Share

Ikatlong Pahina

Isa, dalawa hanggang lima ang hakbang na ginawa ng lalaki para makalapit kay Alea. Bawat hakbang nito ay tila ilaw na nagbibigay liwanag sa dumidilim niya nang mundo.

"Mukhang may utang din sainyo ang babaeng ito. Sa akin din kasi. Sa katunayan, mas matagal pa ang utang niya sa akin kaysa sainyo kaya nararapat lamang na sa akin siya sumama. Isa pa, nag-usap na kami at pumayag na siya."

Walang ideya si Alea sa sinasabi ng lalaki. Hindi niya kailanman gagawing pambayad ang buong pagkatao. Gayunpaman, mas nanaisin niyang sumama dito kaysa sa mga tauhan ni Mr. Lee.

Pagak na tumawa ang dalawang tauhan.

"Kung ako sa'yo huwag ka nang makialam dito," pagbabanta pa ng isa.

Nagkibit-balikat lamang ang lalaki at humalikipkip pa'ng pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa ang mga tauhan, animo'y minamaliit.

Hindi ba natatakot ang lalaking ito sa mga baril na nakasukbit sa dalawang tauhan? Katanungan ni Alea sa sarili.

"Paano kung ayoko?" maangas pang tanong ng lalaki.

May kalakihan din ang pangangatawan nito subalit alam ni Alea na kung magkakagulo ay matatalo lamang ito.

Isa laban sa dalawa. Isang kalabit lang ng gatilyo ng mga baril nito ay baka sa morgue na ihatid ang lalaki.

Kahit pa sa isip ni Alea ay imposible siyang mailigtas ng lalaki ay mayroong tila nagbubulong sa kan'ya na kailangan niyang magtiwala dito.

Umiling ang dalawang tauhan at bumaling na sa kan'ya. Tumalikod na ito upang ipasok siya sa loob ng sasakyan, ngunit hindi pa man nakakapasok ang kalahati ng katawan niya dito ay naramdaman niya na ang pagbagsak ng tauhan sa semento.

Sinuntok ito ng lalaki at kaagad din na pinadapuan ng suntok sa mukha ang isa pa.

Hinawakan nito ang palapulsuhan niya at hinila palayo sa dalawang tauhan na nakahandusay na sa semento.

Masyado niya yatang minaliit ang lalaki, gayong tila mahusay ito'ng makipaglaban. Nagulat man ay nagawa niyang bilisan ang pagtakbo upang makasabay dito.

Siya na ang humila dito papasok sa eskinita sa gilid ng paaralan kung saan may shortcut patungo sa kanilang bahay sa squatter's area.

Nakatakas man siya ngayon sa mga tauhan ni Mr. Lee, sigurado naman siyang pupuntiryahin nito si Mayumi. Kailangan nilang makaalis ng kapatid sa lalong madaling panahon.

Nang makarating sa squatter's area ay marahas niyang binuksan ang gawa sa pinagtagpi-tagping plywood na pintuan ng kanilang bahay. Subalit mas lalo siyang binalot ng kaba nang mapagtantong wala doon si Mayumi.

Lumabas muli siya at hinanap ito sa paligid. Nilapitan niya ang amain na umagang-umaga ay nakaupo na sa saklaan.

"Nasaan si Mayumi?" mataas ang boses niyang tanong dito.

"Aba'y malay ko!" iritable nitong sagot. Kinuyom niya ang kamao, nagpipigil na pagbuhatan ito ng kamay.

Akma na siya'ng tatalikod nang pigilan siya nito.

"Balita ko may customer ka kagabi? Siya ba 'yon?" Itinuro nito ang lalaki na hindi pa din pala umaalis sa tabi niya.

Wala na siyang pakialam kung pag-usapan man ng buong kapitbahay nila ang trabahong pinasok niya. Ang mahalaga para sa kan'ya ngayon ay masigurong ligtas ang kan'yang kapatid.

"Baka naman may maiaabot ka d'yan. Wala na ako'ng pantaya."

Ang salitang binitiwan ng kan'yang amain ang pumutol sa kan'yang pisi.

Walang pag-aalinlangan niyang itinumba ang maliit na lamesa kung saan ito nagsusugal. Pagkatapos ay tumalikod na siya at iniwan ang amain na nagpupuyos sa galit.

"Miss," pagtawag ng lalaking nakabuntot pa din sa kan'ya. Tila maging ito'y nagulat din sa inasta niya kagaya ng mga kasugal ni Leo na kan'yang amain.

"Salamat sa pagtulong mo kanina ngunit hinding-hindi kita babayaran para sa sinasabi mo'ng serbisyo dahil kung mayroon man mas agrabyado dito ay ako iyon, kaya umalis ka na," sabi niya dito nang hindi lumilingon.

Nagpatuloy siya sa lakad-takbong ginagawa. Patuloy niyang hinanap ang kapatid.

"Nakita n'yo po ba si Mayumi?" tanong niya sa ale na nakasalubong.

"Hindi ineng, kakalabas ko lang ng bahay namin," sagot nito na dumagdag sa hapdi sa lalamunan na nadarama niya dahil sa pagpipigil ng luha.

Hindi ito ang tamang oras para umiyak at panghinaan ng loob.

"Si Mayumi ba kamo? Kasama niya ang anak ko. May gagawin daw silang proyekto sa paaralan."

Nabuhayan siya nang loob nang marinig ang sagot ng isa pa'ng ginang na tinanong niya.

Halos takbuhin niya ang daan patungo sa paaralan nang isang kamay ang humigit sa kan'ya patungo sa likod ng nakaparadang jeep sa tabi ng daan.

Laking gulat niya nang mapagtantong ang lalaki iyon ay ang naglitas sa kan'ya. Akala niya ay hindi na ito nakasunod.

"Ano ba- "

Hindi niya na natuloy ang sasabihin nang takpan nito ang kan'yang bibig gamit ang palad.

Sinundan niya ang tingin nito at doon niya nakita ang mga tauhan ni Mr. Lee kasama ang dalawang nakaengkwentro nila kanina. Patungo ang mga ito sa kanilang bahay at panay pa ang lingon sa paligid kaya napayuko siya at mas lalong sumiksik sa lalaki.

Nang mawala sa pandinig niya ang mga yabag nito ay hinila na siya ng lalaki palayo.

"Saan ang paaralan ng kapatid mo?" tanong nito.

Hindi niya alam ang dahilan kung bakit hindi pa din ito umaalis sa tabi niya, gayunpaman, hinayaan niya itong tulungan siya.

Tagumpay nilang nailabas si Mayumi sa paaralan. Mabilis ang ginawa nilang paglalakad makalayo lamang sa lugar dahil siguradong doon susunod na pupunta ang mga tauhan ni Mr. Lee.

"Ate, saan tayo pupunta?" tanong ni Mayumi nang sa wakas ay huminto sila sa paglalakad upang magpahinga.

Natahimik si Alea. Hindi niya alam kung saan. Ang totoo'y gusto niya lang tumakas sa mga problema na hindi naman siya ang may gawa, kahit pa wala siyang siguradong pupuntahan.

"Hindi na tayo babalik sa squatter's area. Kapag bumalik tayo doon ay siguradong kukunin tayo ni Mr. Lee," paliwanag niya sa labing-isang taong gulang na kapatid.

"Saan tayo pupunta, ate? Si papa? Hindi ba natin siya isasama?"

Mahal ni Mayumi ang ama nitong si Leo, kaya mas lalong naawa si Alea para sa kapatid. 'Ni wala man lang kaamor-amor ang amain sa anak nito, gayong walang katumbas ang pagmamahal dito ng kapatid niya.

Nahihiyang tumingin si Alea sa lalaking naroon pa din sa tabi nila. Nagtagpo ang kanilang mga mata at sa hindi niya malamang dahilan ay tila ba nais nang tumulo ng mga luhang kanina niya pa pinipigilan.

"Hindi ko alam," nahihiya niyang sagot sa kapatid.

"May bakanteng kwarto sa tinutuluyan ko. Doon muna kayo tumuloy," alok ng estrangherong lalaki sa kanila.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status