Share

CHAPTER FOUR

"Anak mag-ingat ka sa Singapore. Wag mo kaming alalahanin ng mga kapatid mo rito. Ikaw, ang sarili mo muna ang isipin mo pagdating mo roon. Masyadong malayo ang Singapore. Ayaw man kitang payagan noong una pa lang. Kung nakakalakad lang sana ako ay—" hindi ko na pinatapos pa ang ibang sasabihin ni Nanay at mabilis ko siyang niyakap.

Ayaw ko siyang makita na malungkot sa pag-alis ko. At kahit pa mahirap na mawalay ako sa kanila, pero kung ito lang ang tanging paraan upang matapos na ang utang namin, go na!

Makikipagsapalaran ako sa ibang bansa kahit pa wala akong kilala o kamag-anak roon. Bahala na kung anong naghihintay sa akin pagdating ko sa Singapore. At saka hindi na ako pwedeng umatras pa. Naisangla ko na ang titulo ng lupa namin na siyang ginamit ko para mag-apply sa Singapore.

Isang customer namin noon sa parlor ang nag-alok sa akin ng trabaho sa Singapore. At kahit pa nga hindi ako sanay na malayo sa pamilya ko ay sinunggaban ko na agad ito. Hindi ko kikitain dito sa Pinas ang magiging sahod ko sa Singapore. Kaya hindi na ako nagdalawang isip pa at kaagad akong pumayag sa alok ng ginang. Kaagad akong nag-ayos ng papeles ko. Makalipas lamang ang dalawang buwan ay dumating na ang araw ng alis ko rito sa amin.

Ngayong araw na ang luwas ko patungo sa Maynila dahil kinabukasan na ang flight ko patungo sa Singapore.

Hindi ko rin ipinakita sa pamilya ko ang kalungkutan na meron ako. Dahil ayaw kong mag-alala sila para sa akin. Ginagawa ko naman lahat ng ito para rin sa kanilang tatlo. At kailangan ko lang lakasan ang loob ko para sa mga pangarap ko para sa kanila. At saka mabilis lang naman ang araw ngayon, baka nga hindi ko namalayan ay nakabalik na ako muli rito.

Isang kontrata lang naman ang gusto ko at hindi na ulit ako aalis ng bansa. Mag-iipon lang ako para makapag-patayo na rin kahit maliit na negosyo rito sa amin. Kaya tiis lang muna kami sa ngayon.

"Divine, Jeremy, ngayong wala ako rito ay kayo muna ang bahala kay Nanay. Wag kayong magpapasaway o gagawa ng kahit anong kalokohan, malilintikan kayong dalawa sa akin! Malinaw ba?" may himig pang pagbabanta sa tono ko. Alam ko naman na mature mag-isip ang mga kapatid ko, kaya tiwala akong ayos lang sila rito at hindi nila pababayaan si Nanay.

Tumango-tango naman sila at sabay na yumakap sa akin. "Seswa, akong mag-care sa dalawang pukipie natin! Mag-ingat ka, seswa. Gagalingan ko pa palagi sa school para hindi masayang ang difficult mo sa ibang countrybel!" pabakla niya pang saad. Pero ramdam ko ang lungkot sa pananalita niya. Pilit ko pang natawa at bahagya kong ginulo ang buhok niya. Mamimiss ko talaga ang baklitang ito. Pero laban lang!

"Ate, ingatan mo po ang sarili mo roon kasi malayo kami sa'yo. Wag mo po kaming aalalahanin, kami na muna po ang bahala kay Nanay. Saka, A-Ate…" nagulat pa ako nang biglang umiyak si Divine at mas lalong humigpit ang yakap niya sa akin. Kaya naman ang luha na pinipigilan ko ay kusa nang pumatak. Masakit man sa akin ay kailangan kong magpakatatag para sa kanila. "Wag k-ka nang umiyak. M-mabilis lang naman akong mawawala," pilit ko pa na pinapatatag ang boses ko. Humihikbi pa siya habang tumatango. Alam mo na si Divine ang unang malulungkot sa paglisan ko dahil masyado siyang malapit sa akin. Pinahid ko ang aking luha sa mga mata at muli akong nagbilin sa kanila na dapat gawin.

At sa huling pagkakataon ay niyakap ko pa silang tatlo.

Huling yakap ko sa kanila at ilang taon pa bago muling maulit ito.

Halos lahat ng mga kapitbahay namin ay nakatingin sa amin, may mga natutuwa at mayroon din naman hindi. Pero hindi ko na sila pinag-aksayan pa ng panahon dahil wala naman silang ambag sa buhay namin. Hinding-hindi ako babalik dito na hindi ko naparanas ang maayos na buhay sa pamilya ko. At hindi ako natatapos makabayad sa mga utang namin. Aalis ako na bitbit ang pangarap ko para sa pamilya ko. At alam kong gagabayan ako ng Panginoon dahil sa mabuting hangarin ko. Nagtitiwala ako sa kanya ng buong puso. Dahil ito lang ang maaari kong kapitan sa lahat ng oras at panahon.

Habang nasa barko nga ako ay patuloy ang agos ng luha ko. Pati sipon ko ay humalo na rin pero wala akong pakialam pa. Pinatangay ko na sa hangin ang lahat ng pangamba at lungkot na meron ako. Huling iyak ko na ito dahil pagdating ko sa Singapore ay kailangan matapang na ako. Inubos ko na lahat ng luha ko at pinilit kong makatulog dahil malayo pa ang biyahe ko. Kailangan ko ng lakas para sa mga gagawin ko pa.

Wala akong masyadong alam sa pupuntahan ko sa Maynila kaya medyo natatakot ako. First time ko lang na umalis ng lugar namin pero bahala na kung saan ako tangayin ng mga paa ko.

Nagising ako sa ingay sa paligid at nang imulat ko ang aking mata ay nakarating na pala kami ng Batangas Port. Luminga ako sa paligid at isa-isa na ngang nag-sisibaba ang mga tao na lulan din ng barko na sinasakyan ko. Nag-inat-inat muna ako at kaagad kong hinila ang maleta ko. Mula kasi rito ay muli akong ba byahe patungo naman sa address na sinabi sa akin ng agent ko. Mabilis ang naging kilos ko para makarating kaagad sa dapat kung puntahan. Ayaw ko kasing gabihin pa sa daan. Nagtanong-tanong ako sa mga tao sa paligid kung paano ba pumunta sa lugar na iyon. Mabuti na nga lang at may nakasabay akong byahero na malapit din sa lugar na pupuntahan ko rin. Kaya naman hindi na ako masyadong nangamba pa. Feeling ko tuloy ay ang swerte ko ngayong araw na ito. Hindi na rin ako nag-abala pa na kumain dahil sa medyo nagtitipid ako ay busog pa rin naman ako. Mamaya na siguro pagdating ko sa pupuntahan ko. Mula sa nga rito ay sumakay kami ng bus patungo roon.

Hindi rin naman nagtagal ay nakarating na rin ako sa dapat ko sa babaan ko.

"Dito ka na, Ineng. Magtanong ka na lang sa ibang tao kung saan ang eksaktong lokasyon ng hinahanap mo. Sure naman ako na maraming nakakaalam niyan. Saka isa pa ay mag-ingat ka, Ineng. Maraming manloloko dito sa Maynila. Yung bag mo ay laging nasa harap dapat," paalala niya pa sa akin.

"Ate, maraming salamat sa'yo. Ingat din po kayo. Tatandaan ko po ang mga bilin mo sa akin, " nakangiti kong sabi at kaagad naman niya akong sinuklian ng ngiti. Nagmamadali pa akong bumaba ng bus at baka malagpasan pa ako.

Usok at ingay ng paligid ang sumalubong agad sa akin pagbaba ko pa lang ng sasakyan. Kaya naman medyo nakaramdam ako ng hilo. At napansin ko rin na tila ba ay nagmamadali lahat ng tao rito. Ibang-iba pala talaga ang probinsya at ang siyudad, bigla akong naninibago sa lugar na aking kinalakihan. Kinuha ko ang tubig sa loob ng bag at uminom muna ako saglit. At saka ako huminga nang malalim. At nagsimulang humakbang. Kinuha ko rin ang papel sa bulsa ko na binigay sa akin noon at muli ko itong binasa ang tamang address. Nagpalinga-linga ako sa paligid upang hanapin ito. Ngunit wala akong makita kaya naman nagpatuloy ako sa paglalakad. Nang hindi ko ito makita ay nagtanong na ako sa nakasalubong kong may edad na pulis. Ang sabi kasi ni Nanay sa akin na kapag may lugar akong dapat hanapin at hindi ko makita ay sa mga pulis o di kaya ay mga traffic enforcer ako magtatanong. At makakasiguro raw ako na tama ang direksyon na ibibigay sa akin.

Mabilis kong ipakita sa kanya ang hawak kong papel at bahagya pang kumunot ang noo niya. "Hija, sigurado ka ba sa address na ito?" kunot-noo pang tanong ni Manong pulis sa akin. Sure na sure naman ako kasi ito yung binigay ng address ng agent ko.

"Opo," tipid kong sagot. At hindi ko maintindihan kung bakit parang bigla akong kinabahan.

"Eh, matagal nang pinasarado ito dahil sa daming reklamo. Illegal recruitment agency yan, Hija. Tssk…kawawa naman ng biktima nila. Yung iba ay galing pa sa mga malalayong lugar. Wag mong sabihin na isa ka sa mga naloko nila?" tanong ni Manong pulis sa akin.

Naloko? Paulit-ulit na salita sa pandinig ko. Marami sana akong gustong sabihin pa sana ngunit nanatili akong nakatitig sa kanya. At tila ba wala akong naiintindihan sa mga sinasabi ng kaharap ko ngayon. Ayaw kong tanggapin ang katotohanan na naloko ako. Baka nagkakamali lang si Manong Pulis sa mga sinabi niya.

Gusto ko pang maglupasay sa daan ng dalhin niya ako sa tapat mismo ng agency na hinahanap ko, sarado nga. Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa aking nakita. At nagsimula nang pumatak ang luha sa aking mga mata. Gusto kong isipin na masamang panaginip lang ang lahat ng ito. Paano na ang mga pangarap ko para sa pamilya ko? Paano na ang utang namin?

Napaupo na lang ako sa bato at nagsimulang umiyak. Bakit ganito ang tadhana sa buhay namin? Kung sino pang lumalaban ng patas ay sila pa ang nakakaranas ng ganito? Hindi naman siguro makatarungan ang hagupit ng kamalasan sa buhay ko. Paano na si Nanay at mga kapatid ko? Paano na ang titulo ng lupa namin? "Anong gagawin ko?" umiiyak kong tanong sa kawalan.

Ilang oras akong nanatili sa labas ng agency at nagbabakasakali akong may darating dito. Hindi ko na rin alam ang gagawin pero isang bagay lang ang tumatakbo sa isip ko sa mga pagkakataon na ito, 'hindi ako maaaring umuwi sa amin na ganito ang sinapit ko' kailangan kong umisip ng paraan kung anong gagawin ko ngayon. Muli na naman akong naiyak dahil sa sinapit ko ngayong araw. Lahat ng pangarap ko ay naglahong parang bula. Mas lalo pa kaming nabaon sa utang. Pero wala na akong magagawa pa kundi tanggapin ang kamalasan o katangahan bang matatawag ito. Ngunit paano? Wala akong kilala o alam sa lugar kung nasaan ako ngayon. Saan ako tutungo ngayon? At isa pa ay papagabi na rin. Mas delikado kung dito ako mamamalagi ngayong gabi.

Nanghihina akong tumayo at pilit kong inihakbang ang aking mga paa. At habang naglalakad ako ay patuloy ang pagpatak ng luha ko. Ang hirap maging mahirap. Minsan gusto ko na lang maglaho at tumakas sa responsibilidad ko bilang anak, kapatid sa pamilya ko. Pagod na pagod na ako sa sitwasyon ko. At parang wala nang pag-asa pang maibigay ko yung gusto ko na magandang buhay para sa kanila. Para akong naglalakad sa kawalan at bigla na lang akong nagulat nang may biglang humablot ng bag ko. Kaya naman napasigaw pa ako nang malakas upang humingi ng tulong. Hindi pwedeng mawala ang bag ko dahil may konting pera pa ako roon.

"Tulong! Tulong! Tulong! Magnanakaw!!!" malakas kong sigaw at muli na naman akong napaiyak. Isang babae naman ang mabilis tumakbo upang habulin ang magnanakaw ng bag ko. Ilang minuto pa ay bumalik siya sa pwesto ko at bitbit na ang bag ko.

"Hoy, babae ka! Ingatan mo yang bag mo. Hindi mo ba alam na kipie na lang ngayon ang hindi ninanakaw. Mabuti na lang at marami akong kilala rito kaya nabawi namin ang bag mo. Bakit kasi para kang hangin dyan?" tanong niya pa sa akin.

Kaya naman tuluyan na akong napahagulhol ng iyak. Naramdaman ko pa nang haplusin niya ang likod ko.

"N-naloko ako ng agency rito sa M-Maynila. Papunta sana ako ng Singapore," kwento ko pa habang pinupunasan ko ang luha sa aking mga mata.

"Tssk…kawawa ka naman. Ako nga pala si Vienna, ikaw?" tanong niya.

"Gelay, Gelay De Castro," pilit ko pang ngumiti sa kanya.

At dahil sa awa ni Vienna sa akin ay isinama na niya muna ako sa bahay nila. At nangako siya na tutulungan niya akong maghanap ng trabaho. Hindi muna ako uuwi sa Mindoro dahil kailangan ko pa ng malaking pera para mabayaran ang inutang namin. At isa ay hindi ko maaaring hayaan na lang na makuha sa amin ang nag-iisang alaala ni Tatay. Bahala na kung anong naghihintay na buhay sa akin dito sa Maynila. Laban lang, Gelay!

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Leslie agapito
thank you author ...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status