Share

Binata na si Iris
Binata na si Iris
Author: Kris Sendo

Prologo: Crush? Ano 'yon?

Forty na si Nanay nang ipinanganak niya ako. Kwento niya sa akin, late na raw siyang nag-asawa dahil inuna niya raw muna sina Lolo at Lola bago ang kaligayahan niya. Kaya nang magpakasal na sila ni Tatay, labis-labis ang kasiyahan niya dahil sa wakas daw ay nakasama niya ng muli ang taong pinakamamahal niya.

Gustong-gusto ko no'n magkaroon ng kapatid dahil nalulungkot ako kasi mag-isa lang ako. Wala akong kalaro, kakwentuhan, wala akong aawayin lalo na kung wala akong ginagawa, at hindi lang 'yon, wala rin akong kakampi kapag may nang-aaway sa akin. Ngunit, pinaintindi naman sa akin noon ni Tatay kung bakit nag-iisang anak lang ako. Sabi ni Tatay sa akin, hindi na raw magkakaanak si Nanay dahil may edad na ito. Syempre, nalungkot ako dahil hindi na ako magkakaroon pa ng kapatid. Pangarap ko pa naman 'yon. Nakakainggit naman kasi ang mga pinsan kong may mga kapatid.

"Iris!" tawag sa akin ni Nanay kaya't mabilis akong bumangon sa aking higaan.

Hindi na ako nag-atubili pang magsuklay ng buhok kahit mahaba man ito. Wala naman kasi akong pakialam sa buhok ko. Hindi ko alam kay Nanay kung bakit gustong-gusto niyang mahaba ang buhok ko.

Mabilis akong lumabas ng kwarto. Kapag natagalan pa ako siguradong lagot ako sa Nanay ko.

"Iris! Nasa'n ka na bang bata ka?" hanap sa akin ni Nanay kaya't dali-dali akong nagpunta ng kusina.

Nadatnan kong nagluluto si Nanay para sa aming tanghalian. Siguradong busog na naman ako mamaya dahil masarap magluto ang Nanay ko.

"Oh, tanghaling-tapat na at nakahilata ka pa rin?" tanong sa akin ni Nanay habang naghihiwa ng sibuyas sa may lamesa. "Naku, Iris, ha? Hindi porket bakasyon niyo ngayon maghihilata ka na lang buong maghapon. Naku, kung nabubuhay pa ang Tatay mo siguradong pagagalitan ka no'n."

Napakamot ako ng ulo at umupo sa tabi ni Nanay. "Nay, naman hindi na mauulit. Bumabawi lang ako ng tulog dahil lagi akong maagang gumigising noong may pasok pa."

"Oh, siya." Sabi ni Nanay at kumuha ng pera sa kanyang bulsa. "Punta ka do'n sa tindahan at bumili ka ng suka at toyo."

Kinuha ko naman sa kanya ang perang pambili at lumabas na ng kusina.

xxx

Siguro walong taong gulang na ako noong mamatay si Tatay. Inatake siya noon sa puso at hindi na nadala pa sa ospital. Panay ang iyak namin pareho ni Nanay noon. Lagi niyang sinasabi sa akin na pagbutihan ko raw ang aking pag-aaral dahil wala na ang Tatay at kami na lamang dalawa ni Nanay.

Kahit pa noong nabubuhay si Tatay ay lagi akong honor student. Madalas pa ngang si Tatay ang nagsasabit ng medalya ko sa tuwing closing. Ngunit, nang mag-graduate akong valedictorian sa klase ay si Nanay na ang nagsabit ng medalya ko dahil hindi naman na umabot ng graduation si Tatay.

"Uy, Iris. Dalaga ka na, ah?" sitsit sa akin ni Mang Domeng. Napabusangot na lamang ako sa narinig ko. Nagtawanan naman ang mga kasamang kaibigan ni Mang Domeng na sina Mang Toto at Mang Jose.

"Mang Domeng, ha? Tanghaling-tapat nang-iinis ka." Sabi ko naman sa kanya.

Alam ni Mang Domeng na ayaw na ayaw kong sinasabihang dalaga. Hindi ko alam kung bakit ngunit parang nasusuka ako sa salitang iyon.

"Hay naku, Domeng. Huwag mo na ngang asarin si Iris." Saway ni Aling Lumen sa kanyang asawa. "Oh, Iris. Anong sa'yo?"

"Isang toyo at suka po, Aling Lumen." Sagot ko sa kanya at ibinigay ko ang perang pambili.

"Oh, heto na." Sabi ni Aling Lumen at ibinigay na sa akin ang pinamili ko.

"Salamat po." Sambit ko at nagsimula nang maglakad pauwi ng bahay.

xxx

Habang pauwi ako ng bahay ay nakita ko sa may tabi ng daanan sina Mary Anne, Jimboy, Jolo, at Rhea na parang may importanteng pinag-uusapan. Imbes na lampasan sila ay kaagad akong naki-usyoso sa kanilang pinag-uusapan.

"Busy kayo, ah?" natatawang sabi ko sa kanila. "Ano ba 'yang pinag-uusapan niyo?"

"Wala. Truth or dare lang ito." Sagot sa akin ni Jolo na para bang inis na inis na.

"Sige na nga, Mary Anne. Sagutin mo na ang tanong ko." Pagpupumilit ni Rhea.

Nagtaka naman ako kung ano ang tanong ni Rhea sa kanya na hindi naman nito masagot-sagot.

"Iba na nga lang. Nakakahiya." Mahinang wika ni Mary Anne.

"Ang daya naman, oh." Sambit ni Jimboy.

"Ano ba kasi ang tanong?" tanong ko sa kanila. Hindi ko na kasi mapigilang hindi magtanong, eh.

"Ang dali lang naman ng tanong," sabi ni Jolo.

"Tinatanong lang naman ni Rhea kung sino ang crush niya."

"Nakakahiya kasi." Bulong ni Mary Anne.

Nagtaka naman ako kung anong klaseng tanong 'yon.

"Crush? Ano ba 'yon?" inosenteng tanong ko.

Nagtinginan silang apat sa akin at nagtawanan.

"Seryoso ka, Iris? Hindi mo alam ang crush?" natatawang tanong ni Jolo.

"Walang hiya ka. Magha-high school na tayo wala ka pa ring alam sa crush." Dagdag pa ni Jimboy.

Ngingisi-ngisi namang humarap sa akin si Rhea. "Alam mo, Iris. Ang crush ay isang paghanga lang 'yan. Kung tinamaan ka talaga. Tatamaan ka talaga." Paliwanag nito sa akin.

Natawa naman ako sa huling sinabi niya. "Oo, tatamaan na kung tatamaan. Pero, tatamaan na talaga ako kay Nanay kung hindi pa ako umuwi ng bahay." Sabi ko sa kanya at mabilis na akong kumaripas nang takbo pauwi sa amin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status