Share

What is Love?

Halos napabuntong hininga ako nang makauwi ako sa bahay namin. Nakakalat ang mga gamit namin at naiwan kong nakabukas ang ilaw doon sa kusina. Bigla tuloy akong nahilo nang maalala ko ang mga nangyari sa amin ni Lemuel kagabi, pero nahawakan naman ako kaagad ni Helix sa aking braso at inalalayan niya akong makaupo sa sofa. 

"Umalis ka na bago ka pa makita ng asawa ko." Ang sabi ko sa kaniya habang nakahawak ako sa noo ko at nakapikit ang mga mata.

Wala akong narinig na tugon sa kaniya kaya tumingala ako at tinignan siya sa mukha. Napansin ko na pinupulot niya ang mga kalat sa sahig at inaayos ang aming mga gamit. Kumunot tuloy ang noo ko at nagtataka habang nakatingin ako sa kaniya.

"Anong ginagawa mo?" Usisa ko sa kaniya na ikinalingon naman niya sa akin.

"Nagliligpit ng mga gamit?" Aniya na may pilyong ngiti sa labi niya. Tumayo naman ako at lumapit sa kaniya sabay kinuha sa kamay niya ang hawak niyang picture frame na nabasag kagabi.

"Puwede bang umalis ka na? Umuwi ka na kung saan ka man nakatira. Pakiusap, gusto ko munang mapag-isa." Saad ko at tumayo naman siya sabay pinasok sa bulsa ang dalawang kamay niya.

"Sigurado ka ba na hindi mo kailangan ng tulong ko?" Aniya at tumango naman ako sa aking ulo. "Okay, sige. Hindi na kita pipilitin pa pero kung sakaling magbago ang isip mo tawagin mo lang ako sa numero ko." Dugtong niya habang may inaabot siyang cellphone sa akin. Tumaas naman ang isang kilay ko habang nakatingin ako sa cellphone niya. 

"Bakit mo binibigay ang cellphone mo sa akin? Hindi ko kailangan iyan." Pagtanggi ko sa kaniya. Pero kinuha niya ang isang kamay ko at pinatong sa palad ko ang cellphone niya.

"Who knows? Baka bukas magbago ang isip mo at hanapin mo rin ako, hindi ba?" Aniya sabay tumalikod na siya at lumabas ng bahay. Nausisa naman ako sa ginawa niya kaya sinundan ko siya palabas ng bahay at pinigilan siya sa braso niya. Agad naman siyang huminto sa paglalakad at lumingon sa akin na may guhit ng ngiti sa kaniyang labi. Hinawakan niya ang kamay ko pero agad din akong bumitiw at umiwas sa kaniya.

"Kunin mo itong cellphone mo. Hindi ko ito kailangan at mas lalong hindi ko kailangan ng tulong mo." Saad ko habang inaabot ko yung cellphone niya. Pero hindi niya ito kinuha bagkus ay ngumisi lang siya habang nakatitig siya sa akin.

"Hindi mo ba kailangan ng tulong o dahil ayaw mong ako ang nag-aalok sa'yo ng tulong? Alam ko naman na kinamumuhian mo ako at nandidiri ka sa isang tulad ko. Pero lilinawin ko lang sa'yo, hindi ako masamang tao at saka gusto lang talaga kitang tulungan iyon lang yon." Aniya pero umiling lang ako at nilagay sa kamay niya ang cellphone niya. Pagkatapos non ay tumalikod na ako sa kaniya at tipong babalik na sana ako sa loob nang bigla akong matigilan nung yumakap siya sa likuran ko.

Nang dahil doon ay nanlaki ang mga mata ko at agad kong inalis ang kamay niyang nakapulupot sa bewang ko pero mas hinigpitan pa niya lalo ang pagkakayakap sa akin at pinatong ang baba niya sa balikat ko.

"Maaari bang manatili muna tayong ganito kahit sampung segundo lang?" Bulong niya pero nagpupumiglas pa rin ako at inapakan ko ng malakas ang kanang paa niya dahilan para mapabitiw siya sa akin at makalayo. Pagkatapos ay nilingon ko siya at malakas siyang sinampal sa mukha na mas ikinagulat niya.

"Ayoko nang makita pa muli ang pagmumukha mo." Galit kong sabi sa kaniya sabay tumalikod na ako at sinara ang pintuan.

Nakasandal lang ako sa pintuan habang hinahabol ang aking paghinga. Napahawak ako sa dibdib ko habang nanginginig ang mga kamay ko.

Aaminin ko, muntik na akong mahulog sa ginawa niyang iyon. Lalo na nung maamoy ko ang pabango niya at bumulong siya sa tenga ko kanina.

"Mali ito, Minari. Hindi mo siya maaaring ibigin, hindi kailanman." Bulong ko sa aking sarili habang ramdam ko pa rin ang malakas na kaba mula sa aking dibdib.

Huminga na lamang ako ng malalim at saka ako nag-ligpit ng mga nakakalat na mga gamit. Naglinis ako ng bahay at nagluto ng pagkain pero hindi pa rin umuuwi si Lemuel. Hanggang sumapit na ang dapithapon ay hindi pa rin siya dumadating ni anino niya ay hindi ko pa nakikita.

Sinubukan kong tawagan siya sa cellphone number niya ngunit hindi niya ito sinasagot. Marahil ay galit pa rin siya sa akin dahil sa pagbibintang ko sa kaniya nung isang gabi.

Sumapit na ang pagtakipsilim ay nakatayo pa rin ako sa tapat ng bintana at naghihintay sa kaniya. Lumabas na ako ng bahay namin dahil nag-aalala na ako sa kaniya at panay ang pagkagat ko sa ibabang labi ko.

"Mari, anong oras na? Bakit nasa labas ka pa? Hinihintay mo ba ang mister mo?" Tanong sa akin ng kapit-bahay naming si Helen at tumango naman ako sa aking ulo.

"Naku, hindi na uuwi iyon." Ang sabi naman ng asawa niya sabay hinampas siya ni Helen sa braso niya at tumingin silang dalawa sa akin.

"Ano ba ang sinasabi mo, hon? Pumasok na nga lang tayo sa loob." Aniya sa asawa niya sabay pumasok silang dalawa sa loob ng bahay nila. Yumuko naman ako at nakaramdam ng pagkirot mula sa aking puso.

Hindi mawala sa isip ko ang sinabi sa akin ng asawa ni Helen. Paano nga kung hindi na bumalik si Lemuel? Paano kung tuluyan na niya akong iwanan? Paano kung ayaw na talaga niya akong makita dahil sa mga masasakit na salitang binitawan ko sa kaniya?

Habang iniisip ko iyon ay hindi ko namalayang tumutulo na pala ang mga luha sa mata ko habang nakayuko pa rin ako.

"Ano ang ginagawa mo riyan sa labas?"

Isang malamig na boses ang narinig ko mula sa aking harapan. Kaya dahan-dahan ko siya inangat ng tingin sa kaniyang mukha at nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang mapagtanto kong si Lemuel pala iyon.

"Lem... uel." Pagkatawag ko sa pangalan niya aya agad ko siyang sinalubungan ng mahigpit na yakap na may guhit ng ngiti sa aking labi.

"Ang akala ko ay hindi ka na babalik pa." Dugtong ko sabay marahan niyang hinaplos ang aking buhok taas-baba.

"Mabuti pa pumasok na tayo sa loob." Bulong niya at tumango naman ako sa aking ulo sabay hinawakan niya ang kamay ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status