Share

Chapter 4: 'THE MARRIAGE PROPOSAL'

"Two million."

Umiling pa rin si Belle sa alok ng doctor. "No parin, sorry talaga."

"Kahit five million?" tanong ulit nito, mababakas na ang lungkot sa mga mata.

Umiling pa rin siya, humithit ng vape, at nilaro ang usok na lumalabas sa bibig niya.

"Bakit ba dito ka naghahanap ng mapapangasawa? Marami namang iba diyan. Tsaka, entertainer ako," pagtukoy niya sa trabaho niya na ang ibig sabihin hindi nararapat bigyan ng halaga.

Kung baga sa ibang tao katulad ng doctor na ito, hindi siya importante. Sinong baliw na negosyante ang gusto siyang gawing asawa? Maraming babaeng mayaman na nababagay sa doctor na ito, bakit siya talaga?

Muling tumagay ang lalaki, marahan lang ang pagkilos nito pero kayang maghatid ng tensyon sa kaniya, kung baga may aura itong nagdedemand ng respeto.

Habang inikot-ikot nito ang baso nagsasalita ito. "Ikaw na ang nagsabi, hindi lahat ng entertainer ay kahusga-husga. Let's just say na... there is something different about you, kung baga unique, for example when I compare you to others..." Kumibit-balikat ito at uminom agad ito ng alak.

Kumunot ang noo niya, namayani ang kaniyang kuryusidad tungkol sa ibig nitong sabihin. Maaring naririnig niya ang linyang ito sa iba pero mas gusto pa rin niya marinig ang dahilan mula rito.

Iba ang lalaking ito, desente, mayaman at siguradong napapalibutan ito ng mga high value woman. Imposibleng ituring siya ng lalaking ito na isa sa mga babaeng iyon. Masyado siyang mababa kung ikumpara sa mga mas mataas.

Matapos niyang titigan ito ng ilang sandali, tumingin siya sa crystal at maliit na lamesa na hanggang tuhod lamang ang taas.

Huminga siya nang malalim, at kinuha ang natitirang Martini niya. Agad namang nag-alok ng cheers ang lalaki at pinagbigyan niya ito. Sabay silang lumagok.

Dinamdam niya ang lasa nito hanggang sa lalamunan niya. Mainit, walang pinagkaiba sa gin ngunit kaya niyang tiisin. Pinagdikit niya ang kaniyang labi upang simutin ang lasa nito sa kaniyang bibig.

Una siyang naglapag ng baso, sumunod ang lalaki at muli niyang pinagmasdan ang mukha nito, ngunit ang lalaki, tumingin sa alak niya.

Wala na siyang natirang shot, ibig sabihin kung hindi ito mag-order ng dagdag, kailangan niyang iwan ito sa loob ng VIP room pero pinili niyang manatili ng ilang sandali upang bigyan ito ng karagdagang oras para magdesisyon.

At isa pa, kanina pa sila sa loob ng VIP room, nag-iinom lamang, nag-uusap, ngunit kahit simpleng haplos ay wala siyang naibigay. Karapatan ng guest ang makakuha kahit isang halik lamang sa kaniya pero hindi ito nanghingi o kahit magtanong man lang kung pwede ba o hindi. Maliban sa simpleng dikit ng labi nila kanina.

"Pwede ko bang malaman kung bakit gusto mo talaga ng babaeng papakasalan? I mean, random kasi ang hinahanap mo, mayaman ka pa naman. Kaya nakakalito," pag-amin niya sa tunay niyang iniisip.

Nag-cross ito ng braso at tumingin sa harapan. "My grandfather wants to see me married. He is old and I am his only grandson." Napanganga siya at napatangu-tango. Nagpatuloy ang lalaki, "Engaged ako." Tumingin ito sa kaniya na nagdulot naman nang pagkunot niya ng noo.

"Ayan naman pala, ba't inaalok mo pa ako ng kasal?" Sinamaan niya ito ng tingin at tumawa rin kalaunan, ngunit mahina lamang.

"Hindi ko gusto ang babae," simpleng sagot nito.

Napa-taas ang balikat niya at bahagyang napadistansya. "Hindi mo gusto ang fiancee mo, tapos ako..." Hinawakan niya ang kaniyang dibdib. "...inaalok mo? Kanina mo lang ako nakita?" pagsasarkastiko niya.

"Sa pamilya..." Tumikhim ito nang mahina, tumitig ulit sa kaniya, tila handang ipaintindi ang sitwasyon.

"Lalo na kung lahat kayo negosyante, hindi maiiwasang may ilan sa kanila ang magtatraidor sa'yo lalo na kung ikaw ang tagapagmana. Maaring mahirap intindihin ang point ko, pero sampung million, kapalit ng palasingsingan..." Masyadong malaki ang sampong million at ang mga titig nito ay mangungumbinsi. "Deal?"

Tumagal ang kaniyang pagtitig, pinagmasdan ang nakakaaliw nitong kagwapuhan.

Iba't ibang maging kapalaran niya ang naglalaro sa kaniyang isipan. Malaki talaga ang sampong million, giginhawa ang buhay niya hindi lang sa kaniya kundi buhay ng buong pamilya niya.

Ngunit ang sampong million ay pera pa rin. Ang katawan niya, ang pangalan niya, ang buong buhay niya ay hindi napapalitan ng pera.

Gwapo nga at mayaman ang lalaking ito at oo nga, ang pera ay kayang bumili ng mga bagay na makakapagpasaya sa kaniya ngunit ang kapalit ng pera na inaalok nito ay maging komplikado lamang sa buhay niya lalo na pagdating sa pagmamahal.

Kaya umiling siya. "Alam mo...iniingatan ko kasi ang sarili ko."

Kailangan niyang linawin sa lalaki ang rason niya lalo na't nakiusap ito nang maayos at talagang binigyan siya ng respeto. Ni hindi nga ito nangahas na hawakan siya. Maswerte na siya sa guest kung tutuusin.

"Itong katawan ko kasi...kaya ginagawa ko ang lahat para ingatan ito, kasi para lang ito sa lalaking mamahalin ko at mahal rin ako. Gusto ko ng true love at ang kasal?"

Pinagdikit niya ang kaniyang mga labi at umiling ng ulo. "Hindi talaga bagay sa atin iyan. Hindi naman kasi tayo magkarelasyon, kanina lang kita nakilala at higit sa lahat, walang pagmamahal na namamagitan sa ating dalawa. Kaya ayaw ko talaga, sorry..."

Nagbaba siya ng tingin. Hindi madali sa kaniya bitawan ang prangka niyang mga salita pero kinakailangan. Huminga ito ang malalim sanhi nang pagkabigo. Tumango ito na tila ba'y nauunawaan ang rason niya.

Gusto man niyang tulungan ang lalaki dahil mukhang problemado talaga ito sa kung ano mang mga balakid nito sa buhay, ngunit hindi niya magagawa. Kasal kasi ang kailangan nito at hindi niya ito maibigay.

Umayos siya ng upo, ginaya niya itong nakaharap sa unahan. Maya-maya naramdaman niya ang kilos nito kasabay ng ilang beses na pagbuntong-hininga.

Lihim naman siyang nakaramdam ng kunsensya. Talagang hindi madaling Mag-refuse.

Naramdaman niyang tila nagdukot ito ng wallet sa bulsa. Hindi nagtagal narinig niya ang tunog ng pera na para bang ginagawa lang nitong baraha. Dahan-dahan niyang tinapunan ang ginagawa nito at iyon nga, nagbibilang ito ng tig iisang libo.

Nilapag nito sa lamesa ang makapal na bundle nito. Lumakas ang tibok ng puso niya dulot ng tukso ng kayamanan. Minsan talaga nakakaramdam rin siya ng kilig kapag pera ang nakikita niya.

Sa ibabaw ng patong-patong na tig iisang libo may nilapag rin itong card. Alam niyang hindi ATM iyon at nahagip ng paningin niya ang imahe nito sa kaliwang bahagi ng card. Tumingin ito sa kaniya at sinabing, "Sakaling magbago ang isip mo."

Naintindihan niya ang ibig nitong sabihin kahit na pinaliwanag na niya ang rason niya.

Tumayo ito, sumunod ang mga mata niya habang nag-aayos ito ng bulsa. May narinig rin siyang tunog ng susi na kung hindi siya magkakamali ay susi ito ng sasakyan nito na nakaparada rin sa labas ng bar.

Tumayo rin siya, at bumaba ang paningin niya sa Remy Martin cognac na nasa ibabaw ng lamesa. Binalik niya ang paningin niya sa mukha nito, "Aalis ka na? Paano ang alak mo?"

Mahal ito masyado para iwanan lang. Ngunit kumibit-balikat lamang ang doctor. "I can't drink it all, I have no choice but to leave it."

Kung sabagay, hindi bagay sa lalaking ito ang magbitbit ng hindi naubos na alak galing sa bar para lang masabing hindi sayang.

"Akin na lang." Kinapalan na niya ang mukha niya. Sobrang mahal ng alak para baliwalain lang at isa pa kursunada niya.

Gumuhit ang simpleng ngiti sa labi nito na animoy, natatawa at natuwa rin sa paghingi niya. Tumango ito. "Sure. Go for it."

Lumapad ang ngiti niya. Humakbang naman ang lalaki papuntang pintuan upang lumabas na ngunit pinigilan niya ito. "Wait!" Tumingin ito sa kaniya nasa bulsa ang mga kamay. "Ihahatid kita sa baba, baka kasi pagalitan ako."

"Is that necessary?" tanong nito na tila ba OA ang patakaran.

"Mahalin daw kasi dapat ang guest." Ngumuso siya. Mabuti na lang at nakuha na niyang maging komportable.

"Mahalin ang guest..." Sinamaan siya nito ng tingin. "Ayaw mo nga magpakasal sa akin."

Umiwas siya ng tingin at awkward na tumawa dulot ng hiya. "Eh...ibang usapan naman kasi iyon." Ngumisi siya.

Hinarap niya ang lamesa at natigilan pa nang makita ang libo-libong pera sa ibabaw nito. Tinuro niya ang mga ito at tumingin sa guest. "Bayad mo ba ito?"

"Hindi," sagot nito at awtomatikong bumuka ang bibig niya, hinihintay na marinig ang kasunod na sasabihin. "Sa'yo iyan, pero huwag kang magpa-table sa iba."

Bumulong-bulong siya ng, "Possessive yarn?"

"Definitely? Yes?" Kumibit balikat ito. "Or maybe."

Napalunok siya, narinig pala nito ang sinabi niya. Tiniis na lang niya ang hiya at kinuha ang pera sa ibabaw ng lamesa.

Tinupi niya ang mga ito at siniksik sa bra niya maliban sa card dahil matigas ito masyado at masakit sa balat. Kinuha rin niya ang bote ng Remy Martin at hinarap ito.

"Kapag nakita kasi ako ng floor manager na vacant pinapaupo niya ako sa iba kaya..." ngumiwi siya. "Hindi ko masasabing hindi ako pwedeng—"

Inagaw nito ang pagsasalita niya. "Ano bang pwedeng gawin? Shall I talk to your boss?"

Umiiral na naman sa isipan niya ang pagiging gahaman. Kunwari nahiya pa siya magsabi kaya dahan-dahan lamang ang kaniyang pagsasalita, "Hmm...iwanan mo ako ng ladies drinks na iinomin ko hanggang mamayang umaga."

Kumunot ang noo nito, ramdam naman niya ang hiya kaya sinabi na lang niya, "Kung gusto mo talagang hindi ako ma-table ng iba." Pinatabingi niya ang ulo niya yakap-yakap ang bote sa cute na paraan.

Tumaas ang sulok ng labi nito. Tiningnan siya taas-baba na tila ba sinasabi nitong, 'gahaman ka' pero maya-maya ay tumango rin. "Okay! Ilang drinks ang kaya mo?" naghahamon nitong tanong.

Deretso siyang sumagot ng, "30." Taas-noo iyon sapat na maintindihan nito na tanggap niya ang hamon.

"So 30 drinks ang isang gabi mo? Is that minimum?" Tumango siya. "Makakauwi ka pa ba no'n?"

Halata ang gulat sa boses nito. Kung sabagay sinong maniniwala na kaya ng isang babae ang uminom ng 30 shots?

"Malakas lang talaga ako sa alak," mayabang niyang sagot.

Siya na ang naunang humakbang. Sumunod ito sa likuran niya at dahil yakap niya ang bote ito na lang rin ang naghawi ng kurtina para sa kaniya, ganon na rin ang pagbukas ng pinto.

"Sanay na kasi ako," dugtong pa niya.

Hindi ito sumagot, hindi rin tumango nang sulyapan niya.

Dumaan sila sa area kung saan may mga table at punong-puno ng mga guest na mat mga katabing babae rin. Nakasunod ang paningin ng mga babaeng ka-table ng mga ito sa doctor na kasama niya.

Agaw pansin rin kasi ang karisma nito, lalo na't yakap pa niya ang mamahaling alak na halos hindi pa nangangalahati ang laman.

Pagkababa nila ng hagdan nakaabang si Mark sa bartender naghihintay ng utos mula sa floor manager.

Nang makita nito ang Remy Martin sa mga braso niya bumuka ang labi nito at nanlaki ang mga mata, talagang manghang-mangha.

Inirapan niya ito para magpainggit ngunit binati nito ang guest niya. "Hello, sir! Good evening."

Nagtaas lang ng kamay ang doctor bilang tugon at dumiretso sa counter. Nginisihan naman niya si Mark pero ngiting-ngiti ito sa cognac na dala niya at ngumuso pa na ang ibig sabihin iinumin nila mamaya pagkatapos ng trabaho.

Inirapan niya ito at sumunod sa doctor. Alam niyang bayad na ito at pwede na sanang umalis pero mukhang tutuparin nito ang 30 drinks na sinasabi niya.

Tumayo siya sa tabi nito at binati ang matabang kahera na may maiksing buhok sa bartender, "Hello ate Dianne!"

Umupo siya naka-fix na high chair sa harap ng bartender sa mismong tabi rin ng lalaki.

Imbis na gumanti ang kahera sa pagbati niya ang kasama niya ang kinausap nito. "Aalis ka na sir? Masyado pang maaga ah. Mapupunta sa ibang guest iyang si Berhin kapag iwan mo. Marami pa namang nakapila diyan."

Tumingin sa kaniya ang lalaki. Umismid ito sandali at tumingin sa kahera. "Huwag siyang ibigay sa iba kung ganon. Mag-iiwan ako ng drinks." Lihim siyang napangiti at tinanong pa nito sa kahera, "Ilang shots ang kaya nito?" Tinuro siya nito gamit ang ulo.

"Naku sir! Gahaman sa alak iyang si Berhin, kahit 50 shots ang ibigay mo diyan hindi natutumba iyan. Handa ka bang iwanan siya ng 50 shots?" Pati kahera nila ay talagang gahaman rin, dumiskarte nang mas malala.

"Oh...that's unbelievable." Napailing ito, napapatunog ng dila habang nagdudukot ng kayamanan sa wallet. "Itong shots ba na ito, anong klaseng alak?"

"Margarita!" Humagalpak sa tawa ang kahera. Hindi naman kasi nakakalasing ang Margarita, halos juice lang ang lasa nito.

Umipekto naman ang biro ng kahera rito at natawa na rin. Napakagat na lamang siya ng labi dahil sa hiya ngunit sa kabila no'n naramdaman niya kung ano ang halaga niya sa lalaking ito.

"Deal, 50 shots." Tumingin ito sa kaniya pagkatapos at tinaasan siya ng kilay. Tila pinamukha sa kaniya ang pagiging gahaman niya.

Debit card ang binayad nito, dahil mukhang ubos na ang cash sa wallet. Makapal na ang pera na nakaipit sa dibdib niya, at sigurado siyang halos kalahating laman ng wallet nito ay napunta sa kaniya.

"Naku sir! Napakabuti niyo talaga. Huwag kang mag-aalala, walang makakahawak na ibang lalaki diyan." Nginusuan siya ng kahera. "Sa'yo lang iyan, busugin mo lang."

Napalunok na lang talaga siya sa mga salita nito. Pagkatapos magbayad ng guest niya hinarap siya nito. "I'll take my leave now." Inasahan niyang lalapit ito upang halikan siya ngunit kinalabit lang nito ang baba niya.

Masyadong gentleman, ngunit disappointed naman siya. Umasa siyang halik pero kalabit ang ginawa. Ngumisi siya at nagpa-cute habang sinasabi ang salitang, "Ingat."

Tumalikod ang lalaki at nang makalabas na ito tumili ang kahera. "Pucha ka Berhin! Napakayaman ng lalaking iyon, ang laki ng binayaran niya dito!"

Kumagat siya ng labi, tila iyon ang pinakamayamang guest na naligaw sa Angel's house.

Tiningnan niya ang card na nasa kamay niya. Ito ang contract card ng lalaki na binigay sa kaniya.

Sa card na iyon nakasulat ang pangalan na, 'Hivo Soulvero' at sa ilalim nang pangalan nito nakasulat ang contact number nito at ang kasunod nito ay maliliit na litrang nakasulat ang 'Chief Executive Officer of Soulvero Jewelry industry.'

Sa kaliwang bahagi naroon ang picture nitong naka-business attire at nasa bulsa ang mga kamay. Napakagwapo ng postura at talagang nakaka-intimidate ang aura.

Ibig sabihin hindi lang doctor ang lalaking iyon kundi isang CEO ng hindi lang basta-bastang kompaniya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Robelyn Senador
sana all....
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status