Share

Kabanata 3 - Confused

"Inuulit ko, bakit ka naririto at saan mo nakuha ang suot mo?!" Galit na galit s'ya.

Pikon! sigaw ko sa isip ko. Kahit abot-abot ang kaba ay nagawa kong sumagot sa aking isip.

"H-hindi ko alam, nagising na lamang ako na naririto na ako. At itong suot ko, paborito ko 'tong pang araw-araw dahil masarap sa pakiramdam at presko," sagot ko dahil 'yun ang totoo.

Tiningnan ko naman s'ya at nakita ko na bumalik na sa normal ang ekspresyon ng kanyang mukha. Medyo nakahinga naman ako ng maluwag dahil sa nakita.

"Ginagaya mo ba ako?"

Napataas naman ang aking kilay sa narinig, anong ginagaya?

"'Yung padalawa mong sagot, ganu'n na ganu'n din ang aking sagot kanina."

"E, 'yun din ang nararamdaman ko kapag suot ko 'to," depensa ko. Kasalanan ko bang pareho kami ng nararamdaman.

"May hinahanap ako kasama ang grupo ko. Isang kriminal na ninakaw ang portal sa palasyo." Ang pagtataka ay bumalik sa akin, lalo akong nawirdohan sa kanya.

Ninakaw? Portal? Palasyo?

"At mahigpit na ipinag-uutos ng mahal na Rex na walang ni isang bampira ang lalabas ng kani-kanilang tahanan hangga't hindi nadadakip ang kriminal na iyon."

Bampira? Natuptop ako sa narinig, tama ba ang narinig ko o isa lamang guni-guni?

"Kaya sasama ka sa'kin sa palasyo para sa nararapat na kaparusahan dahil sa paglabag sa iniuutos ng mahal na Rex."

Akmang hahawakan n'ya ako no’ng bigla kung tinabig ang kanang kamay n'ya. Nagulat ako ng sa isang simpleng tabig sa kanya ay agad s'yang natumba. Nagulat ako dahil do'n, para s'yang papel na hinangin.

Ang hina naman n'ya, ang buong akala ko naman malakas s'ya dahil sa ganda ng hubog ng kanyang pangangatawan ngunit parang nagkamali yata ako pero ang pagtataka ay patuloy na nasa sa'kin, hindi malakas ang pagtabig ko at nasisiguro kong hindi 'yon sapat para matumba s'ya.

Pero agad din s'yang nakabawi at tumayo, medyo nadumihan ang kanyang suot dahil sa pagkatumba. Napansin ko na parang unti-unting s'yang nanghihina. Bahagya akong napaatras, anong nangyayari sa kanya? Ayos lang naman s'ya kanina pero parang ngayon ay mabilis na nawala ang lakas na meron s'ya.

Nangangamba na rin ako dahil nagiging kulay pula ang kanyang tsokolateng mga mata ngunit ipinikit lamang n'ya ng isang iglap 'yon at bumalik na ulit sa dati ang kulay ng kanyang mata. Lalong nagusumot ang mukha ko, hindi na normal 'to. Alam kong ibang klase na ng tao ang kaharap ko. Ang paligid ko, hindi ito ang nakasanayan ko. Mabilis na nanlamig ang kamay ko, anong kalokohan 'to?

“Naiintindihan ko na ngayon,” bulong nito.

Tumingin s'ya sa itaas at parang may pinakikiramdaman, mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang hubog ng kanyang katawan na mas lalong kinagulo ng isip at puso ko.

"Kailangan mong sumama sa'kin sa ayaw at gusto mo."

"T-teka, bakit ako sasama sa'yo. Kahit ang pangalan mo nga hindi ko alam. Isa kang estranghero at bakit kita pagkakatiwalaan?"

Base sa mga narinig ko sa kanya ay parang hindi ako ligtas dito. Iba na ang kutob ko habang lalo akong natagal sa lugar na ito. Bampira, ang suot n'ya, ang kakayahan n'yang makapagbasa ng isip ay mga bagay na imposible sa panahon ngayon.

Gusto kong isipin na isa lamang itong laro pero paano? Kung ang bawat bagay na naririto ay sumasalungat sa iniisip ko.

"Ako si Prinsipe Lucas ang lider ng grupong Uno. Ang pangatlong anak ng Rex at Regina. Ang tagapangalaga ng seguridad ng mamayanan ng Faber at kaisa-isang nangunguna sa ranggo ng mga bampira. Isa sa may dugong maharlika at may sapat akong basbas para kontrolin ang lahat ng nasasakupan ko…"

Napakurap ako sa sinabi n'ya, para akong nanliit sa narinig at namangha. Hindi ko man maintindihan ang iba n'yang sinasabi ay ramdam ko na mataas na uri ito ng tao o bampira sa lugar n'ya.

"...At lahat ng sinasabi ko ay nasusunod kaya lahat ng sasabihin ko ay gagawin mo. Sasama ka sa akin dahil sa oras na hindi mo ako sinunod ay maaaring isa ka ng malamig na bangkay na pinagpepyestang ng mga bampirang uhaw sa banal na dugo!"

Bawat salitang binitawan n'ya ay tumatak sa akin. Nakakatakot s'ya, ang mga mata n'yang galit na galit at kung paano tumiim ang kanyang panga ay nakakapataas ng balahibo. Parang ang bawat salita n'yang binitawan ay parang isang utos na susundin mo kaya naman hindi na ako nakapagsalita pa at walang nagawa noong hilahin n'ya ang kamay ko. Nakalabas na kami sa eskinitang iyon at sumalubong sa akin ang kalsadang parang napagdaanan na ng ilang digmaan dahil sa gulo. Walang katao-tao, patay lahat ng ilaw at tanging ang bilog na buwan lamang ang nagbibigay ng liwanag sa amin para makita ang lumang daan. Ramdam ko ang lamig ng kamay n'ya at kung paano s'ya magpalinga-linga sa paligid na parang may tinataguan. Tumatakbo kami at makaraan ang ilang minuto ay naramdaman ko na tumigil s'ya sa pagtakbo habang hawak pa rin ang kamay ko. Napatingin naman ako sa mga kamay namin, hindi ko alam ang dapat kong maramdaman sa pagkakataong 'to. Nagulat na lamang ako noong higitin n'ya ako sa isang puno at nagtago kami ro’n. Nagtaka naman ako dahil sa ginawa n'ya, para kaming mga kriminal na nagtatago dahil sa ginawang kasalanan.

Napakalapit ng mukha n'ya sa akin. Gwapo s'ya kapag naka side view, kitang-kita dito ang adams apple na meron s'ya. Nagulat na lang ako no’ng bigla itong humarap sa akin, napaiwas agad ako ng tingin.

Ramdam ko ang titig n'ya kaya naman no'ng hindi pa s'ya bumibitaw sa titig n'ya ay hindi na ako nakapagtiis at hinarap din s'ya. Nakita ko ang pagod sa mga mata n'ya at hirap. Nangunot naman ang aking noo. Kanina pa s'yang parang hirap na hirap, tumakbo lamang kami at hindi gano'n ka haba ang tinakbo namin pero bakit parang pagod na pagod agad s'ya?

"Ayos ka lang ba?" tanong ko dahil hindi ko na maintindihan ang nangyayari sa kanya, parang kahit anong oras ay babagsak s'ya.

Umiwas s'ya ng tingin at hindi tumugon. Maya-maya pa ay hinila n'ya ulit ako hanggang sa makarating kami sa isang liblib na lugar. May nakita akong mga karwahe, para akong bumalik sa nakaraan sa nakikita. Garbo ang mga karwaheng nakaparada na iba't-iba ang desinyo ang makikita at palamuti. Sumakay kami sa isang karwahe at pinaandar n'ya iyon at pinatakbo ng mabilis. Napakapit naman ako sa bakal dahil sa bilis n'yang magpatakbo.

"Dahan-dahan, baka madisgrasya tayo!" paalala ko dahil sa isang maling galaw ay pwede kaming mamatay. Sa halip na pansinin ako ay mas lalo n'ya pang binilisan ang pagpapatakbo. Napakapit na lamang ako ng husto. Pumasok kami sa isang gubatan, masyadong masukal ang paligid at maputik kaya naman halos tawagin ko na ang lahat ng santo at nagdadasal na sana buhay pa kami pagkatapos nito.

Mayamaya lamang ay tumigil na ang karwahe at nagpasalamat naman ako na buhay pa'ko. Bumaba s'ya kaya naman bumaba na rin ako, pagkababa ko ay sumalubong sa akin ang isang bahay. Hindi gaanong malaki 'yun ngunit maaliwalas ang paligid at parang masarap tirahan. Akala ko ba sa isang palasyo kami pupunta?

"Halika ka," anyaya n'ya kaya naman sumunod ako sa kanya papunta do'n sa loob. Habang naglalakad ay ramdam ko ang bigat ng katawan n'ya na parang gustong mamahinga dahil sa pagod. Hindi ko na lamang 'yon pinansin dahil kung magtatanong pa ako ay parang hindi n'ya lang ako sasagutin. Hindi pa kami nakakatapak sa mismong bahay ay may lumabas na agad na isang lalaki na namumula ang mga mata at masama ang tingin sa akin. Napapunta naman ako sa likod nitong si Prinsipe Lucas dahil parang kakainin ako ng buhay ng lalaking 'yun.

"Leonardo."

Narinig kong nagsalita itong nasa harapan ko. Ibig sabihin ay kilala niya ang adik na 'yun?

"Prinsipe Lucas! " sigaw nu'ng Leonardo.

"Bakit kayo naririto?" tanong nu'ng Leonardo pero wala akong narinig na tugon mula sa kanyang kausap. Nakita ko naman na papalapit ito papunta sa amin kasama ang pagpipigil sa kanyang mukha. Bakit?

"Tiisin mo Leonardo," saad ni Prinsipe Lucas.

Nakita ko naman na tumango ito at ipinikit ang mata at pagmulat n'ya ang pagbalik sa normal ng kanyang mata na kulay itim. Mabilis itong lumapit ng tuluyan sa pwesto namin at saka inakay papasok si Prinsipe Lucas, sumunod ako sa kanila. Ramdam ko ang titig sa akin nu'ng Leonardo kaya naman napatungo na lamang ako.

"L-leonardo, ikaw muna ang bahala sa kanya kailangan ko lang magpahinga," pagod na saad ni Prinsipe Lucas at tuluyang natumba. Nagulat ako sa nakita pero mabuti na lamang at mabilis na umaksyon si Leonardo at nasambot n'ya agad ang natumbang katawan. Maingat n'yang inihiga si Prinsipe Lucas sa isang upuan. Pagkatapos nito ay ang mapanuring tingin n'ya saakin. Muli akong napayuko dahil sa paraan n'ya ako titigan, para akong may ginawang kasalanan sa kanya, tila ayaw na ayaw n'ya sa'kin. Napabuntonghininga na lamang ako at palihim na nagdasal na sana wala s'yang gawing masama sa akin.

Rex - hari

Regina - reyna

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status