Share

CHAPTER 3

"ANG sama mo," bulong ni Khian James nang makitang umalis na ang kotse ni Redlee. "Bakit nagawa mong patayin si Diane? At nasikmura mo pa siyang itapon sa lugar na ito."

Mula sa kinahihimpilan ng kanyang kotse ay pina-start na niya ang ignition. Pupuntahan na niya kung nasaan ang bangkay, na nakita niyang itinapon ng lalaki. Madilim man ang paligid ay nasaksihan niya ang nangyari dahil sanay na sa dilim ang mga mata niya.

Ang totoo ay naawa siya kay Diane dahil sa sinapit nito sa lalaking kinakasama. Hindi sumagi sa isip niya na may masamang mangyayari dito pagkatapos nilang magkita ngayon. Tuwang-tuwa pa naman ito at humiling pa na magkita silang muli sa isang araw, na hindi niya tinanggihan at napagkasunduan pa nila kung kailan.

Napailing siya. Naisip niya na baka kaya naging masaya si Diane ngayon ay ito na talaga ang huling gabi nito sa mundo. Nakakalungkot pero baka totoong kapalaran na nitong mamatay kaya nangyari ang ganito.

"Kung alam ko lang na mangyayari ang ganito ay hindi na sana kita iniuwi," sabi niyang napabungtonghininga. "Sana ay sa bahay ko na lang ikaw natulog para naiwasan ang hindi magandang nangyari!"

Nasaksihan niya kanina ang naganap. Halatang ikinagalit ng lalaki ang pag-uwi ni Diane na kasama niya. Marahil ay nasaksihan din nito ang paglalambing sa kanya ng babae kaya galit na ipinasok sa loob ng bahay. Kinutuban naman siya at tila naramdaman na may masamang mangyayari kaya hindi muna umuwi.

Sinadya niyang maghintay ng ano mang magaganap kaya inabante muna ang sariling kotse para hindi mapansin ng lalaki. Hindi nga nagtagal ay nakita niyang inilabas nito ang walang buhay na katawan ni Diane at inilagay sa compartment. Nahinuha niyang itatapon nito kung saan ang bangkay kaya lihim na sinundan.

At heto na nga, nangyari ang bagay na naglaro sa isipan niya at naganap na ang kanyang inaasahan. 

Pananagutan mo ang krimeng nagawa mo, sabi niya sa sarili habang papalapit ang sasakyan niya sa kinaroroonan ng katawan ng babae. Hindi man kita kilala pero saksi ako sa ginawa mo kay Diane. Puwede kitang isuplong sa batas.

Desidido siya sa balak gawin. Talagang gagawa siya ng paraan para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng babaing close na rin sa kanya.

Isang taon na niyang kilala si Diane pero wala silang tiyak na pagtuturing sa isa't-isa. Hindi nila masabing magkaibigan sila dahil may pagkakataong nagkakaroon sila ng physical contact. Kapwa nagbibigay iyon sa kanila ng kasiyahan pero ni minsan ay hindi nila sineryoso. Sanay na sila na walang nag-uugnay na relasyon sa kanilang pagitan.

Mahalaga na rin sa buhay ko si Diane, sa isip-isip niya. Hindi kita mahal pero may pakialam ako sa 'yo at hindi kita kayang balewalain. Kaya gagawin ko ngayon ang magagawa ko para sa ikatatahimik ng kaluluwa mo.

Nang makita niya ang nakahandusay na katawan ni Diane sa gilid ng madamong kalsada ay inihimpil niya ang sasakyan. Bumaba siya roon at dali-daling nilapitan ang bangkay.

"Diane," sabi niyang napalakas ang boses dahil nakita niyang gumalaw ang katawan ng babaing inakala niyang patay na. "Diane, buhay ka pa ba?"

Napangiti siya. Lalo na ng mahina umungol si Diane. "Yes! Diane, buhay ka pa!"

Naibangon niya si Diane saka niyakap. Pagkuwa'y napahalakhak siya sa labis na tuwa dahil nabatid na buhay pa pala ito.

"Dadalhin kita sa ospital, Diane," aniyang tuluyan itong binuhat at isinakay sa kanyang kotse. "Relax ka lang diyan. Gagaling ka!"

"GAGANTI ako sa hayop na Redlee na 'yon," halos pabulong na sabi ni Diane habang lumuluha. Nang sandaling ito ay nasa loob siya ng ospital at may suwero. "Hindi ko man siya masaktan physically ay titiyakin kong iiyak siya sa sakit ng kalooban dahil sa gagawin ko sa kanya..."

"Diane," anas ni Khian James na nakaupo sa isang stool sa tabi ng kinahihigaan niyang kama. "May sinasabi ka ba?"

Pinalis niya ang mga luha saka tumingin dito. Inihayag niya ang saloobin paukol sa kinakasamang lalaki. Hindi niya inilihim ang naisip na plano para gantihan ito.

"So, wala kang balak na isuplong sa batas ang Redlee na iyon? Puwede siyang makasuhan sa ginawa niya sa 'yo, Diane. Pag-abuso iyon sa isang babaing tulad mo."

Umiling siya dahil hindi sang-ayon sa gustong mangyari ni Khian James. Ang plano niyang gawin ay ang bagay na pumasok sa kanyang isip. Desidido siyang maghiganti kay Redlee sa paraang gusto niya.

"Talagang seryoso ka sa bagay na iyan, Diane?" tanong nito na tuwid siyang tinitigan sa mga mata. "Gagawin mo lahat ang plano mo?"

"Oo, Khian," tugon niyang gumanti ng titig dito. "Gusto kong dumating ang panahong pagsisihan niya ang ginawa sa akin. Gusto kong umiyak siya at maglumuhod sa harap ko."

"Hangad ko ang tagumpay sa plano mo. Sana nga ay mangyari ang lahat na pabor sa 'yo. Tuwa ko lang kapag naglumuhod at sobrang pagsisi ang lalaking iyon."

Pinalis niya ang luha at tumango.

"Huwag kang mag-alala, Khian. Magtatagumpay ako laban kay Redlee."

"Sana nga, Diane..."

Natutuwa siya kay Khian James dahil nakita talaga niya ang pagiging concern nito sa kanya. Totoo ang pagmamalasakit nito. Hindi naman siya nagtataka dahil sa loob ng isang taon ng kanilang pagkakilala ay pinahalagahan na rin siya nito. At ngayon nga ay may utang pa siya ng loob dito dahil iniligtas siya. Talagang gumawa ito ng paraan na makuha ang katawan niya kaya narito siya ngayon sa ospital at nasa maayos na kalagayan.

"Maraming salamat, Khian," sabi niyang hinawakan ang kamay nitong nakapatong sa gilid ng kama, na malapit sa kamay niyang may suwero. "Ano na kaya ang nangyari sa akin kung hindi mo nakitang itinapon ako ni Redlee sa lugar na iyon?"

"Kaya nga," tugon ni Khian James na sunod-sunod pang tumango. "Mabuti na nga lang talaga na kinutuban ako ng masama. Naisip ko talaga na may hindi magandang mangyayari kaya lihim akong nagmatyag. So, nailigtas kita sa kapahamakan."

Minsan pa siyang nagpasalamat dito. Saka siya nagpakawala ng malalim na hininga mula sa dibdib. Napailing pa siya. Inihayag niya na walang-wala sa kanyang loob na magagawa ni Redlee ang ganoong bagay.

"Inakala siguro ng lalaking iyon na patay ka na. Sobra siguro siyang natakot kaya itinapon ka. Pero mabuti na nga lang at buhay ka pa, Diane."

"Utang ko sa Diyos ang buhay ko. Pangalawa ko na sigurong buhay ito," seryoso niyang sabi. "Khian, may bagong mangyayari sa buhay ko ngayon. At magiging saksi ka sa magbabagong iyon..."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status