Share

Chapter 8

ILANG BESES akong umiling nang sabihin niya na gusto niyang mag-stay rito sa bansa at makasama kami. Hindi pwede, maayos na ang buhay ko ngayon at sa kanya rin. Ano pa bang gusto niya?

Balak niya bang guluhin muli ang buhay ko, tapos ano? Kapag may nasaktan ulit ay bigla siyang aalis?

Umatras ako, dahan-dahan hanggang sa kumaripas na ako nang takbo makalayo lang sa kanya habang naiisip ang ginawa niya noon.

Hindi.

Hindi!

Mariin kong pinikit ang mga mata para maalis sa isip ang nangyari noon—

“Aray!”

Bigla kong naidilat ang mga mata nang may mabunggo. Una kong napansin ang nagkalat nitong gamit sa paligid at sunod ay ang isang babaeng nakaupo na sa sahig. Nakatungo ito at dum*d***g sa sakit.

Mabilis naman akong lumapit at tinulungan itong makatayo. Matapos ay kinuha ang bag nito at isa-isang pinulot ang mga gamit na nakakalat.

Nang matapos mailagay ang huling gamit ay saka lang ako tumingin sa babae— “S-sorry,” ang halos na uutal kong sabi. Dahan-dahan pa akong tumayo nang hindi inaalis ang tingin sa mukha ng isang… anghel. Tumikhim muna ako bago muling nagsalita, “Pasensiya ka na sa nangyari, kasalanan ko.”

Nasa bag ang atensiyon niya at nang mapatingin sa akin ay bigla na lang kumabog ang di*dib ko. May boyfriend na kaya siya? Sana wala pa.

“Okay lang, pero next time ay ‘wag kang tatakbo nang nakapikit.” Pagkatapos ay napangiti. Mukhang naaliw sa akin. Chance ko na ba ‘to?

“Medyo malakas ‘yung pagkakabunggo ko sa ‘yo kaya kung may masakit ay magsabi ka lang, pwede kitang samahan sa clinic.”

Muling kumabog ang di*dib ko nang muli siyang ngumiti. Ang ganda naman niya.

Mahaba, itim at straight na buhok na hanggang bewang. Round face, round innocent eyes, heart-shape lips, straight-edge nose at may dimples pa sa magkabilang pisngi kapag ngumingiti!

Goodness! Nasa kanya na ang hinahanap ko. Petite na hanggang balikat ko ang height at mukhang mabait pa. Bagay na bagay sa mala anghel niyang mukha.

“No need na, nagmamadali kasi ako for my next class.” Pagkatapos ay inipit sa likod ng tenga ang ilang hibla ng buhok. Hindi ko tuloy maiwasang sundan ng tingin ang ginawa niya.

Hindi ko tuloy mahulaan kung natural lang ba niya ‘yong ginawa o talagang nagpapapansin siya sa ‘kin?

“A, okay,” ang tugon ko at nang humakbang siya para umalis ay bahagya akong humarang. “Ano, ako nga pala si Kenan Rey Santos,” ang pakilala ko at saka nilahad ang kamay.

Napakurap siya at sandaling tumitig sa mga mata ko. Nakakailang naman ang titig niya, parang nakakatunaw.

Pigil ang labi ko na mapangiti nang hawakan niya ang kamay ko para makipag-shake hands. Nangangati tuloy ang palad kong higpitan ang kapit dahil sa lambot ng kamay niya. “I’m Mary Rose Amistoso,” ang pakilala niya. Pati pangalan ay pang-anghel din!

Humigpit naman ang kapit ko sa kamay niya nang bigla siyang bumitaw. “Ay, sorry,” ang sabi ko pa. “So, anong course mo?”

“I’m sorry, pero kailangan ko na talagang umalis.” At mabilis na naglakad palayo. Hindi ko na nagawang maka-react.

Sayang, gusto ko pa sana ‘tong makausap pero mukhang nagmamadali na talaga kaya pakakawalan ko muna siya sa ngayon.

“May next time pa naman, at least alam ko na ang pangalan niya. Next time, hihingin ko na ang number para sure na talaga,” ang bulong ko pa sa sarili at saka na lumakad papunta sa susunod na klase.

*****

NAGPUNTA ako sa ikatlong klase ngayong umaga bago mag-lunch pero sa may pinto pa lang ng classroom ay natigilan na ako sa nakita.

Classmate ko sa subject na ‘to si Mary Rose! Yuhoo! Love ko na ang Math!

“Hi,” ang bati ko sabay upo sa tabi niya. “Nag-meet tayo ulit.” Muntik pa akong mapapikit nang maamoy ang pabango niya.

Tuwa ang nakita ko sa mga mata niya nang tumingin sa akin. “Yeah, hindi ko expected na magiging classmate tayo sa subject na ‘to.”

“Oo nga, siguro ay—“ destiny ito. “Coincidence ‘to,” sa halip ay ito ang sinabi ko. Baka kasi mailang siya kung sasabihin ko ang nasa isip. Hindi ko pa naman siya gaanong kilala kaya dapat ay alamin ko muna kung ano ang gusto niya para sa susunod ay makapagpakitang-gilas ako.

“Accounting ang course ko, ngayon ay alam mo na.”

Natuwa ako nang maalala niyang tinanong ko pala ‘yun sa kanya. “Education naman ‘yung akin, BEED.” Tapos ay nangalumbaba sa desk habang ang tingin ay nasa kanya. Sana matagal pang dumating ang professor namin para matagal ko pa siyang matitigan nang ganito.

“May dumi ba sa mukha ko?”

Umiling ako. “Napansin ko lang kasi na may dimples ka, bagay sa ‘yo.”

Napangiti siya kaya muli kong nakita ang dimples niya sa pisngi. Ang ganda niya talaga, mukha siyang angel.

“Thank you,” ang comment niya na bahagya pang nahiya sa compliment ko.

“Ay, bago ko makalimutan—“ tapos ay mabilis na nilabas ang cellphone. “Pwede ko bang makuha ang number mo? Para kung sakaling may mapagtanungan ako kung may assignment or project na hindi ko alam.” Tapos ay binigay sa kanya ang cellphone na agad naman niyang tinanggap. Sumilip pa nga ako habang tina-type niya ang number sa contacts ko.

“’Yan,” tapos ay binalik na sa akin ang cellphone. “M.R. Amistoso ang nilagay kong name.”

“Thanks.” Papalitan ko na lang ng ‘My Rose’ mamaya.

Bigla siyang umayos nang upo at pagkatapos ay hinawakan ang braso ko. “Dumating na si Sir,” aniya pa pero ang atensiyon ay nasa kamay niyang nasa braso ko pa rin. Hahawakan ko na nga rin sana nang inalis niya rin agad. Sinundan ko ng tingin ang kamay niya na binuksan ang bag at kumuha ng notebook.

Parang gusto ko na lang maging notebook.

“Kenan?”

“Y-yes?” ang mga mata na nakatitig sa kamay ay nabaling sa kanyang mukha.

“Kanina ka pa kasi tulala, anong problema?”

“A, wala. May bigla lang akong naisip kaya ‘yun, hehehe,” ang palusot ko na lang kaysa naman sabihin kong gusto kong hawakan ang kamay niya.

Pagkatapos ay ibinaling ko na ang tingin sa harap at nakinig na sa Professor. Pero paminsan-minsan ay napapatingin kay Mary Rose dahil dini-distract ako ng ganda niya kahit wala naman siyang ginagawa.

“Bye,” aniya nang makalabas sa classroom matapos ang klase.

“Lunch time na, sabay na lang tayong pumunta ro’n.”

“A, next time na lang siguro kasi pupuntahan ko pa ang friend ko sa building nito. May usapan kasi kaming sabay mag-lunch ngayon.”

“A, gano’n ba? O, sige.” Sayang.

Nang umalis na siya ay bagsak ang balikat kong tumingin sa papalayo niyang imahe. “Mag-isa na lang akong kakain, kakalungkot naman.”

“Sinong mag-isa?”

Muntik na ‘kong mapatalon sa gulat nang may biglang magsalita sa likod ko.

“Gagi ka Felipe! Muntik na ‘kong atakihin sa ‘yo.”

“Sino ‘yung chicks na ‘yun?” tinutukoy ay si Mary Rose.

Mabilis ko namang tinakpan ang mga mata niya. “Off-limits ‘yun!”

“Off-limits?! Ano, first day of school in love ka na agad?!”

“Paki mo ba, saka anong ginagawa mo rito?”

“Kita mo ‘to, nakakilala lang ng chicks nakalimutan nang sabay tayong magla-lunch,” tapos ay inakbayan ako. “Tara na, gutom na ‘ko.”

Ingay ang unang sasalubong pagpasok pa lang sa cafeteria. “May mauupuan pa kaya tayo?” ani Felix.

Ang dami pa lang kumukuha ng education sa University na ito dahil halos mapuno na ang cafeteria sa dami ng estudiyante.

“Sa cafeteria niyo ba ganito rin karami ang mga estudiyante?” ang tanong habang nililibot ang paningin sa paligid, naghahanap ng bakanteng table.

“Hindi ko alam, hindi ako sumilip sa cafeteria— A ‘yun!” sabay turo niya sa bandang kaliwa. “May bakante, tara at baka maunahan pa tayo.”

Nagmadali naman kaming pumunta sa tinuro niya at naupo. Pagkatapos ay nagtitigan kami. “Ano na?” ang react ko nang hindi siya kumilos.

“Ha?”

“Bumili ka na ng pagkain natin.”

“Sira, ikaw kaya sa ‘tin ang manglilibre rito, tanda mo? Kaya ikaw dapat ang bumuli ng pagkain nating dalawa.”

Inis akong napatayo at pumunta sa counter para bumili ng pagkain. Nakatingala ako habang palapit dahil nasa itaas ng counter ang menu. “Pakilagay na lang sa iisang tray Ate,” ang sabi ko sa kumukuha ng order dahil hindi ko naman kayang dalhin kung dalawang tray ang ibibigay. “Thank you.” Matapos makuha ang pagkain.

Pabalik na ako sa table nang mapansin na panay ang kaway ni Felix habang ang lawak ng ngiti. Gutom na gutom na talaga siguro.

Pero agad ring nagtaka nang mapansin na may kasama siya sa table. Nakatalikod ito sa direksiyon ko kaya hindi ko alam kung sino—!

Kumunot agad ang noo ko at matamang tumingin sa likod ng kasama ni Felix. Sa suot pa lang nitong uniform ay alam ko ng si Caleb ang kasama niya sa table.

Maingat pero may diin ang pagkakalapag ko sa tray. “Anong ginagawa mo rito sa table namin?” ang tanong ko agad sa kanya.

“Nakita ko kasi siyang palakad-lakad at naghahanap ng table kaya tinawag ko at niyayang dito na maupo,” si Felix ang sumagot. Kaya sa kanya ko binaling ang masamang tingin. Mabilis niyang itinaas ang dalawang kamay na tila sumusuko. “Sorry, kawawa naman, e, walang gustong makipag-share sa kanya ng table.”

Anong walang gustong makipag-share? E, halos lahat nga ng mga babaeng malapit sa table namin ay na kay Caleb ang atensiyon tapos walang gustong makipag-share? Kalokohan.

“Hindi convincing Felix, pasalamat ka at nasa harap tayo ng pagkain.” Pagkatapos ay kinuha ang pagkain ko at inumpisahan nang kumain. Hindi ko sila pinansing dalawa.

“Sino nga pala ‘yung kausap mo kanina?” ang tanong ni Caleb.

“Hoy Kenan, tinatanong ka ni Caleb,” ani Felix. “Sinong tinutukoy mo?” ang tanong ni Felix kay Caleb nang hindi ko ito sagutin.

“Nakita ko kasing may nakabunggo siyang babae kani—“

“Bakit mo inaalam kung sino siya?” ang react ko. Anong kailangan niya kay Mary Rose?

“Na-curious lang—“

“Na-curios?!” tumaas na ang boses ko. “’Wag mo ‘kong patawanin. Ano bang binabalak mo? Uulitin mo na naman ba ‘yung ginawa mo dati?”

“Kenan, kumalma ka lang, nagtatanong lang si Caleb,” ang singit ni Felix.

“Bakit niya kailangang magtanong? Wala siyang kinalaman sa buhay ko para tanungin kung sino-sino ang mga taong nasa paligid ko.” Ang baling ko kay Felix.

“You like her?” ani Caleb. “Kung hindi ay wala kang dapat ikatakot. Hindi ko siya aagawin.”

“Kumalma nga kayong pareho, pinagtitinginan na tayo,” awat ni Felix pero nanatili ang tingin ko kay Caleb. Nagpipigil na saktan siya.

“Lumabas din ang tunay mong kulay. Ba’t hindi ko ba ‘to nakita noon?” Isa siyang mapagpanggap at mapagkunwaring kaibigan.

“Anong pinagsasasabi mo? Ako pa rin naman ‘to, walang nagbago sa ‘kin Kenan. Alam mo kung ano ang nagbago? Ikaw.”

“Kasi manloloko ka, pinagmukha mo ‘kong tanga.”

Bigla siyang tumayo dala ang tray. “Tapos na ‘ko, salamat sa pag-offer sa ‘king maupo rito Felix, mauuna na ‘ko.”

“’Yan, d’yan ka magaling. Aalis ‘pag nadi-dehado.”

“Saka na tayo mag-usap kapag malamig na ang ulo mo.” At tuluyan nang umalis.

“Hanggang kailan kayo gan’to?” ani Felix. “Para kayong mga sira na nag-aaway sa harap ng maraming tao. Tigilan niyo na nga ‘yan parang hindi kayo magkaibigan.”

“Hindi ako ang nagkamali rito Felix. Tinuring ko siyang tunay na kaibigan pero anong sinukli niya?” Kung alam ko lang na magiging ganito ang lahat? E ‘di sana ay hindi ko na lang ito kinaibigan noon.

***<[°o°]>***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status