Share

Chapter 7

SOBRANG saya at ang gaan-gaan nang pakiramdam ko. Kulang na nga lang ay magwala ako dahil sa wakas!

Wala na si Caleb. Kagabi ko lang kasi nalaman na bumalik na pala ito sa Canada noong isang araw dahil tulad rito sa Pilipinas ay umpisa na rin ng pasukan doon.

Usually, nakakatamad pumasok sa first day of school… pero kung ganito ba naman ang mababalitaan ko ay bakit ako tatamarin?

Todo birit nga ako sa banyo habang naliligo kapag naiisip na wala na si Caleb at hindi na siya babalik, hopefully, forever na sanang huwag bumalik!

“Ang ganda ata nang gising mo? Kanina ko pa naririnig ang boses mo habang kumakanta-kanta ka,” ang puna ni Mama nang maupo ako para saluhan silang mag-almusal.

“Hehehe,” natawa lang ako dahil hindi ko naman pwedeng sabihin ang totoong dahilan kung bakit ako masaya.

“Excited ka ba sa first day mo sa University?” ang tanong niya at saka nilagyan ng sinangag ang pinggan ko.

“Medyo po.”

“Hmm,” si Papa na nilapag ang tasang hawak at saka nilabas ang wallet. “Ito, allowance mo ngayong buwan.” At binigyan ako ng pera.

Lumawak ang ngiti ko nang mahawakan ang perang binigay niya. “Salamat ‘Pa.” Pagkatapos ay mabilis na itinago sa bulsa.

“Kailan mo pala susuotin ang uniform mo?” ang tanong ni Mama.

“Maybe next week ‘Ma, hindi pa naman required sa University.”

“Naplantsa ko na ‘yun, dapat sinuot mo.”

Pinagmasdan ko muna ang suot na damit bago sumagot, “Okay ‘Ma. Magpapalit ako pagkatapos kumain.” Ayoko pa sanang mag-uniform pero sige na lang para hindi masayang ang effort ni Mama sa pagplantsa nito.

Nang matapos ay tumayo ako at niligpit ang pinagkainan at bumalik sa kwarto para magpalit ng suot. Matapos ay kinuha ang bag at saka lumabas ng kwarto. Wala na sa paligid sina Mama at Papa kaya malamang ay lumabas na ang mga ito.

“Kenan, paki-lock ang pinto,” ang utos ni Mama nang lumabas ako. Nasa may garage na sila at pasakay na sa kotse. Ginawa ko naman ang inutos at saka sumunod na para ilabas ang motor. Binuksan ko nang malaki ang gate para makadaan sila at sinara rin pagkatapos nang makalabas ang kotse sa gate. “Mauuna na kami,” ani Papa nang ibaba ang bintana ng kotse.

“Okay, ‘Pa. Ingat sa biyahe.” Nang makaalis na ay saka ko naman ni-lock ang gate at sumakay sa motor para magpunta na sa University. Lagpas thirty minutes ang biyahe papunta pa lang sa destinasiyon tapos dumagdag pa ang traffic kaya halos aabutin ng isang oras ang pagpunta sa University. Mabuti na lang talaga at nine o’clock ang una kong subject.

Matapos ma-i-park ang motor ay nag-stay muna ako saglit para i-text si Felix kung nandito na ba? Ang usapan pa naman namin ay magkikita muna kami bago pumunta sa kanya-kanyang klase.

Kenan:

Nasa’n ka?

Felix:

Uni. Ikaw?

Kenan:

Same. Punta ka rito.

Felix:

Ikaw na lang, ang layo ng department mo.

Kenan:

Same lang malayo dept. natin.

Mechanical Engineer kasi ang kinuhang kurso ni Felix at sa pagkakaalam ko ay nasa kabilang dako pa ng campus ang building nila.

Felix:

Malapit na time ng 1st subject ko.

Kenan:

Same lang tayo ng time sa 1st subj. saka ikaw may gusto na mag-meet tayo ngayon.

Felix:

Gege, punta na ko.

Pinaalam ko muna kung nasaan ako ngayon bago binalik sa bulsa ang cellphone. Nanatili akong nakaupo sa motor habang naghihintay at pinagmamasdan ang mga kapwa ko estudiyante na dumaraan. May ibang nagmamadali pa nga na parang late na sa unang klase.

Hanggang sa ilang sandali lang ay namataan ko ang isang pamilyar na motor. Mukhang si Felix na itong papalapit sa akin. Huminto ang sasakyan sa tabi rin ng motor ko at pagkatapos ay inalis ang suot na helmet. “Nagulo na ang buhok ko,” aniya at nanalamin sa side-mirror ng motor. “Ang tagal ko pa naman ‘tong inayos.” At hinawak-hawakan ang sariling buhok. Inaayos ang kunwaring nagulo na buhok.

“Pa-pogi ka rin masiyado, e, parang hindi pag-aaral pinunta mo rito, a.”

“Oh, suot mo na agad ang uniform mo?” ang puna niya sa suot ko.

Pinagmasdan ko naman ang suot niyang damit. Naka-long-sleeve kasi siya na gray at denim pants. “Gusto ko lang, para magmukha akong nice guy,” ang dahilan ko na lang.

“Nice guy ka r’yan, ang pangit kaya nang ugali mo.”

“Mas pangit ang ugali mo, pinagtitiisan na nga lang kita, e.”

“Sige na, pareho na tayong pangit ang ugali at least mas gwapo ako sa ‘yo.”

“Umalis ka na nga.”

“Kararating ko lang pinapalayas mo na ‘ko?!”

“Oh, nagkita na tayo ngayon, ano pa bang kailangan nating gawin? Kaya alis na.”

“Sige, sige, aalis na ‘ko. Sabay tayong mag-lunch mamaya, a,” pagkatapos ay maingat at dahan-dahang sinuot muli ang helmet. “Libre mo ‘ko, a.”

Kita mo ‘to! Basta sa pagkain talaga, e.

“Okay, i-text mo na lang ako kung sa’n tayo magmi-meet for lunch,” ang tugon ko. Tinapik niya ang balikat ko at saka na tuluyang umalis.

Nang mawala na siya sa paningin ay kumilos na ako para pumunta sa first subject. Halos lahat nang nakakasabay at nakakasalubong na estudiyante ay naka-casual ang suot. Ni wala akong nakitang naka-uniform man lang—

Maliban sa isang lalakeng nasa may dulo ng hallway. Nakatalikod ito sa akin pero klarong-klaro at nakakaagaw pansin dahil na rin sa may katangkaran ito.

Mas maganda sigurong dumikit ako rito para hindi naman nakaka-out of place dahil ako—kami lang ang naka-uniform. Palapit na ako sa lalake nang biglang matigilan dahil lumingon ito banda sa akin.

Mabilis pa sa alas-kuwatro akong tumakbo palayo. Wala na akong pakialam kung saan makarating ang importante ay ang makalayo. As in malayong-malayo!

Nang mapagod ay napasandal na lang ako sa pader. Hingal na hingal at tagaktak ang pawis sa mukha. Tila unti-unting bumibigay ang mga paa sa biglaang pagtakbo kaya napayuko ako at humawak sa tuhod.

“Okay ka lang?”

Nang iangat ang tingin ay isang may edad na babae ang nakatayo malapit sa akin. Una kong napansin ang suot nito kaya alam kong isa itong professor dito sa University at saka may dala rin kasi itong libro. “Okay lang po Ma’am,” ang sagot ko sa kabila nang hingal.

“Anong year ka?” Ramdam ko ang pagiging istrikto sa tuno nang boses nito.

“First year po.”

“Oras ng klase?”

“Nine po.”

“Five minutes left before nine kaya pumunta ka na sa klase mo,” ma-autoridad ang tono ng boses at bahagya pang nakataas ang kilay. Taray!

“O-okay po, Ma’am,” bahagya akong yumuko rito at saka na umalis. “May paka-strict pala ang mga professor dito,” ang komento ko nang tuluyang makalayo.

Agad akong nagpunta sa classroom at naghanap ng mauupuan. Mabuti na lang talaga at nakapaglibot na ako rito sa University bago pa magpasukan, at least hindi na ako mahihirapan at mali-late dahil alam ko na kung saan ang susunod na klase.

Nilibot ko ang paningin sa buong classroom. Wala akong kilala kahit isa tapos maingay pa. Napansin ko ring grupo-grupo na ang mga kaklase na parang matagal nang magkakilala. Kahit ang katabi ko sa kaliwa ay busy sa kausap nitong katabi rin. Out of place ako.

Kaya pinaglaruan ko na lang ang hawak na ballpen na hindi ko tanda kung kailan ko nilabas sa bag. Malapit na akong matuyuan ng laway nang dumating ang professor namin. Hay, sa wakas at dumating na rin. Late ito ng ten minutes, nagpakilala saglit at isa-isang tinawag ang pangalan namin. Pagkatapos ay iniwanan kami ng assignment! Unang araw may assignment na?! Ni hindi man lang nag-lesson.

Nang matapos ang klase ay agad rin akong umalis ng classroom dahil medyo may kalayuan ang susunod kong pupuntahan na room. Pagliko sa hallway ay natigilan ako nang makita uli ang lalakeng naka-uniform na palingon-lingon sa paligid. Nasa tapat pa ito ng classroom ko.

Mabilis akong nagtago, nawala siya sa isip ko! Kailangan kong makalayo sa kanya bago pa man ako mapansin.

Nag-beep ang cellphone ko, may message galing kay Caleb.

Caleb:

Hi.

Hi mo, mukha mo! S-in-witch ko ang audio ng cellphone to silent.

“Ba’t ayaw mo ‘kong reply-an?”

Bigla na lang akong nanigas sa kinatatayuan. Nalintikan na! Nakita na niya ako.

Hindi ako lumingon dahil may napapatingin na sa amin. Baka isipin pa ng mga estudiyante ay close kami dahil pareho kaming naka-uniform. “Anong ginagawa mo rito? ‘Di ba dapat nasa Canada ka?”

“Humarap ka naman sa ‘kin, sige ka, baka hawakan ko puwet mo.”

Mabilis kong prinotektahan ang puwet ko sa banta niya. “Ano ba kasing trip mo? Saka huba*in mo na nga ‘yang suot mong uniform at isauli sa may a*i.” Pumapangit ang magandang uniform dahil suot niya.

“This is mine.”

“This is mine mo mukha mo, ‘wag mo sabihing—“ natigilan ako. Imposible ang biglang pumasok sa isip ko. “No way, hindi pwedeng mangyari,” alam kong hindi niya ipagpapalit ang University sa Canada kaysa rito. “Hindi ka student rito, right?”

“Make a guess.” At nakuha pang ngumiti nang nakakaloko.

“Ina mo! ‘wag mo kong pinaglololoko Caleb.”

“Hindi pa ba obvious sa suot ko?” Sabay hagod sa suot niyang uniform.

Parang may kung anong bumagsak na matigas na bagay sa ulo ko kahit wala naman. Hindi pwede!

Isipin pa lang na makakasama ko siyang muli sa iisang school ay hindi na matigil ang di*dib ko sa pagkabog. Muli bang mauulit ang nakaraan?

“Bumalik ka na sa Canada.” Please, bumalik ka na at huwag nang guluhin ang buhay ko.

“I’m a freshman student taking business management. At nakapag-decide na ako, I want to stay here Kenan. Gusto kong makasama kayo.”

Ano?! So, pa’no ang buhay niya sa Canada? Ang pag-aaral niya ng law ro’n? Ipagpapalit niya ‘yung lahat para lang bwesitin ako?!

***<[°o°]>***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status