Share

Chapter 4

Lumipas ang mga araw, at ngayon ay nag-iimpake na ako ng mga gamit ko na dadalahin patungong Batangas. Nakakaexcite at makakapunta ulit ako dito. Nakakamis ang lugar na iyon, sa probinsiya, kung saan ako isinilang. Hindi ko alam kung gaano kami katagal doon. Saan kaya sa Batangas? Sana isa sa mga beach doon.

Naku kahit na may beach hindi rin naman ako mag-eenjoy malamang hindi naman ako makakalabas doon. Isasama niya lang naman ako para may utusan siya.

“Honeylette” narinig ko ang pagtawag ni Tiya nakadalawang katok siya sa pinto. Kaya naman nagmamadali akong lumabas.

Nabungaran ko ito.

“Tapos ka na ba? Ikaw na bata ka umayos ka roon hah? Wag mo nang dadalhin iyang kakulitan mo.”

“Opo Tiya.” Nakasimangot kong sagot sa kanya.

Inihatid niya ako sa labas. Nakita ko si Mang Oscar na nagpupunas ng sasakyan.

“Good morning Honeylette!, good morning Maring.” Natawa ako sa pagbati ni Mang Oscar sa amin lalo na noong si Tiya na ang binati niya biglang lumamyos ang boses nito. Naalala ko nga pala noong pumunta kami sa mall hindi ko pa iyon naitanong kay Tiya kung may pagtingin ba sa kanya si Mang Oscar. Nakita ko ang pagsimangot ni Tiya nang batiin ito ni Mang Oscar. Umiral naman ang kapilyuhan sa utak ko.

“Magandang umaga rin po Mang—” naputol ang sasabihin ko nang marinig kong magsalita si Tiya.

“Anong maganda sa umaga?” pagsusungit nito kay Mang Oscar. Napansin ko na tila nahiya si Mang Oscar, kaya naman sumingit ako.

“Syempre tiya kayo ang maganda sa umaga ni Mang Oscar.” Sinabayan ko ito ng hagikhik. Para naman mga teenager ang dalawa na parehas kong nakita na namula ang pisngi. Kaya naman tawang tawa ako sa kanila.

Dahil sa pagkainis ni tiya, kaya kinurot niya ako sa tagiliran ko, pero pana’y parin ang tawa ko. Napawi lang iyon nang masulyapan ko si Sir. Naka-white T-shirt lang siya at naka-short, pagkatapos ay nakasapatos na puti rin. Ang simple lang nang suot niya pero lutang na lutang ang kagwapuhan niya. Naiwang nakabukas ang aking bibig habang pinagmamasdan papalapit si Sir.

“Ikaw Honeylette mukhang maganda rin ang umaga mo. Baka matunaw si Sir sa pagtitig mo.” Natatawang sabi ni Mang Oscar. Nakahulma lang ako nang sinabi niya iyon. Halos umakyat lahat ang dugo ko sa aking mukha dahil sa pamumula nito. Napansin ko na lang na nasa harapan ko na siya. Kanina pa ba siya dyan? Bakit hindi ko man lang napansin na nakalapit na pala siya. Gusto ko na lang lamunin ako ng lupa sa kinatatayuan ko dahil sa pagkapahiya. Napansin pa iyon ni Mang Oscar. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ba ako natutulala kapag nakikita ko siya.

Kinuha ko kay Tiya ang bag ko at dali daling tumalikod. Narinig ko ang pagtawag ni Sir kay Mang Oscar, pagkatapos ay lumapit sa akin si Mang Oscar at kinuha ang gamit ko at inilagay sa likod ng sasakyan. Napansin kong wala masyadong dalang gamit si Sir. Narinig kong nagsalita si Tiya.

“Kayo na po Sir ang bahala kay Honeylette.”

“Oo. Ako ang bahala sa kanya.” Nanindig ang mga balahibo ko sa sinabi niya. Bakit ba parang may laman lagi ang mga sinasabi niya. Tila parating may ibig sabihin, o ako lang itong masyado kung mag-isip. Napansin ko na naman ang pagtitig niya sa akin. Bagay na ikinaiilang ko.

Sumakay na ito ng sasakyan.

Bahagya akong natigilan, saan kaya ako sasakay sa una ba o sa huli? Tanong ko sa sarili saktong lapit naman sa akin ni Mang Oscar.

“Ma’am sa tabi raw po kayo ni Sir.” Nangingiting sabi nito. Nag-alangan pa akong sumakay. Lumingon muna ako kay tiya at kumaway bago tuluyan pumasok sa sasakyan. Tumango naman siya sa akin at ngumiti.

**

Nagsimula na kaming bumiyahe. Sa sobrang katahimikan sa loob ng sasakyan ay hinila ako ng antok. Pilit ko pang nilalabanan pero kusang bumabagsak ang talukap ng aking mga mata.

Nagulantang na lang ako ng sa paggising ko, ay nasa isang kwarto na ako. Paano ako napunta dito? Ang natatandaan ko ay nasa byahe kami kanina at hinatak ako ng antok. Sandali. Ibig sabihin nasa Batangas na kami? At sino naman kaya ang nagbuhat sa akin patungo dito sa kwarto? Hindi kaya, pinilig ko ang aking ulo ng maisip ang bagay na iyon. Imposibleng si Alexander ang bumuhat sa akin malamang ay si Mang Oscar nakaramdam tuloy ako ng hiya. Bakit ba naman kasi hindi ako nagising. Hindi ko man lang namalayan ang pagdating namin. Gaano ba ako kapagod at nakatulog ako ng mahimbing?

Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan ng kwarto. Kulay puting pintura lamang ang makikita rito. Napakalinis tingnan dahil wala pa masyadong gamit bukod sa malambot na kama at nightstand, mayroon rin walk in closet at sariling bathroom. Sa gilid ng kama ay naroon ang glass sliding door na bahagyang nakabukas kaya napapawid ng hangin ang puting kurtinang nakasabit dito. Naglakad ako papunta roon. Sa labas nito ay mayroong maliit na terrace kung saan makikita mo ang kulay asul na dagat. Sa wari ko’y nasa taas ng burol, nakatayo ang bahay na ito, dahil sa nakikita ko. Malamig ang hampas ng simoy nang hangin. Tila ako dinuduyan.

Nang makalanghap ng sariwang hangin ay nagpasya akong lumabas ng kwarto. Nakita ko sa tapat ang dalawang pinto. Marahil ay kwarto rin iyon. Bumaba ako ng hagdan. Pagkababa ko ay nakita ko sa aking kanan ang maliit ngunit simpleng disenyo ng living room. Sa kaliwa naman ay naroon ang dining table. Meron din counter island. Maliit lang at simple ang bahay. Halos bagay ang bahay na ito sa mag-asawang bagong kasal na bubuo pa lang ng pamilya.

Napanguso ako at bahagyang namula ang mukha nang maisip iyon. Bakit ba iyon ang sumilid sa utak ko. Iniisip ko ba na bagong kasal kami at lumipat dito para bumuo ng pamilya?. Tinapik tapik ko ang aking pisngi para mawala iyon sa isipan ko.

Bahagya akong natigilan ng pumasok sa pinto si Sir. Saan siya galing? Nakita kong may bitbit siyang supot.

Nakatitig lang ito sa akin, bago pa ito nagsalita.

“Gising ka na pala.” Sambit nito. Aba himala hindi yata masungit ang tono ng pananalita niya.

“Let’s eat.”

Ang bait naman niya ngayon. Pagkain pala ang binili niya. Nag-alinlangan pa akong umupo baka kasi nagkamali ako ng dinig. Imposibleng magkasabay kaming kakain.

“Huwag ka nang tumayo dyan, maupo ka na.” utos nito. Gusto ko siyang dampian ng kamay sa noo. Titingnan ko baka may lagnat ito.

Habang kumakain ay bigla kong naalala kung paano ako nakarating ng kwarto. Kaya naman tinanong ko siya. Tila akong hinog na kamatis dahil sa pamumula ng aking mukha. Nalaman ko kasing siya ang bumuhat sa akin. Para dalahin sa kwarto. Balewala lang sa kanya ng sinabi niya iyon. Ngunit para sa akin sobrang nakakahiya. Nagtulo laway kaya ako kanina? Napapikit tuloy ako ng maisip iyon. Mabilis kong tinapos ang pagkain. Dahil sa pagkapahiya.

**

Mag-gagabi na, mula kanina pagkatapos namin kumain ay umakyat na siya sa taas. Napansin kong pumasok siya doon sa isang pinto sa tapat ng pintong nilabasan ko kanina. Wala akong magawa noon. Nakakaboring, kaya umakyat na rin ako sa kwarto. Nakakahiya naman kasing magkikilos dito. Nang makapasok ako ng kwarto ay tinungo ko ang closet nakita ko roon ang gamit ko. Nagpasya akong maligo. Pagkatapos ay nagpalit ng pantulog.

Malalim na sa gabi ngunit hindi pa rin ako dalawin ng antok. Marahil ay dahil sa haba ng tulog ko kanina o alinman ang namamahay ako. Kaya naman nagdesisyon akong bumaba. Titingin ako kung ano ang pwedeng makain. Ngunit ganoon na lamang ang gulat ko nang sa paglabas ko ng pinto ay narinig ko ang pagkabasag nang isang bagay. Doon iyon nanggaling sa kwartong pinasukan ni sir kanina.

Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Kung kakatok ba ako para tanungin siya o ipagwawalang bahala ko na lang. Ngunit napaawang ang labi ko nang makita siyang lumabas ng pinto. Nagtama ang paningin namin. Hindi ako nakapagsalita. Nakita ko ang pamumula ng kanyang mga mata. Kahit na natatabunan iyon ng mga nakalaylay na buhok sa unahan ng kanyang mukha. Bumaba ang tingin ko sa kanyang kamay. Nakita ko ang pagdugo nito. Namilog ang mga mata ko. Nakaramdam ako ng kaba at awa. Kaya naman hindi na ako nagdalawang isip na lapitan siya, para gamutin ang kanyang sugat sa kamay.

“Sir ano pong nangyari?” Kaagad kong tanong nang matawid ko ang distansya namin. Hinawakan ko ang kanyang kamay, ngunit nagulat ako ng bigla niya itong iwinaksi. Nanlaki ang aking mga mata sa ginawa niya. Nakaramdam tuloy ako ng takot.

“Leave me alone.” Utos nito. Ngunit hindi ako natinag. Kailangan magamot ang sugat niya at baka ma-infection pa ito. Kaya naman sinabi kong gagamutin ko ang sugat niya. Ngunit lalo lang itong nagalit, na ipinangatog ng kalamnan ko.

“Hindi ka ba nakakaintindi? I said leave me alone!.” Nanlilisik ang mga mata nito. Nangilid ang aking mga luha tila ako nasaktan sa sinabi niya, ang makitang galit siya ay tila ang laking epekto sa akin. Oo, nagagalit o naiinis siya sa akin kapag may mali akong ginagawa o hindi niya nagugustuhan. Pero hindi ganito ang dating noon sa akin. Bakit tila iba ngayon. Hindi naman siya ganito kung magalit. Anong problema niya?. Malapit nang lumaglag ang aking mga luha kaya tumakbo na lang ako pabalik ng kwarto. Iniwan ko siyang nakatayo roon. Umiyak ako. Hindi ko alam sa sarili ko bakit sobra akong nasaktan sa pagsigaw niya sa akin. Gusto ko lang naman siyang tulungan. Muling bumalong ang aking mga luha nagtagal ako sa aking pag-iyak hanggang sa makatulugan ko na ito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status