Share

Kabanata 2

MAHAL”–ang katagang ito kailanman ay hindi maramdaman ni Jewel sa kanyang kaibuturan. Nag-iisang salita, subalit lubhang napakahirap sa ina na ipadama sa kanya, subalit hindi kay Vivian. Sa musmos niyang edad, ramdam niyang magkaiba ang tingin nito sa kanilang magkapatid.

Kahit na anong paraan ay ginawa na niya maramdaman lang na mahal siya ng ina. Jewel studied hard because she wanted her mother to be proud of her. At kahit na halos lahat ng medalya sa baytang ay iakyat niya sa tahanan nila, balewala ‘yon sa ina.

Samantalang si Vivian na makailang ulit bumalik ng high school, wala siyang narinig mula sa ina.

“Hindi ko kailangan ang mga medalyang ito!” Binato ni Sonia kay Jewel ang medalya. “Kahit na ano'ng gawin mo, hindi mabubura ang katotohanan na isa kang pagkakamali.”

Pagkakamali? Naisip niya noon na baka isang pagkakamali nang siya ay isilang nito. Sana nga ay hindi na. . . kung ganito lang din naman ang pakikitungo nito sa kanya.

Ni minsan, hindi siya nito pinagmalaki sa mga kasamahan nito sa trabaho at mga kaibigan. Ni hindi inihaharap sa mga tao. Para bang isa siyang kahihiyan sa kanilang pamilya.

At dahil sa magkaibang trato sa kanilang magkapatid ng ina, sumibol ang napakaraming katanungan sa isipan ni Jewel. At hindi niya napigilan ang sarili na hindi itanong sa ama, noon ay edad katorse siya. Kung siya ba ay tunay na anak ng mga ito.

“O-oo naman, anak. Ano ba namang tanong ‘yan?” sagot ng kanyang ama habang tinutulungan siyang ihanda ang lunchbox niya. Silang mag-ama lamang malimit magkasabay sa almusal. Dahil gaya ng dati, tulad ng kanyang nakalikahan, ang ina at kapatid niya ang laging magkaharap at magkasabay sa hapagkainan. Kaya kapag nasa trabaho ang kanyang ama, napipilitan siyang kumain mag-isa.

“I’m sorry, Pa. P-pero hindi ko maramdaman kay Mama ang pagmamahal na malimit niyong sinasabi sa ‘kin,” umiiyak na wika niya. “Pati sa school, tinutukso nila ako. Hindi raw ako mahal ni Mama, kundi si Ate Vivian lang. Ipinangangalandakan ni Ate Vivian sa school na trying hard ako na makuha ang atensyon ng aming ina. Kapag may espesyal na okasyon, o kaya kapag concern kay Ate ay hindi nawawala si Mama. P-pero kapag ako, ni anino niya ay hindi ko makita. Hindi siya natutuwa sa mga natanggap kong parangal sa school.”

Awang-awang niyapos ni Cesar ang anak. “Mahal na mahal kita, anak. Lagi mong tatandaan ‘yan, ha? Lagi mo rin iisipin, I'm always proud of you.”

Kahit hindi nasagot ng ama ang kanyang tanong, hindi niya na iyon pinilit. Kung hindi man niya maramdaman ang pagmamahal mula sa ina, busog naman siya sa pagmamahal ng kanyang ama. Naging ina't ama ito sa kanya.

Uhaw sa kalinga at pagtingin si Jewel ng sariling ina. Para sa kanya, karapatan niyang mag-ani ng pagmamahal tulad ng kay Vivian. Dahil anak din siya. Kaya sinusunod niya ang payo ng ama, hindi siya sumuko. Lahat gagawin niya makaamot lang ng pagmamahal mula sa ina.

Kung siya ay kayang magtiis, hindi ang kanyang ama. Hindi na nito kinaya ang nakikitang pagtrato sa kanya ng ina. Tandang-tanda pa ni Jewel ang mapait na pangyayari sa buhay niya, ‘yon ay nang dumating ang araw ng kanyang pagtatapos sa high school.

“I’m so proud of you, anak.” Hinalikan siya sa noo ng ama. Siya kasi ang valedictorian. Kitang-kita niya naman sa mga mata nito ang kasiyahan. Ngunit kabaliktaran ‘yon sa nakikita niya sa kanyang ina. Walang emosyon. “Ingatan mo ang bagay na ito.”

“Ano po ito, Papa?” Sumilip sa mga mata niya ang tuwa nang inabot nito sa kanya ang maliit na kahon. Kasalukuyang naroon sila sa sariling silid niya.

“Open it.”

Napalatak siya sa tuwa sa kanyang nakita. Isang gold necklace ‘yon. May mga jewelry naman siya pero kakaiba ang kwintas na regalo sa kanya ng ama.

“Ang ganda!” Hindi niya maiwasang mamangha. “Binili mo ‘to, Papa?”

Nakangiting umiling si Cesar.

“Sa kapatid ko,” sabi nito. “Si Amethyst.”

Napansin naman ni Jewel ang gumuhit na lungkot sa mga mata ng ama. “Kapatid? Bakit hindi mo po nabanggit sa ‘min ni Ate Vivian ang tungkol sa kapatid mo, Papa?”

“Dahil patay na siya.”

“Ho?” reaksyon niyang nagimbal sa nalaman. “Paano?”

“Sa takdang panahon ay malalaman mo rin, Jewel. Sa ngayon, 'wag na muna natin pag-usapan,” pag-iwas ni Cesar. Isinuot nito sa leeg ng anak ang kwintas. “Family heirloom ito kaya ingatan mo, sweetheart. At kapag nagkaroon ka ng anak na babae, siya naman ang magmamana at magsusuot nito.”

Tiningnan ni Jewel ang kwintas na nakasabit na sa leeg niya. Sari-saring mamahaling “bato” ang nakadekorasyon.

Nangingilid ang luha nang yakapin niya ang ama. Kahit nagtataka kung bakit sa kanya ibinigay ang kwintas ay hindi na siya nag-usisa. Hindi maitatanggi, mahal na mahal siya ni Papa Cesar.

“Pangako, iingatan ko ang bagay na ito, Papa.”

NASA kalagitnaan nang kasayahan sa malawak na lawn ng mga Buenavista.

Nag-uumapaw ang kagalakan sa dibdib ni Jewel sa napakahalagang araw na ‘yon sa kanyang buhay.

Kasalukuyan siyang isinasayaw ng kanyang nag-iisang ‘crush’ na totoong pinakatago-tago niya sa sarili. Siya at ang matalik na kaibigang si Rochelle lamang nakakabatid niyon. At dahil sa pagnanais ng kanyang kaibigan na masorpresa siya, hindi niya inaasahang darating si Tristan Madrid–ang varsity player ng basketball sa school kung saan nag-aaral ang Ate Vivian niya.

Kilala niya si Tristan Madrid, kaklase niya kasi ang nakababata nitong kapatid na si Fatima. Malimit niyang makita ang binata kapag sinusundo o hinahatid nito sa school ang kapatid.

Ang sarap sa feeling. Ang pakiramdam niya ay idinuduyan siya sa ibabaw ng ulap sa labis na kaligayahang nadarama nang gabing ‘yon.

“Maganda ka, Jewel. Pero mas lalo kang gumanda ngayon. Talagang hindi kita nakilala.”

Simpleng komento, subalit ibayong katuwaan ang hatid niyon sa kanyang puso.

“T-thank you, Tristan. And I’m thankful, dahil nandito ka.”

Malagkit siyang tinitigan ng lalaki. Gusto niyang umiwas ng tingin, subalit namamagneto siya sa mga mata nito, tila nag-uutos sa kanyang huwag gawin ‘yon.

“I should thank Rochelle, she invited me. When I found out you were going to celebrate your graduation, I didn’t hesitate to come here. I've been waiting a long time to get close to you, Jewel.”

Oh, God! Talagang ikinagulat niya ang rebelasyong iyon. Nais niyang isipin na tulad niya’y may lihim na pagtatangi sa kanya si Tristan! Jusme, gusto na yata niyang himatayin sa mga bisig nito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status