Share

Chapter 3: Satisfied

Kahit na hindi siya pinansin ni Trevin ay umuwing masaya si Gavin. Satisfied siya sa serbisyo ni Trixxie at kung akala nitong tapos na siya dito ay doon siya nagkakamali. Susulitin niya si Trixxie yon ang sigurado na niyang gagawin. Aba, atay yata niya ang kapalit dapat lang ay makinabang din siya sa katawan nito.

 

Pagdating niya sa apartment na tinutuluyan ay tulog na ang Tatay Guillermo niya sa guestroom kaya tumuloy siya sa kwarto niya. Naligo siya dahil nanlalagkit siya sa ginawa nila ni Trixxie kanina. Nang maalala niya ng katawan nito ay biglang nag-init ang kanyang pakiramdam. Kung ikukumpara niya ito sa kanyang nobya na si Dianne ay malayong- malayo. Slim si Trixxie samantalang medyo malaman naman si Dianne. Morena ang nobya samantalang sobrang puti naman ni Trixxie. 

Kung paglalapitin sila ni Trixxie ay para silang gatas at kape. Hindi naman siya maitim pero kutis Pinoy siya lalo pa at palagi siyang nasa construction site at nagbibilad sa araw. Bilib din naman siya sa performance ni Trixxie dahil sanay itong magpaligaya ng lalaki. Naiisip pa lang niyang may kaulayaw itong iba ay nag-iinit ang kanyang ulo. Nakailang boyfriend na kaya ito?

Napailing si Gavin sa mga naiisip. At bakit niya kinukumpara si Dianne at Trixxie. Ang pabor na hiningi kay Trixxie ay kabayaran lamang para sa pabor na ibibigay niya dito. Matapos maligo ay natulog na rin si Gavin at maaga silang babalik sa hospital bukas.

Kinabukasan ay maaga pa lang ay gising na ang ama na si Guillermo. Naabutan ni Gavin na nagluluto ng agahan ang ama. Dumulog na siya sa hapagkainan at nag-usap sila habang kumakain.

“Tay, kahapon ba ay pinansin ka ng apo mo?” tanong ni Gavin sa ama habang nagsasandok ng kanin.

“Tulog siya nang dumating kami ng mga Angeles sa hospital. Pero ang gwapong bata kamukhang-kamukha ni Harvey ba iyon? Iyong kuya ni Trixxie?” Paniniguro nito kay Gavin kung tama ba ang nabanggit na pangalan.

“Huh! Gwapo ba iyon? Saang banda?” asar na turan ni Gavin.

“Aba ay damuho kang bata ka parang sinabi mo na rin na pangit ang anak mo!” Paninita ni Mang Guillermo sa anak. “Anong plano mo sa mag-ina mo?”

“Plano? Tay, magdo-donate lang ako ng parte ng atay ko at wala akong plano na kung ano. Pwede ko naman na dalawin parati si Trevin. Atsaka isa pa may nobya akong tao.” Kibit balikat lang si Gavin sa kanyang sinabi. Totoo naman kasi na wala siyang plano na gawin kundi tulungan ang anak na gumaling. Maliban sa pagtulong ay wala siyang plano na kung anuman.

Dismayado si Mang Guillermo sa sinabi ng anak. Nalulungkot siya para sa apo dahil hindi buo ang pamilya nito. “Alam mo Gavin, kawawa naman ang apo ko kung hindi buo ang pamilya.”

“Mas kawawa siya ‘Tay dahil wala naman akong nararamdaman para sa ina nya. Hindi na uso ngayon ang ganyan na magsasama para lang sa kapakanan ng anak.” Walang gatol na sinabi ni Gavin sa ama. “At saka isang Trixxie Angeles? ‘Tay, kahit pumuti na ang uwak at siya na lang ang nalalabing babae sa mundo ay hindi ko siya pakakasalan kahit para lang sa anak namin.” Buo ang loob na sinabi iyon ni Gavin sa kanyang ama lalo at alam niyang malabo niyang magustuhan ang katulad ni Trixxie.

“Huwag ka magsalita ng patapos anak. Baka sa huli ay kainin mo lahat ng sinabi mo. Mapagbiro ang tadhana at minsan ang taong ayaw na ayaw natin ay siya pala ang nakalaan para sa atin.” 

Hindi na sumagot pa sa sinabi ng ama si Gavin. Ipinagpatuloy na lang nila ang almusal. Sakay ng kanyang sariling sasakyan ay bumalik sila sa Hospital.

Kasalukuyang kinukuhanan ng dugo si Trevin ng isang Medtech  nang pumasok sila sa silid nito. Hindi man lang kakikitaan ng sindak sa hiringgilya ang bata.

Nang umangat ang mukha ni Trixxie para mapagsino ang mga dumating ay kaagad nasilayan ang seryosong mukha ni Gavin na nakatunghay kay Trevin. Sana lang ay makipag-usap na ang anak sa ama nito para hindi sila mahirapan sa magiging takbo ng operasyon.

Nang matapos ng Medtech nakuhanan ng dugo si Trevin ay nagpaalam na itong umalis. Kaagad na nag-iba ang timpla ng mood ni Trevin ng makita ang ama. Ayaw man lang nitong tingnan si Gavin ngunit tumalima naman sa ina nang inutusan ng ina na magmano sa Lolo Guillermo nito. Yumakap pa ito sa abuelo na siyang ikinatuwa naman ng matanda. 

Maluha-luha si Mang Guillermo nang yakapin siya ng apo. Matagal na niyang pangarap ang magkaroon ng apo. At napakaswerte niya na may apo na pala siya at lalaki pa. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit ayaw ng bata sa ama nito.

“Ang gwapo ng apo ko.” Puri nito kay Trevin at hinaplos nito ang mukha ng apo. Kahit medyo naninilaw at payat si Trevin ay bakas pa rin ang gwapo nitong mukha. Niyakap siya ulit ni Trevin at dahil doon ay tumulo ang luha ng abuelo sa ginawa ng apo.

Lumapit si Gavin sa kanyang ama at anak pero isang matapang na Trevin ang kanyang nakaharap. “Ayoko sa'yo.” Hinampas pa ng kamay nito ang dibdib ng ama kaya kinabig ni Mang Guillermo ang apo para ilayo sa ama nito. Sinenyasan ni Mang Guillermo si Gavin na huwag na magpumilit.

Naalarma si Trixxie nang sumigaw ang anak at lumapit sa mga ito ng hinampas ni Trevin ang ama sa dibdib nito. Naupo nalang sa sofa bed si Gavin at nagkasyang tanawin ang ama at anak na nagyayakapan. Natanong sa sarili kung bakit ayaw ng anak sa kanya samantalang giliw na giliw naman sa abuelo nito.

Bumukas ang pinto at pumasok ang mga Angeles. Si Senyor Arthur, Senyora Anatalia at si Harvey. Napalakpak si Trevin nang makita ang mga ito. Upang bigyan ng pagkakataon ang mga Angeles na lapitan si Trevin ay umupo sa tabi ni Gavin si Mang Guillermo. May binulong ito sa anak. “Ano ba ang ginawa mo at naaalibadbaran ang anak mo sa presensya mo?”

Walang maibigay na rason si Gavin sa ama dahil kahit siya ay walang alam kung bakit. Napakibit balikat na lang si Gavin at ng lumingon ay kitang kita niya ang matalim na titig ni Harvey sa kanya. Alam ni Gavin na galit ito sa kanya dahil sa pakikipagsabwatan niya noon kay Trixxie pero mas malaki ang kasalanan ng kapatid nito sa kanya dahil maging siya ay nalinlang ni Trixxie.

  Pumasok ang isang doktor ni Trevin. Isang itong Hepatologist, isang uri ng doktor na espesyalista sa mga sakit sa atay. Kinumusta muna nito si Trevin at kinuha ang chart sa kasunod na nurse. Sina Senyor Arthur at Senyora Anatalia ay umupo na katabi ni Mang Guillermo at nagkamustahan.

Lumapit si Trixxie pati na si Gavin at Harvey sa doktor. Ipinaliwanag ng Doktor na bagaman hindi masyadong malala ang pinapakitang sintomas ni Trevin a ngayon ay kung nahuli sila ng ilang linggo lang ay maaring ma-coma na si Trevin. Malaki na pala ang pinsala na nasa loob ni Trevin patunay nito ang resulta ng mga series of test na isinagawa ng nakaraang araw. Nag-uumpisa na rin daw na mag-ipon ng fluid sa sikmura n Trevin at mas naging matingkad ang paninilaw ng balat nito.

Tinanong ng Doktor kung sino ang magiging donor para masuri. Back up plan ng Doktor kung sakaling di gumana ang treatment plan ay nakahanda na ang mga donor kung sakali. Itinuro ni Trixxie si Gavin at Harvey bilang mga donor.

Tiningnan ng Doktor si Harvey sa pag-aakalang siya ang ama ni Trevin. “Mr. Angeles since you are the father…” Hindi natuloy ng doktor ang sasabihin ng matawa si Harvey.

“No Doc. I'm the uncle and he is the father.” Itinuro ni Harvey si Gavin.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status