Share

Chapter 4 The Beginning

ANG Calderon Medical Center ay isang state of the Arts facility na matatagpuan sa hindi kalayuan sa mansiyon. Bukod sa kanyang export and import business ay pinamamahalaan rin ito ni Oliver. Ang hospital ay family owned at meron din siyang upisina dito. Mula nang bumalik siya mula sa amerika ay personal na niya itong pinangasiwaan.

Limang palapag ang ospital at nasa fifth floor ang kanyang upisina. Sumakay ng elevator si Oliver at ang bawa’t nurse at doctors na nakasabay niya ay bumati at nagbigay galang.

Ang mga babaeng nurse ay hindi mapigilan ang sumulyap sa kanya at ng siya ay umibis na ng elevator ay dinig niya ang mga bulungan.

“Ang guwapo talaga ni sir.” Dinig niyang sabi ng isa na halata ang kilig sa boses.

“Oo nga.” Sagot naman ng isa pa. “Nakakalaglag underware ang ngiti.”

“Hoy mga bruha. Tigilan niyo na ang pag-papantasya. Hindi kayo bagay kay sir.” Saway naman ng isng nurse na bading.

“Hoy inggit ka lang kasi kami may pag-asa pang mapansin. Ikaw…waley.” Inis namang sagot ng isa pa.

Ang biruan ay sinundan ng tawanan ng mga nurse. Napapangiting napapa-iling na lamang si Oliver. Naalala tuloy niya ang isa pang yugto ng kanyang buhay noong siya pa ang pangit na si Banjo Canoy.

Noon, dito rin sa elevator na ito, ay iba ang bulungang naririnig niya kapag may mga nakakasabay. Halos ayaw pa ngang lumapit sa kanya ang lahat at kapag nauuna siya sa elevator ay walang gustong sumabay.

“Paakyat po.” Nakangiting sabi niya noon.

“Hindi. Sige mauna ka na.” halos nandidiring sagot ng mga nakaabang sa elevator.

“Nakaka-diri naman. Ang pangit talaga niya.” Narinig niyang sabi ng isang buntis. “Ayoko ngang makasabay yan, baka mahawa pa itong nasa tiyan ko at isilang na kamukha niya.”

“Yakkks. Kadiri.” Sabi pa ng isa na sinabayan ng tila pagduwal.

“Oo nga sobrang pangit talaga. Bakit naman kasi parating andito yan halos araw-araw.”

“Eh kasi nga, malakas yan kay Dr. Leonardo at personal na utusan.” Sagot naman ng isa.

“Pambihira naman kasi si boss. Kukuha na rin lang ng utusan ay pangit pa.”

“Wala kang magagawa. Mahilig sa exotic si boss. Hindi nga ba’t mga unggoy ang kasalamuha niya sa laboratory.”

Noon, bagama’t manhid na siya sa mga pang-aalipusta ng mga tao ay nasasaktan pa rin siya. Kaya’t hindi na siya pumasok sa high school at ipinasiya niyang makipag-sapalaran sa Maynila para maiba naman ang kanyang kapaligiran. Nag-babakasakali siyang maiba naman ang kanyang mundo.

Hindi naman tumutol ang kanyang ina ng mag-paalam siya.

“Labag man sa loob kong magkalayo tayo anak ay hindi na kita pipigilan.” Maluha-luhang sabi ni Aling Lagring noon.” Lagi mo lang tatandaan Banjo, anak. Huwag kang makakalimot sa Diyos. Lahat ng tao ay lalang niya at may dahilan siya lagi sa mga nangyayari sa ating lahat.”

Duda siya sa huling sinabi ng ina. Hindi na nga niya tiyak ngayon kong mahal pa siya ng Diyos. Dahil kung mahal siya nito ay bakit siya hinahayaang magdusa dahil sa pangit niyang anyo.

Ngunit sa halip na isatinig ang iniisip ay masuyong niyakap niya ang ina. “Huwag na kayong malungkot inay. Palagi pa rin kitang dadalawin at kapag nagkaroon ako ng trabaho ay papadalhan ko po kayo ng pera.

Tanda pa niya noon na malungkot na kumakaway ang kanyang ina ng sumakay siya ng traysikel. Tumulo na rin ang kanyang luha habang nakalingon sa ina. Ngayon lamang sila magkakalayong mag-ina.

Sumakay siya ng bus papuntang Maynila. Walang gustong tumabi sa kanya sa upuan. Lahat ay diring diri.

“Nay. May mamaw tingnan mo.” Walang prenong sabi ng isang batang nakatingin sa kanya at itinuro pa siya.

“Oo nga. Kaya behave ka anak. Kung hindi, ibibigay kita sa mamaw.” Sabi naman ng ina na sa halip na sawayin ang anak ay ginawa pa siyang panakot.

Nasa kalagitnaan pa lamang sila ng biyahe ng may mga armadong lalaking umakyat sa bus. Nag-deklara ang mga ito ng holdap.

“Walang papalag para walang masaktan. Pera at alahas lang ang kailangan namin.” Deklara ng mga holdaper.

Walang nagawa ang mga pasahero kundi ang sumunod. Maging ang itinabi niyang pera ay natangay rin.

Bababa na sana ang mga holdaper ng isang lalaki ang bumunot ng baril.

“Pulis to. Ibaba niyo ang mga baril nyo.” Sigaw ng lalaki habang nakatutok ang kuwarenta’y singkong baril.

Ngunit sa halip na ibaba ay nag-paputok ang holdaper at nagkaroon ng palitan ng putok. Patay ang pulis. Sugatan ang mga holdaper. Ang masaklap, patay rin ang driver kaya hindi na nakaalis pa ang bus.

Sa taranta niya ay tumakbo na siya papalayo sa bus. Liblib ang bahaging iyon ng highway kaya walang gaanong dumaraan. Naglakad siya ng naglakad sa pag-babakasakaling may dadaang bus papuntang Maynila. Ngunit malayo na ang kanyang nalakad ay wala pa ring nag-daraang bus kaya ipinasiya niyang humimpil sa isang waiting shade.

Wala na siyang pera kaya hindi rin siya makabili ng pagkain. Kung ilang oras ding siyang nakaupo sa waiting shade hanggang sa dumilim na. Hindi pa siya nakarating ng Maynila pero sa tantiya niya ay malayo pa ang kinaroroonan niya ngayon.

Mabuti na lamang at naalala niyang may isiniksik nga palang kakanin ang nanay niya sa kanyang bag. Iyon ang ipinantawid niya ng gutom.

Ang waiting shade na kinaroroonan niya ay natatanglawan ng malimlim na ilaw mula sa poste ng kuryente. At dahil halos wala nang sasakyang dumadaan ay ipinasiya niyang doon na matulog at bukas na siya mag-babakasakaling makasakay uli. Inayos niya ang dalang bag at ginawa niya yon na unan. Nakahiga na siya ng may bumukol sa bag na tumukod sa kanyang ulo. Kinapa niya yon at saka inilabas sa bag. Laking gulat niya ng malaman niya kung ano yon. Isa bungkos na barya at ilang pirasong perang papel. Muli siyang nabuhayan ng loob dahil may magagamit na siyang pamasahe bukas.

Hula niya ay inilagay yon ng nanay niya at nakalimutan lang banggitin sa kanya. Umayos siya ng higa at humanda na para umidlip ng isang sasakyan ang nakita niyang paparating. Kakaiba ang takbo nito. Hindi deretso at gumigiwang. Mabilis ang takbo ng kotse at tinutumbok ang waiting shade. Sa bilis ng kotse ay sumalpok ito sa waiting shade na gawa sa semento. Mabuti na lamang at nakatalon siya papalayo.

Wasak ang unahan ng kotse. Nang sumilip siya ay nakita niya ang dalawang sakay nito. Isang babae at isang lalaki na halos sa tantiya niya ay kasing edad rin niya ang mga ito. Duguan at walang malay ang babae ngunit may malay ang lalaki.

“T-tulong…tulungan mo kami.” Nang-hihinang sabi ng lalaki na nagsisikap makalabas ng kotse.

Inalalayan niya ang lalaki at tinulungang makaupo. Hinang hina ito at puno ng dugo ang mukha at katawan. Gayon pa man ay pilit nitong inilalabas ang isang cellphone.

“T-tawagan mo ang papa ko.” Halos pabulong nang sabi ng lalaki.” H-humingi ka ng tulong…arghh.”

Iyon lang at nawalan na ng malay ang lalaki. Sinunod niya ang bilin ng lalaki. At may sumagot naman kaagad sa kabilang linya. Nag-pakilala siya at sinabi ang nangyari.

“Huwag mong iiwanan ang anak ko, please.” Tarantang sabi ng nasa kabilang linya.” Mag-papadala ako ng ambulansiya. Bantayan mo siya.”

“Opo. Bilisan nyo po sana kasi maraming dugo na ang nawawala sa anak nyo.”

“O-Oo basta bantayan mo. Huwag na huwag mong iiwanan.” Mahigpit na bilin nito.

Nang maibaba niya ang cellphone ay napansin niyang nag-kakamalay na ang babae. Lumapit siya upang ilabas sana sa kotse ngunit nanlaki ang mga mata nito ng makita siya.

“Eehhh. Aswang.” Nag-titili ang babae sa takot. “Impakto. Layuan mo ko.”

Muli itong nawalan ng malay. Hindi naman nagtagal ay dumating na rin ang Ambulansiya. Mabilis ang kilos ng mga rescuer. At dinala sila sa pinaka-malapit ng hospital.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status