Share

Chapter 1

“SAAN ka ba galing ikaw na bata ka!” mabilis akong sinalubong ni Nanay at pinunasan ang aking likod ng tuyong tuwalya.

“Nay, ano ba naman ‘yan hahaha! Bente anyos na ako, ginagawa n’yo parin akong bata? Hahahaha! Tsaka ito nga po pala..” dinukot ko sa bulsa ko ang aking kinita kanina mula sa paglalako ng suman.

“Ang bilis naman ikang maubos niyan? Ano bang ginawa mo?” natatawang ani ni Nanay habang iginigiya ako papasok ng bahay.

“Syempre nay, dinaan ko lang sa karisma at ganda ko ang lahat ng bumibili kaya ayon dinadamihan nila ang bili.” Pagmamayabang ko pa at natawa naman si Nanay.

“Ikaw talagang bata ka. Kung ano-ano ang nalalaman mo. Oh siya, kumain ka muna at ipaghahanda kita.” Ani niya at nagderetso sa kusina. Mabilis naman akong umupo sa hapag habang nakangiting pinagmamasdan si Nanay.

“Nay, kaninong bahay nga po pala itong tinitirhan natin ngayon? Naririnig ko kasi sa mga kapitbahay na patay na raw ang may-ari nito?” tanong ko at mabilis na napatingin sa akin si Nanay. Agad na nag-iba ang awra niyang kanina lang ay maliwanag.

“Hay naku anak, huwag kang magpapani-paniwala sa mga sabi-sabi. Ang may ari ng bahay na ito ay nagta-trabaho sa ibang bansa. Babalik din iyon dito at uuwi na tayo sa isla.” Sagot naman ni Nanay at tumango nalang ako.

Nakangiti niyang inilapag sa harap ko ang pagkain saka siya tumabi sa akin mula sa pagkakaupo. Naramdaman kong marahan niyang hinaplos ang buhok ko at inilagay sa likod ng aking tainga ang mga hibla nito.

“Sigurado ka bang sasama ka sa akin sa pagbalik sa isla, anak?” tanong niya at agad naman akong napatitig sa kaniya.

“Oo naman nay, hindi kita pwedeng pabayaan  na mag-isa roon. Lalo na ngayong wala na ang tatay.” Malungkot na usal ko.

Namatay kasi ang tatay dahil sa sakit sa puso kaya kami ay nagpunta rito sa Maynila upang maipagamot sana siya kaso hindi na naagapan pa. Naipalibing na rin namin siya agad pagkatapos dahil wala kaming perang maisasaludar sa pagpapaburol sa kaniya.

“Ang mga totoo mong mga magulang anak? Wala ka bang planong hanapin sila?” mabilis na namuo ang katahimikan sa pagitan namin ni Nanay. Hindi ko inaasahan ang tanong niya. Malimit kaming mag-usap tungkol sa mga magulang ko.

Sunod-sunod ang naging pagbuntong hininga ko dahil hindi ko rin malaman ang isasagot sa tanong niya.

“Bakit ko naman sila hahanapin?” animo’y natatawa kong sabi pero agad ring namuo ang luha sa mata ko. Nag-iwas ako ng tingin upang hindi niya iyon makita.

“Limang taon na pero hindi man lang ako hinanap.” Dagdag ko pa saka pilit na ngumiti at sumandok ng kanin. Pinipigulan ko na lamang ang pagtulo ng luha ko. “Ano ba naman ‘yan Nay, ang drama natin ah? Basta ako buo na ang desisyon ko na samahan ka pabalik sa isla.” Sabi ko saka mahigpit na niyakap ang nanay mula sa tagiliran.

Napangiti siya at muling hinaplos ang buhok ko. “I love you, Nay!”

---

“WOAH! Nay, ang yayaman pala ng mga Almazan no? Akalain mo nay may dalawampu’t isang kumpanya sila mula sa iba’t ibang bansa?” namamangha kong sabi habang tinutulungan siyang magkuskos ng mga labahan.

“At saan mo naman narinig ang mga bagay na iyan?” tanong ni Nanay.

“Kina Aling Fatima po, may telebisyon kasi sila sa bahay nila at sobrang astig nay! Ngayon lang ako nakakita ng ganoon sa personal. Yung mga nababasang kwento sa libro makikita mo roon sa pamamagitan ng pelikula. Artista pala tawag sa mga gumaganap doon, sana balang araw magkaroon din tayo. Dadalhin natin sa isla para makapanuod sina Kuya Boyet at Ninong Kiko.” Kwento ko pa at natatawa nalang siyang ginulo ang buhok ko.

“Oh siya mamaya na muna iyang kwentuhan nang matapos natin itong paglalaba. Lilinisin pa natin ang buong bahay.” Sabi ni Nanang at tahimik naman akong napangiti.

Ibibili ko sila pag nakapag-ipon. Sisipagan ko pang maglako.

---

“NAY ito ba ‘yong may-ari nitong bahay?” tanong ko at inilabas pa iyong litrato na nakuha ko sa isang kahon na nasa itaas ng malaking aparador. “Ang ganda niya.” Manghang usal ko habang pinakatitigan yung larawan. Nakita kong may sulat na nakalagay sa likod nito at nalaman kong Celestine pala ang pangalan niya.

Kay gandang pangalan.

“Nakung bata ka. Huwag mo iyang pakikialaman. Malalagot tayo kay Selda niyan.” Tukoy ni Nanay sa tagapangalaga nitong bahay na nagpatuloy sa amin dito ng pansamantala.

Mabilis ko namang ibinalik ‘yong litrato sa kahon ‘tsaka ito inayos mula sa pagkakalagay.

Bumaba ako mula sa pagkakapatong sa silya nang may mahulog sa sahig. Agad ko itong pinulot at ibinalik mula sa pagkakadikit sa aparador. Isasara ko na sana ang malaking aparador na nasa harap ko nang may mapansin akong nagkalat na dyaryo sa pinaka-ilalim. Napailing at napakamot nalang ako dahil pagod na ako at gusto ko nang magpahinga. Ngunit kilangan kong tapusin itong paglilinis bago pa dumating si Tiya Selda.

Kinuha ko ang mga dyaryo at ikinalat ito sa sahig upang ayusin ang pagkakatupi.

[Eroplanong sinasakyan ng mga Almazan, sumabog. Labing-walo patay.]

Labing-walo ang patay matapos bumagsak ang pribadong eroplano ng mga Almazan sa malawak na karagatan ng pasipiko kaninang umaga. Kasama rito ang buong pamilya ng Almazan at iilang mga katulong at kasamahan nila sa trabaho. Hanggang ngayon ay hindi parin matukoy ng mga opisyal kung ano ang dahilan ng insidente. Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng ating search and rescue team ang mga nawawalang katawan ng biktima.

Agad na nagsalubong ang kilay ko nang mabasa ang pahina sa dyaryo na hawak ko.

P-Patay na ang mga Almazan?

Tinignan ko kung anong taon inilathala ang balita at nakita ko sa may bandang kanan sa itaas nito ang petsa: July 03, 2016.

Matagal nang patay ang mga Almazan? Kung ganoon, bakit sila parin ang laman ng balita hanggang ngayon?

Agad kong binasa ang artikulo na nasa ikalawang pahina. Nakapaskil naman sa ikaapat na pahina ng dyaryo ang mga larawan ng mga namatay sa pagsabog.

Habang pinagmamasdan isa-isa ang mga larawan ng nasawi ay natigilan ako sa isang litrato na aking nakita.

A-Ako ba ito?

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jeccc
OMG hala!??
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status