Share

Kabanata 4

"Hindi ka ba napapagod panoorin ang bawat paghampas ng alon sa dalampasigan, Aries?"

Hindi magawang lingunin ni Araceae ang matandang babae na nagsalita sa likuran niya. Alam ng dalaga na narito ito para alukin siya ng pananghalian. Hapon na at hindi pa siya umaalis sa pwesto niya sa tabing dagat mula pa kaninang umaga.

"Hindi ko alam kung bakit ka nagkaganyan, pero kailangan mong kumain Aries, anak. Alagaan mo ang iyong sarili para sayo at para sa amin ng tatay mo," napakalungkot ng boses nang sabihin iyon ng ginang sa kanya. Pero hindi man lang makapa ni Araceae ang awa para sa babae. Ang matandang babae na walang ibang ginawa kundi mag-alala sa kanya simula ng magising siya. 

Gulong-gulo ang isip niya ngayon. Sino ba siya at bakit paulit-ulit siyang tinatawag na Aries ng ginang? Hindi niya kilala ang babaeng binabanggit nito, at lalong hindi siya ang babaeng iyon.

Siya si Araceae, walang mga magulang at sa tingin niya ay lumaki siya sa isang bahay ampunan— ang dalawang bagay na tanging natatandaan niya. Pero bukod sa pangalan at kakarampot na impormasyon, wala na siyang iba pang naaalala tungkol sa sarili o kung bakit narito siya sa isla.

"Aries nakikiusap ako sayo, kumain ka muna. Hindi ka nag-agahan kanina baka magkasakit ka sa ginagawa mo."

"Hindi po ako si Aries, ilang beses ko na po iyong sinabi sa inyo. Araceae ang pangalan ko at wala akong apelyido." Bakit ba ang kulet nito? Ilang beses na siyang tumanggi. Ilang beses na rin siyang nagpaliwanag dito.

"Hindi po ako ang anak ninyo."

"Aries, pakiusap... Huwag ka namang ganyan. Alam kong galit ka sa amin ng tatay mo dahil tutol kami sa pagtatrabaho mo sa Maynila noon, pero hindi namin kaya itong pagtrato mo sa amin. Masakit para sa amin na itanggi mo bilang magulang."

Napaka lungkot talaga ng boses ng ginang. Alam ni Araceae na sobrang nasasaktan ito sa asal niya pero iyon ang totoo, hindi siya si Aries, hindi siya ang anak ng mga ito. Kung bakit sila kumbinsido na siya si Aries? Iyan ang hindi niya alam. Basta ang alam niya, hindi siya ang taong tinatawag ng mga ito na Aries, hindi siya ang anak ng mga 'to.

"Gusto ko po sanang mapaga-isa," pakiusap niya.

Hindi nagsalita ang ginang pero narinig ni Araceae ang malalim na buntong-hininga nito. Mamaya pa ay naramdaman niyang umalis ito.

Mula sa puting buhangin, nag-angat siya ng tingin sa asul at malawak na dagat. Paano siya napadpad sa lugar na ito? Paano siya napunta sa isang maliit na isla? Wala siyang ibang nakitang tao bukud sa mag-asawa, at sa mga alagang hayop.

Sinabunutan ni Araceae ang sarili sa sobrang pagkasiphayo. Wala talaga siyang maalala bukod sa pangalan at pagiging ulilang lubos. Niyakap niya ang sariling mga tuhod at ipinatong doon ang ulo. Masakit na naman ang ulo niya dahil sa labis na pag-iisip at gutom.

Buong maghapon nakaupo lang si Araceae sa baybayin, malalim na nag-iisip at nagtitiis ng gutom. Ayaw niya sanang umalis doon pero makulit ang matandang lalaki, pinilit siya nitong tumayo para kumain ng hapunan at maglinis ng katawan.

Sa hapag, tahimik lang siyang nakikinig sa usapan ng mag-asawa, ngunit madalas ay tahimik lang din ang mga ito habang kumakain. Gusto niya sanang magtanong kung paano siya napadpad sa isla, kaya lang ay 'di niya magawang isingit ang tanong dahil ramdam niya ang saya ng mag-asawa dahil 'nakabalik na raw siya.

"Ipag-iigib ko muna ng tubig sa balon si Aries. Alam mo naman ang batang iyan, ayaw matulog ng hindi naglilinis ng katawan," anang matandang lalaki na ama ni Aries.

Nanatili siyang tahimik, ang matandang babae, ang asawa naman nito ay sinabi na papakuluan siya ng tubig na panghalo sa naigib na tubig ng asawa nito upang 'di raw malamig ang pampaligo niya.

"Handa na ang pampaligo mo, Aries." Nilingon ni Araceae ang matandang babae na nakatayo sa pintuan ng kusina. "Sige na, maligo ka na para maaga kang makapag-pahinga," anito at tipid siyang nginitian.

Ginawa ni Araceae ang sinabi ng mag-asawa, naligo at maaga siyang pumanik ng kwarto. Nahiga siya ng tuwid sa papag at 'di na gumalaw sa higaan. Naroon lang ang tingin niya sa nipa na bubong ng kwarto, mamaya pa ay pumikit siya at nag-isip.

'Ano ba ang nangyari sa akin?'

Iyon agad ang tanong ni Araceae sa sarili. Ang dami niyang tanong, pero 'yon ang gusto niyang unang bigyan ng kasagutan. Wala siyang maalala bukod sa Araceae ang pangalan niya at hindi Aries tulad ng sinasabi ng mag-asawa. Ngunit bukod sa pangalan, ang lahat ay malabo na sa kanya. Lumaki siya sa ampunan, kung tama ang naalala niya. Bukod sa wala na siyang magulang at kamag-anak na malalapitan, hindi na rin siya maaaring bumalik sa bahay ampunan, pero bakit?

Napahawak siya sa sariling ulo nang wala na siyang matandaan bukod sa mga iyon. Bakit hindi na siya pwedeng bumalik? Pinilit niyang tandaan ang lahat, ngunit kahit anong piga ang gawin niya sa isip, wala na talaga siyang maalala pa. Bakit hindi na siya pwedeng bumalik ng bahay ampunan? Bakit hindi niya maalala ang dahilan?

'I'm done with you. Sleep well, Hayatım.'

Napabalikwas si Araceae ng bangon sa higaan. Habol ang sariling hininga, pinunasan niya ang sariling pawis gamit ang mga kamay. Ano ba 'yon? Sino ang lalaking 'yon sa panaginip niya? Niyakap ni Araceae ang sarili nang tumindi ang panginginig ng kanyang katawan. Bakit ganun? Nakakaramdam siya ng takot dahil sa panaginip na iyon, takot at matinding galit. Ang bilis ng tibok ng puso niya, kinakapos siya ng hininga. Ang lalaking iyon, ano ang koneksyon nito sa kanya? Alam kaya nito ang nangyari sa kanya? O baka naman isa ito sa dahilan kung bakit wala siyang maalala. Ang lalaking iyon kaya ang nagdala sa kanya sa isla?

***

"Nakatulog ka ba ng maayos kagabi?" tanong ng matandang babae. Mula sa kahoy na mesa, nag-angat si Araceae ng tingin dito, nagtitimpla ito ng kape sa harap niya, sa kabilang bahagi ng lamesa.

"Ayos lang naman po. Nakatulog naman ako ng maayos, salamat po sa higaan," sambit niya at nag-iwas ng tingin. Hindi niya kasi alam kung paano pakikitunguhan ang mga ito gayong hindi niya naman sila maalala.

Nag-angat muli siya ng tingin sa ginang nang marinig ang mahina nitong tawa.

"Bakit po?"

Umiling ito at ngumiti.

"Masaya lang ako na narito ka na sa atin. Alam kong may pinagdadaanan ka at hindi mo kami naalala ng tatay mo, pero kahit na, sobrang natutuwa ako na bumalik ka na sa amin."

"Pero Araceae po talaga ang pangalan ko," giit niya. Iyon naman talaga ang totoo. Sigurado siyang iyon ang pangalan niya. Bagamat hindi niya alam kung paano siya nakarating sa isla, 'di niya alam ang buong pagkatao, hindi niya rin alam kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya. Nakatitiyak siyang hindi Aries ang pangalan niya tulad ng sinasabi ng mag-asawa.

"Hindi ko alam kung anong hirap ang dinanas mo sa Maynila at nagkaganyan ka. Pero ikaw talaga ang anak namin, ikaw si Aries. Imposibleng hindi dahil—" Hindi nito itinuloy ang sasabihin. Inilapag ng ginang sa harap niya ang kape na tinimpla nito. Umalis ito ng kusina at nang bumalik ay may dala na itong photo album.

"Ikaw si Aries Sangalang, ang anak namin," sabi nito at ibinigay sa kanya ang dala na photo album.

Nag-alinlangan siyang kunin iyon, ngunit kinuha pa rin ni Araceae at binuklat isa-isa ang mga pahina.

Sa unang pahina, makikita ang larawan ng isang sanggol na nakabalot ng puting lampin. Sa sunod na pahina, ang larawan ng mag-asawa kasama ng sanggol, at ganun din sa mga sumunod pang pahina ng photo album. Ngunit kapansin-pansin ang unti-unting paglaki ng sanggol sa bawat larawan, hanggang sa malinaw niyang nakita ang pagkakahawig nito sa kanya nang makita ang latest na larawan sa photo album.

"Ako ito," komento ni Araceae at itinuro ang larawan ng babae na nakaupo sa lilim ng puno sa tabing dagat. Ang puno ng kahoy kung saan siya naupo magdamag kahapon. "Paano nangyari? Paano kayo nagkaroon ng mga larawan ko?"

"Dahil ikaw si Aries, ang anak namin." Umiling siya. Hindi. Alam niyang siya si Araceae, isang batang babae na lumaki sa ampunan, wala siyang mga magulang o kamag-anak. Paano ang mga ito nagkaroon ng larawan niya?

"Limang buwan na ang nakaraan, nag-paalam ka sa amin ng itay mo na gusto mong magtrabaho sa Maynila. Hindi kami pumayag sa gusto mo, alam namin na hindi mo pa kaya ang mag-isa. Labing pito ka lang anak, sinong magulang ang hahayaan ang anak nila na mangibang lugar para magtrabaho sa murang edad?"

"Pero makulit ka. Paulit-ulit mong pinipilit sa amin ang nalalapit mong kaarawan, na malapit kanang tumuntong sa legal na edad para magtrabaho. Hindi ka pa rin namin pinayagan, kaya nagdesisyon kang umalis ng hindi nagsasabi sa amin. Hinanap ka namin, pero dahil sa kakulangan ng pera hindi ka namin nagawang makita. Wala kaming balita sa iyo sa loob ng ilang buwan, at nitong linggo lang may lalaking naghatid sayo dito mula sa bayan. Nakita ka raw niya sa tabing dagat sa kabilang isla, walang malay, puno ng sugat at pasa ang buong katawan. May nakakilala sa iyo sa bayan at itinuro nila ang isla kaya dito ka dinala ng lalaking iyon." Tumulo ang luha ng ginang pagkatapos isalaysay ang nangyari.

"Akala ko hindi ka na namin makikita anak, akala ko tuluyan ka ng mawawala sa amin ng tatay mo," anito at kinuha ang kamay niya. "Hindi ko alam kong ano ang nangyari sa iyo sa Maynila at kung paano ka nakabalik dito sa lugar natin, pero nagpapasalamat talaga ako sa Diyos dahil binalik ka niya sa amin."

"Kung nagsasabi kayo ng totoo... Bakit wala akong maalala kahit isa sa mga sanabi niyo? Kahit ang pangalan na paulit-ulit niyong binabanggit ay hindi ko maalala. Kahit kayo... Wala akong maramdaman na kahit ano. Hindi kayo pamilyar sa akin, kahit sa puso ko wala akong maramdaman na kilala ko kayo o naging parti kayo ng buhay ko. Bakit ganun?"

Paulit-ulit itong umiling. "Hindi ko alam. Ikaw lang ang nakakaalam ng mga nangyari sa iyo sa Maynila kaya wala akong maisasagot sa mga tanong mo na iyan. Kahit ako...gusto kong malaman ang nangyari sayo. Bakit, bakit ka nagkaganyan? Bakit puno ng pasa ang iyong katawan? Bakit—"

"Ano po 'yon? May hindi ba kayo sinasabi sa akin?" nagtataka niyang tanong. Bigla na lang kasi itong tumigil at umiyak nang umiyak.

Pinisil ng ginang ang kamay niya. "Nang dalhin ka rito ng lalaking iyon, ang sabi niya sa amin ilang araw ka na raw nakaratay sa hospital bago may nakapag-sabi sa kanya na dito ka sa isla nakatira. Sinabi niya rin sa amin ang sinabi ng doctor, nakunan ka raw."

Natutup ni Araceae ang bibig sa sobrang gulat. Nakunan siya? Nagkaroon ba siya ng kasintahan sa Maynila? Hindi niya maalala! Ano ba ang nangyari sa kanya sa limang buwan na lumipas?

***

"Kanina ka pa nagmumukmok dito sabi ng iyong nanay. Gusto mo ba akong samahan mangisda?" Naupo sa gilid ng kama ang tatay niya. Malalim na napasinghap si Araceae. Sa totoo lang, hindi pa rin siya sanay na tinatawag silang ganun, pero masyadong matibay ang ebindsya na pinakita ng mag-asawa sa kanya. Siya nga ang babae sa mga larawan ng photo album at wala siyang nakikitang rason para magsinungaling ang mag-asawa sa kanya. Ngunit bakit ganun? Wala talaga siyang maramdaman para sa mga ito.

"Ayos lang po ba sa inyo na sumama ako sa dagat?" tanong niya na hindi nag-angat ng tingin sa ama.

"Oo naman. Sumasama ka naman sa akin noon tuwing nangingisda ako, minsan ka pa nga nakahuli ng malaking isda, at tuwang-tuwa ka dahil doon."

Saka lang siya nag-angat ng tingin.

"Marunong ba akong lumangoy?" tanong niya na tumitig sa ama. Gusto niyang malaman ang mga bagay na kaya niyang gawin.

"Oo. Napakagaling mong lumangoy. Hindi nga kita matalo sa pagsisid sa galing mo," nakangiti nitong sagot.

Napangiti rin si Araceae. Marunong siyang lumangoy? Kung ganun ay hindi ang pagkalunod sa dagat ang sanhi kung bakit siya nasa dalampasigan na iyon tulad ng sabi ng ina niya. Nagtataka tuloy siya kung paano siya napadpad sa dagat at inanod sa isla kung saan siya natagpuan ng lalaking nagligtas sa kanya.

Tulad ng sinabi niya sa ama, sumama si Araceae dito sa pangingisda. Hindi naman sila lumayo, doon lang sila nanghuli ng isda sa dagat sa tapat ng isla. 'Di niya alam kung paano mamingwit, pero madali lang rin niya itong natutunan nang ituro ng ama sa kanya. Doon niya napagtanto, paano kung totoo ang mga sinasabi ng mga ito sa kanya? Na siya talaga si Aries at may nangyari sa akin sa Maynila dahilan para ibang pagkatao ang tumatak sa isip niya? Hindi malabong mangyari, pero iba kasi ang nararamdaman ng puso niya. Wala siyang maramdaman na pagkagiliw sa mga tao o sa kahit anong nasa paligid niya. Ang lahat ay iba para sa kanya.

"Marami-rami tayong huli ngayon. Ano ang gusto mong luto nito anak?" tanong ng ama habang nagsasagwan pabalik ng pampang. Itinuon ni Araceae ang tingin sa timba ng huli nilang isda.

"Ano po ba ang madalas kong request na luto?"

"Paborito mo ang paksiw!" Ngumiwi siya sa sagot ng ama. Alam niya ang paksiw, ito iyong pagkain na niluluto sa suka.

"Sigurado kayo? Iyon ang paborito ko? Hindi sabaw o kahit anong luto na walang suka?" tanong niya. Pakiramdam ni Araceae hindi niya gusto ang paksiw. Hindi niya alam pero iyon ang sinasabi ng instinct niya, ayaw niya ng paksiw.

Tumawa ang ama niya. "Oo naman, sigurado ako. Paborito mo talaga ang paksiw. Oh! Huwag kang malikot at baka mahulog ka sa bangka," saway nito nang sinilip niya ang sariling reflection sa tubig. Gusto kasing niyang makita ang mukha. Baka kasi makita niya ang kaibahan niya sa babaeng nasa larawan. Wala kasi talaga siyang maramdaman sa mga bagay na tungkol sa kanya. Isang malaking misteryo sa kanya ang taong sinasabi ng mga ito na siya.

Inabot ni Araceae ang dagat, ngunit napatili siya nang hindi sinasadyang nawalan ng balanse at nahulog siya. Narinig niya ang sigaw ng ama. Mabilis siyang lumangoy patungo sa banka pero hindi naman siya umangat sa tubig. Nag-panic si Araceae nang unti-unti ay lumubog siya sa dagat, panay ang sigaw niya at padyak ng mga paa, ngunit lalo lamang siyang nalulunod.

'Nalulunod ako! Tulong! Hindi ako makahinga!'

Hindi niya alam kung paano, pero bigla na lang dumilim ang paligid, at nakita niya ang parehong lalaki sa panaginip niya kagabi. Walang emosyon itong nakatingin sa kanya at nagsalita, 'Sleep well, Hayatım.'

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status