Share

Kabanata 4 - Accused

Taimtim lamang akong nagmamasid sa buong paligid. Habang 'yung Leonardo ay inaasikaso si Prinsipe Lucas. Puno ng mga antigong kagamitan ang buong bahay. Simple lamang at maaliwalas at parang hindi lalaki ang nakatira rito. Halatang napaglipasan na ng panahon ang bahay ngunit mukhang matibay at tatagal pa. Habang nililibot ko ang paningin ay hindi pa rin ako makapaniwala, bago lahat sa paningin ko ang nakikita. Ang mga ikinikilos ng nasa paligid ko at ang mga lumalabas sa mga bibig nila. Napalunok naman ako dahil sa kaba. Ano ba 'tong napasok ko?

"Ehem." Isang pekeng tikhim ang narinig ko kaya naman dali dali kong hinanap ang nagmamay-ari no'n. Nakita ko naman si Leonardo na nanlilisik na nakatingin sa akin malapit kay Prinsipe Lucas.

"Sino ka at paano mo nakilala ang Prinsipe?!" sigaw nito, ang garalgal na boses nito ay nagbibigay ng takot sa buo kong kalamnan. Agad kong nadala ang dalawa kong kamay sa magkabila kong tenga dahil sa takot at gulat.

"H-hindi ko alam, nagising na lang ako na nandito na ako sa mundo n'yo," takot at utal kong saad.

Wala pang isang iglap ay nasa harapan ko na s'ya. Mabilis akong napahalukipkip sa inuupuan ko at napasigaw ng husay.

Nakita ko ang mga gutom na gutom n'yang mata at para s'yang papatay. Hindi ko siya maintindihan at para siyang uhaw na uhaw. Naramdaman ko na hinawakan n'ya ako sa magkabila kong balikat, napaigtad ako sa gulat at mabilis naman n'ya agad itong tinanggal na parang napaso. Agad ko itong tiningnan.

"Anong klase kang nilalang?"

Anong klase ka ring nilalang?

Pinagkatitigan n'ya ako ng mabuti at parang pinag-aaralan ang bawat parte ng katawan ko. Gusto kong masuka sa kong paano n'ya ako tingnan para s'yang tigre na handang lumapa. Lihim naman akong napasinghal.

"Saang bayan ka nagmula? At anong maharlikang pamilya ang kinalakihan mo? Anong klaseng salamangka ang meron ka at nagagawa mong pahinain ako pati na rin ang prinsipe?!" galit n'yang sigaw sa akin. Napapikit ako dahil sa takot, napaka ingay n'ya. Nakalimutan n'ya nabang may natutulog at nagpapahinga. Kanina pa s'ya tanong nang tanong at kahit ako hindi ko alam ang pinagsasabi niya.

Basta ang alam ko lang may adik na tumulak sa'kin sa portal at nagising nalang ako sa mundong 'to!

"Portal?"

Eh?

Huwag n'yang sabihing nakakapagbasa rin s'ya ng isip?

"Isa kang kampor! Isa ka sa mga rebelde na ninakaw ang portal sa kaharian. Nararapat kang itapon sa Guita dahil sa iyong kahangalan!" Ang sakit na ng tenga ko kakasigaw n'ya. Anong ninakaw? Wala akong ninakaw! At bakit parang ako pa ang naging makasalanan dito? E, biktima lang din naman ako!

Isang malakas na paghampas ang narinig ko. Kusang nagsarado ang pinto at mga bintana pagkatapos ay isang nakakabinging katahimikan ang bumalot sa buong kabahayan.

Ano ang mga 'yun? Bakit nag kusa na lang?

Napatingin naman ako kay Leonardo na masamang nakatingin sa'kin. Ano bang ginawa ko sa kanya, ha?

"Wala, pero sa buong bayan malaki ang ginawa mong kasalanan!" 'Yan na naman s'ya, sumisigaw na naman.

"Ilang beses ko bang uulitin na wala akong kinalaman sa kung ano man ang nangyayari ngayon. Naguguluhan din ako sa mga nangyayari sa paligid ko," saad ko.

"Ha! Hindi ko alam kung bakit ka dinala ng prinsipe rito pero isa lang ang nasisiguro ko, sa pagsikat ng araw, magdiriwang ang buong bayan dahil nahanap na ang may sala."

Kinikilabutan ako sa sinasabi n'ya. Hindi ko s'ya maintindihan, nawawala na s'ya sa katinuan.

"Anong sinasabi mo?" takot kong tanong.

"Isusuplong kita!"

Napakamao ang kamay ko, gusto ko na lamang bumalik sa mundo ko. Pakiramdam ko ay hindi ako magtatagal dito kapag ganito ang kasama ko. Bakit ba kase hindi pa nagigising si Prinsipe Lucas e ilang oras na naman ang nakakalipas.

Isang katok ang narinig namin mula sa pintuan, pareho kaming napatingin sa isat-isa. Mabilis naman akong napaiwas ng tingin, ito naman ay pumunta sa pinto para tingnan ang kung sino ang nandoon. Magandang lalaki ito kung tutuusin, nababakas ko 'yun sa kanyang palaban na awra nang ito'y binata pa. Sa tingin ko ay mag-aapatnapung taon na ito. Matikas ang pangangatawan at may nakakatakot na awra. Kasalungat ng kay Prinsipe Lucas, maamo ang mukha nito. Kahit na mababakas mo ang makulit na pag-uugali ay hindi natatabunan no'n ang napakagwapo nitong mukha. Lalo na ang kanyang mga mata na tila nilulunod ka sa mga titig nito.

Hindi pa tuluyang nabubuksan ni Leonardo ang pintuan nang bigla itong bumukas ng marahas na kinagulat ko. Iniluwa nito ang isang magandang babae na nanlilisik ang mga mata, para s'yang si Leonardo. Mga adik ata ang tao dito. Sayang naman, ang ganda pa naman n'ya at ang seksi. Tsk.

Napatigil naman ako sa pag-iisip nang bigla itong tumingin sa'kin dali-dali akong nilapitan nito at sinunggaban pero bago pa man ako nito mahawakan ay bigla na lang itong tumilapon at bumagsak sa sahig. Parang may enerhiyang nagpatalsik sa kanya mula sa akin. Gulat na gulat ako sa nakikita, mabilis itong bumangon sa pagkakasalampak at akma na muli akong susugurin nang harangan ito ni Leonardo.

"Monica, huminahon ka!" At pumagitna sa amin. Ang bilis ng pangyayari, kanina lang isang tao lang ang gustong pumatay sa'kin ngayon naman ay dalawa na. Baka 'di na nga ako sikatan ng araw dito.

"Sino ka!?" hingal na hingal nitong sambit. Hindi ko ito sinagot at nanatili lamang na nakamasid. Kahit sagutin ko 'yon alam kong hindi rin siya maniniwala.

"Monica, makinig ka! Huminahon ka!" Pilit na pinapakalma ni Leonardo si Monica. Para siyang si Leonardo, ang pinagkaiba nga lang nila ay masyado itong wild at hindi kayang kontrolin ang sarili. Mas mapahamak ito kung tutuusin sa kanilang dalawa.

"Anong meron sa babaeng 'yan?! Gusto ko s'yang kagatin hanggang sa maubos ko lahat ng dugo niya!" gigil na gigil nitong saad at pilit pa ring nagpupumiglas sa bisig ni Leonardo.

Hindi ko na alam ang gagawin ko kaya naman napatakip na lang ako ng mukha. Sa pangalawang pagkakataon, halos tawagin ko na naman ang lahat ng santo para lang walang mangyari sa aking masama. Hindi ko kilala ang nakakasalamuha ko at pakiramdam ko ay ano mang oras ay papatayin nila ako.

"Monica naiintindihan kita…" Gusto kong mangilabot sa aking naririnig. Para akong isang masarap na putahe na handa nila pag-agawan para lang matikman.

"...Ngunit kasama s'ya ng Prinsipe kaya wala tayong magagawa kun'di bantayan s'ya at 'wag galawin."

Nang marinig ko 'yun ay tila naging magaan na muli ang paligid. Tinanggal ko ang palad kong nakatakip sa mukha ko. Nakita ko naman si Monica na parang nahimasmasan na, naging normal na ang kanyang mukha. Kung kanina ay isa s'yang mapanganib na tigre ngayon naman ay para s'yang maamong pusa. Bumalik na rin ang mata n'ya sa kulay itim na kanina ay pula. Mas maganda pala siya pag nasa tunay n'yang anyo. Hindi na s'ya mukhang papatay at para na s'yang modelo ng isang sikat na women magazine.

"Anong sabi mo? Kasama siya ng Prinsipe?" takhang tanong nito at napatingin sa nakahigang prinsipe, nagulat naman s'ya sa nakita na para bang hindi niya sukat akalain na ando'n pala ang Prinsipe.

"Oo at isa siya sa nagnakaw ng portal."

Nakita ko kung paano nanlaki ang mga mata nito. Gulat na gulat sa narinig at mabilis na binalingan ako ng tingin. Nakita ko ang pagpipigil sa mukha nito ngunit ginagawa niya ang lahat para makontrol ito. "Tsh, isa kang mapangahas na nilalang. Napakagaling talaga ng prinsipe at nahuli niya ang isa sa mga walanghiyang nagnakaw ng portal."

Gusto kong sakalin si Leonardo. Masyado s'yang fake news! Wala panga siyang ebidensya na ako nga may sala sa pagkuha ng portal na 'yun. Masyadong mapagbintang, ganito ba talaga ang mga tao dito?

"Hindi mo ba alam ang pwedeng ipataw na kaparusahan sa'yo?" tanong nito sa akin. Bumabalot sa buong bahay ang mataray nitong awra.

"Sisiguraduhin kong magsisisi ka sa ginawa mo. Pinagod mo ang bawat isa sa amin para lang mahanap kayo," pagpapatuloy nito. Gusto kong matawa sa sinasabi niya, ang lahat ng 'yun ay pawang walang katotohanan. Hanga rin naman ako, matapos mapagod ako sisisihin.

Napapalibutan ng itim na kulay ang kanyang suot. Itim na itim kasama ang kanyang makapal na balabal na nakatakip sa kanyang katawan habang ang kanyang buhok naman ay mataas na nakatali.

Nakita ko naman si Leonardo na nakangising nakatingin sa'kin. Hindi ko ito pinansin dahil sa sobra inis ako sa kanya.

"Sa tingin ko'y mas malala ang ipapataw na parusa sa'yo hangal." Napatingin naman ako kay Monica, mataray na maganda?

"Tingin ko'y isa ka sa maharlika pagdating pa lang sa iyong kasuotan. Hindi na ako makapaghintay na malaman kung saang maharlikang pamilya ka galing at saang bayan." Saka ako nginisian. Bakit ba ang dali n'yang naniwala kay Leonardo, masyadong uto-uto.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status