Share

THE SCAMMER

WE’RE SORRY BUT YOUR SCRIPT….”

Nanlalabo ang mga matang hindi na itinuloy ni Shelley ang pagbabasa sa Email letter na kanyang natanggap.

“Rejected na naman!”

Hindi na niya naiwasan ang mapaiyak. Bumabaon sa kanyang damdamin ang sakit nararamdaman dahil sa halos hindi na niya mabilang na rejection ng kanyang mga script, mula nang magsimula siyang sumulat ng mga istorya at nobela.

Nangingipuspos na sumubsob sa kanyang laptop si Shelley.

“Ilang rejections pa ba ang kailangan kong tanggapin bago ako maging isang writer?” Umiiyak na tanong sa sarili.

Matagal na sandali rin siyang naglunoy sa kalungkutan, bago pinakalma ang sarili. Isinara ang laptop.

“Hindi ko siguro kapalaran ang maging manunulat,” pakikipag-usap sa sarili, “mag-iisip na lang ako ng ibang career na puwede kong pasukin.”

Nangalumbaba. Nag-isip ng iba’t-ibang trabaho na puwede niyang karerin.

“Hindi ako puwedeng maging sales manager, kasi mahina ako sa sales talk,” simula ng pakikipagdiskusyon sa sarili, “mag-vlog na lang kaya ako. Malaki rin ang kinikita ng mga vlogger,” muling binuksan ang laptop. Nakipag-usap sa kamera, “Hello guys, my name is Shelley Silver,” natigilan. Nag-isip ng mga sasabihin.

Walang maisip.

Gigil na nilamukos ang sariling mukha.

“Hindi ako marunong mag-vlog!” paghihinagpis niya.

Nanghihina na ang loob na isinarang muli ang kanyang personal computer.

Tumindig. Iniunat ang katawan. At napansin ang kanyang kapayatan.

“Sa kapipilit kong maging writer, pati sarili ko nakakalimutan ko nang asikasuhin,” reklamo sa wala, “ang payat ko na! Para na akong hanger na sabitan ng damit.”

May biglang pumasok sa isip, dahil sa kanyang kapayatan.

“Payat ang mga fashion model. Baka puwede akong fashion model,” pakikipag-usap niya sa sarili, “tama, magpa-fashion model na lang ako!”

Nagsimulang rumampa sa loob ng kanyang silid tulugan. Umikut-ikot. Kumembot-kembot.

Nang…

HONK! HONK! HOONNKKKKKK…

BLAGAG! BOG!

“Ay, dinambang kalabaw!” Naisigaw ni Shelley sa pagkabigla, nang maramdamang yumanig nang bahagya ang kanyang kintatayuan.

Nagtumuling dumungaw ng bintana. Inalam kung ano ang bumangga sa bahay nila.

“Anyare?” Ang naitanong sa lalaking nakatingala sa kanya.

Mula sa second floor ay mabilis siyang bumaba ng bahay. Lumabas.

Nagimbal nang makita ang basag na dingding ng kanilang bahay.

“What happened? Bakit mo binangga ang bahay namin?” Ang agad na tanong.

“Nabangga, hindi binangga. Hindi ko sinadya,” pagpapaliwanag ng kanyang kaharrap, “nawalan ng preno ang sasakyan ko. Maraming madidisgrasyang tao kapag hindi ko napahinto ang kotseng minamaneho ko, kaya napilitan akong ibangga sa bahay mo.”

“OMG! Paano na ‘yan?” Tanong niyang nakatingin sa nasirang bahagi ng bahay.

“Huwag kang mag-alala, ipapagawa ko na lang ang nasirang pader at lahat ng mga nasira ko. Pati ang mga halaman na nasira at nadurog ay papalitan ko.” Mapagpakumbabang paliwanag ng kanyang kausap.

Tinangka ni Shelley na titigan ang lalaking nagpapaliwanag. Gusto niyang makita sa mga mata nito ang sinseridad sa mga sinasabi.

Ngunit nagtumulin sa pagtibok ang kanyang puso. Nataranta ang utak niya. Pakiramdam niya’y malulusaw siyang tulad ng ice cream sa ilalim ng araw sa napakagandang pagkakangiti sa kanya ng lalake na sana’y tititigan niya.

Hindi niya magawang salubungin ng tingin ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang kinilig sa kaguwapuhan nito. Parang biglang gumulo ang kanyang mundo.

“I’m Russel…,” pagpapakilala nito kasabay sa pag-aabot ng kamay para sa isang handshake, “and you are Miss…” tanong nito.

“Ha…e…” nanginginig ang mga kamay na iniabot ni Shelley sa nakikipagkilala, “

“Shelley…Shelley Silver.”

Tinutukan niya ng kanyang tingin an kotseng bumangga sa bahay nila, para iwasan ang tingin ng lalaking nagpapakilig sa kanya..

“Wow, Mustang…the latest edition,” nasambit niya nang malakas at buong paghanga “siguradong sobrang yaman mo. Hindi konting yaman lang ang makakabili ng ganyang sports car!”

“Ha? A…e….”

Nag-alala sa kanyang sariling siguridad si Russel. Natakot sa mga masamang loob na posibleng makakarinig sa pag-uusap nila ni Shelley.

“Driver lang ako,” pabigla niyang nasabi, “hindi ako ang may-ari ng sports car na ‘yan!”

“Talaga? Sino’ng boss mo?”

“S-si Sir Theodore Rossel! Oo. Tama, si Theodore Rossell ang amo ko!”

“Big time! One of the richest man in Asia si Theodore Rossell,” pahayag ni Shelley, “siguradong malaki ang ipinasusuweldo sa ‘yo ng mga Rossell.”

“Hindi rin,” pag-iwas ni Russel, “kuripot si Sir Theodore Rossell. Sapat lang ang ipinapasuweldo niya sa akin.”

“Gano’n,” hindi makapaniwalang tanong ng babae, “ayon sa mga nababasa ko ay generous at philanthropist si Mr. Theodore Rossell. How come na naging kuripot siya sa mga empleyado niya?”

“A, e… ano…hindi naman siya kuripot, kaya lang…”

“Pumasok muna kaya tao sa loob ng bahay. Para kasing napakaraming kukong nangungurot ng balat ang init ng araw, e.”

“Huwag na! Aalis na ako…” nag-isip ng dahilan si Russell para agad makaalis, “kailangan ko pa kasing mag-file ng vale voucher sa office…”

“I insist,” pangungulit ni Shelley, “may wine ako rito na zero percent of alcohol lang in it. Puwede tayong uminom kahit kaunti para makaramdam naman ng ginhawa ang ating mga katawan.”

Hindi na nagawang tumanggi ni Russel nang nagpauna nang pumasok ng bahay ang kanyang kausap.

“Ikaw ano’ng trabaho mo?” Naitanong niya sa babae, nang walang mahagilap na sasabihin.

“I am a frustrated writer!” Sagot ni Shelley na sinasarkastiko ang sarili.

May pait na nararamdaman sa kalooban na kinuha niya sa fridge ang wine. Dumampot ng dalawang baso mula sa lalagyan nito at kumuha ng makukukot na pagkain mula sa pantry.

Magkaharap na naupo sa magkatapat na silyang may nakapagitang mesa ang dalawa.

At nagsimulang magkuwento si Shelley tungkol sa pangarap niyang maging isang sikat na writer.

“Pangarap na hindi na yata magkakaroon ng katuparan,” tumbok agad niya, “hindi na kasi nagsawa sa kari-reject ng mga script ko ang mga editors,e. Parang ako na tuloy ang nagsasawang magsulat ng mga nobela. Wala na siguro akong pag-asang sumikat.”

“So, ang gusto mo ay sumikat. Makilala sa buong Pilipinas bilang isang magaling na manunulat?”

“Oo naman! At hindi lang sa Pilipinas ko gustong sumikat bilang writer, kundi sa buong mundo!”

Nakailang simsim muna ng wine si Russel, bago muling nagsalita.

“I can help you.” Saad niya.

“Talaga? May mga kakilala kang publishers? Editors?” Sunud-sunod  na tanong ni Shelley na biglang nagdumilat ang mga mata sa tuwa.

Pinagmasdan ni Russel ang mukha ng  biglang na-excite na babae. Kitang-kita niya sa mukhang iyon ang biglang pagsilay ng bagong pag-asa.

“Wala.” Maikling sagot niya na sinabayan ng pagkibit ng balikat.

“Grabe! Paano mo ako matutulungan kung wala kang kilalang publisher o editor man lang?” Dismayadong tanong ng babae.

“I was a creative writer in our school organ when I was in high school,” pahayag ni Russell, “nakapag-create na rin ako ng mga short stories and novels sa iba’t ibang platforms. And I can say na marami namang nakagusto ng mga isinulat kong kuwento at nobela. Alam kong naging effective naman akong writer.”

“You mean, magaling kang writer,” tanong ni Shelley na may halong sarcasm, “so, ano ngayon sa akin ‘yon? Paano akong magiging sikat na writer kung ikaw ang magaling at hindi ako?”

“I can be your ghostwriter,” pagpiprisinta ng lalake, “ako ang magki-create ng mga stories pero pangalan mo ang magiging by line.

Napakunot ang noo ng frustrated writer. Nakaramdam ng pag-aalinlangan.

“Kanino naman mapupunta ang perang ibabayad ng publisher?” Tanong niya.

“Sa ‘yo!”

“Sa akin? Paano ka? Magpapakapagod ka ng walang pakinabang?”

Nakangiting nagkibit ng balikat ang kanyang kausap.

Nagdududang palihim na hinagod ng tingin ni Shelley ang nag-aalok na maging ghostwriter niya.

“Mukhang rich,” ang nasa isip niya, “hindi kaya galing sa pangi-scam ang riches nito?” tanong pa rin sa sarili na hindi nawawala ang pagdududa sa kaharap, “malamang sa hindi ay pagbabayarin ako nito ng kung anu-ano fee kapag napapasok na niya ako sa bitag ng scam niya.”

“Ano okay ba sa ‘yo na maging ghostwriter mo ako,” tanong ng kanyang pinagdududahan, “mahusay akong writer.  Siguradong sisikat ang pangalan mo kapag naging ghostwriter mo ako. At marami akong maituturo sa ‘yo kung paano maging effective writer.”

Nag-iisip pa rin si Shelley. Nagdududa.

“Para namang napaka-too good to be true ang offer mo. Iki-create mo ako ng magagandang novels para sumikat ang pangalan ko at tuturuan mo pa ako…”

“Minsan-minsan lang kumatok ang magandang oportunidad sa buhay ng tao, Shelley,” paliwanag ni Russel, “at narito ako, isang once in a lifetime na magandang opportunity para matupad ang pangarap mong maging celebrated writer,” pagpapatuloy nito na tumingin at ngumiti kay Shelley, “grab it now or it  will soon vanish into thin air.”

Sumimsim ng wine si Shelley, upang makaiwas sa pagkakatingin ng kausap.

Nakakakilig namang tumingin at ngumiti ang lalaking ‘to,” ang nasa isip niya kasabay sa paglunok ng wine na sinimsim, “well, siguro’y paraan niya ang magpakilig ng babae para hindi makapag-isip at agad niyang ma-scam. Pero sorry, iba ako! Hindi mo mai-scam si Shelley Silver, kahit parang inlab na yata ako sa ‘yo!”

“Hello, Miss Silver,” pagpapapansin ni Russell nang mahalatang nag-iisip ang kanyang kaharap, “marami pa akong business na kailangang harapin. So, you better decide now. Say yes, and you will become the best writer the publishing industry will ever know. Say no and regret it your whole life through.”

“Alam mo, Mr. Rossell, andami ko nang nakasagupang mga scammer,” pagbibigay alam ng babae, “at lahat sila at kapareho ng style mo mangumbinsi,” paliwanag pa, “’Yun bang hindi binibigyan ng chance na makapag-isip ang ini-scam para ma-scam nila agad.”

Napitik ang ego ni Russell sa narinig.

“Ibig mong sabihin scammer ako?” Diretsahang tanong niya.

“Bakit hindi ba,” ganting tanong ni Shelley, “nakakaduda ka kasi,” lumitaw ang pagka-prangka sa pakikipag-usap na paliwanag, “kanina sabi mo, driver ka ng isang Theodore Rossel, tapos sabi mo naman a while ago, marami ka pang business na kailangang harapin. Ano ba ang totoo, driver ka ba o businessman?”

Natigilan si Russell.

“O, natigilan ka,” umiling si Shelley kasabay sa ngiting nakaismid, “baka naman mamaya niyan sasabihin mo naman na anak ka ng multi billionaire na si Sir Theodore Rossell?”

Nasamid ang sinasarkatiko ni Shelley. Nagsimulang mag-isip ng paraan kung paano malulusutan ang sinimulan niyang kasinungalingan.

“Mas mainam siguro na i-report kita sa authority, para wala ka ng makawawang tao sa pangi-scam mo!” Saad ni Shelley.

Nanlaki ang mga mata ni Russell sa pag-aalala nang makitang dinukot ng babae ang cellphone nito na nasa bulsa ng paldang suot.

“Patay! Laking eskandalo nito sa pamilya namin kapag nagkataon.”

Bigla niyang inagaw ang cellphone sa kamay ng kaharap.

“Hoy, huwag mong nakawin ‘yang cellphone ko!”

Tinangka ni Shelley na muling kunin ang cellphone kay Russel, ngunit mabilis na iniiwas ito ng lalake.

“Wait, magpapalwinag ako! Magpapaliwanag ako…” wika ni Russell na nag-iisip pa rin ng paliwanag na magiging katanggap-tanggap sa nagdududang babae.

*******

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status