Share

Chapter 2

SERAFINA AREVALO

Isang buwan na ang nakalipas mula nang mamatay si Mama ngunit parang kahapon lang nangyari. Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko kung hindi ko sana iniwan si mama mag-isa baka sakaling natulungan ko pa siya at nadala agad sa ospital.

“Ginabi na naman po kayo, papa. Kumain na po ba kayo? Ipaghahanda ko po kayo ng makakain niyo,”

“Tapos na ako. Magpapahinga na ako,” Matabang sabi nito saka dire-diretsong umakyat at pumasok sa kwarto nina ni mama.

Simula nang mamatay si Mama lagi na lang gabi kung umuuwi si papa at napapansin kong umiiwas siya sa akin. Kahit hindi sabihin ni papa ramdam kong ako sinisisi niya sa pagkawala ni mama.

Mapait akong napangiti habang pinagmamasdan ang madilim at puno ng mga bituin na kalangitan mula sa maliit na balkonahe ng aking kwarto.

“Ma, kumusta na kayo r’yan? Marahil ay masaya ka na kung nasa’n ka man at walang iniindang sakit. ‘Wag po kayong mag-alala sa amin dito ni papa malalampasan din namin ‘to,”

‘Yon talaga ang lagi kong ipinagdarasal mula nang mawala si mama na balang araw magiging maayos din ang lahat.

“Miss na miss ko na  po kayo, Mama,”

Bigla ko na lang naramdaman na parang may malamig na kung anong bumalot sa akin. Sa tantya ko, niyayakap ako ni Mama.

Mabuti na lang hindi ako matatakutin.

“Bantayan niyo po kami lagi, ma. Mahal na mahal ko po kayo,”

Pumasok na ako at isinara ang pinto.

Sana bukas maayos na ang lahat.

=======***=======

Nagising ako nang may narinig akong ingay mula sa baba. Mabilis kong kinuha ang aking roba at nag-ayos ng konti ng sarili.

Nangunot ang noo ko nang makita ang isang babae na sa tantya ko ay kaedaran ko lang na prenteng nakaupo sa sofa habang walang tigil sa kaka-selfie.

Sino at paano ‘to  nakapasok dito sa pamamahay namin?

Nasa’n ba si papa?

Tatalikod na sana ako para puntahan si papa sa kwarto nang mapasulyap ako sa kusina. May narinig akong mga kalansing ng kurbyentos kaya imbes na puntahan ko si papa ay nagpatuloy na lang akong bumaba at tinungo ang kusina. Nilampasan ko lang ang babaeng nagse-selfie at parang wala lang nito na dumaan ako.

“Anak, nand’yan ka na pala. Sandali na lang at malapit na ring maluto ‘yong niluto ni Matilda,” sabi ni Papa habang hinihanda ang mga plato sa mesa.

Mas lalong nangunot ang noo ko nang makita si papa na masayang nalalagay ng mga plato sa mesa. 

“Hi. Magandang umaga,” bati sa akin ng babaeng nasa tingin ko ay kaedaran ni Papa at may suot-suot na apron.

Teka, sino naman ‘to?

Nagtatakang pinagmamasdan ko sina papa at ‘yong babae habang abala mga ito sa paglalagay ng pagkaing naluto sa mga plato na nakaayos sa mesa.

“Serafina anak, maupo ka na rito,” sabi ni Papa.

Kahit nagtataka ay tahimik pa rin akong sumunod kay Papa.

“Luto na ba ang breakfast natin, Mommy?”Napalingon ako sa likod ko nang may nagsalita.

“Hello! Good morning, sister! Finally I met you,”

Sister?

Ano ba talaga ang nangyayari rito?

Sino ang dalawang babaeng ‘to na bigla-bigla na lang sumulpot sa pamamahay namin?

“Kisses, maupo ka na rin,”

“Yes, Daddy,”

Daddy?

Ang daming tanong na bumabagabag sa isip ko na kailangan agad ng kasagutan bago pa sumabog itong utak ko.

Nakaupo si Papa sa pinakadulo ng mesa habang sa kaliwa naman nito na dating pwesto ni Mama nakaupo naman ro’n ang babaeng kaedaran niya. Sa tabi nito nakaupo ang babaeng tinawag akong sister kanina.

“Anak Serafina, nais kong ipakilala sa ’yo si Matilda at si Kisses. Simula ngayon dito na sila sa bahay titira,”

“Po?Bakit po, wala ba silang matitirhan?At saka sino sila?”

May konklusyon na ako kung sino ang mga ito sa buhay ni Papa pero sana mali ako.

“Anak, si Matilda ay nobya ko at ikakasal na kami sa susunod na buwan,”

Hindi ko napigilang mapatayo sa kinauupuan ko.

“Pa, ano ‘to joke? Hindi ito isang magandang biro,”

Isang buwan pa lang ang nakaraan mula nang mamatay si Mama may kapalit na agad?

“Hindi ako nagbibiro, Serafina. Seryoso ako,”

Wala kahit anong bahid ng biro akong nakita sa mga mata ni papa. Mukhangseryoso nga talaga siya pero hindi ako makakapayag.

“Pa, ano ba ‘yang pinagsasabi niyo? Isang buwan pa lang nang mamatay si Mama. ‘Wag mong sabihin na matagal mo ng niloloko si Mama at hinintay mo lang na mamatay siya para pakasalan ang kerida-“

Naputol ang sinasabi ko nang bigla akong sinampal ni Papa. Buong buhay ko ngayon lang ako napagbuhatan ng kamay ni Papa at dahil ‘yon sa dalawang babaeng nasa harap ko.

“Mag-ingat ka r’yan sa pananalita mo. Hindi ka na nahiya kay Matilda,”

Nang dahil sa pagsampal at sa sinabi ni Papa, umalis ako sa harapan nila. Bastos ng kung bastos wala akong pakialam sa kanila. Narinig ko pa ang pagtawag ni Papa sa akin ngunit hindi ko siya pinansin.

Hindi ako makapaniwala kay Papa isang buwan pa langnang mamatay si mama may kapalit na agad at papakasalan pa niya ito.

Niloloko ba niya si mama no’ng nabubuhay pa ito?

Bakit napagdesisyonan niya agad na pakasalan ang babaeng ‘yon?

Hindi niya ba naisip ang mararamdaman ko?

Kinuha ko ang picture namin nina Mama at Papa no’ng nasa bakasyon pa kami.Ito ang kahuli-hulihang picture naming pamilya. Pareho pa kaming nakangiti rito hindi ko alam na ito na pala ang huling beses kong makita ang mga ngiti ni Mama.

“Ma, akala ko magiging maayos na ang lahat sa amin ni Papa na babalik na ulit kami sa dati pero hindi pala. Dinala pa niya ang kerida niya rito sa pamamahay natin,”

Marahan kong hinaplos ang mukha ni Mama sa picture.

“Ma, anong gagawin ko? Hindi ako makakapayag na magpakasal muli si Papa. Well, papayag naman ako pero hindi pa ito ang tamang panahon. Isang buwan pa lang kayong nawala may kapalit na agad kayo. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na niloloko kayo ni Papa,”

Napatingin ako saglit sa pinto ng kwarto ko nang marinig kong merong kumatok.

“Anak, pwede ba akong pumasok?”

Ngayon pa talaga niya ako sinundan. Hindi na ako nagsalita alam ko namang papasok pa rin ito kahit ayoko.

Hindi ako nag-abalang tingnan nang bumukas ang pinto ng kwarto ko.

“Anak, patawarin mo ako at nasampal kita kanina,”

Hindi ako kumibo. Alam naman niyang hindi ako nagtatanim ng galit. ‘Yon ang turo sa akin ni Mama. Walang patutunguhang mabuti ang taong magtatanim ng galit sa kanyang puso. At batid ko hindi lang paghingi ng tawad ang ipinunta ni Papa rito sa kwarto ko.

“Anak, kailanman hindi ko niloko ang Mama mo. Mahal na mahal ko siya kaya sobrang lungkot ko ng mawala siya sa atin,”

“Mahal mo naman pala si Mama.Bakit mo papakasalan si Matilda? Pa, hindi naman kitang pagbabawalan kung magkaroon ka ulit ng nobya o mag-asawa. Ang sa akin lang, bakit gano’n kabilis isang buwan pa lang nawala si mama sa atin,”

Nakita kong napabuntong hininga si Papa.

“Nakilala ko si Matilda,waitress siya sa bar kung saan ako laging umiinom no’ng unang dalawang linggo mula nang mamatay ang Mama mo. Tinulungan niya ako nang pagtulungan akong bugbugin ng ibang customer sa bar,”

‘Yon ba ‘yong gabing umuwi siya na may sugat sa gilid ng labi? Sabi niya nabangga lang daw siya.

“Hindi ko sinabing mahal ko si Matilda, ang sa akin lang ay napasaya niya ako sa ikli ng panahon na kami ay nagkakilala,”

“Hindi mo naman pala mahal bakit mo siya papakasalan?”

“Papakasalan ko si Matilda para sa kapakanan mo, anak,”

“Para sa kapakanan ko?” Naguguluhan kong tanong sa kanya.

Paanong magiging para sa akin ang pagpapakasal niya kay Matilda?

“Anak, alam kong nangungulila ka sa mama mo kaya nakahanda si Matilda na alagaan at mahalin ka na parang tunay niyang anak at saka may kapatid ka pa,”

Hindi ako makapaniwala sa mga pinagsasabi ni Papa. 

“Naririnig niyo po ba ‘yang sinasabi n’yo, Pa? Paano mo nasabi na kailangan ko na may kapalit si mama? Oo, nangungulila ako kay Mama pero hindi ko kailangan ng kapalit niya. Sapat na sa akin ang tayong dalawa,”

“Pakiusap, anak huminahon ka baka marinig ka nina Matilda,”

“Ano naman kung marinig nila? Pa, akala mo ba hindi ko napapansin na iniiwasan mo ako mula nang mamatay si mama. Alam mo ba ang pakiramdam ko ng mga panahon na ‘yon? Pakiramdam ko hindi lang si mama ang nawala sa akin, pati na rin po kayo,”

Hindi ko na napigilan ang magbagsakan ng aking mga hula. Tila, isa itong balon na tuloy-tuloy ang pag-agos nito.

“Kahit hindi niyo sabihin ramdam kong sinisisi niyo ako sa pagkamatay ni mama. Tapos ito ang ibubungad niyo sa akin? Magpapakasal kayo at sasabihing para sa kapakanan ko. That’s bullsh*t!” Mapakla ang napatawa.

“Serafina Arevalo!”

Biglang nawala ang maamong mukha ni Papa at napalitan ito ng di pagkagusto sa sinabi ko.

Nah! Wala akong pakialam.

“Sa ayaw at sa gusto mo papakasalan ko si Matilda at simula ngayon dito na sila titira ng anak niya,” Sabi niya saka malakas na isinara ang pinto ng kwarto ko bago lumabas.

“Serelo, huminahon ka muna. Hayaan na muna natin masa-isip ni Serafina ang lahat ng ‘to. Uuwi na muna kami ni Kisses sa bahay saka na lang kami lilipat dito kapag kinasal na tayo,” Dinig kong sabi nong Matilda.

“Pasensiya ka nasa pinakitang ugali ng anak ko. Hindi naman siya sa gano’n. Napakabait ng batang ‘yon,”

“Hayaan mo na. Naiintindihan ko rin naman siya. ‘Wag kang mag-alala gagawin ko lahat para tanggapin niya ako, kami ng anak ko,” Napaismid ako sa sinabi ni Matilda.

“Ako rin po Daddy. I will do anything para tanggapin din ako ng future little stepsister ko,” 

Napataas ang kilay ko. Halatang plastic ang isang ‘to.

Ano na ba itong nangyayari sa buhay ko?

Ma, sana hindi mo na lang ako iniwan ni papa.

=======***=======

“Ang lalim naman ata ng iniisip mo, Baby?May problema ka ba?”

Kakatapos lang ng part time job ko rito sa coffee shop na nasa tapat lang din ng university namin kasama ko si Benedict na kasalukuyang ginagawa ang thesis niya.

“Hindi ko talaga lubos maisip na magpapakasal agad si Papa,”

Kahit ilang araw na ang nakalipas na sabihin ni Papa na magpapakasal siyang muli at dalhin niya sa bahay ang Matilda na ‘yon at ang anak nito ay tutol pa rin ako. 

“Bakit ayaw mong mag-asawa ulit ang Papa mo?Ayaw mo ba siyang sumaya muli?At saka diba sabi niya para rin sa kapakanan mo kaya siya magpapakasal?”

“Hindi naman sa ayaw kong magpakasal ulit si Papa ang sa akin lang masyado pang maaga. Isang buwan pa lang ang nakaraan nang mamatay si mama at kung kapakanan ko naman ang iniisip niya hindi na niya kailangan pang magpakasal ulit kaya ko naman ang sarili ko at saka nand’yan naman siya. Hindi ko na kailangan pa ng madastra,”

“Kinausap pala ako ni Tito Ser no’ng isang gabi nang ihatid kita sa inyo sabi niya tulungan ko raw siya na ipaintindi sa ’yo ang naging desisyon niya,” Nangunot ang noo ko.

Pati ba naman si Benedict?

“Anong sabi mo?”

“Sabi ko susubukan ko. Alam naming pareho na medyo may katigasan ‘yang ulo mo,” Pinagkaisahan pa talaga nila ako. Tsk.

“Baby ko, may point din naman si Tito. Alam niya kung gaano mo kamahal ang mama mo at nakita niya kung gaano ka nasaktan sa pagkawala nito kaya naisip ni Tito na magpakasal para hindi ka na muling malungkot pa,”

“Bakit hindi ba niya ako kayang pasayahin kaya naghanap siya ng ibang tao para lang pasayahin ako?”

“Hindi naman sa gano’n, Baby. Ang sa papa mo lang ay hindi niya kayang pantayan ang pagmamahal ng isang ina kahit na ibuhos pa niya sa ’yo lahat ng pagmamahal niya. Iba pa rin ang pagmamahal ng isang ina,”

Natahimik ako sa sinabi ni Benedict may point din kasi siya.

Napaka-makasarili ko ba?

Wala namang ibang inisip si papa kundi ang kapakanan ko lang.

Dapat ko ba siyang bigyan ng pagkakataon?

Matapos ang pag-uusap namin ‘yon ni Benedict inihatid niya ako sa bahay. Kakausapin ko na rin kasi papa tungkol sa pagpapakasal niya at kailangan ko ng karamay kaya isinama ko si Benedict.

“Baby, may bisita ata kayo?” 

Pareho naming napansin na may dalawa pang pares ng sapatos ang lagyan namin ng mga sapatos sa labas ng bahay. Mukhang nandito rin ang Matilda na ‘yon at ang anak nito.

“Sila siguro ‘yan. Halika pasok na tayo,”

Pipihitin ko na sana ang doorknob nang biglang bumukas ang pinto at bumungad sa amin ang stepsister kung hilaw.

Hindi ko talaga feel ang babaeng ‘to.

“You’re here na pala, little stepsis pasok ka na kanina pa kami naghihintay for you. Oh! May kasama ka pala. Hi! I’m Kisses, magiging sister ako ni Serafina and you are?”

Napairap ako sa tono ng boses ng babaeng ‘to. Ang landi. Napatingin ako kay Benedict na tila hindi maipinta ang mukha dahil nakadikit na sa kanya ang linta.

“Benedict Cruz. Boyfriend ni Serafina,” Pilit na inaalis ni Benedict ang kamay ni Kisses na nakayakap sa braso nito pero ang linta lalong humigpit ang kapit.

Pasalamat siya pinalaki ako nang mabuti ng mama ko kung hindi kanina pa nakatakim sa akin ang babaeng ‘to.

“Kisses!”

Napalingon ako sa likod ko nang may nagsalita. Nakita ko si Matilda na pinanlakihan ng mata si Kisses. Mabilis namang napahiwalay si Kisses kay Benedict habang ang huli ay nakahinga na ng maluwag.

“Hijo, Serafina, pagpasensiyahan niyo na ‘tong si Kisses may pagka-isip bata minsan kasi ‘to,”

Hindi naman isip-bata ang inasta ng babaeng ‘yon. Mas tamang sabihin na malandi ito.

“Wala po ‘yon,” sabi ni Benedict na nakangiti ng alanganin. 

“Salamat, Hijo. Siya nga pala, pumasok na kayo. Mayamaya’y kakain na tayo. Bumili pa ng softdrinks si Serelo,” Nakangiting sabi ni Matilda sa amin.

Nauna ng pumasok sina Matilda at Kisses.

“Hindi naman pala masama ang magiging madastra mo pwera lang do’n sa magiging kapatid mo. Mukhang alam mo na,”

“Malandi?” Walang gatol na sabi ko. Obvious naman kasi. Hindi lang siya isang conyo, malandi rin.

“Ikaw, binabalaan kita ‘wag kang magpapadala sa mga gano’ng klase na babae. Marami ng nakapalibot sa ’yo ‘wag mo ng punan pa,”

Totoo naman. Varsiety player siya ng basketball ng university namin at siya rin ang team captain kaya hindi maiwasang mapapalibutan siya ng mga babae lalong-lalo na ng mga gano’ng uri.

“Oy! Nagseselos ang baby ko,”

“Hindi ako nagseselos, a, sinasabi ko lang,” Hindi naman talaga ako nagseselos no.

“’Wag ka ng magselos baby. Marami man silang nakapalibot sa akin ikaw at ikaw lang naman ang laman nito,” Sabay turo sa puso niya.

“Talaga lang, a,?”

“Talagang-talaga,”

“Ahemm,” Sabay kaming napalingon ni Benedict sa likod.

“Lovebirds, tama na muna ‘yan at pumasok na tayo nang makakain na,”

“Pa/Tito,”

=======***=======

Makalipas ang isang buwan matapos ipakilala ni Papa si Matilda  ay nagpakasal na ang mga ito at ngayon kasama na namin sila ng anak niya sa pagkadalaga na Kisses rito sa bahay. Wala naman akong naging problema pagdating kay Matilda. Tinupad nga nito ang ipinangakong aalagaan ako at ituturing na parang tunay na anak.

"Anak, aalis ka na? Magmeryenda ka na muna," Sabi ni Matilda na kakalabas lang ng kusina dala ang isang tray na may lamang pagkain.

"Hindi na po. Hinihintay na po kasi ako ni Benedict sa labas,"

"Nakapagpaalam ka na ba sa Papa mo? Alam mo naman 'yon na napaka-istrikto sa inyong magkapatid," Tukoy nito sa anak.

"Opo. Nakapagpaalam na po ako,"

Hindi naman istrikto si Papa sa akin. Angsa kanya lang ay hindi ko pababayaan ang aking pag-aaral.

"O siya, mag-ingat kayo. 'Wag kayong masyadong magpa-gabi at delikado sa daan,"

"Opo. Salamat po,"

Palabas na ako ng bahay nang makita ko si Kisses na matindi ang kapit sa braso ni Benedict. At ito namang boyfriend ko tila enjoy na enjoy na nakadikit sa braso nito ang pekeng dibdib ng stepsister ko.Naningkit ang mga mata ko habang pinagmamasdan silang dalawa lalo na si Benedict na no’ng una ay diring-diri sa ginagawang pagdidikit ni Kisses sa kanya.

Tumikhim ako para makuha ang atensyon ng dalawa at nang makita nila ako lalo na si Benedict na parang natuklaw ng ahas ay agad inalis ang kamay ni Kisses sa braso niya saka madali akong nilapitan.

"Hi Baby, ito lang ba ang dadalhin mo?"

Kinuha ni Benedict ang mga gamit ko. Napag-usapan kasi namin kahapon na sabay na kaming mag-aral. Isa sa mga bonding namin ni Benedict ang mag-aral ng sabay. 

"Oo pe-"

Naputol ang sasabihin ko nang biglang umeksina si Kisses.

"Ang boring naman ng date niyo," saka niya kami nilampasan.

Anong problema nun?

"'Wag mo ng pansinin 'yon. Nagalit lang 'yon sa akin dahil hindi ko siya inilakad kay Jeric. Tara na,"

Sinundan ko na lang tingin si Kisses na pabalik na sa loob ng bahay.

=======***=======

"Serafina!"

Agad akong napalingon nang may tumawag sa pangalan ko at nakita kong tumatakbong papalapit sa akin si Jeric, isa sa mga kasamahan ni Benedict sa basketball team. Nakasuot pa ito ng jersey at pawis na pawis.

"Bakit, anong kailangan mo?"

Hindi naman ako close sa kanila. Ayaw kasi ni Benedict na makipagkaibigan ako sa mga teammates niya baka raw kasi maagaw pa ako sa kanya.

As if namang magpapaagaw ako, e, siya lang naman itong mahal ko.

"Itatanong ko lang sana kung ayos lang ba kayo ni Benedict,"Nangunot ang noo ko sa sinabi nito.

Bakit naman naitanong pa niya ‘yon?

Sa pagkakaalam ko maayos naman kami ni Benedict. Magkasama pa nga kami no'ng weekend pero sabi niya na baka madalang na kaming magkita dahil subsub sila sa practice. Naintindihan ko naman malapit na 'yong game nila sa kabilang university.

"Ayos naman kami. Sabi nga niya sa akin na magiging busy kayo this week dahil magpa-practice kayo ng husto para sa nalalapit niyong tournament. Teka, nand'yan ba siya?Pwede naman siguro ako manood, hindi ba?"

Napatingin pa ako sa likod niya nagbabakasakaling makita ko si Benedict. Limang araw na rin kasi kaming hindi nagkita.

"Kaya ko nga naitanong sa'yo kung ayos lang ba kayo dahil hindi siya sumisipot sa mga practice namin,"

Napahinto ako sa pagtingin sa likod niya saka itinuon ang atensyon ko sa kanya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Simula no'ng lunes hanggang ngayon hindi pa rin siya sumusipot sa mga practice namin. Hindi rin siya sumasagot sa mga tawag ko. Galit na galit na nga si coach at kung hindi pa siya sisipot hanggang bukas tatanggalin na siya sa team,"

Kahit hindi naman kami nagkikita, e, nag-te-text at nagtatawagan naman kami. 

"Sige.Hahanapin  ko siya. Babalitaan na lang kita,"

"Salamat, Serafina.. Sige, babalik na ako ro'n baka ako pa ang tanggalin ni coach,"

Pagkatapos naming mag-usap ni Jeric umalis na agad ako para hanapin si Benedict.

Panay ang tawag ko kay Benedict pero hindi ko siya makontak. Tinawagan ko ang parents at kapatid niya pero hindi nila alam kung nasa'n si Benedict.

Nasa'n ka na ba Benedict?

=======***=======

Maghapon kong hinanap ni Benedict sa mga lugar na lagi niyang pinupuntahan nagbabasakaling mahanap ko siya pero wala akong nakitang ni anino niya.

"Anak, nandito ka na pala. Kakarating mo lang ba? Pasensiya ka na at ngayon lang kami ng Papa mo nakarating. Birthday kasi ng kaibigan ko at inimbitahan kami ng Papa mo. Ito nga pala may dala kaming mga pagkain,"Inilabas ni Tita Matilda ang mga pagkain mula sa paper bag na dala nila.

"Dumating na rin kaya si Kisses? 'Yong batang 'yon kanina pa ako tawag ng tawag hindi naman sumasagot,"

"Matilda, baka busy 'yong bata," sabi ni Papa.

Bago muling nagsalita si Tita Matilda ay nagboluntaryo na akong puntahan si Kisses sa kwarto niya. Kanina pa ang uwian nila kaya baka nakatulog ‘yon kaya hindi nasagot nito ang mga tawag ni Tita Matilda.

"Tita, titingnan ko na lang po sa kwarto niya. Magpapalit din naman po ako ng damit,"

"Mabuti pa.Sige, anak.Salamat. Bumuba na rin kayo agad nang makakain na,"

Habang paakyat ako bigla akong napahawak sa dibdib ko nang bumilis ang tibok ng puso ko.

Wala naman akong sakit sa puso at kaka-check up ko lang no'ng isang araw at maayos naman lahat ng test result ko.

Lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang nasa tapat na ako ng kwarto ni Kisses. Umuungol si Kisses na parang binabangungunot.

Walang pagdalawang-isip na binuksan ko ang kwarto niya.

Tila ako naging istatwasa aking kinatatayuan nang makita ang dalawang taong hindi ko inaasahang makikita sa ganoong tagpo. Sa tagpong sa pelikula ko lang napapanood.Parehong walang suot na damit pang-ibabaw ang dalawa habang naghahalikan sa ibabaw ng kama.Pareho naman silang nagulat nang makita ako at unang nakabawi si Benedict.

“Baby, let me explain,”

Mabilis ko silang tinalikuran bago pa tuluyang bumagsak ang mga luha ko. Hindi ko na rin kailangan pang pakinggan ang paliwanag ni Benedict. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang nakita ko.

I’m maybe too plain but I’m not stupid.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status