Share

Chapter 6.2: Breaking Rules

Gumuhit ang sakit sa ulo ni Sarah. Dalawa ang absent sa team niya, ‘yong isa nagpaalam na masama ang pakiramdam, at ‘yong isa naman ay No Call, No Show. Basta-basta na lang um-absent nang walang paalam. May naka-schedule siyang team huddle at isang coaching. May na-monitor na call ang isang Quality Analyst o QA na sabaw ang isa niyang agent. Wala sa hulog ang pinagsasabi nito sa call at kailangan niya itong i-coach kung paano ito mag-i-improve.

Pinakinggan niya ang call ni Edgar, ang sabaw niyang agent. Naka-full ang volume ng kaniyang headset pero halos wala siyang marinig dahil nangingibabaw ang boses ng mga ahente na nagte-take ng calls. Queuing o mataas ang volume ng calls kaya sobrang ingay sa production floor. Nilibot niya ang tingin sa paligid, halos bumula na ang bibig ng agents sa pagsasalita. Napansin niyang nangangalahit na ang tubig sa tumblers ng agents niya kahit kakaumpisa pa lang ng pasok ng mga ito.

Isa-isa niyang kinuha ang tumblers na paubos na ang laman upang lagyan ‘yon ng tubig. Iyon lang ang maaari niyang maitulong sa team niya kapag queuing. Nang matapos siyang mag-refill ng tubig ay binalikan niya ang iniwang trabaho.

Tila sumpa namang nahagip ng kaniyang paningin ang tumbler ni Erhart. Inilagay ‘yon ni Jessica sa desk niya kahit labag ‘yon sa kaniyang kalooban. Alangan namang itapon niya ‘yon? Nasapo niya ang sikmura nang maalala na may lamang pagkain ang tumbler. Wala sa plano niya ang matukso at magkasala pero nagwawala na ang dragon sa kaniyang tiyan.

Binuksan niya ang tumbler at sinilip ang laman niyon. Napailing siya pero agad ding napangiti nang mapagtantong oatmeal ang laman niyon. Medyo malabnaw ang oatmeal pero mas okay ‘yon dahil mas madali niyang makakain. Actually, mas angkop ang salitang maiinom kaysa makakain. Walang makakapansin sa kalokohan niya—ni Erhart pala.

Layuan nawa ako ng tukso.

WALANG Erhart na nag-abang sa kaniya paglabas niya sa prod. Wala rin ito sa locker area nang kunin niya ang gamit doon. Nakahinga siya nang maluwag.

“TM, nasaan ang irog mo?” tanong sa kaniya ni Tere, ang jolly mommy ng team niya. Kasalukuyan silang nasa hallway, nag-aabang ng elevator.

Nagkibit-balikat siya. Ang akala ng team niya ay boyfriend niya ang maputlang lalaki na ‘yon. Wala kasi itong ginawa kundi sabayan siya sa pagpasok at sa pag-uwi dahil nagkataong pareho ang schedule nila. Hindi na lang niya itinama ang maling akala ng mga ito dahil wala namang maniniwala sa kaniya. Pabor din ‘yon sa kaniya dahil tuluyan na siyang nilayuan ni Viggo. Ang balita niya ay may bago na itong nilalandi.

Magdidiwang na sana siya kaya lang, mas matindi pa kay Viggo ang kakulitan ni Erhart. Ibang level ang isang ‘yon. Gusto na niya itong ipatapon sa Mars.

“Kaya siguro nakasimangot si TM dahil wala si Tisoy,” pang-aasar ni Edgar.

Nakasimangot siya? Imposible! Hindi siya pala-ngiti kaya napagkakamalan siyang palaging nakasimangot. Normal lang na ganoon ang itsura niya. “Itikom mo ‘yang bibig mo, Edgar. Sa susunod na mahuli ka ng QA, bahala ka na sa buhay mo.”

“Uy, TM, joke lang!”

“Nandito na ako kaya huwag ka nang sumimangot diyan,” singit ni Erhart na bigla-bigla na lang sumulpot. Pinisil nito ang magkabila niyang pisngi. “Miss mo na agad ako?”

Nagtilian ang mga taong nasa paligid nila. “Yown, o! Luma-love life na si TM,” kantiyaw ni Edgar. Nakalimutan yata nito ang pagbabanta niya. Nagpalakpakan naman ang iba.

Gosh! Malapit na siyang masiraan ng ulo dahil sa binata. Halos isang buwan pa lang ang lumipas simula nang magkakilala sila pero marami na ang nangyari. Pati ang nakasanayan niyang pagsunod sa rules ay nababali dahil dito. “Ewan ko sa ‘yo!”

Aktong papasok siya sa bumukas na elevator nang pigilan siya ng binata at hinila siya papunta sa fire exit. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataon para umangal dahil nabigla siya sa sobrang bilis ng pangyayari. “Hoy, ano bang problema mo?” nanggigigil niyang tanong nang huminto sila sa paglalakad. Gustong-gusto na niya itong tirisin nang pinong-pino.

“Mag-usap tayo.”

A line etched between her brows. “Dito sa fire exit?”

“Dito mo rin ako kinausap noon. Remember?”

She bit her lower lip. The thought of them being alone together at the fire exit made her heart beat faster. She lowered her head to avoid his ardent gaze but her eyes caught that their hands entwined perfectly. A flush crept up her face. Then, her dream last night vividly flashed on her mind.

Nasa dalampasigan sila. Magkahawak ang kanilang mga kamay habang pinapanood ang mga bituin sa kalangitan. Sinasayaw ng hangin ang kaniyang buhok at hinahampas ng alon ang kanilang mga paa. Napatingin siya sa binata at nahuli niya itong matamang nakatitig sa kaniya. Naghinang ang kanilang mga mata. Unti-unti nitong inilapit ang mukha sa kaniya hanggang sa maglapat ang kanilang mga labi…

“Sarah…”

“A-ano?” nauutal niyang tanong. Pinutol nito ang pagde-day dreaming niya—este, bangungot pala. Tumingala siya dahil mas matangkad ito sa kaniya, pero laking gulat niya nang mapagtantong gahibla na lamang ang agwat ng kanilang mga mukha dahil nakayuko na ito. “Hoy, lumayo ka nga sa akin!”

Itutulak niya dapat ang binata ngunit hindi niya magawa dahil hawak nito ang kaniyang kamay. Pilit niya iyong binawi mula rito subalit bigo siya dahil mahigpit ang hawak nito.

“Ayaw mo bang halikan kita kaya inubos mo ‘yong oatmeal?”

Napaawang ang kaniyang bibig. Iyon lang ba ang pag-uusapan nila? Nag-abala pa itong dalhin siya roon. “So, nag-report na sa ‘yo si Jessica?” Ito lang naman ang may kakayahang gawin ’yon dahil naka-monitor ang bawat galaw niya sa paningin ng kaibigan at may contact ito sa binata. “For sure, alam mo na rin na hindi ako na-late. Masaya ka na?”

“Bakit ang sungit mo sa akin? Wala naman akong ginagawang masama sa ‘yo.”

“Ang kulit mo kasi!” Pati panaginip niya ay in-invade na nito. “Ano bang gusto mo?”

“Ibibigay mo ba sa akin kapag sinabi ko?” seryoso nitong tanong. Napipilan siya. Paano kung hindi niya kayang ibigay ang hiling nito? “Hindi na kita kukulitin na makipagkaibigan sa akin kung pagbibigyan mo ako sa hiling ko.”

“Ano ba ‘yon?” Dumagundong ang tibok ng kaniyang puso dahil sa kaba pero hindi siya nagpahalata. Nanatili siyang kalmado.

“Mag-date tayo.”

“What?” Hindi siya nakikipag-date. Nangako siya sa sarili na hinding-hindi siya makikipag-date. Never! Never! Never! Dahil sasakit lang ang puso at ulo niya. “Hindi puwede! Ayoko!” Isa ‘yong rule na dapat niyang sundin at isang pangako na dapat niyang tuparin.

“Isang beses lang naman at friendly date lang ‘yon. Bakit ayaw mo?”

“Basta!”

“Gusto mo bang tototohanin na lang natin?”

“No way!” mariing tutol niya. “Ano ka sinusuwerte? Hindi ako makikipag-date sa ‘yo!”

“Okay! Madali akong kausap. Araw-araw na lang kitang kukulitin hanggang sa ma-in love ka sa akin,” nakangising turan nito. “Iyon ba ang gusto mo?”

Her mouth fell open. Kung ayaw niyang makipag-date, mas lalong ayaw niyang ma-in love. “Fine!” napilitan niyang sangayon. Friendly date lang naman ‘yon. Harmless. Isang beses lang. Pagkatapos noon, mawawala na ito sa landas niya. “Payag na ako. Basta tiyakin mo lang na mawawala ka sa landas ko pagkatapos ng date na ‘yon.”

His mouth curved into a smile that reached his eyes. “Good.”

“Pero ako ang masusunod at ako ang magpaplano.” Hindi siya papayag na maisahan nito.

“Sure.” Nanatili ang ngiti sa labi nito. “Ang mahalaga ay pumayag ka.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status