Share

Chapter 3

“Ma, bumili na ako ng gamot niyo pang dalawang buwan.” sabi ko pagkakita ko kay Mama na kalalabas lang sa kaniyang kuwarto. Mukhang kauuwi rin lang nito galing sa salon na kaniyang pinagtatrabahuhan.

         Sinalubong ako nito para matulungan ako sa pagbubuhat ng mga groceries na pinamili ko. Sumunod naman na bumaba galing sa second floor ang nakababata kong kapatid na si Chase. Suot pa rin nito ang salamin at halatang kagagaling lang sa pagbabasa. Kagaya ni Rio, graduating na rin ito sa high school. Lumapit ako agad sa kaniya nang mailapag ko ang pinamili sa lamesa. Matagal akong tumitig sa kaniya at saka bumaling sa kaniyang salamin. Marahan ko itong inalis sa kaniyang mata at tiningnan kung maayos pa ba ito. Tiningnan ko ang grado nito ngunit agad ko ring inilayo sa mata ko dahil bigla akong nahilo sa sobrang taas ng grado ng kaniyang salamin.

         Napanguso ako at isinauli iyon sa kaniya.

         “After ng klase mo bukas, susunduin kita sa klase mo ah. Bibili na tayo ng bagong eyeglass mo.” sabi ko sa kaniya saka bumalik sa lamesa para tulungan si Mama mag-asikaso ng pinamili ko.

         “Okay pa naman ‘to ate.” aniya saka sinuot muli ang salamin. Naglakad na rin siya patungo sa lamesa. Kinuha agad niya ang loaf bread at palaman na binili ko.

         “Hindi ka na naman kakain ng kanin? Bumili ako ng paborito mong sisig.”

         Hindi ako nito pinansin. Hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga. Sa aming magkapatid, si Chase ang mas matalino. Yung kuwarto niya, halos mapuno na ng mga librong pinamimili niya kapag may warehouse sale. Ang sabi sa akin ng kapatid ko, gusto niya raw kumuha ng kursong Legal Management gaya ng kurso ni Riye. Kaya heto ako ngayon, nagtitiis na magtrabaho sa kompanya ni Troy para makapag-ipon ng pangkolehiyo ng kapatid ko. At isa pa, sinusuportahan ko rin si Mama at ang gamot niya. Diabetic kasi siya at kailangang palaging namo-monitor ang kaniyang blood sugar.

         “Teka nasaan si Chuchay?” tanong ko nang maalala ang pinakamamahal kong puting Alaskan Malamute.

         “Hindi ko alam, ate. Baka si Mama nakita niya.” sagot naman ng kapatid ko na abala sa pagpapalaman ng tinapay, nakasubo pa ang kutsara sa kaniyang bibig.

         “Ma, nasaan si Chuchay?” kinakabahan nang tanong ko.

         Kapag kasi umuuwi ako, palagi akong sinasalubong noon, araw-araw, walang palya.

         “Ewan ko anak. Kanina sumusunod lang sa akin noong bumili ako ng suka sa tindahan sa labas ng village. Halos mapasabunot ako ng buhok nang marinig ang sinabi nito.

         “Sinama mo si Chuchay sa labas ng village?! ‘Ma naman! Alam niyo namang hindi mahilig lumabas ng bahay si Chuchay hindi ba? Baka kung saan na iyon napadpad. Hindi pa naman iyon pamilyar sa labas.”

         Inis na umakyat ako sa taas ng second floor at sinubukang hanapin muna si Chuchay, baka sumiksik lang sa kung saan. Mahilig din kasi ‘yon magtago sa mga sulok-sulok. Nang masiguro kong wala ito roon ay chineck ko naman ang first floor pati ang mga banyo pero wala rin. Doon na ako nagpanic nang todo. Hinubad ko na ang suot kong stilletos at nakapaang tumakbo sa labas ng bahay. Wala rin ito sa garden. Nagsimulang mag-init ang palibot ng mata ko. Pakiramdam ko maiiyak na ako. Sa buong buhay ko, si Chuchay lang ang naging aso. I wasn’t a dog person before but Chuchay is the only exception.

         “Chuchay!” tawag ko rito.

         Sunod-sunod na pumatak ang luha ko habang tumatakbo sa labas ng village. May mga nadadaanan pa akong mga kapitbahay na nagtutumpukan sa labas malapit sa playground. Tinanong ko ang mga ito kung nakita ba nila ang alagang kong aso pero lahat sila ay umiling. Tatakbo na sana akong muli nang biglang may humintong sasakyan sa harapan ko. Muntik pa ako nitong masagasaan kung hindi ko ito napansin agad.

         Bigla namang uminit ang ulo sa ginawa nito. Ang kapal naman ng mukha nito may-ari ng sasakyan na huminto sa harapan ko. Hindi man lang nito naisip na baka masagasaan niya ako.

         “Hoy! Ang kapal ng mukha mong huminto sa harapan ko, bakit pamamay-ari mo ba ‘tong buong villaga para—“

         Agad akong napahinto sa pagsasalita nang biglang bumukas ang bintana ng backseat at biglang dumungaw mula roon si Chuchay. Kumekembot pa ang katawan nito at kumakawag ang buntot sa likuran nang makita niya ako.

         Napabaling ako sa driver’s seat nang biglang bumukas ang bintana nito. Awtomatikong napairap ako nang makitang si Troy ang lulan nito. Nang makita niya ang hitsura ko ay agad siyang humagalpak ng tawa. Bumaling siya sa backseat at tiningnan ang aso ko.

         “Look at your Mom, chuchay. Mukha siyang homeless person dahil sa hitsura niya.”

         Napanguso naman ako nang mapatingin ako sa aking paa. Ang dumi na nito gawa nang katatakbo ko para hanapin itong aso kong kung kani-kanino sumasama.

         Binuksan ko ang pinto ng backseat at agad naman tumalon pababa ang aso. Binuhat ko naman agad si Chuchay bago muling ibinalik ang aking atensiyon kay Troy na kanina pa nakatingin sa amin.

         Pinaningkitan ko ito ng mata.

         “Ang dami-dami mong pera pero dognapper ka pala.” saad ko saka mabilis na tumalikod at naglakad pabalik sa bahay habang buhat-buhat si Chuchay.

         “Hoy! Anong dognapper? Pasalamat ka nga nakita ko sa guard house ‘yang aso mo eh. Umiiyak pa roon, mukhang hinahanap ka. Ikaw nga, among walang kuwenta. Hindi mo man lang binabantayan ang aso mo nang mabuti.”

         Nakasunod ang sasakyan niya sa akin kaya panay ang salita niya ng kung anu-ano.

         “For your information, hindi ako ang nagdala kay Chuchay sa labas kundi si Mama.”

         Hindi niya na ako pinansin. Binilisan niya na lamang ang takbo ng kaniyang sasakyan kaya nauna siyang nakarating sa labas ng bahay namin. Balewala itong pumasok sa gate. Hindi man lang kumatok.

         Nagulat naman ako nang biglang umiyak si Chuchay. Gusto nitong kumawala kaya binitawan ko na. Pagkababa nito, mabilis itong humabol kay Troy. Napabuntong-hininga na lang ako. Kung sabagay, siya naman talaga ang original na amo nito at mukhang hanggang ngayon ay naaalala pa rin siya ng alaga ko.

         Walang ganang naglakad ako papasok ng bahay. Mabuti na lang at may rug sa pinto kaya napunasan ko muna ang paa ko bago ako pumasok sa loob ng bahay. Doon ko naabutan si Chuchay na nakaupo sa lap ni Troy at nagpapakamot ng katawan. Nakatutok pa sa kanila ang stand fan, dinaig pa ang prinsipe at prinsesa ng Buckingham Palace.

         “Anak nandito ang Sir Troy mo.” sabi ni Mama.

         “Kitang-kita ko nga ‘Ma. Bigla ngang uminit yung dugo ko nang makita ko siya.”

         Agad naman akong sinaway ni Mama dahil sa sinabi ko. Lumapit ako sa kaniya para kunin si Chuchay pero yung aso ko na mismo ang nag-inarte. Ayaw talaga nitong sumama sa akin.

         “Teka ha, maiwan ko muna kayo at magsasaing muna ako sa kusina.”

         “Sure Tita Grace.” magalang na sagot ni Troy.

         “So bakit ka nandito? Miss mo na ako agad? Three hours pa lang ang nakakalipas ah.” panimula ko sa kaniya. Ngumisi naman siya ngunit agad ding nagbago ang ekspresyon ng kaniyang mukha at naging seryoso ito.

         “I want you to come with me in Sagada next week.” aniya.

         “Sagada? Eh malamig doon hindi ba? Alam mo namang mababa ang tolerance ko sa lamig. Baka tumigas ang katawan ko ro’n.”

         Natawa siya sa sinabi ko. Umusod pa siya palapit sa akin para sana pisilin ang pisngi ko pero agad kong hinawi ang kamay niya.

         “Ayaw mong lamigin? Edi yakapin mo ako.”

         Sa pagkakataong iyon ako naman ang natawa.  I rolled my eyes at him at umiling na lang.

         “The client we have is living in Sagada. He’s old but he has a lot of money to offer in the company. You know Tierra Cruz Shipping Lines?”

         Tumango naman ako nang maaalala iyon. Ilang beses ko nang naririnig ang name ng shipping lines na iyon tuwing a-attend kami ng board meeting kasama ang mga directors. So I concluded that the man behind Tierra Cruz is truly a gem in the industry.

         “He wants to me meet me next week.”

         “Ikaw lang pala ang gusto niyang ma-meet, bakit pati ako kasama?”

         Pinaningkitan niya naman ako ng mata kaya mabilis kong itinaas ang kamay ko bilang pagsuko. Okay, seryoso na siya.

         “Oo na. Sasama na ako. Kailan ba yung exact date?”

         “On 13.”

         Natigilan ako sandali nang marinig ang date na binanggit niya. Dahan-dahang bumaling ang paningin ko sa kalendaryong nakasabit sa dingding.

         “But that was…”

         “I know, pero mas mahalaga kliyenteng pupuntahan natin.”

`Hindi na ako umimik. Tumayo na rin siya agad at iniabot sa akin si Chuchay. Yumuko siya at marahang pi-nat ang ulo ni Chuchay na ngayon ay nakatitig lang sa kaniya.

         “Don’t forget our business trip on 13.” Matipid akong ngumiti at marahang tumango.

         Dire-diretso siyang naglakad palabas ng bahay. Hindi ko man lang siya naihatid sa labas dahil napako ang isipan ko sa date na kaniyang binanggit.

         January 13. Usually, kapag dumarating ang araw na ito sa loob ng isang taon, wala siyang ibang ginagawa kundi magmukmok at uminom. Anong meron at bakit parang nagbago na siya? Bumaling ako kay Chuchay at pinaglaruan ang makapal nitong balahibo.

         “Tingin mo Chuchay, naka-move on na kaya si Sir Troy?”

         Tumahol naman ito kaagad saka dinilaan ang pisngi ko. Mahigpit na niyakap ko ang alaga ko saka iyon ibinaba sa sahig. Mabilis itong tumakbo paakyat. Sigurado ako, si Chase na naman ang guguluhin niya roon. Nagtungo ako sa kusina kung saan naroon si Mama.

         “Aalis kayo ng Sir Troy mo?”

         Tumango naman ako.

         “Sa 13 daw po.”

         Sandaling natahimik si Mama at nag-isip. Sigurado akong natatandaan niya pa kung anong mayroon sa petsang iyon dahil minsan nang pumunta rito sa bahay si Sir Troy na lasing at niyaya akong uminom. Nangyari iyon noong unang taon ko sa kaniya bilang kaniyang sekretarya kaya wala pa akong alam noon. Kinailangan ko pa siyang ihatid sa bahay nila noon dahil nawalan siya ng malay habang naglalabas ng sama ng loob sa akin. Naging malapit agad kami ng kaniyang mga kapatid at doon ko nalaman ang tungkol sa kaniyang ex-girlfriend na namatay dahil sa sakit nitong brain cancer.

         Sa batang edad ay marami na siyang pinagdaanang mabibigat na pagsubok, hindi lang halata dahil palagi siyang nakangiti sa tuwing papasok sa opisina. Para bang wala siyang dinadalang problema.

         “Bantayan mo ‘yang si Sir Troy mo anak. Saka bawasan mo rin ‘yang kasungitan mo sa kaniya.”

         Sumimangot ako.

         “Deserve niya namang sungitan. Masyado siyang mabait. Alam mo namang ayaw ko sa mga ganoong tao.”

         May sasabihin pa sana ako, ang kaso nakita kong pinaniningkita na ako ng mata ng Nanay ko kaya itinikom ko na lang ang bibig ko.

         Sabi ko nga, hindi na ako magsasalita.

Comments (3)
goodnovel comment avatar
Dimple
.........love it
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
yes bawas bawasan mo ang pagtatarsy mo sa sir troy mo dyan nagsisimula yan...
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
hahaha natahimik ka sa nanay mo
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status