Share

Chapter 4

Parang kailan lang ay magkasintahan pa kami ni Niko. Pero ngayon magkahawak-kamay na kaming lumabas ng simbahan. Hindi ko akalain na sa mahabang panahong paghihintay ay nagkatuluyan din kaming dalawa. Sana wala nang balakid sa pagsasama namin. Sana lang ay hindi na mangyari sa kasalukuyan ang nangyari sa amin ng ex ko noon. Baka hindi ko na kakayanin.

“MAHAL, may pupuntahan tayo,” bungad sa akin ni Niko. 

Katatapos lang namin kumain ng agahan at ngayon ay nagyaya na naman siyang umalis kami. Napangiti ako pero kaagad din napakunot ng noo nang mapansin ang butil-butil na pawis sa noo niya. Para din siyang kinakapos sa paghinga. 

“Mahal, may sakit ka ba?” takang tanong ko. 

Hindi siya sumagot. Nang makabawi ay mabilis niya akong nilapitan at ginanap ang aking dalawang kamay. Napalunok ako. Mataman niya akong tinitigan kapagkuwan ay kinintalan ako ng halik sa labi. Ramdam ko ang pananabik nito. Tinugunan ko naman ang bawat halik niya pero bago pa mauwi sa kung saan ang ginawa namin ay hinila ko na siya palabas ng kusina.

“Tara na sa bukid. May ipapakita ako sa iyo,” aniya sabay hawak sa baywang ko. 

Natatawa naman akong sumunod sa kanya. Pagdating namin sa labasan, sakto at may dumaan na traysikel. Hindi na ako nagsayang pa ng oras, excited akong sumakay habang hila-hila sa kamay ang asawa ko. Makalipas ang kalahating oras ay narating din namin ang kanilang bukirin. May iba’t ibang tanim ang mga magulang ni Niko. Gulay, mais at iba pa. Masarap pagmasdan ang matataas na puno at bangin. Masarap din langhapin ang preskong hangin na dumadampi sa aking balat. 

“Mahal, mula rito ay may magandang falls sa unahan. Tara na,” nakangiting sambit ni Niko sa akin. 

Hindi na ako nagprotesta pa nang hilahin niya ako papunta sa sinasabi nitong falls.

“Wow! Ang ganda naman dito!” bulalas ko habang akay-akay pa rin ni Niko ang aking kamay.

Napansin kong hinihingal siya at namumutla.

“Mahal, ayos ka lang ba talaga?” 

Hindi niya ako pinansin bagkus, ginagap niya ang aking mukha saka hinalikan ako sa labi. Napangiti ako pero kaakibat niyon ay kakaibang kaba. Hindi ko mawari ngunit may kakaiba sa kalusugan niya.

Namitas na rin kami ng mga gulay at prutas. Lahat ng nadadaanan namin ay pinipitas namin para maibenta ng mama ni Niko sa palengke kinabukasan. 

Nang makaramdan ng pagod, niyaya ko na si Niko na umuwi. Pagdating namin sa bahay, dumiretso na ako sa kusina. Naiwan si Niko habang kausap ang kanyang ina sa sala. 

“Oh, kumusta naman ang lakad n’yo?” bungad ni papa sa akin. May hawak itong sandok habang nakaharap sa akin.

Inilapag ko muna ang dala kong mga gulay saka lumapit sa mesa para kumuha ng baso. Nagsalin muna ako ng tubig bago ibinalik kay papa ang paningin. Seryoso na siyang nakatingin sa akin ngayon.

“May problema ba, Jessy? May bumabagabag ba sa isip mo?” 

Marahas akong bumuntonghininga kapagkuwan ay marahan kong ibanaba ang hawak na baso. Baka may alam si papa sa kalagayan ni Niko ngayon. Ayaw naman sabihin ni Niko sa akin kaya mas mabuting kay papa ako magtanong.

“Papa, may sakit—”

“Mahal, samahan mo ako.” 

Naputol ang sasabihin ko nang marinig ang boses ni Niko sa aking likuran. Ipinilig ko ang ulo. Makahanap din ako ng tiyempo para dito. Pinilit kong ngumiti kahit may bumabagabag sa isip ko. Malalaman ko rin kung ano nga ba talaga ang sakit ng asawa ko.

Pumunta kami sa park. Kumunot ang noo ko dahil hindi naman ito gawain ni Niko. Kadalasan kasi, isasama niya sa bukid nila para manguha ng prutas at gulay. Lalong nadadagdagan ang katanungan sa aking isip sa pinapakita ni Niko sa akin ngayon.

“Mahal, hayaan mong mahalin kita sa paraan na gusto ko. Masaya ako dahil sa wakas, asawa na kita. Dati-rati, hanggang tingin lang ang kaya kong ibigay sa iyo dahil natatakot akong masira ang pagkakaibigan natin,” nakangiti niyang sambit. 

Naalarma ako nang sunod-sunod ang paghinga nito nang malalim. Hinapit ni Niko ang aking baywang. Nginitian niya ako. Ngiti na hindi umabot sa mga mata nito. Ibang Niko ang nakikita ko ngayon. Parang may mali. Napatitig ako sa mga mata niya. 

Napalunok ako. “Niko, magsabi ka sa akin nang totoo. May sakit ka ba?” Hindi ko inalis ang paningin sa kanya.

Lalong kumabog ang aking dibdib nang iniwas niya ang mukha at ibinaling sa ibang direksyon. 

“Wala,” tipid nitong tugon. Marahas siyang bumuntonghininga. 

Hindi ako kumbinsido kaya naman hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi. Napalunok siya kasabay niyon ay ang unti-unting paglandas ng luha sa kanyang mga mata. Walang salitang namutawi sa aking bibig nang mapagtanto ang naging sagot niya. Malinaw na sa akin ngayon na may sakit siya.

“Kailan pa? Bakit hindi mo sinabi?” mangiyak-ngiyak kong tanong. 

Naghahalo ang nararamdaman ko. Nasasaktan ako at nalulungkot. Gusto kong sisihin ang sarili ko dahil hindi ko man lang alam ang kalagayan niya.

“Ilang buwan na, mahal. Huwag kang mag-alala, mawawala rin ito.” 

Niyakap niya ako saka hinalikan sa noo. 

Ramdam ko ang pagmamahal nito sa akin. Pumikit ako at niyakap ko rin siya sa baywang. Kusang tumulo ulit ang mga luha ko sa mga mata. 

“Huwag naman sana. Nagkasakit lang siya at hindi siya mamamatay,” ani ko sa aking isip.

Kinagabihan, maagang nakatulog si Niko habang ako dilat na dilat pa kaiisip sa kalagayan niya. Hindi ako makatulog nang dahil sa nalaman. Ayaw makisama ng utak ko. Kaya pala sobrang laki na ng ipinayat niya. May sakit na pala siya.

“Diyos ko! Pagalingin N’yo po ang asawa ko,” naiiyak kong sambit sa kawalan. 

Hindi ko alam kung anong oras na akong nakatulog kagabi. Masakit ang mga mata ko nang dumilat ako. Marahil kulang ako sa tulog dahil sa matinding pag-iisip. 

Pinilit kong bumangon kahit masakit ang katawan ko. Hindi ko alam kung bakit. Nagtungo ako sa banyo para sana magbawas pero naudlot iyon nang makakita ako ng dugo sa sahig. Kumabog ang dibdib ko at mabilis tinungo ang labas ng pinto ng silid. Naabutan kong nakaupo si Niko sa maliit na sofa habang tahimik na nakatingin sa kawalan. Napansin ko rin ang ilang pasa sa braso niya. Hindi rin muna ako lumapit. Tahimik ko siyang pinagmasdan mula sa kinatatayuan ko. Hindi naman niya ako napansin. May hinala na ako kung anong klaseng sakit mayro’n siya— leukemia.

“Anak, kailan mo balak sabihin sa asawa mo ’yang sakit mo? Lumala na ’yan, Niko. maagapan pa natin ’yan.”

Napatingin ako sa bukana ng pinto nang marinig ang sinabi ni mama. Nakahalukipkip ito habang malungkot na pinagmasdan si Niko. 

“Sasabihin ko rin sa kanya ito, ’Ma.” 

“Pero malala na nga ’yan, anak!”

Wala sa sariling naglakad ako palapit sa kinaroroonan ni Niko. Umupo ako sa tabi niya nang walang salitang lumalabas sa bibig ko. Naiinis ako dahil sa pagsisinungaling niya pero nangingibabaw pa rin ang pagmamahal at awa ko sa kanya. Ayaw ko siyang mawala sa akin kaya gagawa ako nang paraan.

Lumunok ako ng laway bago nag-angat ng paningin. Nasa katabing upuan na rin ang kanyang ina. 

“Maghahanap ako ng trabaho para maipagamot kita.” Napalunok ako. 

Tila may bikig sa lalamunan ko. Hindi ko alam pero natatakot ako sa posibleng mangyari. Kaya bago pa mahuli ang lahat ay aalis ako upang makahanap ng perang panggamot ko sa kanya. 

“Huwag mo akong iwan, mahal. Ikaw na lang ang lakas ko ngayon,” nagmamakaawa niyang sambit. 

Napalunok ako nang makita ang isang butil ng luha sa mga mata niya. Nasa hapag kami ngayon at kasalukuyang kumakain ng agahan. Bakas sa mukha niya ang hirap at sakit. 

Umiling ako. “Sorry, Niko. Pero mas kailangan natin ngayon ng pera para mapagamot ka. Madali lang ito. Kapag nakaipon na ako, babalikan kita agad,” mangiyak-ngiyak kong turan.

Nag-iwas ako ng tingin nang titigan niya ako. Sunod-sunod na rin ang pagtulo ng mga luha ko sa mga mata. Para akong sinasakal, nahihirapan akong huminga dahil sa problemang kinasadlakan namin ngayon. 

Ilang beses pa niya akong pigilan pero nagmatigas ako. Sapilitan akong umalis kahit ayaw niyang iwan ko siya. 

“Babalikan kita, mahal. At sa pagbalik ko, gagaling ka na.” 

“Mahal na mahal kita, Jessy. Minu-minuto kitang mamahalin hanggang sa huli kong hininga.” 

Bumabalik sa balintataw ko ang naging usapan namin ni Niko bago ako tuluyang umalis. Pinahid ko ang luhang kusang tumulo sa aking pisngi. Makikipagsapalaran ako rito sa Maynila upang malapatan man lang ng gamot ang aking asawa. 

Mga Comments (8)
goodnovel comment avatar
Mhonica M Librezana
unlock plss
goodnovel comment avatar
Mhonica M Librezana
so sad story
goodnovel comment avatar
Scorpio93
Now lang po ako naghalungkat, mam...... salamat po.........
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status