“Oo… oo, hindi po tumawag si Ma’am Gianna sa akin – at hindi ko rin siya makontak. Baka naka-block na ang numero ko sa kanya, Sir.” Halos mabulunan si Manang Lita sa sariling laway dahil sa kaba.
“Blag!”
Marahas na ibinagsak ni Jaxton ang kutsara sa mesa. Mas lalong siyang nawalan ng ganang kumain. Hindi niya maintindihan kung bakit wala pa si Gianna, nag-iisip ba ito na hahabulin niya?
‘Mukha ba akong may pakialam sa kanya?’ inis na sambit sa kanyang isipan.
“Ligpitin mo ‘to. Aalis na ako,” saka marahas na tumayo si Jaxton mula sa silya at nagmartsa paalis.
Naiwang tahimik si Manang Lita, natigilan sa biglaang pagbabago ng aura ng kanyang amo.
Mali pala ang akala ni Manang Lita. Kapag inis o minumura ni Gianna si Jaxton, laging may reaksyon—nagagalit man o nagsasalita, hindi niya basta binabalewala ang asawa.
Noon, akala ni Manang Lita, ilang araw lang magtatampo si Gianna at babalik din sa dati. Pero ngayon, tila hindi na niya kailangang umasa pa nababalik ito dahil malinaw na malinaw na sa kanyang – iniwan na ng amo niyang babae ang asawa nito.
Kahit sino, makikita kung anong klaseng tao si Jaxton—mabait kapag maayos ang pakikitungo, pero agad lumalayo kapag nilalabanan. Mas alam iyon ni Gianna kaysa kanino pa man, kaya hindi na sana siya umabot sa ganitong sitwasyon.
Ngunit sa ginawa ni Gianna ngayon… mukhang siya rin ang nagpahirap sa sarili niya. Kung sakali mang babalik pa ito. At para kay Manang Lita, nakakainis ang sitwasyong kinalalagyan niya – naiipit siya sa away ng mag-asawa. At sa huli, siya ang maaaring pagbuntungan ng galit ni Jaxton.
...
Pagdating ni Jaxton sa kumpanya, agad siyang dumiretso sa regular na pulong. Pagkatapos ng ilang oras, kumatok ang kanyang sekretarya at pumasok, may dalang maliit na kahon na maganda ang balot.
Tahimik na tinanggap ni Jaxton ang regalo. Pagbukas niya, isang simpleng singsing ang bumungad sa kanya—pamilyar, ngunit hindi na katulad ng dati. Muling sumagi sa isip niya ang sinabi ni Richard, ibinenta raw ni Gianna ang kanilang singsing sa kasal, at nakita pa itong bumisita sa ilang tindahan ng alahas.
Kaya pala dalawang araw siyang hindi nagpapakita. Dito pala nauwi ang lahat ng ‘paghihintay’ na iyon?
Malamig ang hangin sa opisina, at biglang kumunot ang noo ni Jaxton. Iniabot niya ang kahon, marahang isinara, at inilapag sa gilid ng mesa. Pagkatapos ay bumalik sa pagtatrabaho, parang walang nangyari.
Ilang minuto ang lumipas bago niya kinuha ang telepono at tinawagan si Riley, ang kanyang assistant.
“Riley,” malamig niyang wika, “siguraduhing hindi makapasok si Gianna sa kumpanya ngayon.”
Ayaw niyang muli siyang lapitan sa ganitong paraan. Hindi niya gusto ang mga laro ni Gianna. Imbes, na humupa ang galit niya sa asawa ay mas nadagdagan lang. Pagkababa ng tawag, tumitig siya sandali sa kahon ng singsing—bago niya ito dahan-dahang itinapon sa basurahan.
...
Lunes, araw ng trabaho.
Tahimik na umupo si Gianna sa kanyang workstation, gaya ng dati—maaga, maayos, at tila walang mabigat sa loob.
Pagkatapos nilang ikasal, hindi na siya agad pumasok sa trabaho. Pero isang araw, sa isang pagtitipon ng pamilya, nagbago ang lahat. Wala roon ang lolo ni Jaxton, kaya walang pumigil nang si Dolores — ang ina ni Jaxton ay lantaran siyang pinahiya sa harap ng lahat.
Tinawag siyang tamad. Sinabihang umaasa lang sa pera ng pamilya, walang silbi dahil hindi pa rin nagkakaanak. Sinisi pa siya dahil daw hindi niya maalagaan nang maayos ang asawa niya.
“Paano ko ipagmamalaki sa mga kaibigan ko ang isang manugang na ganyan?” ang mariing sabi ni Dolores habang nakataas ang kilay.
Tahimik lang si Gianna noon. Pero ang pinakamasakit — nandoon si Jaxton. Wala siyang sinabi. Ni isang salita ng pagtatanggol, wala. Hinayaan nito na durugin siya ng sariling ina. Pag-uwi nila ng gabing iyon, hindi na siya umiyak. Umupo lang siya sa harap ng laptop at nagsumite ng resume.
Hindi sa Collins Group, kung saan may impluwensya ang pamilya ni Jaxton — kundi sa Monte Group, isang kumpanya ng teknolohiya na limang taon pa lang mula nang maitayo, ngunit umangat na sa halaga nitong higit isang trilyon.
Isang bagong simula para sa kanya at malayo sa anino ng apelyido ni Jaxton.
Bilang isang pangunahing kumpanya, mahigpit ang pamantayan ng Monte Group. Kahit ang posisyon ng sekretarya ay para lamang sa mga nagtapos sa nangungunang unibersidad ng bansa.
Si Gianna, bilang graduate ng Unibersidad ng CS, ay higit pa sa kwalipikado. Isa pa, computer science ang tinapos niya — isang kursong mataas ang demand sa industriya ng teknolohiya. Kung gugustuhin niya, madali siyang makakapasok sa research at development department.
Ngunit alam ni Gianna kung gaano kabigat ang trabaho roon. Ang mga R&D team ay kilalang sumusunod sa “996” na iskedyul — anim na araw sa isang linggo, mula alas-nueve ng umaga hanggang alas-nueve ng gabi. Kapag may malalaking proyekto, madalas pa silang mag-overtime hanggang madaling araw.
Kung papasok siya roon, mawawalan siya ng oras para sa asawa niya.
Kaya pinili niya ang mas magaan na landas — ang administrasyon. Sa huli, naging sekretarya siya sa tanggapan ng pangulo. Nang malaman ito ng lolo ni Jaxton, natuwa siya, ngunit umaasa pa rin na babalik si Gianna sa Collins Group.
“Mas mabuti kung sa atin ka na lang ulit,” sabi nito minsan. “Sariling kumpanya, hindi ka mapapagod, at hindi ka rin kailangang sumunod sa oras.”
Ngunit alam ni Gianna ang totoo. Alam niyang kung babalik siya roon, mas lalo lang siyang magiging puntirya ni Dolores. Ang bawat kilos niya ay uusisain, ang bawat tagumpay ay mababahiran ng duda — at sasabihin ng mga tao na nakikinabang lang siya sa negosyo ng pamilya Collins.
Kaya pinili niyang manatili sa Monte Group. Mas mahirap, oo. Pero sa wakas, iyon ay sa sarili niyang lakas. Hindi dahil sa impluwensya ni Don Javier o marahil sa Collins Group.
Sa Monte Group, wala ang mga intriga at pamumulitika na madalas niyang maranasan sa tahanan ng mga Collins. Tahimik, propesyonal, at maayos ang lahat.
Noong nakaraang linggo, dahil sa pagbubuntis, nakahanda na sana ang kanyang liham ng pagbibitiw. Ngunit ngayong nagbago ang sitwasyon, wala na siyang balak itong ipadala.
May mga dahilan si Gianna. Kailangan niyang muling isulat ang kanyang research paper, at para magawa iyon, kailangan niya ng access sa pinakabagong datos at galaw sa industriya — mga impormasyong madali niyang makukuha sa Monte Group, isang nangungunang kumpanya sa larangan ng teknolohiya.
Sa magaan niyang trabaho bilang sekretarya, may sapat pa siyang oras para sa kanyang pagsusulat.
“Gianna, wala kang baon ngayon?” tanong ng katrabahong nakaupo sa tabi niya.
Napalingon si Gianna, bahagyang nagulat. “Ah, oo… hindi ako nakapaghanda kaninang umaga.”
Sanay na ang lahat sa opisina na minsan ay nagdadala siya ng baon — mga pagkaing maingat niyang niluluto at pinapaganda. Ngunit bago pa man magtanghalian, madalas din siyang umalis, hawak ang isang maliit na insulated bag.
Walang nagtatanong kung saan siya pumupunta, pero may mga nakakapansin.
Dahil alam ng lahatna ang baon na iyon, hindi talaga para sa kanya. Ginagawa iyon ni Gianna para kay Jaxton.
Tuwing umiinom si Jaxton sa mga social gathering, lagi siyang ginagawang dahilan ni Gianna para alagaan ito kinabukasan. Gigising siya nang maaga, magluluto ng mainit na sabaw, at titiyaking magaan lang sa tiyan.
Ang pinakasimple sanang paraan ay ipadala ang lunch box sa opisina ni Jaxton. Pero ayaw nito ng abala, at higit sa lahat, ayaw niya ng mga ganitong “pakikialam.” Kaya si Gianna na mismo ang umaako sa pagdadala — sumasakay ng taxi tuwing tanghalian, ihahatid nang tahimik, at pagkatapos ay agad bumabalik sa trabaho.
Buti na lang, malapit lang ang dalawang kumpanya, kaya palaging nasa oras si Gianna. Ngayon, habang tinitingnan niya ang mesa niyang puno ng mga papeles, tahimik siyang bumuntong-hininga.
“Ayaw ko nang magbaon,” sabi niya nang mahina, parang sa sarili lang. At totoo naman na wala na ring dahilan.
Bago pa man makasagot ang kanyang katrabaho, biglang bumukas ang pinto. Mabilis na pumasok ang kanilang head secretary, si Alexander Lopez, at agad na napuno ng tensyon ang paligid.
“Makinig kayong lahat!” sabi niya, habang inilapag ang mga dokumentong dala. “Babalik na ang pangulo ng grupo sa susunod na Lunes. Kailangang tipunin at ayusin ang lahat ng files mula sa bawat departamento. Siguraduhin ninyong kumpleto at walang mali kahit isang detalye!”
Tahimik ang lahat, at marahang tumango si Gianna, agad na inabot ang mga papeles sa harap niya.
Pinatunog ni Alex ang mesa bago umalis. “Bilisan ninyo. Ayokong may sumabit pagdating ng presidente.”
Ang Monte Group ay itinuturing na isang himala sa industriya—mula sa isang maliit na kumpanya limang taon lang ang nakalilipas, ngayon ay isa na itong higante sa larangan ng teknolohiya. Ngunit higit sa lahat, ang pinakamalaking palaisipan sa lahat ay ang nagtatag mismo nito.
Walang sinuman sa kumpanya ang tunay na nakakikilala sa kanya. Ayon sa sabi-sabi, bihira siyang magpakita sa publiko, at palaging nasa ibang bansa para palawakin ang merkado. Sa mga operasyon ng punong tanggapan, si Ody Williams — ang bise presidente ay ang siyang humahawak sa lahat, mula sa mga proyekto hanggang sa mga pulong. Kaya kahit matagal nang nagtatrabaho sa Monte Group si Gianna, ni minsan ay hindi pa niya nakikita ang CEO ng kompanya.
Ngayon, sa balitang pagbabalik nito, tila nabuhayan ang buong opisina. Ang ilan ay nagulat, ang iba nama’y sabik — may halong kaba at kuryosidad.
At sa sandaling iyon, nagsimula ang isang panibagong abalang araw. Tumunog ang mga printer, nagmamadali ang bawat sekretarya, at nagkalat sa mesa ni Gianna ang mga dokumentong kailangang ayusin bago dumating ang CEO na matagal nang parang alamat lang sa kumpanya.
...
Collins Group.
Tahimik ang buong palapag nang biglang bumukas ang elevator, at mula roon ay lumabas ang isang babae na matangkad, maayos ang bihis, at may tindig na hindi mo basta mapapansin. Sa unang tingin, may halong lambing at awtoridad sa bawat hakbang niya, kaya’t napalingon ang lahat ng empleyado.
Alam ng lahat na imposibleng makapasok basta-basta sa opisina ni Mr. Collins. Kahit ang mga bisita ng mataas na antas, kailangan ng maagang iskedyul. Ngunit ang babaeng ito, walang pangalan sa listahan — at higit sa lahat, si Riley mismo, ang matagal nang sekretarya ni Jaxton, ang sumalubong sa kanya at personal na naghatid sa loob ng tanggapan.
At nang maisara ni Riley ang pinto mula sa labas, nagkasabay-sabay ang mga bulungan.
“Sino ‘yun? Ang ganda, parang artista.”
“Ang laki ng aura niya, parang sanay sa mga board meeting o red carpet.”
“Hindi ba’t ayaw ni Mr. Collins ng kahit anong ‘surprise visit’? Ngayon, may ginawang exception siya para sa isang babae. Hindi ordinaryo ‘to.”
May isa pang umiling, kunot-noo. “Simula nang pumasok ako dito, ni minsan hindi ko pa nakitang nag-iisa si Mr. Collins sa isang babae sa opisina.”
Tahimik silang lahat saglit, bago may isang nagbiro, bahagyang pabulong pero puno ng intriga.
“Sa palagay n’yo… baka siya na ‘yung magiging Mrs. Collins?”
Si Jaxton ay bihirang pag-usapan ang tungkol sa kanyang personal na buhay. Kahit ang mga taong pinakamalapit sa kanya sa negosyo, walang ideya na matagal na pala siyang kasal. Tahimik, pribado, at kontrolado — ganoon siyang klase ng tao.
Kaya nang makita siya ng mga tao ngayon, kasama ang isang babaeng may pamilyar na ngiti at kakaibang presensya, natural lang na maghinala ang lahat.
Sa loob ng opisina, tumigil si Jaxton sa ginagawa nang bumukas ang pinto. Pumasok si Lari, eleganteng nakasuot ng puting bestida na may simpleng alahas. Ang bawat kilos niya ay maingat ngunit may kumpiyansa.
Lumapit siya sa mesa ni Jaxton, at bahagyang yumuko, ang mga daliri niya’y marahang dumapo sa ibabaw ng mesa.
“Hindi mo natanggap ang singsing?” tanong niya, may bahid ng biro sa boses, ngunit may lambing din.
Sandaling kumurap si Jaxton. “Ikaw ang nagpadala?”
Akala niya si Gianna.
Umupo si Lari sa harap niya, bahagyang nakasandal, at ngumiti. “Kagabi dapat tayo magkikita, pero biglang tinawag ako ni Professor Avery. Kaya ipinadala ko na lang ang regalo bilang kabayaran.”
Pagkatapos, iniangat niya ang kaliwang kamay niya. Sa daliri nito, kumislap ang isang simpleng platinum ring.
“Ang tatak na ‘to,” paliwanag niya, “halos walang design para sa lalaki. Pero may isang set na bagay sa panlasa ko. Ito ‘yung kapares ng suot ko ngayon.” Tumawa siya nang marahan. “Pinili ko ‘yung sayo kasi bagay sa’yo. Hindi ka naman siguro nagalit, ‘di ba?”
Bagama’t tinanong iyon, halata sa tono niya na alam niyang hindi siya papagalitan ni Jaxton.
Tahimik lang ang lalaki. Nang tuluyang maunawaan niya, bumaba ang tingin niya sa basurahan sa tabi ng mesa. Nandoon pa ang kahon ng singsing — ang akala niyang galing kay Gianna.
Tahimik niya itong pinulot, tiningnan sandali, at sa unang pagkakataon mula kaninang umaga, may bahagyang lumambot sa mukha niya.
Nanigas ang mukha ni Lari, at bahagyang kumunot ang noo. “Itinapon mo?” tanong niya, mababa pero ramdam ang tampo sa boses.
Tumingin si Jaxton sa kanya, malamig pero may halong pagkaunawa. Tahimik siyang yumuko, binuksan ang kahon, at kinuha ang singsing. Pagkatapos ay dahan-dahan niya itong isinuot sa kanyang daliri.
“Hindi ko alam na ikaw ang nagpadala,” mahinahon niyang sabi.
Unti-unting gumanda ang mukha ni Lari. Napansin niyang bagay sa kanya ang singsing — simple pero elegante, tulad ng laging istilo ni Jaxton.
Naalala niya bigla ang sinabi ni Richard dati na, hindi kailanman nagsuot ng singsing ng kasal si Jaxton, maliban na lang kapag wala siyang magawa sa harap ng pamilya.
Hindi mahirap hulaan kung bakit.
“Galit ka ba?” tanong ni Jaxton, habang pinaglalaruan ang singsing sa kanyang daliri.
Umiling si Lari, at bahagyang ngumiti. “Hindi galit. Alam kong hindi naman ang singsing ang ayaw mo.”
Tumigil siya sandali, bago tumingin sa mga mata ni Jaxton. “Ang ayaw mo ay ang taong nagbigay sa iyo – kaya itinapon mo.”
Hindi nagsalita si Jaxton. Para bang may gustong sabihin, pero pinili niyang manahimik. Dahil kahit hindi pa direktang sabihin ni Lari ay iisang tao lang ang nasa isipan nila – walang iba kung hindi si Gianna.
Ngumiti si Lari, marahang binago ang usapan. “Maganda, ‘di ba?”
Tumango si Jaxton. “Maganda.” Pagkatapos ay nagtanong, “Ano’ng ginawa mo kahapon?”
“Ang proyekto ni Professor Avery, na-stuck kami sa isang komplikadong bahagi,” paliwanag ni Lari. “Nanood ako ng mga reference material buong gabi pero wala pa rin akong malinaw na solusyon. Buti na lang, may kakilala akong may kumpanya na konektado sa ganitong teknolohiya. Balak kong lapitan siya kapag may oras.”
“Anong pangalan ng kakilala mo?” tanong ni Jaxton.
“Chelsea,” sagot ni Lari. “Mas bata siya sa akin, pero magaling. Alumni din ng Unibersidad ng CS.” Ngumiti siya nang bahagya. “Madalas ko siyang nakikita sa mga academic forum dati. Pareho kaming may interes sa AI systems, kaya madali kaming nagkakasundo.”