Pagkatapos kong ihampas ang buong lakas ng aking palad sa mukha ni Spencer, tila nawala na ako sa sarili. Ang natitira kong katinuan ay tuluyang nilamon ng apoy ng galit. Bago pa man sila makakilos, mabilis kong sinunggaban at sinabunutan si Lirah. Ibinuhos ko ang lahat ng poot, ang lahat ng pait na naipon sa dibdib ko sa mga sandaling iyon. Gusto kong saktan ang babaeng sumira sa aking pamilya. Siniguro kong tatatak sa mapurol niyang ulo na hindi niya basta-basta pwedeng nakawan ng kaligayahan ang isang asawa. Kinalmot ko ang kanyang mukha, binuhat ko ang aking shoulder bag at walang pakundangan silang pinaghahampas dalawa ni Spencer. Nag-hysterical na ako. Wala na akong pakialam sa aking ginagawa, wala na akong pakialam kung magmukha akong masama. Ang tanging sigaw ng puso ko ay ang magantihan sila, kahit sa pisikal na paraan man lang.
"Purple, stop it! Tama na!" sigaw ni Spencer habang sinusubukang hawakan ang mga kamay ko upang awatin ako.
Subalit hindi ako nakinig. Bingi na ako sa anumang pakiusap niya. Ang isip ko ay parang isang madilim na silid na pinuno ng usok ng galit. Panay naman ang tili at sigaw ni Lirah na hindi man lang nakapalag sa higpit ng aking pananabunot. Naka-lock ang aking mga daliri sa kanyang buhok, at bawat hila ko ay kasabay ng pag-agos ng aking mga luha ng pagkabigo. Hindi basta-basta maaalis ni Spencer ang mga kamay ko nang hindi nasasaktan ang kanyang kabit.
"She's sick, Purple! May sakit siya!" malakas na singhal sa akin ni Spencer, puno ng pag-aalala ang boses para sa babaeng inararo niya sa kama, habang ako na legal na asawa ay hinahayaan niyang mamatay sa sakit.
Huminto ako. Dahan-dahan kong binitiwan ang buhok ni Lirah at tinitigan ko si Spencer nang matalim—isang titig na parang gustong tumagos hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang kaluluwa. Pinaglipat-lipat ko ang aking paningin sa kanilang dalawa. Nanginginig ang buo kong katawan, hindi dahil sa takot, kundi dahil sa labis na pagkamuhi at galit.
"May sakit siya? May sakit siya pero nagawa ninyong magtalik sa mismong kama natin?! Mga hayop kayo!" luhaan at gumaralgal kong sumbat kay Spencer.
Hindi agad nakasagot ang aking asawa. Nakita ko ang pagkurap-kurap ng kanyang mga mata, tila panandaliang tinamaan ng hiya, subalit mabilis ding nawala. Habang si Lirah naman ay iinot-inot na tumayo mula sa sahig, humihingal na inayos ang gulu-gulong buhok at ang kanyang nagusot na pulang damit.
"Bakit mo nagawa sa akin ito, Spencer? Sabi mo sa akin gabi-gabi, sobrang busy ka sa opisina... Sabi mo kaya ka nagpapakapagod ay para sa kinabukasan natin... Pero narito ka pala, nasa ibang kandungan!" sumbat ko sa kanya, umaasang makakita man lang ng kahit katiting na pagsisisi sa kanyang mukha.
"Stop it, Purple! I'm sick of being your husband!" asik niyang sagot, malamig at walang pakialam.
Napatigil ako. Para akong sinaksak sa dibdib sa narinig ko. "Anong... anong ibig mong sabihin?"
Hindi na nagsalita si Spencer. Tinalikuran niya ako at bumalik sa loob ng aming kwarto. May kinuha siya roon. Paglabas niya, may hawak na siyang isang makapal na brown envelope. Walang kaabog-abog na inihagis niya ito sa aking harapan. Lumapag ito sa sahig, sa pagitan naming dalawa.
"Please sign it for me," utos ni Spencer, tila ba nag-aabot lang ng isang ordinaryong papel sa trabaho.
Natitigan ko ang brown envelope na nasa sahig. Ang malamig na hangin sa loob ng bahay ay tila mas lalong nagpalamig sa aking mga kamay. Medyo nanginig ang aking katawan habang dahan-dahan akong yumuko upang pulutin ang sobre. Sa nanginginig kong mga daliri, binuksan ko ito at inilabas ang nilalaman. Nanlaki ang mga mata ko sa bawat salitang nakasulat sa itaas na bahagi ng papel.
"Divorce papers?!" bulalas ko. Hindi ko mapaniwalaan na nakahanda na ang lahat, na matagal niya na itong pinaplano habang ako ay abala sa pag-iisip kung paano bubuuin ang aming pamilya.
"Yes. Pirmahan mo na yan, para makapirma na rin ako," malamig na tugon ni Spencer.
Umiling-iling ako. Walang tigil ang pagpatak ng aking mga luha sa puting papel na hawak ko. Sa likod ni Spencer, nakita ko ang nanunuyang ngiti sa labi ni Lirah. Isang ngiti ng tagumpay, na para bang nanalo siya sa isang premyo na kaytagal niyang inasam.
"Actually, noong isang araw ko pa sana 'yan ibibigay sa iyo. Kaya lang, alam mo naman, naging sobrang busy ang schedule ko sa opisina," dugtong pa ni Spencer, na tila ba walang malaking kasalanang ginagawa.
Napasinghot ako, pinahid ang luha, at pilit na nagpakatapang. "Hindi mo ako pwedeng hiwalayan, Spencer. Hindi maaari."
Nakita ko ang panandaliang pagkagitla sa mukha ng aking asawa dahil sa sinabi ko. Agad namang kumapit si Lirah sa bisig ni Spencer, tila natatakot na baka magbago ang isip nito. Parang gusto ko siyang sabunutang muli, subalit pinili kong magtimpi dahil may mas mahalaga akong kailangang ipaglaban.
"What do you mean?" Salubong ang mga kilay na tanong ni Spencer sa akin.
Mabilis kong binuksan ang aking shoulder bag. Inapuhap ng aking kamay ang papel na ibinigay sa akin ni Doktora Heidi kanina lang—ang ultrasound test at ang katunayan na may maliit na buhay nang nabubuo sa loob ko. Huminga ako nang malalim, pinatatag ang aking boses, at iniabot ko iyon sa kanya.
Tinitigan lang ni Spencer ang papel na hawak ko. Nakita ko ang pag-aatubili sa kanyang mga mata, ngunit hindi niya iniangat ang kanyang kamay upang kunin ang ultrasound.
"Tapos na ang tatlong taon nating kontrata, Purple. I guess this is the end," bagkus ay malamig niyang sabi, binalewala ang iniabot ko.
Sumikip ang aking dibdib. Pakiramdam ko ay nawalan ng hangin ang buong paligid. Unti-unti kong ibinaba ang aking kamay, ibinalik ang ultrasound na hindi man lang niya sinubukang tingnan o hawakan sa aking bag. Parang bumagsak ang langit sa aking ulo. Pakiramdam ko ay tuluyang gumuho ang mundong itinayo ko sa loob ng tatlong taon. Kontrata? Isang kasunduan lang ba ang lahat para sa kanya?
"Spencer..." mahina kong pakiusap, basag ang boses at tuluyan nang nawalan ng lakas.
"Iyon naman ang kasunduan natin noon, hindi ba? Three years. At tapos na ang tatlong taon na iyon. Nagbalik na si Lirah," sabi pa ni Spencer, sabay kabig at yapos sa baywang ng dalaga sa harap ko.
Napapikit ako nang mariin. Kumawala ang isang malakas na hikbi mula sa aking lalamunan, at kasabay niyon ang marahas na pag-yugyog ng aking mga balikat. Walang kasing sakit ang nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko, pinatay ako ni Spencer nang paulit-ulit, at ang mas masakit, ginagawa niya ito habang nakangiti ang babaeng naging dahilan ng lahat.
"Sign it, Purple. I'm waiting," pagmamadali sa akin ni Spencer.
Kumibot-kibot ang aking labi. Nanginginig na pumasok uli ang kamay ko sa bag upang hanapin ang ballpen. Habang walang humpay ang pag-agos ng aking mga luha, biglang naudlot ang aking paggalaw.
Isang matinding sakit ang biglang gumapang sa bandang puson ko. Pakiramdam ko ay biglang nanigas ang aking tiyan at ang kirot ay mabilis na lumaganap patungo sa aking likod at baywang. Isang kakaibang sakit na hindi ko kailanman naramdaman, kahit sa mga pinakamasakit kong menstrual cramps.
"Ahhh... ang sakit!" malakas kong daing, sabay bitaw sa bag at mariing napahawak sa aking puson.
Nagulantang sina Spencer at Lirah na napatingin sa akin. Napangiwi ako sa sobrang tindi ng kirot. Parang may pumipilas sa loob ng aking katawan.
"H-Help... Spencer, tulong!" muli kong daing. Dahil sa hindi ko na kaya ang sakit, unti-unti akong napaluhod at napaupo sa malamig na sahig, namamaluktot sa matinding hirap.
Subalit tila natulos si Spencer sa kanyang kinatatayuan. Hindi siya kumikilos upang lapitan ako, lalo na at mas hinigpitang mabuti ni Lirah ang pagkakapit sa kanyang bisig.
"Babe, huwag mo ng pansinin ang babaeng yan. Baka nag-iinarte lang siya para hindi mo hiwalayan," narinig kong bulong ni Lirah, puno ng lason ang bawat salita niya.
"Come on, Purple. Huwag ka nang mag-drama riyan para lang kaawaan kita," sabi naman ni Spencer, ang boses ay puno ng pagdududa, walang kaalam-alam sa totoong kalagayan ko.
Tiningnan ko sila nang masama sa kabila ng panlalabo ng aking paningin dahil sa luha at sakit. Kahit nakakaramdam ako ng parang pinupunit na laman sa buong katawan ko, nagawa ko pa rin silang irapan nang may halong galit.
"Anong... anong mapapala ko kapag nagdrama ako sa harap ninyo?" nahihirapan at galit kong sabi, habang habol ko ang aking hininga.
Nakita ko ang pag buntong hininga ni Spencer. Nanatili siyang kalmado habang nakatayo sa tapat ko, tila ba isang palabas lang ang nakikita niya.
"Sige na, Purple. Pirmahan mo na 'yan. Huwag mo nang patagalin pa ang eksenang ito para maipadala ko na kay Attorney bukas na bukas din," udyok pa sa akin ni Spencer, walang pakialam sa aking paghihirap.
I gritted my teeth. Nagtagis ang aking mga ngipin. Pakiramdam ko ay parang may bulkang sasabog sa aking dibdib anumang oras dahil sa halo-halong sakit—sakit ng puso, at sakit ng aking katawan.
I clenched my fist. Napakapit ako sa sahig habang pilit na binubuhat ang aking sarili. "Ahhh! Ang sakit!"
Kasabay ng aking huling pagsigaw, naramdaman ko ang isang mainit at malapot na likido na unt-unting tumagas mula sa aking kaselanan, dumadaloy pababa sa aking mga binti. Hinawakan ko ang aking binti habang nangangatal ang aking buong katawan. Nang tingnan ko ang aking mga kamay, nanlamig ang aking buong katawan.
"D-Dugo... Dinudugo ako!"
Nanlaki ang mga mata ni Spencer. Natigalgal siya sa kanyang nakita. Ang kulay pulang likido na umaagos sa aking binti ay tuluyang nagpabura sa kanyang kalmado at malamig na mukha.
"You're bleeding, Purple!" bulalas niya, at sa pagkakataong ito, mabilis niyang binitiwan si Lirah upang lumapit sa akin.
Hinabol naman siya ni Lirah at muling hinawakan sa braso upang pigilan ang pagsaklolo sa akin. "Huwag, Spencer! Pabayaan mo siya!" sigaw nito.
Tinitigan nang matalim ni Spencer si Lirah, marahas niya itong tinabig nang muli niyang marinig ang mahina kong pagdaing.
Dahil sa sobrang takot para sa aking anak at sa tindi ng sakit na unti-unting pumapatay sa akin, nagsimula nang magdilim at manlabo ang aking paligid. Bago pa ako tuluyang mawalan ng malay, naramdaman ko ang marahas ngunit nag-aalalang pagbuhat sa akin ni Spencer, patakbo palabas ng aming bahay.
Sa huling sandali ng aking isipan, nausal ko sa aking sarili: ‘Sana paggising ko, panaginip na lamang ang lahat ng ito’. At taimtim akong nanalangin sa Diyos na sana ay ligtas ang aking baby... na sana ay hindi siya nawala dahil sa kasalanan nina Spencer at Lirah. Dahil kapag may nangyaring masama sa anak ko, isinusumpa ko, hinding-hindi ko sila mapapatawad habang buhay.