Share

CHAPTER 2: KAHILINGAN

Habang nag-iisip, biglang isang magandang ideya ang pumasok sa aking isipan.

“Paano kaya kung isama ko mga kaibigan ko dito?”

Sigurado ako na magiging interesado din sila dahil alam ko na sobrang naiinip na sila sa normal na buhay. Ngunit hindi ko naisip na ito pala ang isa sa pinakamalaki kong pagkakamali na gagawin.

“Maari nyo po ba akong ibalik sa mundong pinaggalingan ko? Nais ko po sanang tanungin ang mga kaibigan ko kung gusto nila akong akong tulungan.  Naisip ko po kasi na masyadong mahirap ang pinapagawa nyo sa akin ng mag-isa. At isa pa nga po pala, kung sakali mang naisin na nilang umalis sa mundong ito, ibalik nyo na po sana sila sa mundong pinanggalingan namin.”

Nang marinig ito ng Diyosa, napangiti ito at nagwika,

“Sige tutuparin ko ang iyong kahilingan, ngunit sa isang kondisyon. Kapag natapos na ang lahat o kung sakali mang ibabalik ko na sila sa mundo nyo, buburahin ko lahat ang kanilang memorya.”

Ako’y labis natuwa sa sinabi ng Diyosa. Tumayo ako mula sa pagkaka-upo at naghandang bumalik sa aming mundo. Bago ako tuluyang umalis, nagpa-alala ang Diyosa,

“Bibigyan lamang kita ng isang linggo upang kombinsihin ang iyong mga kaibigan. Oo nga pala, may isa pa akong ibinigay sayo na biyaya, binigyan kita ng kaunting porsyento ng aking kapangyarihan na tumupad ng kahilingan. Hindi nito kaya tuparin ang mga imposibleng bagay tulad ng pagbuhay sa isang patay. Hindi ito palaging gagana dahil kaunting porsyento lang ito. Nakadepende sa naisin at pagkadeterminado ng humihiling sayo ang pagiging epektibo nito. Gamitin mo ito ng tama. Tandaan mo, lagi akong nakamasid sayo.”

Matinding liwanag ang sumilaw sa aking mga mata. Nang bumalik na sa ayos ang aking paningin, nakita ko ang aming teacher sa harapan na tinatawag ako.

“Mac bakit ka natutulog sa klase? Kung gusto mong matulog umuwi ka nalang.”

Nang mga sandaling ito, hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Inakala ko na panaginip lang ang lahat. Nag-unat ako ng kamay nang bigla akong kinausap ni Dane,

“Okay kalang ba Mac? Parang namumutla ka. Gusto mo ba samahan kita sa clinic?”

“Okay lang ako kulang lang siguro ako sa tulog kagabi,” tugon ko sakaniya.

Habang nakikinig, napagtanto ko na hindi pa pala sumasapit ang break. Lumapit ulit sa akin si Set at naganap ulit ang nangyari kanina. Inaya nya ulit akong sabayan syang pumunta sa canteen.

Sobra akong nagtaka,

“Teka parang nangyari na to kanina ah. Totoo ba mga nakita ko? Oh nagpapantasya na naman ako?”

Sa kanang banda ko ay nakaupo si Jas, isa sa matatalik kong kaibigan at ang babaeng nagpapatibok ng aking puso. Tinawag siya ni maam Sara Santos teacher namin sa Math upang magrecitation.

“Okay Jas please answer the problem number 5.”

 Dahil busy si Jas sa pagpapractise ng gymnastics, hindi sya gaanong nakakaattend ng klase kaya naman nahihirapan siyang sumagot. Sumabay pa ang madaming schoolworks kaya’t hindi niya alam kung saan ilalaan ang oras. Humarap sya sa akin at nagwika,

“Uy mac tulungan mo naman ako hindi ko maintindihan yung problem. Hays, kung kaya ko lang sana sagutan yan kahit hindi ako nakaattend last lesson.”

Dahil sa narinig ko, bumalik sa aking isipan ang sinabi ng Diyosa. Naalala ko na binigyan nya din ako ng kapangyarihan na tumupad ng kahilingan. Sinubukan ko ito para malaman kung tunay ba ang aking mga nakita. Tinawag ko si Jas,

“Gusto mo ba talaga masagutan yan?”

“Oo naman syempre,” tugon ni Jas. Mababakas sa kanyang mukha ang matindinding determinasyon na masagutan ito.

Pumikit ako at nagdasal,

“Kung totoo man ‘yong nangyari kanina, please po, please tulungan nyo si Jas. Alam ko po lahat ng paghihirap na pinagdadaanan nya ngayon. Sana makatulong ako kahit sa maliit na bagay lang.”

Isang mainit na pakiramdam ang biglang lumabas mula sa aking puso. Naramdaman ko ang paglabas nito mula sa aking katawan at tila ba may liwanag akong nakita na dumeretso kay Jas.  Bigla kong nakita na tumayo si Jas na parang wala sa sarili. Pumunta siya sa harapan at walang kahirap-hirap na sinagutan ang mga tanong sa black board. Umupo ulit siya at napukaw ang atensyon ng mga kaklase ko sa kaniya.

Nagpalakpakan ang mga ito dahil sa kanilang nakita. Hindi nila inakala na masasagutan ito ni Jas na para bang nagsasagot lang ng pang grade 1 na math problem.

Nang bumalik na sa sarili si Jas, nagtaka ito dahil nakatingin ang mga kaklase namin sa kaniya. Ngumiti na lamang siya bagama’t siya mismo ay litong-lito.

Pati ako ay nasopresa,

“Totoo nga! Akala ko panaginip lang ang lahat.”

 Dali-dali kong sinubukang sabihin kay Jas ang mga nakita ko kanina. Ngunit, natigilan ako dahil baka hindi siya maniwala sa aking mga sasabihin.

Napahawak ulit ako sa aking ulo at nag-isip ng malalim.

“Paano ko nga ba sila mapapaniwala? Ano ba dapat kong gawin para makombinsi sila na sumama sa akin?”

Alam ko ng mga sandali na iyon na nagiging makasarili ako dahil gusto kong ilagay sa kapahamakan ang aking mga kaibigan. Pero alam ko na magagalit din sila sa akin kapag hindi ko sinabi ang totoo. Gumawa naman ako ng kasunduan sa Diyosa na kung sakali mang sila ay mapapahamak, ibabalik agad sila sa aming mundo.

Alas-kwatro ng hapon, sabay-sabay kaming nagsilabasan ng room. Pumunta kami sa harap ng simbahan kung saan maraming mabibiling pagkain. Madami kasi ang mga nagtitinda ng meryenda doon.

Habang naglalakad, iniisip ko pa rin kung ano ang dapat kong gawin upang pumayag sila na sumama. Sigurado ako na sasama si Set at si Mercury dahil parehas naman silang mahilig din sa anime na tulad ko. Syempre sino ba naman ang may ayaw na sayangin ang pagkakataon na ito ‘di ba? Maraming mga teenager ngayon ang nangangarap na mapunta sa ibang mundo at maging isa sa magliligtas nito.

Ang pinoproblema ko lang ay kung paano ko mahihikayat ang mga kaibigan kong babae. Sa palagay ko ay sasama naman sa akin si Dane, pero si Jas at si Nads, maliit lang ‘yong tsansa na mapapayag ko sila.

Una kong kinausap sila Mercury at Set. Sinabi ko sakanila ang lahat ng aking mga nakita at naranasan.

“Mga pre, seryoso ako. Nangyari talaga sa akin iyon. Gusto ko nga kayo isama eh para tulungan din ako.”

Tulad ng inaasahan hindi sila naniwala noong una.

“Mac? Napapano ka na naman ba? Masyado ka na atang nagfafantasize. Okay lang magfantasize dre pero huwag mo na kaming idamay,” pagalit na sambit ni Mercury.

Nalungkot ako dahil mismong sila ay ayaw maniwala sa akin. Nangangamba ako na kapag hindi ko sila napapayag ngayon, hindi na ko magkakaroon pa ng pagkakataon. Umisip agad ako ng paraan, habang aking nilalakbay ang kailaliman ng aking isipan, naalala ko ang mga salitang sinabi ng Diyosa.

“Oo nga pala, siguro pwede ko gamitin yung mga talento at kalakasan na binigay sa akin ng Diyosa. Pero ano nga ba yung mga yon?”

Isang malakas na sigaw ang aking narinig na nagmumula sa kabilang kalsada.

“Allysa apo! Bumalik ka rito delekado diyan.”

 Isang manang ang humihingi ng sakololo dahil ang kaniyang apo ay pumunta sa gitna ng daan.

 Lahat ng tao ay nataranta. Ang iba ay sinubukang lapitan ang bata ngunit mas lalo itong lumayo sa kanila. Mula sa malayo, isang bumubulosok na truck ang parating. Nang mga sandaling iyon, sigurado ako na mababangga na ang bata dahil sa bilis ng truck.

 Sa taranta, tumakbo ako sa gitna ng daan. Naramdaman ko ang isang malakas na pwersa na nagmumula sa aking mga paa. Ang oras ay parang huminto at gumaan ng sobra ang aking katawan. Nagulat ang mga kaibigan ko sa nakita dahil sa isang iglap ay nakatawid agad ako ng kalsada habang yakap-yakap ang bata. Dahan-dahan kong binatawan ang bata habang ang manang ay mabilis na lumapit sa amin.

 “Alysa anak. Ayos kalang ba? May masakit ba sayo?” nag-aalalang tanong nito.

“Salamat sa pagligtas ng apo ko iho.”

Ako ay nakaramdam ng kaginhawan dahil sa sinabi ng manang. Ganito pala ang pakiramdam ng makapagsalba ng buhay. Buti na lamang ay walang ibang nakakita sa ginawa ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero ang mga kaibigan ko lang ang nakakita.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status