Share

Ikaapat na Pahina

Mahigpit ang bilin ni Alea kay Mayumi na huwag sasama sa hindi kakilalang tao lalo na kung lalaki ito. Kaya nahihiya siya ngayon sa sarili na siya pa ang bumali sa utos na iyon.

Maliit ang kwartong inuukupa ng lalaki sa dalawang palapag na boarding house. Luma na iyon at gawa pa sa kahoy na kung aapakan ay lumalagitnit pa.

"Dito muna kayo sa kwarto ko. Sa salas na lang ako matutulog mamaya. Buksan n'yo na lang ang bintana dahil wala akong electric fan," anito habang iginigiya sila sa loob.

Inilibot ni Alea ang paningin sa kabuuan ng kwarto. Hindi pinturado ang pader at butas-butas pa ang kisame, gayunpaman, ay balewala iyon sa kan'ya dahil kung tutuusin ay mas maayos pa ito kaysa sa tinitirahan nila sa squatter's area.

"Kahit kami na lang sa salas ni Mayumi. Sapat na sa'min na may matutuluyan pansamantala," pagtutol ni Alea.

Magaan ang loob niya sa lalaki. Ito'y kahit pa hindi maganda ang una nilang pagkikita. Subalit ayaw niyang magpakatiwala. Hindi niya pa ito lubos na kilala at nagtataka din siya sa pagtulong na ginagawa nito. Kung siya nga lang ay mas pipiliin niyang magpalipas ng gabi sa kalsada, ngunit iniisip niya si Mayumi. Ayaw niyang makaranas pa nang mas matinding hirap ang kapatid.

"Babae kayo, dapat sa kwarto kayo. Huwag kayong mag-alala, wala naman ako'ng gagawin na masama. At saka 'yong kagabi -"

Mabilis na tinakpan ni Alea ang bibig ng lalaki gamit ang kan'yang kamay kaya hindi nito natapos ang sasabihin. Pinandilatan niya ito ng mata at pasimpleng inginuso si Mayumi.

Ayaw niyang malaman ng kapatid ang hindi kaaya-ayang bagay na ginawa niya kagabi. Ang pagiging surrogate mother niya nga sana ay itatago niya dito sa pamamagitan ng panunuluyan niya sa bahay ni Mami Rose hanggang makapanganak siya, subalit hindi ito natuloy. Hindi niya nanaisin na gayahin siya nito paglaki.

"Ate, paano si papa? At saka, dito na ba tayo titira? Paano ang pag-aaral ko? Wala din tayong dalang gamit," sunod-sunod na tanong ni Mayumi na tila wala naman sa kanila ang atensyon bagkus ay nasa pag-iisip kung bakit sila biglang lumayas sa kanilang tahanan.

Iniwan sila ng lalaki nang mapansin na kailangan nilang mag-usap nang pribado.

Dito ay ipinaliwanag ni Alea ang masamang balak sa kanila ng mga tauhan ni Mr. Lee. Nabakas niya sa mukha nito ang pagkatakot.

Ito ang dahilan kung bakit hindi siya maaaring magpakita ng kahit anumang takot. Siya ang lakas ni Mayumi kaya hindi siya pwedeng maging mahina.

"Paano po si papa?"

Marahas na nagpakawala ng hangin si Alea. Alam niyang mahal na mahal ni Mayumi ang amain niyang si Leo. Naiintindihan niya ito dahil ganoon niya din kamahal ang sariling ama. Ang pinagkaiba nga lang ay madaling mahalin ang kan'yang ama dahil mabuting tao ito samantalang ang Tiyo Leo niya ay walang pakialam sa kanila o kahit man lang sa anak nitong si Mayumi.

"Naabutan ko siya sa saklaan. Kinukutungan pa nga ako. Wala siyang pakialam kahit isama pa tayo ng mga tauhan ni Mr. Lee."

Bumagsak ang balikat ni Mayumi. Minsan ay naaawa dito si Alea. Walang kondisyon magmahal ang kapatid niya, kaya hanggang maaari ay ayaw niyang mabago ang pagtingin nito sa ama.

"Huwag kang mag-alala dahil tayo ang hinahabol ng mga tauhan ni Mr. Lee at hindi siya. Babalikan natin siya kapag nakahanap na tayo ng pambayad sa mga atraso ni nanay," pag-aalo niya dito kahit ang totoo'y wala siyang malinaw na direksyong nakikita na pwede nilang tahakin bukod sa pagsama nilang ito sa estrangherong 'ni hindi niya pa alam ang buong pangalan.

Inubos nila ang oras sa pagpapahinga. Madilim na nang mapagpasyahan niyang lumabas. Natagpuan niya sa balkonahe ang lalaki at may kausap sa telepono.

Dahan-dahan siyang lumapit dito ngunit napatigil nang marinig niya ang mahinang paghikbi nito kasunod nang pagbaba ng telepono.

Ilang sandali siyang nanatili sa likod nito at pinakinggan ang tila pagpipigil nitong humikbi nang malakas.

Hindi niya alam kung tama ba'ng naroon pa siya o kailangan niya nang bumalik sa kwarto at umaktong walang narinig o nakita. Subalit ang kan'yang mga paa ay tila napako na sa sahig. May kung ano'ng bagay ang nagtulak sa kan'ya upang humakbang pa ng isa palapit at tumikhim.

Tumigil ang lalaki sa paghikbi at pinunasan nito ang luha gamit ang suot na t-shirt. Nakatalikod pa din ito sa kan'ya nang magsalita.

"Nasa kusina 'yong pagkain n'yo," anito kahit hindi naman iyon ang pakay niya.

"Okay ka lang ba?" hindi niya napigilang itanong dito.

Sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. Napakamot ng batok si Alea sa pag-aakalang baka nais nitong mapag-isa ngunit sumagot ito.

"Wala na si Mang Julian. Wala na 'yong taong dahilan kung bakit nakipagsapalaran ako dito sa lungsod at tinitiis ang trabahong ito. Wala na 'yong nag-alaga sa akin. 'Ni hindi ko man lang siya naipagamot."

Hindi na nag-isip pa si Alea at kinain ang distansya nila. Hinagod niya ang likod nito, kagaya nang ginagawa ng kan'yang ama noong bata pa siya sa tuwing umiiyak siya.

Hindi niya alam ang sasabihin dahil noong namatayan din siya ay walang kahit anumang salita ang nagpagaan sa loob niya.

Ilang minuto silang naging tahimik. Hindi na umiiyak ang lalaki ngunit tila malayo ang iniisip nito.

"Uuwi na ako bukas sa Isla Irigayo," sabi nito pagkalaon.

Inaasahan na iyon ni Alea ngunit tila bumalik ang takot na nadarama niya kanina nang hinahabol sila ng mga tauhan ni Mr. Lee. Saan na sila ngayon pupunta?

"Malayo ba iyon?" tanong niya.

Tumaas ang dalawang kilay ng lalaki, animo'y nagtataka sa naging katanungan niya.

"Walong oras na byahe sa bus at isang oras sa barko."

Hinigit ni Alea ang sariling hininga at ikinuyom ang kamao sa kan'yang gilid. Tumingin siya sa malayo bago malalim na huminga.

"Maaari mo ba kaming isama ni Mayumi? Isipin mo na lang na bayad mo ito sa nangyari sa atin kagabi. Pangako, itong pabor lang na ito ang hihilingin ko, pagkatapos ay wala na. Gusto ko lang mamuhay malayo dito. Kami na bahala pagdating doon." Kinapalan niya na ang mukha, para sa kapatid niya.

Hindi man siya nakatingin sa lalaki ay damang-dama niya naman ang matagal nitong pagtitig sa kan'ya.

Tila magnet ang mga mata ng lalaki na naudyok siyang salubungin ang mga tingin nito.

"Pio."

"Huh?" Nagtataka niyang tanong sa turan nito.

"Hindi ba sinabi sa'yo n'ong bata ka pa na huwag sumama sa taong hindi mo kilala?"

Marahan siyang tumango, pilit na inaanalisa ang sinasabi nito.

"Pio ang pangalan na ibinigay sa akin ni Mang Julian. Ikaw?"

"Alea," sagot niya.

"Maaga tayo bukas," sabi ni Pio bago pumanhik sa loob at iwanan si Alea na may namuong pag-asa sa puso.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status