sinabing alam kong hindi man nila sabihin ay hindi ang mga ito sang-ayon.

      "Hayaan muna. Ang importante alam na nila ang sa atin saka sinabi ko naman sa tatay mo na nag-iipon pa lang ako para sa pagpapakasal natin." 

      "Sinabi mo iyon." Tumango ito.

Hindi ko akalain na binuksan niya ang bagay na iyon kay tatay.

      Kinagabihan ay tumawag sa akin si nanay, tinatanong nito kung maayos kaming nakarating ng bahay. 

      "Mabuti naman kung ganoon. Sya nga pala napag-usapan namin ng tatay mo iyong tungkol sa pagsasama niyo. Sinabi niya na ayaw niya lang daw magsalita pero hindi siya sang-ayon." Iyon lang ang tanging sinabi ni nanay. Alam ko naman talaga na hindi sila sang-ayon, pero sana man lang maintindihan nila kami. Darating din naman ang panahon na magpapakasal kami iyon nga lang ay hindi pa sa ngayon siguro ay magtatagal pa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status