Share

Kabanata 1

PAGPASOK ni Jewel sa malawak na lawn, kitang-kita niya ang inang si Sonia na kasalukuyang nakahiga sa lounge chair malapit sa kanilang swimming pool. Nakasuot ito ng swimming suit at umuusok ang bibig na parang tambutso ng sasakyan. Nakita niyang pinitik nito ang sigarilyo at inapakan.

Huminga nang malalim si Jewel bago nagpatuloy sa paglakad. Tinunton ang daan patungo sa kinaroroonan ng ina.

“Good morning, Ma.” Umakmang hahagkan niya sa pisngi ang ina, subalit mabilis na umiwas ito.

“Morning,” ang matabang ding tugon ni Sonia. Ni hindi nag-abalang tanungin si Jewel kung saang lupalop ba nagpalipas ng magdamag ang dalaga.

“Ma…” anas niya. Napalunok siya at napakagat-labi. Hindi pa rin kasi siya nasanay sa pambabalewala na natamo buhat sa ina. Hindi ito umimik, nag-angat lang ng mukha upang salubungin ang sinag ng araw. “H-hindi po ako natulog dito kagabi. Inimbita kasi ako ng kaibigan ko sa kaarawan niya.”

Nagbaba ito ng mukha. “O, e, ano naman sa ‘kin? Kahit naman saan ka pumunta ay wala akong pakialam at wala akong planong pakialaman ang anumang aktibidades mo.”

Daig pa niyang sinampal sa tinurang ‘yon ng ina.

Pero muli’t muli, nakalaan siyang magtiis, magdusa. Magtimpi at ipunin ang lahat ng sama ng loob sa ina–and if the right comes, sa sandaling magkaroon katuparan ang kanyang mga dasal, mararanasan niya rin kung paano mahalin ng isang ina. At isa-isang kalilimutan ang lahat ng sakit sa kalooban.

“H-hindi po ba kayo nag-alala sa ‘kin?” Umasa pa rin siya kahit paano na mahalaga siya rito.

“Come on, Jewel. Gusto kong mapag-isa. Wala akong panahon para pakinggang ang mga drama mo.” Tumayo ito at lumipat sa kabilang bahagi ng swimming pool.

Tuluyan nang bumagsak ang luha sa mga mata niya sa narinig na tinuran nito. Labis siyang nasaktan. Araw-araw niya iyong nararamdaman pero hindi pa rin siya sumusuko na kunin ang atensyon ng ina.

Parang may hila-hilang mabigat na bakal ang mga paa ni Jewel na umalis ng swimming pool.

Sa pagsisimula pa lang na sumibol ang kamalayan sa isipan niya, nang marunong na siyang dumama, makaramdam ng mga pag-aalaga, pagmamahal at kalinga buhat sa magulang. Kay Cesar na kanyang ama at inang si Sonia, napakarami nang katanungang naglalaro sa kanyang murang isipan.

Ni minsan ay walang matandaan si Jewel na kinalong siya ng ina tulad ng ginagawa nito sa kanyang Ate Vivian. Ni hindi niya naranasan ang madampian ng halik nito. Sa tuwing mamamasyal sila, ang papa niya lang ang kumakalinga sa kanya. Maglalambing siya at uungot na kargahin ng ina, subalit aangilan lang siya nito o kaya ay kukurutin sa singit at saka pasigaw na tatawagin ang kanya ama upang kuhanin siya.

Sa mga pagkakataong dumarating ang mga magulang niya buhat sa opisina, halos magkumahog siyang kunin ang tsinelas ng mga ito. Pero ang napapala niya ay ang palihim nitong matalim na tingin sa kanya kapag nakatalikod ang ama.

“Go away! Let Vivian do that for me. Si Vivian lang ang aking binibigyan ng karapatang gawin sa akin ang mga bagay na ‘yan!” asik ni Sonia sa hindi nakahumang si Jewel.

Lalapit naman si Vivian, may pilyang ngiti sa mga labi. Mang-iinis at iinggitin si Jewel, saka pahablot na kukunin ang paboritong tsinelas ng ina.

“Spell, KSP?” Bibilatan siya ng Ate Vivian niya. “Masyado ka kasing kulang sa pansin, Jewel.”

“Gusto ko lang naman–”

“Tumahimik ka!” babala sa kanya ng ina na ikinatahimik naman niya.

“Mama, nakikipag-unahan pa ‘yan sa ‘kin,” sabi ni Vivian sa himig nagsusumbong sa ina. Umupo ito at isinuot ang tsinelas sa mga paa ni Sonia.

“Don’t mind her, sweetheart. I have brought something for you.”

“Really, Mama?” Mabilis na tumayo si Vivian at tuwang-tuwang mabilis na nagpakandong sa ina. “What is it, Mama?”

“Here, dyaran. . .” Nakangiting inilabas ni Sonia ang laman ng malaking shopping bag. Isa iyong talking doll na ubod ng ganda.

Laruang napakatagal na panahong kinasabikan ni Jewel na sana ay magkaroon siya.

“Wow, ang ganda! Thank you, Mama.” Si Vivian na agad pupupugin ng halik sa pisngi ang ina.

“Bukas, ibibili naman kita ng mga magagandang bestida at sapatos.”

“Talaga po? Pero gusto ko po ng walking doll.”

“Whatever you want, I’ll buy it.”

“Yippee!”

“M-Mama. . .” si Jewel, palibhasa, bata pa sa edad na anim, kaya’t hindi pa gaanong marunong magtanim ng sama ng loob.

“Bakit?” asik ni Sonia. Inaayos ang ilang hibla ng buhok ni Vivian na noon ay edad siyam. Tatlong taon ang age gap ng magkapatid.

“Gusto ko rin po ng doll,” ungot ni Jewel sa ina.

“Gusto mo pala, bakit hindi ka magpabili sa Papa mo?” sarkastiko nitong turan.

“Ma, ibili mo rin po ako katulad ng doll ni Ate,” hirit pa niya. Nakita niyang dinilaan siya ng nang-aasar na si Vivian. Iniinggit siya sa hawak nitong talking doll.

“Puwede ba? Umalis ka sa harapan namin ng anak ko, Jewel. Baka samain ka sa ‘kin kapag ako nainis.”

“P-pero, Ma–”

“Sinabi nang–” ang galit na turan ni Sonia na sinundang mag-angat ng kanang palad upang sa hindi rin mabilang na pagkakataon, sumayad sa murang katawan ni Jewel. Napaurong sa takot ang bata.

“Sonia!” Ang tinig ni Cesar.

“O, ano?” Tumayo ito at hinawakan sa kamay si Vivian. “Pagsabihan mo ‘yang anak mo, Cesar. Ayoko nang sinasalubong ang pagod. Nakakairita!”

“Pero hindi mo dapat sinasaktan si Jewel. Huwag mong sagarin ang pasensya ko, Sonia!” Hinarap ni Cesar ang anak. Awang-awa na kinarga nito ang bunso. “Halika, samahan mo ako sa komedor. Gusto mo ba ng donut, anak?”

“O-opo, Papa,” umiiyak na tugon niya sa ama. Kahit ang totoo’y nais niya ring magkaroon ng laruan.

Karga siya ng ama na umalis ng sala at tumuloy sa komedor.

“Papa, hindi po ba ako mahal ni Mama?” halos paulit-ulit lang din niyang tinatanong iyon sa ama.

“Of course not, darling. Mahal ka ng iyong ina. Pagod lang siya,” pagtatakip ni Cesar sa anak. Nagtatagis ang mga bagang nito.

“Pero bakit kay Ate Vivian, hindi siya pagod. Hindi siya galit. Tapos h********n pa niya. Bakit ako hindi, Papa?”

Hindi na iyon nagawa pang lapatan ng kasagutan ni Cesar. Lubhang napakahirap para ipaliwanag ang katotohanan sa murang isipan ng anak na si Jewel. Kung ganoon nga lamang kadaling gawin ang lahat, ginawa na sana nito.

“M-mahal ka ng iyong ina, anak. Mahal na mahal. At iyon ang lagi mong iisipin, ha?”

Tumatango naman ang batang si Jewel.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status