Share

Comeback

Apat na taon din ang lumipas buhat nang lisanin niya ang Langria at tapusin ang pag-aaral sa ibayong dagat. Hindi niya lubos akalaing maaabot din niya sa wakas ang pinapangarap na akala niya noon ay tatangayin na lang ng hangin.

 

Hindi nga lang niya inasahan na mapapaaga ng isang taon ang pagbalik niya sa bansa. Kung maaari lamang ay ayaw pa sana niyang umuwi dahil hindi pa sapat ang apat na taon para maghilom ang sugat na dumurog sa pagkatao niya. 

Kahit pa malayo na ang narating ay hindi niya magawang tuluyang maging masaya. Pakiramdam niya ay mayroong butas sa pagkatao niya na hindi kailanman mapupunan.

Mabigat man ang loob niyang muling umapak sa lupang nagpapaalala sa kanya ng pagkatao niya ngunit kailangan niyang sumunod sa napagkasunduan nila ni Don Armando.

“Miss Levy?” sabi ng babaeng papalapit sa kanya nang mamataan siya nitong naglalakad sa arrival lobby. “Ikaw ba ito?” paniniguro nito at itinuro ang nasa litrato. Malamang ay nagdalawang isip ito kung siya nga ba ang babae na nasa larawan. 

Hindi niya masyadong narinig ang sinasabi nito dahil maingay ang paligid. Dumagdag pa kasi ang mga batang nagsisigawan at nagtatakbuhan sa likuran niya.

Ibinaba niya ang suot na itim na sunglasses para kumpirmahin ang litratong hawak nito at doon na nga nagsimulang manikip ang dibdib niya. Parang bumigat ang ulo niya nang mapagmasdan ang larawan at gunitain ang huling araw niya noon sa isla. Bakit may litrato siya nito?

"Ikaw ba ang ipinadala ng Chairman?" tanong sa babaeng halos kita na ang kaluluwa sa suot nito. Naka-casual ito ngunit pasadya ang pagbukas nito ng butones para makita niya ang hinaharap nito.

"Ah ikaw nga, malayo kasi 'yung nasa picture kaya medyo nag-alangan ako. Ako na bahala rito sa isang maleta," tugon nito at kinuha agad sa kamay niya ang mas maliit na maleta.

 

Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong hininga nang pilit hilain nito ang maleta mula sa mga kamay niya. Ngayon pa lang ay ramdam niya ang kakaibang ihip ng hangin na namamagitan sa kanila ng babaeng nasa harapan niya.

Ayon sa nakasulat sa name plate nito ay Leila ang pangalan nito at sekretarya ito. Nagtaka lang siya na babae ang sumundo sa kanya at hindi lalaki 'di gaya ng sinabi ni Don Armando nang tumawag ito.

"Let me guess, siguro sa Bora kayo nagkakilala ano?" sabi pa nito. 

Hindi niya alam kung anong ibig palabasin ng babae sa sinabi nito ngunit hindi na lang niya ito pinansin.

 

"Bakit mo maman naitanong?" Nakanunot noo siya habang nakasunod.

"Wala halata naman, alam ko na 'yung mga ganyang kwento, pare-parehas lang naman lahat. Madali lang naman kasing utuin ang mga matatandang madali nang matigok," sabi pa nito na dahilan para magsalubong ang mga kilay niya.

Nakuha ng  malakas na hampas ng malamig na hangin ang atensyon niya nang makalabas sila. Nagsimulang magbara ang ilong niya nang masinghot ang lamig nito. Marahil ay hindi na siya sanay sa malamig na panahon. Matagal din kasi siyang nasanay sa mainit na klima kaya nanibago siya nang bumalik sa Lork– ang malamig na bayan ng Langria.

"Marami rin talagang babaeng sa pera na lang talaga kumakapit. Ikwento mo nga paano mo naman siya nabingwit? Ang gara naman pa Bora-bora lang tapis tingnan mo naman ngayon," sabi ulit nito na ikinalito niya. 

Hindi niya alam kung pareho silang ang casino ang nasa isip pero kung ano man ang sinasabi ng babae o ibig nitong ipakahulugan ay wala na siyang pakialam dun.

Tinitigan niya ito habang inaayos nito ang mga maleta sa trunk ng kotse. May katangkaran at maganda rin ang hugis ng pangangatawan ng babae, hindi nga lang tugma sa katawan nito ang laki ng dibdib nito. Halatang nagpa-enhance ito dahil sobrang laki nga pero matigas naman tingnan nito.

 

Mukha rin itong masungit dahil sa hugis ng pinatattoo nitong kilay. Ngunit bukod pa roon ay may napansin siya rito. Pamilyar ang mukha ng babae at parang nakita na niya ito sa kung saan. 

Nang mangalahati na sila sa daan ay nahalata niyang panay ang titig nito sa rear-view mirror habang nagdadrive. 

“Iba dapat ang magsusundo sa’yo ngayon pero may mas mahalaga daw siyang dadaluhan kaya ako na lang ang ipinadala,” sabi nito kahit na hindi naman niya ito tinatanong.

 

“Ganun ba?” maikling sagot na lang niya.

“I'm sure hindi ka mamumukhaan ni Ren kapag nakita ka niya,” sabi pa nito.

  

Hindi niya alam kung ano ang tamang isasagot dito dahil hindi pa naman niya nakita ang lalaki sa personal. Wala siyang masyadong alam sa pamilya ni Don Armando dahil iba naman palagi ang nakakausap niya sa tuwing may ibibilin ito sa kanya.. Ang maliwanag lang sa kanya binilinan siya ni Don Armando na 'wag munang magsasalita patungkol sa relasyon niya sa mga Rossi. Kaya hindi niya ito sinagot at nagbingi-bingihan na lang.

"Kung sabagay sa panahon naman ngayon hindi na nakapagtataka kung may mga taong gagawin ang lahat para lang makaangat sa buhay,” biglang singit nito.

Alam niyang may laman ang mga sinabi nito ngunit hindi ito ang tipo ng taong papatulan niya. Marami na siyang nakasalamuha at nakilala para patulan niya ang isang ito. 

Pansin niyang wala itong pakundangan kung magsalita at basta na lang inilalahad ang nais ng bibig. Madalas na ang mga ganitong tao ay mababa ang tingin sa sarili kaya mataas din ang insecurity sa katawan.

Kahit pa ganun hindi na lang niya pinansin ang paraan ng pananalita nito. Lalo na at naramdaman niyang tila may karayom na tumutusok sa mata at kanang bahagi ng ulo niya.

“Ano palang relasyon ninyo ng Chairman?” pang-uusisa ulit nito. Gusto sana niyang umidlip dahil wala pa siyang tulog mula pa kagabi ngunit makulit din ito.

“Hindi ba sinabi sa'yo ni Ren? Akala ko pa naman kung close kayo,” sabi niya rito. 

Hindi nakaligtas sa mga mata niya ang pag-irap ng babae nang tumingin siya sa rear-view mirror. Ngayon ay malinaw na sa kanya kung ano ang makapagpapatahimik rito.

Sa wakas ay makakaidlip na rin siya. Naisip niyang maaaring may koneksyon ito dahil malakas ang loob nitong pagsalitaan siya ng ganun kaya naman kailangan niyang mag-ingat dito dahil madaldal ito. Ngunit kung babastusin pa siya ulit nito ay hindi na niya mapapalampas iyon.

 

Kung may natutunan man siya sa buhay, ‘yun ay ang pagbibigay ng limitasyon sa mga taong hindi alam kung kailan dapat manahimik at hindi alam rumespeto sa pribadong buhay ng iba. 

Marahil ay kung ano-anong tumatakbo sa isip nito kanina pa dahil halata naman sa mga tanong nito. Marahil alam din nitong wala namang ibang malapit na kamag-anak si Don Armando kundi ang apo lang nito.

 

“May room number ka na ba para masabihan ko ‘yung bellman?” muli ay tanong nito sa kanya nang makarating sila sa first gate.

“Sa Manor daw ako dederetso,” sagot niya rito.

Natigilan naman ito at nanahimik bigla. “Ah talaga ba? Si Chairman din ba ang nag-utos?” mayamaya ay tanong nito.

Hindi na talaga niya mapigilang mapaisip dito dahil sa pananalita nito. Tila masama ang loob nito na sa Manor pa siya pinatuloy ng Chairman at ganun ito magtanong sa kanya. Nagdududa tuloy siya kung anong relasyon nito sa dalawa at ganun na lang siya nitong pagsalitaan.

 

“Anong ibig mong sabihin? Hindi ba’t inutusan kang sunduin ako? Wala ba siyang sinabi sa'yo kung saan ako dapat dumiretso?” naguguluhang tanong niya rito.

"Nakalimutan ko eh," sagot nito. May halong pang-iinsulto ang tono nito at hindi niya talaga nagustuhan ang pananalita ng babae.

Naramdaman niyang may dumaan na tila kuryente sa anit niya sa sinabing 'yun ng babae at gusto niya itong sabuntan ngunit pinigilan niya ang sarili.

Hindi niya malaman kung anong ginawa niya rito at ganun na lang ang pakikitungo nito sa kanya. Pilit niyang pinakalma ang sarili at inisip na lang na hindi naman niya ito makakasama ng matagal.

 

Habang hawak ang sentido na nakatitig sa labas ng bintana ay naalala niya ang huling sinabi ng Chairman. Isang palaisipan sa kanya kung anong importanteng balita ang sasabihin nito at kailangan pa siya nitong pauwiin.

Nabasag ang sandaling pagmumuni-muni niya nang biglang tumama ang ulo niya sa bintana.  

"Shit!" Halos tumalon ang puso niya sa kaba. "Really lalayasan lang tayo ng ganun ganun lang?" Nainis siya sa may-ari ng itim na Bugatti na humarurot paalis. Ni hindi man lang ito lumabas para humingi ng paumanhin samantalang ito naman ang nakabangga sa kanila. "Nakuha mo ba 'yung plate number? Ba't hinayaan mo lang na umalis 'yun?" Mataas na ngayon ang boses niya at ang babae naman ang tahimik lang na nakatitig sa manubela.

Nanatili lang si Leila at hindi man lang kumilos sa kinauupuan.

 

"Pasensya na ma'am, ayos lang po ba kayo?" tanong ng guard na pumunta sa kinaroroonan nila pagkatapos makita ang insidente.

"Pwede bang pakuha ng plate number ng sasakyan na 'yun. Napakabastos!" reklamo niya ngunit tika kilala ito ni Leila.

"Anong problema may nangyari ba?" tanong ni Leila.

Nagtaka naman siyang imbis na magalit ito ay bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala. 

"Balita ko naaksidente raw si Don Armando kaya nagmamadali si sir, malubha raw 'yung lagay eh, baka nga 50-50 pa yata," sabi nito.

"Ano? Saang ospital siya dinala?" Napalabas siya sa sasakyan at nag-dial. Napalitan ng takot ang kanina'y magkasamang galit at gulat na naramdaman niya sa pagkabangga nila. 

"Sa Summer Hospital po," sagot naman agad ng guard.

Hindi niya inasahan ang masamang balitang sumalubong sa kanya. Kung kailan naman may importante itong sasabihin ay ganito pa ang nangyari. 

"Alam kong gusto mong sumunod sa ospital pero hindi rin tayo papasukin ngayon. Mas makabubuting manatili ka muna sa Manor at hintayin na lang kung anong sasabihin ni Ren," singit naman ni Leila.

 

Nang walang sumasagot sa tawag ay sumakay ulit siya, ngunit hindi nakaligtas sa kanya ang paraan ng pagtawag nito sa lalaki. Bakit nga ba impormal ang pagtawag nito sa apo ng Chairman?

"Pwede bang sabihan mo 'yung mga kasama mo na buksan nila ang gate papasok ng Manor? Kasama ko ang bisita ng Chairman," utos ng babae sa guard. 

Agad naman itong sumunod at itinimbre sa mga kasama ang  pagdating nila gamit ang hawak nitong handheld transceiver.

Mga 20 minutes na byahe pa bago sila makarating. Pagkatapos nilang kumain at makaalis si Leila ay sinamahan siya ng katiwala papunta sa silid na ibinigay ng Chairman para sa kanya.

 

Nilibot ng kanyang mga mata ang paningin sa naglalakihang traditional portrait na nasa gitnang pader habang naglalakad sila paakyat ng grand staircase. 

Nakaramdam siya ng kurot sa kanyang puso nang matapat naman ang paningin sa isang portrait. Tila pamilyar sa kanya ang mukha ng lalaking may hawak ng bata at napatitig siya rito.

Ito ba ang apo ng Chairman na ipaakilala nito sa kanya?

Stallia Iris

Malaking bagay po para sa akin kung makapagbigay po kayo ng gem at magsubscribe sa pamamagitan ng pag-add to library ng aking nobela. Maraming salamat 😊

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status