Share

Kabanata 2

Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw ay dilat na ang mga mata ko. Medyo nanibago nga kasi ako. Hindi talaga ako sanay na wala si Mama sa tabi ko. Ito nga ang unang beses na malayo ako sa Mama ko.

Ano pa nga ba ang magagawa ko. Kahit malungkot, at kahit miss ko na siya kailangan maging positibo. Focus sa kung ano ang pakay ko rito, iyon ay ang mabigyan ng magandang pamumuhay si Mama. Hindi man bumalik sa dati ang aming pamumuhay. At least hindi na kami maghihirap.

Agad akong naligo, at pagkatapos ay nagluto ng almusal para sa aming lahat. Palakas sa mga kasama, para bati nila ako. Hirap na kung may hindi ako makapalagayan ng loob sa kanila. Sagabal iyon sa trabaho. Mas lalong hindi ako magiging komportable.

Nilagang baka ang naisipan kung lutuin at nagprito rin ako ng isda. Buti na lamang at maraming laman ang ref. Matapos kung magluto. Hindi ko na muna ginising ang mga kasama ko kasi maaga pa naman. Nauna na rin lang akong kumain. Gusto ko na kasing magsimula na agad sa trabaho.

Bumalik ako sa kwarto para magbihis ng uniform ko. Nagsuot muna ako ng maikling short at puting t-shirt, bago ko naman sinuot ang uniform ko. Tumingin muna ako sa salamin bago lumabas ng silid. Sinuot ko na rin ang boots at gloves.

Bitbit ko na ang mga gardening tools na siyang laman ng box. 'Yong naka-usling matulis na bagay na laman ng box kagabi ay gunting lang pala. Nag-isip pa ako ng masama. Kakapanood kasi ng movie. Kaya medyo praning.

Manghang-mangha pa rin talaga ako sa ganda ng mansyon na ito. Hindi ko tuloy mapigil ang ngumiti habang mabagal ang paghakbang papunta sa hardin.

Tumikhim naman ako nang mapasulyap sa may gate. Ibang klase, hindi pa sikat ang araw, pero itong mga mata ng guards sobra pa sa sikat ng araw ang kislap nang makita ako.

Balot na balot naman ako sa suot kong uniform pero kung makatitig sila, iba!

Bahagya na lamang akong ngumiti. Ayoko naman na isipin nilang suplada ako. E, kabago-bago ko pa nga lang dito, magmamaldita na. Baka mapalayas agad ako. Pero hindi ko nakikita sa kanila si Ronan. Ang guard na nagpapasok sa akin kahapon. By shift siguro ang guards dito. Kiniling ko naman ang ulo ko. Bakit ko ba naisip ang lalaking 'yon.

Agad na akong nasimula sa trabaho. Tinanggal ang mga tuyong dahon ng mga halaman. Kung maari ay gusto ko agad matapos ang paglilinis. Para focus na ako sa pagpapaganda ng hardin.

Na-cut ko na rin ang mga nagtataasang mga waling waling at nabunot ko na rin lahat ng mga damong tumubo roon.

Sayang iyong ibang orchids, talagang hindi na maisalba, tinapon ko na lang. Naglagay ako ng moss sa mga walang laman na paso. Hinanay ko ang mga orchids base sa kanilang mga dahon. May stand ang mga paso na kulay puti. Mga sampong paso ang kasya bawat stand.

Ang saya ko habang pinagmasdan ang mga orchids na maayos na nakahanay sa lagayan nila. Ang ganda na nilang tingnan. Parang ako lang, ganda!

Maaliwalas na rin tingnan ang garden, hindi pa man ako tapos sa ginagawa ko.

Maraming pa akong dapat gawin. Ang laki kaya ng garden. Pero sa ngayon kailangan ko na munang magpahinga. Umupo ako sa steel chair. Uminom ng tubig at muling iginala ang paningin sa napakalaking mansyon.

Iba talaga kapag mayaman. Ang ipinagtataka ko lang ay hindi ko pa nakikita ang mga boss ko. Wala ring nabanggit si Aling Donna tungkol sa kanila.

Siguro na sa business trip. O 'di kaya na sa bakasyon. Tanong ko, sagot ko! Ang hirap mag-isa, parang baliw kausap ang sarili.

Bumuntong-hininga na lamang ako kasabay nang muling paglibot ng paningin sa paligid. Hanggang sa matuon ang paningin ko sa may gate. Nalingat lamang ako sandali, iba na agad ang set of guards. Nando'n na si Ronan at dalawa niyang kasama kahapon na hindi ko pa alam ang mga pangalan.

Alas-otso nang umaga, nagsimula na naman akong magtrabaho. Ang mga rosas naman ang hinarap ko. Alam kong maganda at mamahalin ang mga rosas na ito. Sayang at napabayaan. 'Di bale pagagandahin ko uli kayo ng bongga. Gaya ko!

Gandang-ganda talaga sa sarili, natawa na lamang ako sa naisip ko. Inayos ko ang mga batong nagsilbing bakod ng mga rosas. Pagkatapos ko sa mga rosas ang mga chrysanthemum at peace lili naman. Naka-alternate ang pagkatanim ng mga iyon.

Pagkatapos ko sa halaman, bumaling naman ako sa bermuda grass. Katatapos ko lang e-trim ang bermuda nang lumabas ang isang kasambahay at tinawag ako.

Nagdala rin siya ng pagkain para sa tatlong guards. Hindi ko namalayan na tanghali na pala. Hindi naman kasi masyadong tirik ang araw kaya hindi ko napansin. Masyado akong nawili sa pag-aasikaso ng mga halaman.

"Arrianne, kain ka na muna," tawag uli ng kasambahay na hindi ko pa alam ang pangalan.

"Sige po, susunod ako," magalang kong tugon, at medyo nahiya pa. Lumingon naman ako sa mga guards nang may tumawag sa pangalan ko, at si Ronan iyon.

"Arrianne, kain tayo," aya niya sa akin, kasabay ang pa-cute na ngiti.

Hindi niya yata alam na dati na siyang cute, trying hard pa kasi magpa-cute. Sabihin ko kaya! Lukarit ko rin talaga!

"Sige... salamat, kakain na rin ako sa loob," sagot ko na pilit tinutuwid at pinapalambot ang matigas kong dila.

Nagsimula nang kumain ang lima kong kasamahan, kasama si Aling Donna nang pumasok ako ng maid's quarter.

Iba na rin ang ulam namin. Chicken adobo at ginisang string beans na. Naubos yata nila 'yong niluto ko kanina. Nasarapan? Hindi na iyon nakapagtataka, mana yata ako sa Mama ko.

"Upo ka na Arrianne, nang makakain na at makabalik ka na rin agad sa trabaho mo," sabi ni Aling Donna.

Sa tabi niya ako umupo. Kasyang-kasya kaming pito sa pabilog na mesa.

"Sarap ng nilagang baka kanina ah! Sarap mo pala'ng magluto," sabi ng kasamahan ko na hindi ko pa alam ang pangalan.

Maliit siyang babae at balingkinitan. Hindi maganda hindi rin pangit. Siya ang pinaka-maingay sa lahat. Pati nga ang pagnguya, maingay din.

"Hindi naman po," pa humble ko pa raw na tugon.

"Sally pala ang pangalan ko," pakilala niya, habang tuloy lang ang kain. "Single since birth," sabi niya na ikanatuwa ko.

"Ako naman si Sonia," pakilala naman nang isa na medyo may edad na. Sa tingin ko, pamilyado na siya. May suot kasi itong wedding ring.

"Rita," pakilala naman ng isa, na kumaway lang sa akin, siya ang pinakabata sa lahat.

"Ammy," pakilala niya at kumaway din sa akin.

"Mercy, ang labandera ng pamilya Ohera," pakilala niya habang naka-smile.

Mabuti na lamang at mukhang mababait naman sila. Hindi nga mawala ang mga ngiti sa labi nila. Ngayon lang yata sila nakakita ng babaeng maganda, at mukhang manghang-mangha sila sa hitsura ko. Napakahangin ko rin talaga!

"Hello sa inyong lahat, ako po si Arrianne," pakilala ko, kasabay ang pagkaway at pagngiti. Parang pang pageant lang kung maka-kaway.

Matapos naming makilala ang isa't-isa, mas naging ganado pa kaming kumain kasabay naman ang masayang kwentuhan. Ang saya, ang bilis makagaanan ng loob ang mga kasama ko.

Si Aling Donna lang ang mukhang alanganin. Ang ingay na nga namin. E, siya naman, tahimik lang. Problema nitong matandang 'to. Gusto ko pa naman sana siyang maging ka close, parang ayaw naman niya.

Agad na rin akong bumalik sa hardin matapos ang masayang salo-salo. Umupo muna ako sandali sa steel chair. Dinukot ang cellphone sa aking bulsa, at nag-type ng mensahe.

"Ma, kumusta na? Miss na kita," tipa ko. Pero hindi ko iyon magawang e-send. Binura ko na lamang, at binalik sa bulsa ang cellphone.

Matapos magpakawala ng buntong-hininga, nilapitan ko ang gripo at hinila ang hose. Magdidilig na ako ng mga halaman dahil maayos na naman ang lahat. Nakapagwalis na rin ako kanina at nailigpit ko na ang mga basurang naipon.

Ang kaninang lungkot na naramdaman ko dahil na miss ko ang Mama. Naibsan dahil nagawa ko nang maayos ang trabaho ko. Kahit nakakapagod. Sulit pa rin naman.

Maganda na kasing tingnan ang hardin, siguradong hindi ako mapapahiya sa mga boss ko kapag nakita nila ito.

Binalik ko ang hose sa dating kinalalagyan nito at pumasok na sa loob ng bahay. Humiga ako at dinukot uli ang cellphone sa bulsa, at nilagay iyon sa bedside table. Hinubad ko na rin ang aking uniform at saka humiga.

Sandali pa akong nakatutunga lang. Walang galaw na nakatingin lamang sa kisame. Saka dinampot uli ang cellphone ko at nag-dial.

"Hello anak!" masayang wika ni Mama, mula sa kabilang linya. Bakas sa boses niya ang tuwa. Pero alam ko, pinipigilan niya lang ang sarili na 'wag maiyak. Iyon din kasi ang nararamdaman ko. Kaya nag-aalangan akong tawagan siya. Baka kasi umuwi ako nang wala sa oras.

"Hello 'Ma, kumusta? Sorry ngayon lang ako tumawag." Pinipilit kong hindi maiyak.

"Okay lang ako anak. Na miss kita, sobra!" May bahid nang lungkot ang boses niya.

"Miss na rin kita, 'Ma, sobra!" sabi ko, habang pigil na rin ang pag-iyak. "I love you ' Ma."

"I love you too, Anak. Ingat ka r'yan palagi. 'Wag magpagutom. Alagaan mo ang sarili. 'Wag pabaya, Anak," paalala ni Mama.

"Opo, Ma, ikaw din d'yan. Ingat palagi. 'Yong gamot mo, 'wag mo'ng kalimuta."

Kaagad ko nang pinutol ang aming usapan matapos kung sabihin ang mga paalala ko. Ayoko kasi na mauwi kami sa iyakan. Parehong mahirap sa amin na malayo kami sa isat-isa. Pero kailangan ko itong gawin.

Medyo gumaan naman ang pakiramdam ko. Napatanag ang loob ko nang marinig ang boses ni Mama. Pinili ko ang magtrabaho sa malayo para sa kan'ya. Para kahit paano maging maayos ang pamumuhay naming dalawa. Kailangan ko munang magtiis at magpakatatag upang makamit ang ninanais.

"Arrianne, gising ka pa ba?" tawag ni Aling Donna, kasabay ang mahinang katok.

Tumayo ako at binuksan ang pinto. "Bakit po?" matamlay kong tanong.

Titig na titig sa akin ang matanda at hindi kaagad natugon ang tanong ko. " Iyong mga sinabi ko sa'yo, natatandaan mo ba lahat?"

"Opo," matamlay ko pa rin na sagot.

"Bukas darating ang mga amo natin. Siguraduhin mo'ng lahat ng sinabi ko, sundin mo! Maliwanag ba?" striktong saad nito.

"Opo, susundin ko po lahat. 'Wag po kayong mag-alala, Aling Donna."

"Mabuti kung gano'n! Sige magpahinga ka na. Siya nga pala, 'wag ka nang makialam sa kusina simula bukas." Pahabol na bilin pa ng matanda bago ako iniwan.

Hindi ko tuloy maiwasan ang kabahan sa kinikilos ni Aling Donna. 'Di kaya salbahe ang mga Boss ko, kaya gano'n na lamang ang paalala ni Aling Donna?

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jotoy
Ganda, ramdam ko ang lungkot malayo sa magulang
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status