Share

Kabanata 5

Dalawang taon na ang nakalipas mula nang araw na napadpad si Araceae sa isla at nakikilala ang matandang mag-asawa. Sa dalawang taon na paninirahan niya kasama nila tuluyan na niyang niyakap ang pangalan na Aries. Misteryo pa rin sa kanya ang ilang mga bagay, lalo na ang lalaking gabi-gabi na lang kung mapanaginipan niya, ngunit mas nangibabaw kay Araceae ang pagiging kontento. Mabuti sa kanya ang mag-asawa kaya naman, kahit pa sabihin na hindi nga siya ang anak nila, mas pinili niyang yakapin na lang kung ano ang nasa harap niya ngayon. Total naman dalawang taon na ang lumipas, at hanggang ngayon wala pa rin ni katiting na alaala ang bumabalik sa kanya. Gusto na lang din niyang paniwalaan na siya nga si Aries, ang anak ng mag-asawang Sangalang.

"Dahil kalahati ng huli natin ay ikaw ang nakahuli. Ibibigay ko sa iyo itong isang libo." Inabot sa kanya ng ama ang pera ngunit agad siyang umiling at tinulak palayo ang kamay nito.

"Hindi na 'tay, sa inyo na 'yan. Alam ko naman na mas kailangan natin ng panggastos sa araw-araw—'

"Ano ka ba naman Aries... Sa'yo ito, gamitin mo para sa sarili mo. Alalahanin mo, dalaga ka." Muli nitong inilahad sa harap niya ang pera. "Ibili mo ito ng mga kailangan mo. Bagong damit at gamit," dagdag pa ng ama niya.

Kumita lang ang pamilya nila sa pangingisda at pagbebenta ng kakanin na niluluto ng ina. Minsan ay malaki ang kita, pero madalas ay kulang pa sa pambayad ng mga utang nila. Tatlong kahig, isang tuka ang pamumuhay nila Araceae, kung hindi lang masipag magtanim at mag-alaga ng hayop ang ina at ama niya baka isang beses sa isang araw na lang sila kung kumain.

"Sige po, bibili ako dahil mapilit kayo," biro niya. Ngunit bago pa niya mahawakan ang pera, may lalaki nang umagaw ng salapi sa kamay ng ama niya at kumaripas ng takbo.

"Kawatan!!" Matinis na tili ni Araceae.

"Aries!" tawag ng ama niya nang walang takot na hinabol niya ang magnanakaw na kumaripas ng takbo. 'Di niya alam kung anong pumasok sa isip niya't hinabol niya ito. Basta bigla na lang kumilos ang katawan niya at ito, kung sino-sino na lang ang nasagasaan niya at naitulak para maabutan ang kawatan.

"Magnanakaw!!" Sigaw niyang pilit hinahabol ang kawatan. Lumiko ito sa unang kantong natagpuan, siya naman ay mas binilisan ang pagtakbo, ngunit nang lumiko sa parehong kanto, bigla na lamang siyang bumulagta nang makabangga ang isang lalaki. Mabuti na lang maagap ang nakabangga niya at mabilis na hinuli ang kamay niya upang pigilan siyang bumagsak sa lupa.

"I'm sorry, Miss. Are you alright?" tanong nito nang nakatayo na siya ng tuwid. Nagpagpag si Araceae ng shorts kahit pa hindi naman talaga siya bumagsak sa lupa. Nag-angat siya ng tingin sa lalaki upang humingi ng dispensa pero na starstruck siya sa kulay asul nitong mga mata.

'Ay, hala! Ang gwapo!'

"Miss, ano okay ka lang? Hindi ka ba nasaktan?" concern na tanong nito at chineck pa kung may gasgas ba o kauntin galos sa binti at braso niya. "Miss, I'm asking you." 

Napakurap si Araceae ng ilang beses.

"Ano, okay ka lang ba? May masakit ba sayo?"

"Oo, o-okay lang ako." Lumayo siya ng konti sa dito. "Okay lang ako. W-wala namang masakit. Ang gwapo mo naman." Nanlaki ang mata niya nang hindi napigilan ang bibig at nasabi ang laman ng isip niya.

"What did you say?" Nakangiti nang tanong ng lalaki sa kanya. Bahagya pang sinilip ang mukha niya, 'di niya tuloy malaman kung saan ibabaling ang tingin.  Nakakahiya ang sinabi niya! Pambihira. Bakit naman hindi niya nagawang kontrolin ang sariling bibig at nasabi niya iyon. 

"W-wala akong sinabi." Pinatapang niya ang mukha. "Kailangan ko nang umalis, may hinahabol kasi akong kawatan—"

"Siya ba?" tanong nito sabay turo sa lalaking hawak ng mga lalaking nakasuot ng itim na suit. Hindi napansin ni Araceae ang mga ito kanina dahil nasa gwapong lalaki lang ang kanyang paningin. Sino ba ang mga ito? Bodyguard ng lalaki? Aba! Sosyal naman.

"Siya nga. Ninakaw niya ang pera ng tatay ko." Masama siyang tumingin sa kawatan. Humingi ito ng tawad sa ginawa, pero hindi nagpatinag si Araceae. Pagkatapos nitong ibalik sa kanya ang ninakaw na pera, dinala ito ng isa sa mga nakaitim na lalaki sa pinakamalapit na police station, at kinasuhan. Hindi pwedeng pagala-gala lang sa lugar nila ang lalaking iyon, baka mamaya ay mayroon na naman itong mabiktima.

"Salamat nga pala Mr?"

"Just call me Temur. How about you? Anong pangalan ng magandang dilag sa harap ko?" Kinilig agad siya sa sinabi ng binata. Naku, magandang dilag talaga? Ano ba naman 'yan napaka honest naman pala nitong tao.

Inilahad nito ang kamay kay Araceae at agad naman iyong tinanggap ng dalaga. "Ara—ang ibig kong sabihin, Aries. Ako si Aries Sangalang. Maraming salamat talaga sa ginawa mong tulong sa akin kanina, Temur."

Matagal siya nitong tinitigan, tila may hinihintay itong sabihin niya. Ngunit nang wala na siyang sinabi saka lang ito nagsalita. "No problem. Saan ka pala namin ihahatid?" tanong nitong hindi pa rin nawala ang titig sa kanya. Naiilang siya.

"Sa Tinago. Naroon kasi ang bangka ng tatay ko, baka naroon na rin siya at naghihintay sa akin," sagot niyang matamis na ngumiti sa lalaki. Nasa loob sila ng sasakyan nito. Ayaw pa sana niyang sumama dahil medyo nag-aalangan siya, pero mukha namang mabait ito kaya pinaunlakan na niya ang alok nitong libreng sakay. Tska, ang gwapo talaga nito.

"Hindi ka taga rito sa bayan?" Umiling siya.

"I see." Tango naman nito. Sandali nag-isip ang lalaki bago muling nagsalita, "pwede ko bang makuha ang number mo?" Pumintig ng mabilis ang puso ni Araceae. Hala! Hindi naman kaya interesado rin ito sa kanya? Aba...may laban din pala sa ganito ka gwapong lalaki ang itsura niya? Sabagay may hitsura naman siya hindi nga lang pang-international.

"Pwede kong ibagay ang number ni Tatay."

"Ng Tatay mo?" 

Nakangisi siyang tumango dito. 

"Eh, iyong sayo ang gusto kong makuha." Nakangiwi nitong tugon sabay kamot ng batok.

"Bakit gusto mong kunin ang number ko?" Tinitigan niya ang lalaki. Sinalubong naman nito ang kanyang tingin at nilabanan. Bigla tuloy siyang na conscious. Bakit naman kasi ang gwapo nito? Sa tingin pa lang ni Temur tumitiklop na agad siya. Sa kulay pa lang ng mga mata nitong nakakalunod tulad ng kulay ng dagat grabe na ang bilis ng tibok ng puso niya. Pakiramdam niya aatakihin siya sa puso dahil sa kagwapuhan nito.

"I don't know. Maybe we can see each other bago ako bumalik ng Manila?" Napakurap siya ng ilang beses at muling nag-angat ng tingin sa lalaki. Kung ganun taga Maynila pala ito? Nakaramdam agad si Araceae ng lungkot. Sayang naman, mukhang hindi rin pala niya mabingwit ang isang ito. 

Isa pa, wala siyang tiwala sa mga binatang taga Maynila pagdating sa usaping pag-ibig, hindi niya alam pero malakas ang kutob niyang may kinalaman iyon sa nangyari sa kanya sa nakaraan.

"Ganun ba. Pasensya na pero wala akong cellphone, eh. Ang Tatay ko lang ang may gadget sa amin sa bahay." Ano pa ang saysay? Baka masaktan lang din siya sa huli kung hahayaan niya na tuluyan itong makapasok sa sistema niya. Okay na itong nalaman niya na interesado rin pala ang lalaki sa kanya.

Sumenyas si Temur sa lalaking nakaupo sa shotgun seat ng sasakyan. May kinalikot ito sa compartment ng sasakyan, nang makuha ang nais, inabot nito kay Araceae ang isang box ng cellphone. 

Gulat niyang nilingon si Temur. "Anong ibig sabihin nito?"

"Sayo na 'yan. Regalo ko..."

Napakurap siya ng ilang beses. "Ha?"

"Para may magamit ka. Tska, para na rin ma-contact kita bago ako tumulak pauwi ng Manila." Hindi siya nakasagot. Inanunsyo ng driver na nakarating na sila sa lugar.

"Suhol ba 'to?" seryosong tanong niyang tumitig kay Temur.

"No! Sinabi ko na hindi ba? Interesado ako sayo." Hindi siya nagsalita at tinitigan lang ang lalaki. Tinatansya niya ang ekspresyon sa mukha nito at emosyon sa mga mata.

"Dito na raw tayo," sa halip ay sabi niya at nag-iwas ako ng tingin.

"Ayoko sanang tanggapin itong gadget mo kaso ay kailangan ko rin ito. Tska, mukhang ikaw ang tipo ng tao na hindi napipigilan at hindi tumatanggap ng negatibong sagot." Kumislap ang mata ni Temur sa sinabi niya. May natumbok yata siyang ikinatuwa nito.

"Sige, salamat sa lahat ng ginawa mo. Pati na dito..." Itinaas niya ang kamay na may hawak ng box ng cellphone at kumaway. Tinalikuran niya ito upang buksan ang pinto. Bababa na sana si Aracae ng sasakyan nang bigla siyang hinila ni Temur pabalik at lapatan ng magaan na halik sa pisngi.

"Take care. See you soon," anito.

Nagulat man ay nagawa niyang tumango nang nakahawak sa kanyang pisngi na sigurado siyang kasing pula na ng kamatis. Isang beses pa siyang nagpaalam bago tuluyang bumaba ng sasakyan. Hala! Ano ba 'yon bakit may paghalik agad? Hindi na niya nilingon ang sasakyan sa takot na baka isipin nitong kinilig siya sa ginawa ni Temur, kahit pa totoo naman na kinilig siya. Nakita niya ang ama sa dalampasigan sa tabi ng maliit na bangka kaya tumakbo agad siya patungo dito.

***

"Mukhang nagkakamabutihan na kayo nang binatang taga Maynila, ah?" komento ng ama niya nang lapitan siya. Naupo ito sa lilim ng kahoy sa tabi niya dito sa baybayin. Ginawa na niya itong tambayan sa hapon upang panoorin ang paglubog ng araw.

"Hindi naman po. Friends-friends lang, tay. Sa text at tawag lang kami nag-uusap kaya hindi ko masasabing nasa ganung lebel na kami. Mahirap din malaman kung totoo ang mga sinasabi niya sa akin." Ilang araw na niyang ka-text at katawagan si Temur, marami na rin silang napag-uusapan pero naroon pa rin ang pag-aalangan ni Araceae sa lalaki. 

Isa pa, isang linggo na lang itong mananatili rito sa lugar nila at babalik na ito sa Luzon. Halo-halo ang emosyon ni Araceae, nalulungkot siya dahil kaunti lang ang panahon na makakasama niya si Temur, kung sana ay mas maaga niyang nakilala ang lalaki. Ngunit naroon pa rin ang pagdududa at pag-aalala para sa sarili niya. Tama ba na hayaan niya ang sarili na tangayin sa bugso ng damdamin para sa isang estranghero?

"Tama nga 'yan. Mabuti na ang nag-iingat ka sa mga estranghero, anak. Ayokong malagay ulit sa pelegro ang buhay mo."

"Pero, tay... Inimbita ako ni Temur sa birthday party niya. Gaganapin daw ang party sa resort sa bayan ngayong linggo. Maari po ba akong pumunta?" nag-aalangan niyang tanong sa ama. Pinuri pa man din siya nito tapos may ganito na agad. Gusto niya kasi sanang pumunta para paunlakan ang request ni Temur na makita siya bago ito bumalik ng Maynila. Ang kaso ay takot naman siya sa magiging reaksyon ng kanyang ama at ina.

"Gusto mo bang dumalo?" Nahihiya siyang tumango sa ama.

"Kung ganun pumunta ka. Akala mo ba pagbabawalan ka namin ng nanay mo?" Tumangong muli si Araceae. "Hindi namin gagawin 'yon, Aries. Hindi dahil natatakot kami na umalis ka ulit kapag pinagbawalan ka namin sa mga bagay na gusto mong gawin. Hindi ka namin pipigilan dahil gusto namin na bigyan ka ng kalayaan na piliin at gawin ang mga bagay na gusto mo. Pero hindi kami magsasawa na ipaalala sayo na gawin mo ang tama, malaki ka na para magdesisyon para sa sarili mo. Tandaan mo lang ito, lagi kang mag-iingat."

"Opo, tatandaan ko palagi ang bilin niyo. Maraming salamat, tay. Ayoko lang na ma-disappoint ko kayo." Nginitian siya ng ama at niyakap.

Araw ng linggo ang party ni Temur, at Biyernes pa lang hinanda ni Araceae ang regalo niya para sa lalaki. Simple lang naman, isang pares ng necklace at bracelet na gawa sa 'mother of pears'. 

Sa araw din na iyon may natanggap siyang regalo mula kay Temur, damit 'yon, isang white puff sleeve long beach dress na may mahabang slit sa gilid. Kasama ng regalo ang isang note, ang damit daw na pinadala ni Temur ang isusuot niya sa party nito. Syempre, kinilig si Aracea ng bongga. Si Temur itong may birthday, pero siya ang nakatanggap ng magandang regalo. Hindi bale na, sa Linggo ay ibibigay niya sa lalaki ang napaka gandang regalo niya dito. Regalo na hinding-hindi nito makakalimutan kahit pa nasa Maynila na ang lalaki.

Nakangiting inangat ni Araceae ang regalo ni Temur sa kanya sa ere. Ang ganda ng damit at talagang napaka mamahalin. Hindi niyang naiwasang mag-isip, kung makukuha ba niya si Temur, makakakuha rin siya ng ganitong mga damit araw-araw?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status