Share

The Deal

Nang magkamalay na ako ay natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa loob ng isang madilim na silid.

Mabilis akong napabangon mula sa kamang kinahihigaan ko at nililibot ng tingin ang buong sulok ng kuwartong iyon.

Nasaan ako? usisa ko sa aking sarili habang kumakapa ako sa bawat paligid ko, sapagkat wala akong makita na kahit ano mang liwanag mula roon sa loob.

Hanggang sa natumba na lang ako dahil nagkamali ako sa aking paghakbang. 

"Tulong... may tao ba riyan?" mahinang saad ko habang kinakapa ko naman ang sahig. Gumapang na lamang ako mula roon dahil natatakot ako sa sitwasyong kinalalagyan ko ngayon.

Nang biglang may gumulong na kung anong bagay papunta sa akin.

Halos napaatras ako at napasigaw ng malakas dahil sa sobrang gulat nang tumama ito sa aking kamay. Subalit kaagad ko din namang napagtanto na isa lang pala yung bote ng alak na walang laman sa loob.

Napabuga ako ng malalim na paghinga at napahawak sa aking dibdib dahil ramdam ko pa rin ang lakas at bilis ng pintig mula sa aking puso.

"Ma-may tao ba riyan?" nauutal kong sambit mula sa aking kinaroroonan.

Wala akong natanggap na tugon mula sa aking itinanong. Tahimik lang ang buong paligid at sobrang dilim pa roon sa loob.

Tiyak kong may iba pang tao roon maliban sa akin dahil hindi naman gugulong ang boteng iyon papunta sa akin kung wala namang gumalaw non.

Kaya kahit nangangamba at natatakot ako ay pinilit ko na lamang na palakasin ang aking loob. At pagkatapos non ay ipinagpatuloy ko ang aking paggapang sa sahig, ngunit tumungo ako sa direksyon kung saan nanggaling yung bote kanina.

Tangging mabigat na paghinga at lakas ng pintig mula sa aking puso ang tanggi ko lang naririnig ng mga sandaling iyon.

Ilang sandali pa ay natigilan ako at nahinto, nang may makapa akong katawan ng tao na nakahiga sa sahig.

Hindi ako makapagsalita at parang namanhid ang buong mukha ko sa aking natuklasan.

Kinapa-kapa ko ang buong katawan niya hanggang sa matunton ko ang pulsuhan niya sa bandang leeg, na kung saan wala akong maramdaman na kahit ano mang pagtibok ng puso mula sa kaniya. Naramdaman ko rin ang buto't-balat niyang mga kamay na animoy isang malamig na bangkay.

Sa mga sandaling iyon ay biglang lumiwanag sa loob ng silid at doon ko napagmasdan ng malinaw ang buo kong paligid, maging yung taong nasa harapan ko ngayon.

Halos nanlaki ang mga mata ko sa aking mga nakikita at nagmistula akong yelo na naninigas mula sa aking kinaroroonan. Lalo na nung napagtanto ko na ang malamig na bangkay sa aking harapan ay AKO.

"Hindi, hindi ito totoo. Hindi pa ako patay." Ang paulit-ulit kong sinasambit sa aking bibig na may pagtulo ng luha sa gilid ng aking mga mata.

Sa pagkakataong iyon ay sumakto naman ang pagbukas ng pintuan na may kasamang mga tinig ng boses na animoy may masayang pinag-uusapan.

Napalingon ako at mas lalo pa akong nabigla sa mga nasaksihan ko ng mga sandaling iyon.

"Hon," napatayo ako na may kasamang pagtulo ng luha sa aking mga mata.

Nakita ko ang aking asawa na may kasamang ibang babae habang pumapasok silang dalawa sa loob ng kuwartong kinalalagyan ko.

"Paano mo nagawa sa akin ito, Lemuel?" saad ko. Ngunit kahit ano pa ang sabihin ko sa kaniya ay tila hindi nila ako nakikita at naririnig.

Dinampot ko yung boteng nasa sahig kanina at pagkatapos non ay apurahan akong naglakad papunta sa kinaroroonan niya. Tipong ihahampas ko na sana sa ulo niya ang boteng hawak ko ngayon sa aking kamay nang bigla siyang lumingon sa akin.

Bigla tuloy akong natigilan at napatitig sa kaniyang mga mata. Subalit sa mga oras na iyon ay napagtanto ko rin kaagad na hindi siya sa akin nakatingin, kun'di sa bangkay kong nakahilata lang sa sahig.

Sinundan ko ng tingin ang mga titig niyang iyon at muli ko siyang binalingan ng atensyon nang mapansin ko ang nakakakilabot na ngiwi mula sa gilid ng kaniyang labi.

Imbis na magantihan siya ay tila bigla akong nakaramdam ng paghihina sa buo kong katawan at takot mula sa kaniya.

Napahakbang ako ng paatras at nabitawan ko na lang bigla ang hawak kong bote sa kamay, dahilan upang bumagsak ito sa sahig at mabasag.

Nabaling naman ang atensyon niya sa boteng nasa sahig at nilapitan niya ito upang pulutin. Nang maiangat na niya ang boteng iyon ay halos napahawak ako ng dalawang kamay sa aking bibig, nung tumambad sa aking harapan ang duguan niyang mga kamay.

Ang mga dugong tumutulo mula roon sa kaniyang mga kamay ay hindi nanggaling sa kaniya, kun'di mula sa sarili kong katawan na sinaksak niya ng paulit-ulit gamit ang nabasag na boteng iyon hanggang sa malagutan ako ng hininga.

Nanginginig ang buong katawan ko sa sobrang takot at hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko ngayon na animoy pinako ng martilyo ang mga paa ko sa sahig.

Pagkatapos kong matuklasan ang lahat ng iyon ay bigla naman nabaling ang atensyon niya sa aking kinaroroonan. Sa mga oras na iyon ay direkta na siyang nakatingin sa aking mga mata na animoy nakikita talaga niya ako.

Bigla siyang humakbang palapit sa akin at mabilis na sinungaban ng mahigpit na sakal mula sa aking leeg. 

Naguguluhan ako at nalilito. Hindi ko malaman kung bakit nararamdaman ko ang mga kamay niyang iyon at kung bakit niya ako nakikita, gayong pinatay na niya ako.

Nang bigla niyang itinaas ang boteng hawak niya at tipong ihahampas na sana niya ito sa aking ulo nang magising ako at napagtanto na isang nakakapangilabot na panaginip lang pala ang lahat.

Hingal na hingal ako sa aking paghinga at pawisan ang buo kong katawan.

"Okay ka lang ba?" rinig kong tanong mula sa bandang kanan ko, kung saan nakaupo ang pamilyar na mukha ng isang lalaki.

Hindi naman ako nakatugon kaagad sa itinanong niya sa akin at nilibot ko muna ng tingin ang kuwartong kinalalagyan ko.

"Nasaan ako?" sabay nilingon ko siya.

"Uminahon ka na muna," aniya habang inaabutan niya ako ng isang baso ng tubig.

"Sabihin mo, nasaan ako?" pagpupumilit ko. Inilapag niya sandali ang basong hawak niya sa kalapit na lamesa at muli niya akong tinuonan ng pansin.

"Nasa hospital ka, Mari. Hindi mo na ba natatandaan? nawalan ka ng malay sa daan habang basang-basa ka sa ulan. Ano ba talaga ang nangyayari sa'yo? alam ba ito ng asawa mo?" ani ni Elix sa akin na may bakas ng pag-aalala sa kaniyang mukha.

Si Elix Contreras, ang isa sa mga matatalik na kaibigan ni Lemuel o ng aking asawa. Sa tuwing nakikita ko siya ay palagi na lang akong natataranta o hindi mapalagay. Hindi ko gusto ang mga titig niya sa akin at hindi ko rin gusto ang buo niyang pagkatao.

Manggagamit o babaero kung ituring siya ng lahat. Isa sa mga talento niya ang magpaikot ng ulo ng mga babae at pagkatapos niyang mapakinabangan ito ay basta-basta na lamang niyang itatapon na parang basura.

Ang mga tipo niyang lalaki ang pinakaayaw ko sa lahat. Tipo ni Elix, ang dapat na iwasan ng mga kababaihan at kung maaari ay huwag na huwag silang titingin sa nakakaakit nitong mga titig sa mata.

"Salamat sa pag-aalala pero kailangan ko ng umalis dito." Puwersahan kong tinanggal ang nakakabit sa aking kamay at tsaka kinuha ang mga gamit kong nakapatong sa katabing lamesa.

"Sandali lang, hindi ka pa puwedeng umalis." Aniya sabay pinigilan niya ako at hinawakan sa aking pulsuhan.

Nahinto naman ako at kaagad ding napalingon sa kaniya. Una, tumingin muna ako sa kamay niyang nakahawak sa akin kaya binitawan din niya ako kaagad. 

"Hindi ka pa puwedeng umalis. Kailangan mo munang magpahinga rito ng ilang araw 'yon ang sabi sa akin ng doktor kanina." Ang sabi pa niya ngunit hindi ko na lang siya gaanong tinuonan ng pansin at tumalikod na ako sa kaniya.

"Gusto mo bang tulungan kita?" tipong hahakbang pa lamang sana ako nang mahinto ako sa sinabi niya.

"Sabihin mo lang sa akin kung ano ang kailangan kong gawin para lang makatulong ako sa'yo." Dugtong pa niya na ikinangisi ko na lamang.

Tama ba ang pagkakarinig ko?

Ang isang Elix Contreras ay gusto akong tulungan? sigurado naman ako na may iba pa siyang motibo sa akin, bukod sa matulungan ako.

Alam ko namang hindi siya basta-basta na lang tumutulong sa iba ng walang kapalit.

Anong kalokohan na naman kaya ang tumatakbo sa isipan niya ngayon? Ang paglalayag ko sa aking isipan habang pinagmamasdan ko siya ngayon sa kaniyang mga mata.

"Paanong tulong ang gagawin mo para sa akin?" mahinang saad ko sa kaniya.

"Kahit ano." Maikli niyang tugon na ikinangiwi ko sa aking labi.

"Kahit ano? 'yan lang ba ang alam mong isagot sa akin? mabuti pa't humanap ka na lang ng ibang babae diyan na paglalaruan mo." Tipong tatalikuran ko na sana siya nang muli siyang magsalita at humakbang pa palapit sa akin.

"Puwede mo 'kong gawing pampalipas oras mo lang," natameme ako sa sinabi niyang iyon at hindi ko alam ang itutugon ko sa kaniya.

Basta lang akong napatingin sa mga mata niya na parang magnet na ayaw humilaway sa aking mga mata.

"O kaya'y gamitin mo ako hangga’t gusto mo." Ang dinugtong pa niya na may nakakaakit na guhit ng ngiti sa gilid ng kaniyang labi.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status