Share

3. WISE 1

DELPHI

Inayos ko ang ilang hibla ng buhok ko na kumalat sa gilid ng aking mukha. Kailangan kong maging presentable dahil importante sa akin ang magkaroon ng trabaho na. Kung bakit naman kasi nag-trip pa akong gumawa ng bangs four months ago…

Napatulis ang nguso ko sa naisip. Ito tuloy napala ko sa bangs-bangs na trip. Istorbo tuloy at hindi ko maisama sa pusod. Tinanggal ko ang tali ng buhok ko para muli ay ayusin iyon. Itatali ko na sana ulit ang buhok ko nang maputol ang tali.

Shit naman talaga! Anong kamalasan naman?!

Kaasar!!!

Asar akong napabuga ng hangin at huminga ng malalim para maalis ang inis ko sa nangyari. Tumayo na lang ako at pumunta sa ladies’ room at doon ko inayos ang buhok ko. Wala naman akong mahanap na pwedeng itali pa kaya hinayaan ko na lang na nakalugay ang buhok ko. Ayoko na rin pumunta pa sa MOA, para bumili ng panibagong tali. Baka kasi biglang matawag na ang pangalan ko para sa interview ay nasa labas pa ako.

Nag-aaplay kasi ako ngayon sa isang call center malapit sa MOA. Kailangan ko ng work at itong mga call center lang ang alam ko na pwedeng tumanggap sa akin, kahit hindi ako nakapag-college, na may sure na maayos na pasahod. Sa call center kasi pwede ang high school graduate basta marunong mag-English.

At magaling ako sa English. Mahirap lang naman kami pero natural ko ang maging Inglisera. Kahit wala akong kausap araw-araw na nag-i-English ay balewala sa akin. Normal na eksperto ako sa lenggwaheng iyon.

Lumabas na ako ng comfort room nang marinig ko ang pangalan ko na tinatawag. Mabilis akong lumapit sa babaeng naka-dreadlocks ang buhok. Maganda siya at mukhang artista. Binilang ko pa ang mga hikaw sa tainga niya at umabot ng walo bawat tainga. She looks like a punk. A pretty punk.

“I’m Delphi Gomez,” pakilala ko nang lapitan ko siya.

“Follow me for the initial interview.”

Sumunod naman ako na kinakabahan pero pilit na nilalabanan iyon. Kailangan ko ng trabaho, iyon lang ang dapat isipin ko. Naawa na ako kina tatay at nanay, matatanda na pero sigeng kayod pa para matulungan ako sa pinansyal na pangangailangan ni Daphne, ang anak ko na malapit na mag-limang taon. Nasa probinsya sila ng mga byenan ko at ako na lang ang naiwan dito sa Manila. Mas maganda na iyon at makakatipid ako kapag doon sila. Ang matitipid ko ay para sa kanila rin.

May trabaho naman ako nakaraan kaso three months ago ay natanggal ako. Kung kailan malapit na sana ako matapos sa six months probationary period ay saka pa kasi nangyari ang bagay na iyon.

Muntik na kasi ako ma-rape. Iyong operational manager sa call center na pinasukan ko nakaraan ay pinag-interesan ako. Ang walanghiyang iyon! Palibhasa hindi ko naman itinatanggi na may anak na ako at biyuda, akala yata papatulan ko. Year-end party namin nang ipilit niya na siya ang maghatid sa akin pauwi sa boarding house kung saan ako rumirenta.

Hindi ko naman alam kasi kung bakit nakatulog ako habang nasa kotse niya at nagising na lang na hinahalikan niya. Nakakadiri! Nakakadiri alalahanin! H*yup siya! Sana mamatay na siyang—demonyo siya!!!

“Tell me about yourself.”

Napatingin ako sa babaeng nag-i-interview sa akin. Pilit kong inalis sa isip ko ang nangyari three months ago at nagsimula na pala ang interview ko.

I smiled at the question. I know how to nail this type of question. This is not about who I am as a person but how I am as an employee.

“I am an optimistic one. Three years ago, I was a customer service representative for two years in Tele Conduct. I answered customers' queries about their billings and made some sales too. I loved my lively and challenging work there, and I could quickly multi-task and troubleshoot customer concerns. Even on our busy workloads, I've enjoyed it.”

“Three years ago. Why did you resign?”

“I need to raise my daughter. She had a problem with her blood when she was born, which made me stop working. But she is fine now, and she will not be a problem anymore, for her health is getting better, and she was taken care of by my late husband's parents in the province.”

“Good to know that. And why do you want to work at this company?”

I honestly answered the question na ang isang dahilan ay dahil sa anak ko at sa matatandang mga byenan na. Sinabi ko iyon dagdag sa papuri sa kompanya nila muna. Ang dahilan naman talaga ng tanong na iyon ay para malaman kung ano ba ang maibibigay ko sa kompanya na serbisyo at hindi ang tungkol sa problema ko sa buhay.

But still naging honest ako, totoo naman kasi na ang anak ko ang dahilan ng lahat. Para sa kaniya lahat ng pagsisikap ko.

Natapos ang initial interview at kasama ang ilan sa mga kasamahan kong aplikante ay naghintay kami ng update kung sino ang mga nakapasa.

“Kanina pa kita tinitingnan,” sabi ng babaeng katabi ko at nginitian ko siya. “Ang ganda mo.”

“Salamat,” ani ko. Lagi kong naririnig na maganda ako. Maraming nagsasabi kaya hindi na bago sa akin iyon.

“Pia pala,” pakilala niya sa akin sa sarili niya. “Anong pangalan mo?”

“Delphi,” banggit ko sa pangalan ko na nakangiti sa kaniya. Mukha naman siyang mabait at friendly.

“Ganda ng name mo, lugar ‘yon, ‘di ba?”

Ngumiti naman ako. “Yes, pinangalan ako sa lugar sa Greece. Doon daw kasi nag-work dati ang parents ko at nagkakilala,” natatawa kong sabi. "Pero wala na sila. Matagal na akong ulila."

Minsan ay hirap ako sa pagsabi ng pangalan ko dahil parang nawiwirduhan ang iba pakinggan kapag sinabi ko na. Pero nakakatuwa naman itong si Pia at may idea siya sa lugar na kung saan ginaya ang name ko.

“Wow. Saan ka dating nagwo-work pala?” tanong niya.

“Tumagal ako noon kahit paano sa Tele Conduct. Umalis lang ako noong kailangan ko maasikaso ang baby ko.”

“May asawa ka na pala…” nakangiti niyang sabi. “Ako ay ikakasal na rin sana last year kaso pinagpalit ako sa iba.” Tumawa ito pagkatapos magkuwento.

Hindi ko na sinabing biyuda na ako. I can’t tell to anyone that. Medyo nadala ako sa nangyari sa akin sa huling BPO na pinagtrabahuan ko. Hindi ko nga nilagay sa resume ko ang tungkol sa company na iyon. Sana hindi ako ma-background check at kapag sakali mangyari ay sure na hindi ako matatanggap na. Masyado kasi akong sinira ng operational manager pagkatapos ng gabing iyon.

Pagkatapos ko manlaban at takasan siya ay kinabukasan nakatanggap ako ng termination letter. Tinatanggal ako at sinabi na dahil iyon sa pagnanakaw ko. Wala akong ninakaw na kahit ano sa company, ni headset nga hindi ko inuuwi at iniiwan lang sa locker room. Allowed kasi kami roon iuwi ang headset.

Wala akong ninakaw. At hindi ko nagawang magnakaw kahit kanino sa mga kasama ko roon. Pero ang daming nagkampi sa lalaking iyon, at sinabing sila ang mga ninakawan ko ng pera, phone, at kung ano-ano pa.

“Mabuti ka pa at may experience ka na sa ganitong work. Ako kasi ay sa casino lang nakapag-work dati. Magaling ka ba um-English?”

“Sakto lang naman,” nakangiting tugon ko sa tanong niya.

“Kinakabahan kasi ako. Baka hindi ako matanggap dito. Hindi ako magaling um-English eh.”

“Kaya mo ‘yan. Tiwala lang.” Pagpapalakas ko sa loob niya.

“Pwede ibigay ko sa ‘yo number ko?” tanong niya sa akin. “Ibigay ko lang at kapag may alam kang ibang pwede kong aplayan ay baka pwede mo ko inform. Okay lang ba?”

Number naman niya kaya pumayag na ako. “Oo naman. Sige.”

At binigay nga niya. Kakatapos niya lang ibigay nang tawagin ang mga pangalan ng mga magpo-proceed sa next part ng application. Ang hearing test at kasama ako sa tinawag. Napatingin ako kay Pia na nasa mukha ang pagkabigo.

“Sabi ko na eh,” nakangiti niyang sabi sa akin.

“Pwede ka pa naman reapply after a month ang sabi.”

“Kailangan ko na talaga ng work. May sakit kasi ang mama ko at ako lang din inaasahan niyang makatulong. Baka bumalik na lang ako sa casino,” malungkot nitong sabi.

“Hindi ba okay do’n?” tanong ko.

“Okay naman ang pasahod kaso gusto ko lang talaga subukan sa ganitong company.” Tumayo na ito at muli akong nginitian. “Baka may alam kang iba sa susunod na may hiring… please inform mo ko. Nakakasawa na laging napag-uusapan eh. Topic kasi ako lagi sa amin na casino girl ako. Kung pag-usapan nila ako ay parang ang baba ng pagkatao ko kaya gusto ko sana magbago ng work.”

Tumango ako. Naunawaan ko na ang dahilan niya. “Sige,” sabi ko na lang. “Message lang kita agad. Pakilala lang ako. Wala kasi akong load ngayon kaya hindi kita ma-text at kakapalit ko lang ng SIM card kaya hindi ako sure sa numero,” dahilan ko lang iyon. Ayaw ko lang talaga ibigay ang numero ko sa ngayon. Saka na, kapag may nabalitaan na lang ako na mass hiring ng ibang BPO companies.

Naghiwalay na kami nang tawagin na ang pangalan ko at sumunod na ako sa magdadala sa amin sa area kung saan gaganapin ang hearing test. After ng hearing test ay may mock call pa na sumunod bago ang final interview.

Nasa labas na ako ulit at hinihintay na ang resulta. Gutom na gutom na rin. Ilang minuto pa bago may lumapit sa amin na babae at sinabi kung sino ang mga nakapasa sa final interview at masaya ako na isa ako roon.

Nang sabihin na asikasuhin na namin magpa-medical at ang mga ibang requirements ay nagpasalamat ako sa Diyos na may trabaho na ulit ako. Naubos ang buong araw ko sa pag-aaplay pero may magandang resulta naman. Mamaya ay tatawagan ko rin sina nanay para ipaalam na may work na ako. Matutuwa sila sigurado. At siguradong matutuwa rin si Daphne.

Lumabas na ako ng building at lumakad na papunta sa harap ng MOA. Doon ako mag-aabang ng bus pauwi ng Cavite.

Nag-aabang na ako ng bus nang mapansin ko ang dalawang lalaki na tumitingin sa akin. Parang nakita ko na sila kanina na lumalakad kasunod ko. Bigla akong kinabahan. Baka naman may gawin silang masama sa akin.

Kinapa ko sa bag ko ang lagi kong dala na pepper spray. Mayroon akong laging dala dahil wais yata ako. Hindi ako papayag maulitan sa nangyari na kung hindi lang lampa ang operational manager namin ay siguradong hindi ko natakasan.

Napatingin ako sa oras sa phone ko. Alas-otso na pala ng gabi kaya gutom na rin ako. Wala pa akong kain. Ang huling kain ko ay kanina pang umaga bago ako pumunta rito sa MOA area.

Kababalik ko lang ng phone ko sa bulsa nang tabihan ako bigla ng isang lalaki. Baka snatcher. Alerto ko siyang ini-spray-an ng hawak ko.

“Che cazzo!” galit na sabi ng lalaki na halatang ininda ang lahat ng ini-spray ko sa mga mata niya.

Ay! Foreigner pala… Iba ang lengguwahe na gamit. Italian.

“Boss Zeno!” Lumapit ang isang lalaki sa ini-spray-an ko na papikit-pikit ngayon at pilit akong tinitingnan.

Napangiwi ako at napalunok. Mukhang mali ako ng hinala. Mukhang bigtime at hindi snatcher. Paglingon ko sa likuran ay saktong may bus na pala kaya sumakay ako agad.

Ayos! Lusot!

Nang umandar na ang bus at magsara ang pinto nito ay tiningnan ko ang lalaki na… na ngayon ay nakatitig na sa akin kahit naniningkit ang mga mata at namumula. Naluluha pa nga.

“Sorry,” nasabi ko kahit alam ko na hindi niya ako maririnig.

Hindi ko pa rin siya hiniwalayan ng tingin kasi weird na nakatitig pa rin siya sa akin. At ano na nga ang pangalan niya sabi no’ng tao niya?

Zeno ba ‘yong narinig ko? Boss Zeno?

Zeno?! Kapangalan no'ng...

Ah, hindi! Baka naman ang sabi ay, ‘boss, sino?’ Baka naman tinatanong kung sino ang may gawa sa boss niya nang pag-spray. Baka marunong pala silang mag-Tagalog.

**********

A/N:

Italian to English...

Che cazzo!

(What the fuck!)

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bei
Haha..ksi nmn e dk nag iingat Zeno lapit k ng lapit,ntkot syo ky un n spray an k tuloy..
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status