Share

Chapter 3: Someone Who Knows You

Yuhan Go, marinig ko pa lang ang pangalan niya ay napapabuntong hininga na ako. Halos lahat kasi ng boys sa school namin ay marunong sa basketball at maaasahan sa anumang palaro. Pero kahit na matangkad siya ay mapapapikit ka na lang dahil hindi niya magawang i-shoot ang bola. Hindi marunong magdribble at mas lalong mahina sa depensa. Matangkad si Yuhan ngunit sinabayan naman ito ng pagkapayat niya. Kumpara sa tropa ko ay hindi mapapansin ang kurba sa braso niya –mas malaki pa nga yata ang mga muscles ko kay Yuhan. Tahimik din siya at saka mailap. May kaibigan naman siyang tinatawag na Anthony pero mahilig umabsent kaya madalas kong nakikita si Yuhan na mag-isa.

Kahit hindi ko kaklase si Yuhan ay kabisado ko na ang ugali niya. Ayaw niya ng chicken wings at ayaw niya rin ng green peas. May mga pagkakataon ding inaalis niya ang mga carrot at bell pepper sa plato niya. Hindi naman nawawala ang suka bilang sawsawan sa kainan niya. Hindi siya mahilig sa juice at soda kaya tubig lang ang hinihingi niya. Naglalakad lang siya pauwi at pareho kami ng routa na dinaraanan. Sa tindahan ni Tiya Madel ko siya madalas na nakikita tuwing weekend. Mahilig siya sa ice cream at doon niya lang ito kinakain. Mahilig din siyang magpractice sa paggamit ng musical instruments. Matalino siya kaya palaging siyang nasa Class A. Siguro kung hindi ako late enrollee ay naging kaklase ko pa siya at baka naging matalik pa kaming magkaibigan.

Marami akong alam tungkol kay Yuhan pero hindi nito ibig sabihin na may gusto ako sa kaniya. Palagi ko lang talaga siyang napapansin kasi hindi ako mahilig tumambay sa classroom namin. Malapit ako sa bintana kaya natatanaw ko siya mula sa pwesto ko. Nakaupo rin siya malapit sa bintana pero wala pa akong naalala na nagtagpo ang mga mata namin. Ilang metro lang din ang pagitan ng mga bahay namin pero kahit nga siguro ang presensya ko ay wala pa rin siyang kamalay-malay –sino ba naman kasi ako para mapansin ni Yuhan?

Natatawa ako sa sinulat ko sa journal. Masyado bang espesyal para sa akin si Yuhan at nakasulat pa ako ng entry na tungkol lamang sa kaniya?

Inaakala ko dati na siya na ang pinakamagaling. Pero may kahinaan din pala si Yuhan. Matapos ang football incident na iyon ay mas napapansin ko na ang mga kaunting kahinaan niya. Habang mas lumalalim ang paghanga ng mga babae kay Yuhan ay mas nagiging malinaw naman ang mga mata ko sa tuwing tinitingnan ang bawat kilos niya.

Malapit sa bintana ang upuan niya dahil sa tuwing nababagot siya sa lesson ay madali lang siyang makatitingin sa labas ng bintana. Hindi masyadong natatamaan ng hangin mula sa electric fan ang pwesto ni Yuhan kaya pinili niya ito upang maiwasan ang alikabok mula sa electric fan.

Habang nakatitig ako sa kaniya mula sa bintana ay lumapit sa akin si Ian.

"Nasaan ang science notebook mo?" tanong niya at binuksan ang bag ko. Hinahayaan ko lang siyang magbukas ng bag ko at maghanap ng kailangan niya dahil malapit na siya sa akin. Nakita niya ang green notebook. Kinuha niya ito at nagsimulang magsulat. "Ako na magsusulat. Mukhang busy ka sa Yuhan mo eh," sabi niya kaya tinaasan ko na lang siya ng kilay. "Hayaan mo na ako. Bored ako," bigla niyang pagmood-swing at nagmaktol kahit wala naman akong sinabi. Tumango ako kaya sumigla na naman siya.

"May meeting pala ang lahat ng faculty pero hindi naman tayo pwedeng umuwi. Magself-study na lang daw tayo rito," sabi ng isa sa mga class officer na si Rica.

"Walang seatwork?" paninigurado ng kaklase kong nakaupo sa harapan.

"Wala naman," tugon ni Rica. Marami sa mga kaklase ko ang natuwa pero kinalaunan ay nabagot din.

Nagsimula na silang nagkumpulan sa pag-uusap habang ang iba ay naglalaro sa mga mobile phones nila. Patuloy pa rin sa pagsusulat si Ian kaya tumayo na lang ako upang makabili ng juice. Habang naglalakad ako patungo sa vending machine ay nakita ko si Yuhan na dala-dala ang isang paperbag. Nagpatuloy lang ako at hinintay siyang matapos.

"Salamat nga pala sa pagpapahiram sa akin ng jacket at sa pagtulong sa akin," sabi niya at inabot pareho ang paperbag at juice.

Ngumiti ako at tinanggap ito. Nasa loob ng paperbag ang jacket. Ilalagay ko na sana ang straw sa juice pero kinuha niya ito at tinusok ang straw sa pack.

"Salamat," sambit ko sabay inom sa juice.

"I'll go ahead, Amber," sabi niya at kumaway nang kaunti. Alam niya pala pangalan ko –I smiled for this thought.

Sa sobrang tuwa ko ay naisipan kong bumili rin ng juice para kay Ian. Bumalik ako sa classroom at nakita siyang nagsusulat pa rin. Lumapit ako sa kaniya at binigay ang juice.

"Ay si Ian lang binilhan, paano naman ako?" pagtatampo ni Cheska habang nakatingin sa amin.

"Sweldo yan para sa alipin," I replied with a smirk.

"Alipin ka diyan," Ian retorted and hit my forehead with the highlighter.

Tumatawa ako habang hina-highlight ni Ian ang mga nasulat niya. Mas maganda pa ang penmanship ni Ian kumpara sa akin. Malinis din siyang magsulat at attractive ang font. May mga icons pa siyang ginuguhit katulad ng charts, papers, stacked books, at cameras. Ang cute tingnan. Hindi ko na inabala pa si Ian. Dumungaw ako sa bintana at napansin kong may katabi na si Yuhan. Pumasok na pala si Anthony.

Si Anthony ang napapansing kong malapit na kaklase kay Yuhan. He's stout and shorter than Yuhan. He has brown curly hair. He wears eyeglasses and skyblue watch. Kung hindi ako nagkakamali ay minsan nang nakalaro ni Ian si Anthony sa computer games.

"Ian," tawag ko sa kaibigan ko. "Nakalaro mo na ba si Anthony sa internet café?"

"Oo, recoinaissance leader nga siya sa team namin," tugon niya kaagad.

"So maglalaro kayo pagkatapos ng school?"

"Hindi siya sasama. Pumunta lang siya ngayon sa school upang asikasuhin ang pagtransfer niya," mukhang mas marami pang nalalaman si Ian sa Class A kumpara sa akin.

"Talaga? Paano na si Yuhan?" mahinang sambit ko kaya hindi niya ito narinig. Wala na nga siyang masyadong kaibigan ay lilipat pa talaga sa ibang school si Anthony. Siguro naman na kahit introvert si Yuhan ay mag-aalala siya na wala siyang kaibigan.

"Gusto mong maglaro? Tuturuan kita," alok naman ni Ian dahil binanggit ko ang computer games. Bago pa man siya makapagsimulang magsalita tungkol sa kung ano ang nilalaro niya at kung anong rank na siya ay ngumiti na ako at tinuro ang notebook ko. It's not good when I cause him to speak about computer games. He knows technical terms and would not even consider the extent of my knowledge about games. "Oo na, tatapusin ko na 'to."

Kinuha ko ang jacket mula sa paper bag. May napansin akong card sa loob ng bag at tiningnan ang laman nito. Walang nakasulat. Baka nakalimutan lang ni Yuhan na kunin ito mula sa bag. Ibibigay ko na lang ito sa kaniya mamaya. Tumingin ako sa labas at nakita si Yuhan na nakatingin sa akin mula sa bintana. Ngumiti ako kaya bahagya siyang napaatras mula sa bintana. Hindi siya gumanti ng ngiti at yumuko lamang sa desk niya. 

If he had done it to other people, then they would think that he is rude. But I know that he has his pure heart, only a little embarrassed to look at me. After all, it takes time to get close to him.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status