Share

Chapter 4

Ilang araw ang lumipas, bumalik na sa normal ang lahat. Hindi na muli nangulit ang asawa ni Amore na makipagtalik. At talagang hindi ko iyon gagawin dahil hindi naman ako si Amore at hindi ko siya asawa.

Ramdam na ramdam ko ang ilang naming dalawa. Ilang araw na kasi siyang natutulog sa sofa dito sa malaking kuwarto. Nang in-offer ko naman sa kanya ang kama ay ayaw niya.

Hindi naman sila nagpapansinan kaya hindi ko na dapat ito pinoproblema.

Mas maganda kung hindi niya ako papansinin para hindi ako mahirapan sa pagpapanggap ko.

Ang totoo ay nakonsensya na ako pero wala akong magawa kundi ang lunukin ang konsensya. Ginagawa ko lang naman ito para kay Nanay. Kung may pera lang kami at walang sakit si Nanay ay hindi ko naman ito gagawin. Ayoko naman na hindi siya matuunan ng pansin dahil mahal na mahal ko si Nanay.

Ayoko rin maging pabigat. Gusto ko rin tumulong kaya kahit labag sa loob ko, tinanggap ko para sa kapakanan ni Nanay.

Ngayong umaga ay wala akong nadatnan na Eureko sa bahay. Ang sabi ng isang kasambahay na halos hindi makatingin sa akin kanina, maaga raw umalis si Eureko.

Mukhang totoo nga na hindi sila nagpapansinan ni Amore dahil hindi man lang siya nagpaalam.

Bumaba ako sa hagdan na humihikab pa. Kahit isang linggo na ako rito ay hindi pa rin ako kumportable lalo na’t may kasama akong lalaki sa kuwarto kaya puyat ako palagi.

Nadatnan ko ang isang kasambahay na nakangiting nililinis ang malaking vase malapit sa hagdanan. Napangiti ako at nagpatuloy sa pagbaba.

“Magandang Uma—” Natigil sa ere ang aking pagsasalita nang biglang umalis ang kasambahay nang nakita ako.

Kumunot ang noo ko at napatingin na lang sa kasambahay na halos madapa na sa pagmamadali, makalayo lang sa akin.

Bakit siya umalis? Wala naman akong ginagawa. Babati lang naman sana ako pero agad siyang umalis.

Gaano ba kalupit si Amore at parang nanginginig sa takot ang mga kasambahay nila rito?

Napailing na lamang ako at tuluyan nang bumaba sa hagdan.

“Rica…” tawag ko kay Rica nang nakita ko siya sa sala. Nilapitan ko siya.

“Ma’am.” Binaba niya ang hawak niyang magasin at umayos ng tayo.

Marahan akong umupo sa sofa at saka tiningnan siya.

“Bakit lumalayo ang mga kasambahay sa akin?” nagtataka ko na tanong. “Ilang araw ko na itong napapansin. Alam ko na malupit si Amore gaya ng sabi mo pero hindi naman yata ito normal.”

Napakamot sa ulo si Rica. “Ma’am, ayaw ni Ma’am Amore na makita ang pagmumukha ng mga kasambahay kapag siya ay bagong gising.”

Napangiwi ako sa narinig. “Grabe naman.”

“Isa sa mga rule sa mansiyon na ito na huwag guluhin si Ma’am Amore kapag bagong gising. Ayaw din niya makita ang mga kasambahay niya na ngumingiti sa umaga.”

Itinatak ko na lang iyon sa isipan pero hindi ko maipangako na gano’n din ang gagawin ko.

Tiningnan ko si Rica at pansin ko pa rin ang pagiging ilang niya sa akin. Bumuntonghininga ako.

“Takot ka pa rin ba sa akin?” tanong ko na nagpabilog ng mata niya.

“Huh?”

Natawa ako. “Kapag tayo lang, huwag ka na maging pormal sa akin. Alam natin pareho na hindi ako si Amore. Kaya puwede mo akong tratuhin bilang si Amora.”

Napalunok siya. “H-Hindi yata puwede iyan, Ma’am  ang sabi ni Sir Alfonso, tatratuhin kita bilang si Amore.”

Sumikip ang dibdib ko sa kanyang sagot. Gano’n ba?

Malungkot na tumango ako at nag-iwas ng tingin. “Naintindihan ko.”

***  

Buong buhay ko, ngayon lang ako naging bored. Gusto kong gawin ang palagi kong ginagawa pero hindi puwede dahil ako si Amore sa lugar na ito. Hangga’t ako si Amore, hindi ko magagawa ang mga bagay na palaging ginagawa ni Amora.

At sa totoo lang, araw-araw akong dinadalaw ng konsensya. Kung si Amore talaga ang nandito, baka matagal nang tapos ang hinihingi ng asawa niya.

Wala naman akong mapapala sa pagpapanggap na ito bukod sa pera at pananatili ng aking pamilya’t kakilala sa lupain ni Daddy. Hindi ako mahal ni Daddy dahil para sa kanya, isa lang ang anak niya at iyon ay si Amore.

Pero kahit gano’n man, umaasa pa rin ako balang araw na lilingunin niya rin ako na may ngiti sa labi. Wala akong pakialam sa kayamanan niya basta ituring niya lang ako na anak ay ayos na sa akin. Matagal na akong naghihintay.

Nang magtanghalian ay nagtungo ako sa kusina upang tingnan ang ginagawa ng mga kasambahay. Hindi pa man ako nakarating doon, nakarinig na ako ng mga sabi-sabi galing sa mga iilang mga boses. Nagtago agad ako sa isang pader.

“Nagpapanggap ba si Ma’am?”

“Hindi ko alam, eh. Mukha kasi talaga siyang mabait.”

“Sus, anong mabait? Naku! Tigilan mo iyan ah? Hindi mabait si Ma’am Amore. Hindi mo ba naalala? Binuhusan ka niya ng mantika sa buhok?”

“P-Pero–”

“Sobrang payapa nga ng buhay natin noong wala siya rito. Sana hindi na lang siya bumalik. Pero wala tayong magagawa, maid lang tayo rito.”

“Pero totoo ang sinabi ko. Para siyang ibang tao, Aling Mema. Nakita ko kung paano niya kausapin ang babaeng kasama niya. Ngumingiti po siya.”

“Ay naku, tigilan mo na iyan, Erma, at baka masermonan ka na naman.”

“Eh mukhang totoo naman ang sinabi ni Erma, Aling Mema. Ilang araw na si Ma’am dito sa mansiyon niya pero hindi man lang tayo sinigaw-sinigawan.”

“Basta huwag kayong makampante, okay? Kung gusto niyo ng tahimik na buhay.”

Kinagat ko ang ibabang labi ko at nagbaba ng tingin. Kahit hindi ako si Amore ay nalulungkot ako. Wala man lang akong magawa na kakaiba kasi nagpapanggap lang naman ako. Hindi ko mapabuti ang pagkakamali ni Amore bilang isang amo dahil ganoon na pala siya noon pa man.

Bagsak ang balikat ko na bumalik sa sala. Gusto kong gawin ang nararapat pero ang pagiging Amore ang nagpipigil sa akin. Bumuntonghininga ako. Ang hirap pala sa totoo lang itong ginagawa ko. Kailangan kong maging masama para sa  pera. 

Nanlumo akong umupo sa sofa at nang inangat ko ang tingin ko sa paligid,  napasinghap ako at natigilan nang nakita ko si Eureko na nakaupo sa kabilang sofa habang nakahalukipkip. Seryoso ang kanyang mata habang nakatingin sa akin. Namilog ang mata ko at agad umayos ng upo. 

“Nandito ka na pala,” ani ko at napalunok. 

Kumunot ang noo niya. “Bakit ganiyan ang itsura mo? Inaway mo na naman ba ang kasambahay natin?” he asked sarcastically. 

Namilog ang mata ko sa kanyang akusasyon. “Ha? Hin—” Natigilan ako nang may namalayan.

Hindi pala ako si Amora. Ako si Amore at kailangan kong maging siya para maniwala ang lalaki sa akin.

Ngumisi ako na ikinagulat niya. “Yes, ang kulit kasi nila. Gusto ko na ako sana maghugas ng pinggan kaso ayaw nila kaya—” Natutop ko ang labi ko nang may napagtanto.

Natawa siya. “What did you just say? Wash the dishes?”

Umiling agad ako. “Hindi. Joke lang.”

Umawang ang labi niya at nagtagal ang tingin sa akin. “Oh, okay. My wife is a good joker.”

Talaga? Joker si Amore?

Nag-angat siya ng kilay. “So, you’re back with your old self now?” Ngumisi siya. “By the way, someone wants to meet you Amore.”

Kumunot ang noo ko. “Sino?”

“An old friend.”

Umawang ang labi ko. Huh? Old friend?

Tumikhim ako upang itago ang kalituhan. “And?”

“She’s here. She wants to see you, Amore.” At ngumisi siya na parang isang masamang nilalang sa isang palabas. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status