Share

Chapter 3 Part 2

Nakita ko ang pagkunot ng noo niya.

“Anong klaseng suot yan?”

Bakit may mali ba? Hindi ba niya nagustuhan?

“Bakit may mali po ba sa suot ko?”

Napabuntong hininga siya.

“Palitan mo yan.” walang buhay nitong sagot.

Papalitan? Pero ano naman ang ipapalit ko halos wala akong mapili sa mga damit ko.

“Pasensya na sir, wala na kasi akong maayos na damit. Halos puro kupas na po. Kaya ito na lang bigay ni Julie ang isinuot ko.”

Pinasadahan niya ulit ako ng tingin. Nakita ko ang mas lalong pagdilim ng mukha nito.

Tumayo ito sa kinauupuan at nilampasan ako. Hindi ko alam kung susunod ba ako o hindi. Hindi naman kasi niya sinasabi na aalis kami.

Hindi pa rin ako gumagalaw sa kinatatayuan ko.

“Ano pang ginagawa mo dyan?” Napaigtad ako. Pasulyap niya akong tiningnan. May dalaw na naman siguro siya kaya masungit.

Nagmamadali akong sumunod sa likuran niya.

Pagdating sa garahe ay nakita ko ang driver niyang si Mang Oscar. Nasa gilid siya ng sasakyan ni sir. Halatang naghihintay. Nasulyapan niya kami. Nakita ko sa mukha niya ang pagtataka, siguro ay nagtataka siya kung bakit ako ang kasama ni sir. Kaagad niya akong nginitian, at ginantihan ko rin siya ng ngiti.

Binuksan ni Mang Oscar ang pinto ng back seat, pumasok doon si Sir. Akma ko pa lang bubuksan ang pinto ng front seat ay naunahan agad ako ni Mang Oscar nilingon niya akong nakangiti. “Pasok na po kayo ma’am.”

Nahiya ako sa tinuran niya. Kaya bumulong ako dito.

“Pareho lang po tayo Mang Oscar na tagasilbi.” Nakangiti kong sagot.

"Ayos lang yun." natatawang sagot nito.

Sinenyasan niya na akong pumasok. Akma na akong papasok ng biglang.

“Dito siya uupo mang Oscar.” Pareho kaming napatingin ni Mang Oscar kay Lex ng magsalita ito.

Nahuli ko ang pagpipigil ng ngiti ni Mang Oscar.

“Sa tabi daw pala kayo ni Sir uupo ma’am.” Tila nang aasar niyang sabi.

I sighed.

Ano ba nasa isip ng lalaking ito. Hindi ko na nga alam kung bakit niya ako kailangang isama pa. Tapos ngayon doon pa niya ako pauupuin sa tabi niya. Natural lang naman maupo ako sa harapan, dahil kasambahay ako. Pero sa tabi niya..

Iginiya ako ni Mang Oscar sa likod ng sasakyan. Dahan-dahan akong pumasok sa pinto, hindi ko maintindihan kung paano ako uupo sa tabi ng lalaking ito. Pagkasara ng pinto ay umikot si Mang Oscar sa kabilang bahagi, sa driver seat. Saglit niya pa kaming sinilip sa rear view mirror bago pinaandar ang makina ng sasakyan.

“Okay lang po ba kayo ma’am Honeylette mukha kasing dikit na dikit kayo sa pinto. Pwede naman po kayong umusod ng konti sa tabi ni Sir. Mabait naman po si Sir. Hindi po yan nangangagat.” Natatawang sabi ni Mang Oscar.

Bigla akong nakaramdam ng hiya. I bit my lips.

Malaki ang puwang sa aming gitna akala mo ay magkagalit. Saglit ko siyang tinapunan ng tingin. Ngunit diretso lamang itong nakatingin sa unahan ng sasakyan.

Ibinaling ko na lamang ang aking mga mata sa labas ng bintana. Ngunit naaagaw ang atensyon ko sa pabangong naaamoy ko sa loob ng sasakyan. Amoy iyon ni Lex. Napakasarap sa ilong ang amoy nito.

Ngayon lang ulit ako nakalabas kaya sobra ang aking pananabik at tuwang tuwa sa aking nakikita.

Wala ni isa sa amin ang nagsasalita sa pagbyahe. Hindi ko na sinubukan magtanong kung saan kami pupunta. Baka masinghalan niya lang ako.

Hanggang sa nakita ko ang pagparada ng sinasakyan namin sa isang mall.

“Hintayin niyo na lang kami dito Mang Oscar.”

“Sige po Sir.”

Bumaba na si Alexander kaya umusod na rin ako para maka-baba. Doon na rin ako lalabas sa pintong binabaan niya.

Ngunit nagulat ako ng bigla itong yumuko at sumilip sa loob ng sasakyan dahilan para magsalubong ang mga mukha namin.

“May gusto--” nanlaki ang aking mga mata ng kamuntik nang maglapat ang mga labi namin. Hindi niya na naituloy ang sasabihin. Parang tumigil ang oras namin sa ganoong posisyon. Halos maduling ako dahil sa lapit ng mukha namin sa isat isa.

Nagkatitigan ang aming mga mata. Bahagyang nakaawang ang kanyang mga labi dahil sa hindi natuloy na pagsasalita. Nakita kong bumaba ang tingin niya sa aking labi. Hindi rin nakalampas sa aking paningin ang pagtaas baba ng kanyang adams apple. Hindi ko alam kung bakit ko nagawang basain ang aking mga labi ng mga oras na iyon.

Taglay din pala niya ang maamong mukha, kapag hindi nakakunot ang noo. Ang kanyang mga mata na kulay brown,ang matangos niyang ilong. Ang mapula at manipis niyang labi at ang ilang hibla ng kanyang buhok na nakatabing sa unahan nito. Naamoy ko ang mabango niyang hininga.

Ngayon ko masasabing napaka-gwapo niya talaga kaya naman pala patay na patay sa kanya si Julie.

Parehas kaming napapitlag ng tumikhim si Mang Oscar na matagal na pala nakatingin sa amin. Kaagad tumuwid ng tayo si Lex at nag-iwas ng tingin. Ako naman ay hindi malaman kung anong magiging reaksyon, dahil sa sobrang pagkailang.

“May sasabihin po ba kayo sir?” Tanong ni Mang Oscar, habang nakasilip at nakatingala sa may bintana at hinihintay ang sagot ni Lex.

“Kung may gusto sana kayong ipabili.” Sagot nito na tila walang nangyari.

“ahhhmmmm..” bahagyang nag-isip si Mang Oscar.

“Maari mo ba akong ibili ng pabango? Gusto ko sana ay iyong katulad ng sayo. Pero mukhang mahal yun. Kaya kahit ano na lang basta mabango baka sakaling hindi na ako iiwasan ng tiyahin ni Ma’am. Mangha akong napatingin kay Mang Oscar ng sabihin niya iyon. Si tiya Maring ba ang tinutukoy nya?

Nakita ko ang pagtaas ng gilid ng labi ni Lex sa sinabi ni Mang Oscar.

“Sige po. Bibili ako.” Nakita ko ang ibang pakikitungo ni Lex kay Mang Oscar para silang mag-ama kung magusap.

Tumalikod na ito at naglakad palayo sa sasakyan, ako naman ay nagmadaling bumaba para habulin ito.

Pumasok kami sa grocery. Inutusan niya akong kunin ang mga dapat bilihin na pangangailangan sa kusina. Ginawa ko ang sinabi niya at mabilis ko iyon natapos. Pumila na kami sa counter para magbayad. Pagkatapos ay pumunta kami sa isang store ng mga damit pambabae.

Ano kayang gagawin namin dito? Tanong ko sa sarili.

“Pumili ka ng mga magugustuhan mo.”

Napalingon ako kay Lex. Tiningnan ko siya ng may pagtatanong.

“Just follow what I said.” May diin niyang sabi.

Seryoso ba siya? Alam kong mahal ang mga presyo ng mga damit na narito. At ayokong gawin ang sinasabi niya.

“Ayoko.” Pagpoprotesta ko. Yumuko ito at hinilot ang tuktok ng ilong. Mannerism niya na ang paghilot ng ilong niya kapag naiinis.

Tinawag niya ang isa sa mga saleslady. At may sinabi dito at saka may iniabot.

Lumapit sa akin ang saleslady na kinausap niya. Niyaya ako nito, hindi na ako nakapalag pa dahil tumalikod na si Lex at iniwan ako. Sinabi niyang babalik na lang siya kapag tapos na ako.

*

Halos ang gaganda ng sinukat kong damit kaso sa tuwing titingnan ko ang presyo ay laglag ang panga ko sa mahal nito.

Nagandahan ako sa isang floral dress. Hinawakan ko iyon, napakaganda ng tela.

“Gusto niyo po ba iyan ma’am?”

Umiling ako sa saleslady kahit na ang totoo ay gustong-gusto ko ito.

Maya maya pa ay bumalik na si Alexander. May dala dalang isang maliit na paper bag. Siguro ay iyon ang pinabibiling pabango ni Mang Oscar.

“Nakapili ka na ba?” tanong nito ng makalapit sa akin.

“Umiling ako. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko ng makitang iniabot ng babae ang ilang paper bag sa kanya kasama ng isang card.

“Ito na ba lahat?”

“Yes sir.”

Kinuha nya iyon at lumabas na ng store. Kaagad akong sumunod dito.

Dala- dala niya ang mga paper bag na binigay ng babae. Alam ko na mga damit iyon at hindi ako nagkakamali na sa akin ang mga iyon.

Sa paglalakad ay nakita ko ang mga ilang lalaking tumitingin sa akin. Naiilang ako sa mga titig nila. Huminto si Lex sa paglalakad at nagulat akong ng humarap ito sa akin.

“Wear this!” iniabot niya ang isang black jacket. Natulala ako. Nang hindi ko iyon kinuha ay ibinaba niya ang mga hawak niya saka idinampi sa likod ko at ibinuhol ang mga manggas nito sa tapat ng puson ko. Tinakpan niya ang nakalabas na bahagi ng aking tiyan at likod. Hindi ako kaagad makabawi ng kilos dahil sa ginawa niya.

“Sa susunod ayoko ng magsusuot ka ng ganyan.” I blinked my eyes twice nang marinig ko ang sinabi niya. Mabilis niya akong tinalikuran, ang lalaki ng hakbang niya kaya halos hingal na hingal ako ng makarating sa sasakyan.

Bago umuwi ay dumaan muna kami sa isang restaurant at kumain. Natapos ang lahat ay walang nagsalita ni isa sa amin hanggang sa makauwi ng bahay.

**

Nakaupo ako sa isang silya habang nakatitig sa aking higaan. Ano bang pumasok sa isip ng lalaking yun at binilhan niya ako ng mga damit? Paiba iba ang mood niya minsan masungit, tapos ngayon may nalalaman pa siyang ganito. Napabuntong hininga ako. Babayaran ko na lang siguro siya sa mga ito. Oo tama, sasabihin ko sa kanya na babayaran ko na lang ang lahat ng ito. Pero kailan ko pa kaya ito mababayaran. Halos ang laki ng halaga nito. Ilang sweldo ko rin ang katumbas. Muli akong humugot ng malalim na hininga at tinungo ang cabinet at isa- isang itinago ang mga damit. Mabuti na lang at hindi nakita nina Julie at nang iba pang kasambahay na ipinamili ako ni Sir. Kung sakaling nakita nila pihadong abot -abot ang tanong nila sa akin. Wala akong alam na isasagot sa kanila, dahil kahit ako hindi ko maintindihan kung bakit niya ito ginawa.

Nang matapos ako sa aking ginagawa ay nagpasya akong lumabas at pumunta sa kusina. Sa aking paglakad papalapit sa pinto ay naalala ko ang nangyari kanina sa mall, kung saan muntik ng magdikit ang mga labi namin dalawa.

Lumarawan sa aking paningin ang gwapo niyang mukha. Pinilig ko ang aking ulo ng maisip iyon. Bakit ba bigla-bigla na lang napasok iyon sa utak ko.

“Ay kabayong gwapo!.” Halos mapatalon ako sa gulat ng pagbukas ko ng pinto ay tumambad sa akin ang mukha ni Sir. Napatakip tuloy ako ng bibig ng mapasigaw. Narinig kaya niya? Malamang ang lakas kaya. Kasi naman nakakagulat siya para siyang kabute na basta basta na lang sumusulpot.

“What did you say?” Tanong nito. Nag-init ang aking mukha. Napahiya ako. Bakit ba kasi ganito lagi nararamdaman ko kapag kaharap siya. Hindi kaya? Naku malabo iyong mangyari hindi siya ang tipo kong lalaki, masyadong mayaman.

“Hey.” Napapitlag na naman ako ng muli siyang magsalita. Humugot muna ako ng malalim na hininga bago sumagot.

“Wala po. Bakit po pala kayo nandito? May kailangan po ba kayo?” magalang kong tanong.

“I want your coffee” Napataas ang aking kilay sa sinabi niya. Ano daw?. Gusto niya raw ng kape ko?

“Ano pang hinihintay mo?” Pagsusungit nito. Naiinis ako sa isip ko ng sinabi niya iyon. Paano ba naman kasi ako makakapagtimpla ng kape ay nakaharang siya sa daraanan ko. Ang laki ba naman kasi ng bulto niya kaya halos sakop na niya ang buong daan.

Nag -excuse ako sa kanya. Pero parang hindi niya ako narinig hindi man lang siya gumilid. Pinagkasya ko na lamang ang aking sarili sa maliit na espasyo. I rolled my eyes, ng makalampas ako sa gilid niya.

Nakatalikod ako habang hinahalo ko ang tinitimpla kong kape nang maramdaman ang prisensya niya. Narinig ko ang paghila niya sa upuan.

Dinampot ko ang kape para dalahin sa kanya ngunit pagharap ko ay nakita ko siyang nakahilig ang ulo sa sandalan ng upuan bahagya siyang nakatingala habang nakapikit at magkalapat ang mga labi. Bigla tuloy akong napalunok ng mapatingin sa labi niya. Ayaw ko sana siyang abalahin dahil ramdam ko ang pagod niya sa kanyang posisyon, ngunit lalamig naman itong kape niya. Tumikhim ako para maagaw ang atensyon nito. Minulat niya ang kanyang mga mata at diretsong tumingin sa akin. Mapupungay ang mga mata nito na akala mo’y inaantok. Ngunit nakakailang ang ginagawang pagtitig nito sa akin. Nilapag ko ang tasa ng kape sa ibabaw ng mesa para makaiwas sa mga titig niya. Akma na sana akong aalis ng magsalita ito.

“Honey.” Natigilan ako sa pagtawag niya sa akin ng ganoon. Dahan dahan akong tumingin sa kanya nakita ko pa rin ang mga mata niyang nakatitig sa akin. May kung anong dating sa akin ang mga titig niya at sa pagbigkas niya ng pangalan ko.

Marami naman ang natawag sa akin ng Honey. Karamihan ay mga classmate ko noong high school at meron din mga lalaki, pero bakit ng tinawag niya ako sa ganoon ay iba ang naging dating noon sa akin. Ngunit binalewala ko pa rin iyon.

“Bakit po may kailangan pa po ba kayo?.”

“I’m going to Batangas next week.” Umayos ito ng pagkakaupo at sumimsim sa tasa ng kape. Pupunta siyang Batangas? Eh ano naman ngayon kung pupunta siya. Gustong gusto ko yun sabihin kaso baka mapikon na naman siya. Napapabungisngis tuloy ako sa aking isipan.

“Pupunta po kayo?”

“Yes. I want to take a vacation and I want you to come with me.” Ano daw gusto niya magbakasyon at isasama niya ako?

“Teka bakit naman ako Sir? Bakit hindi iyong anak niyo o asawa ang isama niyo?” Oo tama bakit hindi nga sila ang isama niya.

“At sino nagsabi sayong may asawa’t anak na ako?” Naiinis nitong tanong. Natigilan ako. Bakit wala pa ba siyang asawa? Ilang linggo na rin ako dito pero hindi ko pa iyon naitatanong kina Julie kasi nga hindi naman siya pwedeng pag-usapan at saka sa edad niya imposibleng wala pa siyang asawa. Malay ko ba, baka may isang bahay pa siya at doon sila nakatira.

Nakakunot na ngayon ang kanyang mga kilay. Mukhang magigisa na naman ako. Ano ka ba Honeylette nagkamali ka na naman.

“Sir kasi pasensya na kayo akala ko kasi may pamilya na kayo. At hindi sila dito nakatira. Sorry po talaga.” Narinig ko ang buntong hininga niya.

“Its ok, by the way, I already told Manang na ikaw ang isasama ko.”

Sumang-ayon na lamang ako sa sinabi niya. Ano pa bang magagawa ko, siya ang boss.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status