Share

Chapter 4

“Chase bumangon ka na at magsisimba pa tayo.” saad ko pagkatapos ilang beses kalampagin ang kuwarto ng kapatid ko. Kanina ko pa ito kinakatok at kanina pa rin ako naiinis dahil parang wala itong pakialam sa paulit-ulit na pagkatok ko. Kanina pa ako nakaligo dahil ang usapan namin sama-sama kaming magsisimba ngayong araw ng Linggo sa Cathedral tapos hanggang ngayon tulog pa rin sila.

“Richelle Louise hinaan mo naman ang pagsasalita mo. Pati yata kapit-bahay plano mong gisingin.” saad ni Mama na kalalabas lang ng sarili nitong kuwarto at nag-iinat pa ng katawan. Gusto kong matawa. May nanggigising ba na mahina magsalita? Inirapan ko lang si Mama at ibinalik ang atensiyon sa pinto ni Chase at kinalampag iyon nang paulit-ulit.

“Chase, ‘pag hindi ka pa lumabas, babawasan ko ang allowance mo.”

Pagkasabi ko ng mga katagang iyon ay mabilis pa sa alas kuwatrong bumukas ang pinto ng kuwarto nito at iniluwa nito sa harapan ko ang kapatid kong dinaig pang pugad ng ibon ang buhok. Ang gulo-gulo. Ilang buwan na ba siyang hindi nagpapagupit? Sa sobrang busy ko nitong nakalipas na buwan hindi ko na tuloy naasikaso ang kapatid ko. Pakiramdam ko tuloy isa akong pabayang Ate sa kaniya.

“Ate hindi ba puwedeng pass muna ngayon? Alas tres na ako natulog eh.” pagmamakaawa nito. Sa totoo lang gusto kong bumigay sa pagpapaawa niya sa akin pero hindi, hindi puwede dahil pagkatapos ng simba ngayon, dadaan din kami sa ophthalmologist niya para i-check muli ang grado ng kaniyang mata. Plano ko na rin kasing palitan ang eyeglasses niya. Ngayong araw ko na rin siyang planong pagupitan sa barbero.

“Walang magpa-pass ngayon. Pumunta ka na sa banyo mo at maligo.”

Sumimangot pa ito at humikab sa harapan ko. Dahil nga tumatakbo ang oras kinailangan ko pa itong itulak papasok sa banyo nito para lang makaligo siya. Napabuntong-hininga ako nang makita ang mga nagkalat nitong libro sa kaniyang study table. Mayroon ding iba’t-ibang kulay ng highlighter doon. Bago ako lumabas ay niligpit ko muna ang kaniyang higaan at mga gamit.

Wala kaming katulong kaya palagi kong chini-check ang kuwarto nilang dalawa ni Mama kung maayos at malinis ba. Pinulot ko na rin ang mga naglakat na balat ng tsokolate na paniguradong kinakain niya para maging aktibo ang utak niya sa gabi. Sumunod naman akong nagtungo sa kuwarto ni Mama. Walang tao roon, paniguradong nasa kusina na naman iyon para maghanda ng makakain. Ang kuwarto ni Mama ang pinakamalinis sa lahat. Wala akong ginalaw na kahit isang bagay roon.

“Ako na riyan, Ma. Maligo ka na, sige na. Baka ma-late tayo. Ayokong tumayo habang nagmimisa ang pari.”

Napatitig pa siya sa akin bago tuluyang ipinaubaya sa akin ang pagluluto ng pancit canton at pagpapainit ng tinapay sa oven. Halos dalawang minuto pa ang lumipas bago sila lumabas ng kani-kanilang kuwarto.

“10 minutes lang tayong kakain ha. Tumawag na ako ng taxi, kaya bilisan niyo na.”

Naiiling na kumuha ng tinapay ang kapatid ko at inisang subo ito. Hindi man lang nito maayos na nginuya ang pagkain. Inabot nito ang gatas at ininom iyon ng dire-diretso. Napatingin na lang tuloy kami ni Mama sa kaniya. Pagkatapos naming kumain, iniwan ko ang mga pinggan sa sink. Nag-retouch pa ako bago lumabas. Sakto namang dumating din ang taxi driver na naging suki na namin. Sa village rin kasi namin ito nakatira ang driver nito kaya kapag may lakad kami, dito na kami sa taxi niya sumasakay.

“Magsisimba kayo ngayon, Richelle?” tanong nito.

Agad naman akong tumango.

“Minsan na nga lang ho kaming makapagsimba dahil marami akong gawain.”

Ngumiti naman si Mang Lito.

“Umuunlad na talaga ang buhay niyo Belle, napakasuwerte mo sa mga anak mo. Itong si Richelle may stable na trabaho, iyang si Chase ubod nang talino. Walang-wala ang mga anak kong walang ibang ginawa kundi tumambay sa bahay.” reklamo nito.

Nang bumaling ang tingin ko sa salamin ay nasilayan ko ang simpleng pagngiti ni Mama.

“Wala pa rin hong trabaho si Warren? Gusto niyo po bang tulungan ko siyang makapasok sa kompanyang pinagtatrabahuhan ko? Naghahanap po sila ng mga bagong IT. Eh hindi ho ba si Warren ay graduate ng kursong Information Technology?”

Napatango naman nang mabilis si Mang Lito.

“Naku, maraming salamat Richelle. Sasabihin ko iyan sa anak ko.”

Dumating kami sa simbahan ng eksaktong alas siyete. Wala pang gaanong tao kaya nakahanap kami ng upuan sa harapan. 7:30 kasi ang simula ng misa at ang karaniwang dating ng mga tao ay bandang 7:20.

“Ate Richelle!”

Napalingon naman ako sa babaeng tumawag ng pangalan ko at nanlaki ang mga mata ko nang makita sina Riye, Rio at Troy na naglalakad palapit sa amin. Malawak pa ang espasyo ng upuan namin. Kasya pa ang tatlong tao. Saktong-sakto para sa kanila.

“Riye. Hi, what are you doing here?” tanong ko.

Pabiro nitong nag-eye roll at lumingon sa kuya niya.

“Si Kuya kasi gusto raw ritong magsimba.” paliwanag nito.

Nginisihan ko naman agad si Sir Troy na ngayo’y nakatingin sa akin.

“Kahit saan talaga sinusundan mo ako ‘no? Aminin mo nga Sir Troy, crush mo ba ako?” pang-aasar ko rito.

Natawa naman sina Rio at Riye habang si Mama ay bigla na lang akong hinampas sa braso.

“Aray naman, ‘Ma.” sinamaan ko nang tingin si Mama habang marahang hinihimas ang namumula kong braso.

“Ate Riye!” pasimpleng tawag ng kapatid ko kay Riye sabay kumaway rito. Matamis na ngumiti si Riye at naglakad patungo sa bakanteng espasyo sa tabi ni Chase at doon umupo. Malapit talaga sila sa isa’t isa. Si Riye ang role model ni Chase kaya gusto rin ng kapatid ko mag-take ng Legal Management sa kolehiyo.

Nabigla naman ako nang biglang umusod si Mama at umupo sa pagitan namin si Sir Troy habang ang nasa kanan ko naman ay si Rio. Napapagitnaan na ako ngayon ng magkapatid at hindi ko alam kung paano nangyari at naging ganito na ang posisyon namin.

“Bakit dito kayo nagsimba? Eh hindi ba may mas malapit na church sa inyo?” tanong ko kay Rio.

“Eh si Kuya, siya ang nag-decide. Gusto ka yata ma—ahh kuya masakit!”

Hindi naituloy ni Rio ang sasabihin nang biglang hilahin ni Troy ang kaniyang kaliwang tainga. Binitawan din naman nito agad ang tainga nang kapatid nang hampasin ko ang kamay nitong nakadagan sa likuran ko.

“Ano ba Sir Troy, nasa simbahan tayo tapos nananakit ka.”

“Kaya kayo nagkakasundo niyang si Rio kasi pareho kayong mapang-asar at matigas ang ulo.”

Sabay kaming sumimangot ng kaniyang kapatid.

“Pero gusto ka lang niyan makita.” mabilisang bulong sa akin ng kapatid niya.

Akmang iaangat niyang muli ang braso niya nang pigilan ko ito gamit ang kamay ko. Sabay kaming napatingin sa kamay kong nakahawak sa braso niya. Ilang taon na kaming magkakilala pero ngayon ko lang siya nahawakan sa braso. Nagmadali akong inalis iyon pero bago ko pa tuluyang magawa ay mabilis niyang nahawakan ang kamay ko. Kung paano nangyari iyon, hindi ko rin alam dahil nga napakabilis ng pangyayari.

Nagkatitigan kaming dalawa. Nang maramdaman ko ang pagkabog nang dibdib ko ay mabilis kong binawi ang kamay ko.

“Kinilig ka ‘no?” bulong niya sa akin.

Pakiramdam ko tumayo lahat ng balahibo ko sa batok dahil ramdam na ramdam ko ang init ng kaniyang hininga roon. Humugot ako nang malalim na hininga at saka bumaling sa kaniya.

“Asa ka.” sabi ko saka inirapan siya. Narinig ko naman ang kaniyang mahinang pagtawa.

Hindi na kami nagpansinan pa hanggang sa magsimula ang misa. Itinuon ko na lang ang atensiyon ko sermon ng pari. Isang oras din ang itinagal ng misa. Dahil nga masyadong marami ang mga taong nagsimba, pinauna muna namin na lumabas ang karamihan.

“May lakad ba kayo ngayon?” tanong sa akin ni Sir Troy nang makalabas na kami ng simbahan.

Kasabay ko siya sa paglalakad at bahagya kaming nauuna kina Mama, Chase at mga kapatid niya.

“Ah, dadaan kami ni Chase sa ophthalmologist niya tapos sa barber shop para magupitan na rin ang buhok niya. Mahaba na kasi.”

Tumango naman siya. Maikling katahimikan ang pumagitan sa amin.

“Gusto niyo bang sumama sa amin, kakain kami sa labas.” tanong niya sa akin.

Pinaningkitan ko siya ng mata at pinasadahan nang tingin mula ulo hanggang paa. Maging siya tuloy napatingin sa kaniyang suot.

“Niyaya mo ba ako dahil gusto mo lang manlibre o niyayaya mo ako dahil crush mo ako?” tanong ko sabay taas-baba ng aking kilay.

Sumimangot naman siya saka umiling.

“Hindi na, dibale na lang. Nagbago na ang isip ko.”

Tatawa-tawang hinampas ko siya sa braso.

“Ito naman, nagbibiro lang ako.” huminto ako para lingunin si Mama at ang kapatid ko.

“Ma, Chase, manlilibre raw si Sir Troy. Saan niyo raw gustong kumain?”

Imbes na mainis sa akin si Sir Troy ay tumawa pa ito. Hindi ko tuloy napigilan mapatingin sa kaniya. His laugh and his smile is really refreshing to see. Yung tipong kahit anong bigat ng araw mo, kapag nakita mo siyang ngumiti, gagaan lahat. Nang mapatingin siya sa akin ay umiwas ako nang tingin at nauna nang naglakad patungo sa restaurant na malapit lang sa Church. Narinig ko pang ilang beses niya akong tinawag pero hindi ko na siya nilingon. Ano ba naman ‘yan Richelle? Kailan ka pa nagandahan sa ngiti ng boss mo?

Comments (3)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
ay kilig moment
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
uy simula na yan
goodnovel comment avatar
Marilyn Lagrimas Amapula
hahahah kiligin naba kami miss A
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status