Share

Kabanata (2)

Zyren's Point of View

Nandito kami ngayon sa bahay nina Ozu at Crystal dahil sini-celebrate namin ngayon ang birthday ng twins nila. Lahat kaming mga king kompleto ngayon, pati mga asawa namin.

"Darren," Napatingin kami kay Ozu nang tawagin niya si Darren. "malalim mga pagtingin mo kay Sophia?" Tanong niya.

Napatingin kaming lahat ngayon sa kinaroroonan nina Sophia, Ehdrey, Jamie at Crystal habang nilalaro nila ang mga anak nina Ezikiel at Ozu. Samantala magkakatabi naman kami ng mga king at nag-iinuman.

"Bakit hindi mo pa sabihin sa kanya kung kailan ang flight mo?" Suhesyon ko.

Tumikhim naman ng alak si Darren bago siya sumagot. "I have nothing to say." Sabi niya at muling sinulyapan si Sophia.

"Mas maganda kung sabihin mo na sa kanya ang totoo kaysa nahihirapan ka ng ganyan. Malamang nakakahalata na rin si Sophia sa mga ikinikilos mo." Turan naman ni Ezikiel.

Nakatingin lang kami ngayon kay Darren pero tahimik lang siyang nakatingin sa hawak niyang alak. "Pinahihirapan mo ang sarili mo, Darren." Sabi pa ni Ozu. Uminom ito ng alak gano'n din si Ezikiel.

"Bakit hindi mo siya isama? Ayaw mong magkahiwalay kayo 'di ba? Sigurado rin na ayaw mangyari 'yon ni Sophia." Ani Ezikiel.

Napangisi muna si Darren bago siya magsalita. "Naisip ko na lahat ng 'yan pero—hindi puwede. Alam ninyong hindi alam ni Mommy ang tungkol sa amin ni Sophia. Kilala n’yo si Mommy, hindi niya gusto ang mga tulad ni Sophia."

Napainom ako ng alak matapos niyang ikuwento 'yon. Napailing na rin ako. "Kung gano'n, para saan pa at minahal mo siya? Bakit hindi mo siya magawang ipaglaban? Dalawang taon na kayong nagsasama pero hindi mo pa rin siya magawang ipakilala sa Mommy mo." Napatitig sa akin si Darren matapos ko iyong sabihin.

"Hon, pakihawak nga sandali si Jairel." Lumapit sa kinaroroonan namin si Jamie kaya napahinto kami sa pag-uusap ng mga king. Lalo na at sumunod na rin rito sina Crystal, Sophia at Ehdrey.

Kinuha ni Ezikiel ang anak niya kay Jamie samantala tumayo naman si Ozu. "Nga pala, matutulog na kami ni Crystal. Inaantok na ang mga bata saka malalim na rin ang gabi. Huwag na kayong umuwi dahil pinaghanda namin kayo ng mga kuwarto n’yo kaya rito na kayo matulog." Turan ni Ozu.

"Mauuna na rin ako ro'n." Biglang sabi ni Ehdrey kaya napatingin ang lahat sa akin. Nagkatampuhan nga pala kami kanina ng asawa ko kaya umiwas ako ng tingin sa kanya.

"Pupunta na rin ako sa guest room, Crystal." Dagdag pa ni Sophia kay Crystal kaya mas naging awkward ang paligid.

Halata naman na siguro nila na may tampuhan sa pagitan namin ni Ehdrey at ako, si Darren naman at si Sophia. Sandali pa kaming nagkatinginan sa isa't-isa hanggang sa napagpasyahan ko ng tumayo at nilapitan ko si Ehdrey. "Let's talk, Babe." Hinila ko na siya paalis do'n.

Sophia's Point of View

Mabuti pa si Zyren naisipan niyang kausapin si Ehdrey, samantala si Darren hindi man lang ako magawang kausapin. Nakatingin lang ako sa dalawa habang tinutungo ang guest room.

Napalalim tuloy ako ng hininga. "Iwanan n’yo na kami rito ni Sophia." Napatitig ako kay Darren matapos niyang sabihin 'yon kaya umalis na rin sina Jamie, Ezikiel, Crystal at Ozu.

Hindi na ako umalis sa puwesto ko. Nananatili lang akong nakatayo rito. Yumuko lang ako samantala siya uminom ng alak. Tumayo rin siya pero pumunta siya sa likuran ko. Pinakikiramdaman ko lang siya.

"Gusto na ng Mommy ko na umuwi na ako sa Canada. Wala raw kasing mag-aasikaso ng business namin do'n na nalulugi kaya gusto niyang manirahan na ako ro'n kasama siya. Nakahanda na ang flight ko sa susunod na buwan. Matagal kong pinag-isipan 'to pero dahil sa 'yo—"

"Ituloy mo ang nararapat, Darren." Pinutol ko ang sinasabi niya. Palihim akong nangangatal ngayon dahil sa mga nalaman ko. Pilit kong kinakalma ang sarili ko na huwag umiyak sa harapan niya dahil ayokong kaawaan niya ako. Ayokong mag-away sila ng mommy niya at ako ang maging dahilan no'n.

Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Para akong naging bato. Sa tinagal tagal naming nagsasama hindi ko alam na may nanay pa pala siya—na mayroon pa siyang uuwian na pamilya. Ayokong manghimasok sa buhay niya kaya nga hindi ko naman naisipan na tanungin siya dati tungkol sa pamilya niya. Gusto ko kasi siya iyong unang magkukusa na magkuwento sa akin tungkol doon.

Pero naging mahina ako. Hindi ko pala kaya na hindi umiyak sa harapan niya. Agad ko siyang nilapitan. "Napakaduwag mo Beb!" Utas ko sa kanya. Sapat lang na siya ang makarinig non. "Bakit nagdedesisyon ka ng para sa sarili mo lang? Bakit hindi mo pinaalam sa akin ang tungkol dito? Bakit ngayon lang? Dahil ano? Natatakot kang mamili sa pagitan namin ng Mommy mo? Natatakot kang harapin ako kaya iniiwasan mo ako?"

Nagtuloy-tuloy ng umagos ang mga luha ko. "Bakit naging makasarili ka? Bakit hindi mo ako kinausap? Maiintindihan ko naman, e. Kaya ko namang maghintay, kaya naman kitang hintayin kahit matagal!"

Hindi na rin niya napigilang hindi umiyak kaya niyakap niya ako. Hindi ko na napigilang hindi humagulgol. Masakit isipin na iiwanan niya lang pala ako matapos kong buuin 'yung pangarap ko na siya na 'yung makakasama ko panghabang buhay. 'Yung mga pinapangarap ko na balang araw haharap kaming magkasama sa altar. Bubuo kami ng sarili naming pamilya. Magkakaroon kami ng mga anak.

Pero dahil sa nalaman ko naging malabo ang lahat nang 'yon. Anong laban ko sa Mommy niya? Anong kaya kong itulong para sa business nila? Isang papasikat pa lang ako na modelo kaya wala pa akong puwedeng maipagmalaki sa pamilya niya dahil alam kong mayaman sila. Isa pa, ni hindi ko pa nakikila kung anong klase ng tao ang Mommy niya, kung magugustuhan ba niya ako.

Mas lalo tuloy akong napaiyak.

"I'm sorry, beb." Hinigpitan niya ang yakap sa akin. 'Yun na lang ang nasabi niya. Nag-iiyakan na kaming dalawa.

Pero kailangan kong maging matatag para sa amin. Naniniwala akong isang malaking pagsubok lang 'to sa relasyon naming dalawa. Bumitaw ako sa pagyakap ko sa kanya at lakas loob ko siyang hinarap. "Susuportahan kita sa gusto ng Mommy mo, Beb—pero sana mangako kang babalikan mo ako. Maghihintay ako. Hihintayin kita. Hindi ko kayang mawala k—"

Naputol ang sinasabi ko nang bigla niya akong halikan. Dinama ko naman iyon baka sakaling hindi ko na siya mahagkan sa mga susunod na buwan. Nagtagal iyon habang umiiyak kami.

Hanggang sa bitawan niya ako nagyakap ulit kami. "Beb, alam mo kung gaano kita ka-mahal 'di ba? Mahal na mahal kita, alam mo 'yon 'di ba? Oo naging duwag ako. Pasensiya na kung naging makasarili ako. Pero hindi ko inaasahan na iyan pa ang maririnig ko mula sa 'yo." Hinawakan niya ang magkabila kong kamay. "Alam mo bang dahil diyan sa mga sinabi mo na-realize kong mas mahalaga kang sundin kaysa kay Mommy?”

"No, Beb. Huwag mong sabihin sa akin 'yan. Huwag mong ikukumpara ang Mommy mo sa akin."

"Pero Beb—"

"Mommy mo pa rin siya, Beb. 'Wag na nating pag-usapan ang tungkol diyan. Basta, mangako ka. Ipangako mo sa akin na babalikan mo ako kahit anong mangyari."

Tumango-tango siya kaya ako naman ang yumakap sa kanya ngayon. “Pinapangako ko, Beb.” Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap niya kaya dinama ko lang iyon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status