Share

CHAPTER 5

CHAPTER 5

Simula noong araw na 'yon ay madalas nang pumupunta sa puwesto ng amo ko si Daniel. Halos walang araw na hindi siya dumadaan sa akin upang abutan ako ng kung anu-ano. Kilala na rin siya nina Nanay Tonya at Tatay Manuel. Botong-boto ang matatanda dahil sa kabutihang ipinapakita ni Daniel sa akin at sa kanila.

Matapos ang trabaho ko sa buong maghapon sa palengke ay nakaabang na rin siya sa dinaraanan ko pauwi upang ihatid ako sa boarding house na nirerentahan ko. Sa dalas ng pagsasama at pagkikita namin ay namalayan ko na lang ang sarili ko na nahuhulog na ang loob sa kaniya. Naikuwento ko na sa kaniya ang buo kong pagkatao, halos wala akong itinago mula noong bata pa ako hanggang sa kasalukuyan. Alam niyang ulilang lubos na ako dahil namatay ang mga magulang ko noong nagkaroon ng landslide sa lugar namin.

Sa loob ng ilang buwan na nakasama ko siya ay pareho naming pinagtapat ang nararamdaman namin sa isa't-isa, at kalaunan ay hinikayat na niya akong lisanin na ang inuupahan kong boarding house dahil nais niyang magsama na kami sa iisang bubong. Hindi ko pa man siya lubos na kakilala ay pumayag naman ako dahil ramdam kong mahal niya ako at gano'n din naman ako sa kaniya. 

"Cailee, sigurado ka na ba sa desisyon mo? Ikaw na rin ang nagsabi sa akin na hindi mo pa siya lubusang kilala, hindi naman sa nangingialam ako, pero alam mo naman na anak na ang turing ko sa iyo, ayaw kong mapahamak ka hija," nag-aalalang wika ni Nanay Tonya sa akin nang magpaalam ako sa kaniya na hihinto na ako sa pagtatrabaho at bubukod na kasama ni Daniel.

"Huwag po kayong mag-alala Nay Tonya, may tiwala po ako sa kaniya at may tiwala ako sa nararamdaman ko. Alam ko po na masyado pa akong bata para magdesisyon, pero naniniwala po ako na hindi niya po ako lolokohin at sasaktan," paninigurado ko sa kaniya upang maibsan ang kaniyang lungkot at pangamba.

"Ipangako mo sa akin na dadalawin mo ako, ha? Kahit anong oras na gusto mong bumalik dito 'wag kang mag-atubili na lumapit muli sa akin  naiintindihan mo?" 

"Opo nay, hinding-hindi ko po kayo kalilimutan." H******n ko na siya at bahagyang naluha nang makita kong pigil siya na umiyak. Agad niya na akong itinaboy upang hindi ko masaksihan ang pagpatak ng kaniyang mga luha.

Nanirahan kami ni Daniel sa isang malaki at napakagandang bahay. Nalula ako at hindi makapaniwala na pag-aari niya ang bahay na iyon. Pilit kong inaalam ang lahat ng tungkol sa kaniya ngunit kahit anong impormasyon ay wala akong makuha. Gayunpaman ay pinagkatiwalaan ko siya, pilit kong pinagkatiwalaan ang mga kabutihang pinapakita niya sa akin.

Binigyan niya ako ng isang masaya at marangyang buhay. Pinaramdam niya sa akin kung gaano ako kahalaga sa kaniya. Ang inosente kong puso ay tuluyan nang nalunod ng kaniyang pagmamahal.

Madalas niya rin akong inaabutan ng malaking pera. Sinabi lang niya sa akin na mayroon siyang negosyo at 'yon ang pinagkaka-abalahan niya. Saglit lang naman siya kung mawala noong nagsasama kami, umuuwi naman siya tuwing gabi kaya medyo nabawasan ang pag-aalala ko. Sumabay ako sa agos ng relasyon namin, inisip ko na lang na baka balang araw kapag handa na siya ay ipapakilala niya na ako sa kaniyang pamilya. 

Lumipas ang ilang buwan ay napansin kong madalang na siya kung umuwi, ngunit hindi pa rin naman nagbago ang pinapakita at pinaparamdam niyang pagmamahal sa akin. Alam ko namang wala akong sagot na makukuha mula sa kaniya kung tatanungin ko siya kaya pinili ko na lang na manahimik at pagsilbihan siya. 

Maaga akong nagising dahil pinaghanda ko siya ng makakain, maaga raw kasi siyang aalis dahil may mahalaga siyang aasikasuhin. Habang hinahanda ko ang mga sangkap sa aking lulutoin ay nakakaramdam ako nang panghihilo na sinabayan naman nang pagsusuka. Naalala kong magdadalawang buwan na pala akong hindi dinadatnan.

Nang matapos akong magluto ay hinugasan ko na rin ang mga pinaglutuan ko.

"Good morning love! Ang sipag naman ng asawa ko," Nabigla ako nang kinulong niya ako sa kaniyang mga bisig mula sa likuran ko. Humarap naman ako sa kaniya at gumanti rin ng yakap.

"Good morning too love, kumain ka na at ipaghahain kita."

"Okay, sabayan mo ako ha," alok niya sa akin at saka ako hinatak patungong hapag-kainan.

"Love, basa pa 'yong mga kamay ko sandali lang."

"Okay sige." Binitiwan nito ang kamay ko habang nakangiti na nakatanaw sa kinaroroonan ko. "Anyway, ayos ka lang ba love? Narinig kong nagsusuka ka kanina, may masakit ba sa iyo?" nag-aalalang tanong niya sa akin, hinawakan rin niya ang noo ko nang makalapit na ako sa kaniya upang matiyak ang kalagayan ko.

"Wala ito, umatake lang 'yong ulcer ko, sige na maupo ka na at maghahain na ako." Hindi niya na ako kinulit pa at pinagmasdan na lang ako sa aking ginagawa.

Nang magpaalam na si Daniel na aalis ay bigla akong nakaramdam ng kaba, hindi ko alam kung bakit pero hindi ko na ito pinagtuunan pa ng pansin. Mamaya pag-alis niya ay pupunta ako sa doctor upang makapagpa-check up. Sasabihin ko na lang kung ano man ang resulta pag-uwi niya mamaya. 

Pinaghalong tuwa at pangamba ang naramdaman ko habang hinihimas ang tiyan ko, patuloy na nagsasalita ang doktor ngunit tila wala akong naririnig. 

"Kailangang maging maingat ka dahil mahina ang pagtibok ng puso ng bata, nariyan lahat nakasaad ang mga bitamina at gatas na dapat mong inumin. Lahat ng pinagbawal ko at dapat mong gawin na sinabi ko kailangan mong tandaan, okay ba misis?" saad ng doktor at saka inabot sa akin ang isang papel.

"Misis," mahina kong naibigkas 'yon habang tuwang-tuwa na hinihimas ang tiyan. 

Hindi ko alam ang gagawin ko, sabik na sabik akong umuwi upang makapagplano kung paano ko sorpresahin si Daniel, sigurado akong matutuwa siya.

Dumaan muna ako sa isang grocery shop upang makapamili ng mga lulutoin. Gagawin kong espesyal ang hapunan namin mamaya. 

Nang makarating ako sa bahay ay naghanda ako ng paboritong alak ni Daniel, maging ang kandila at rosas ay pinaghandaan ko rin. Magiging magulang na kaming pareho dahil magdadalawang buwan na akong buntis. Mula noong nagsama kami ay inalay ko na sa kaniya ang pagkababae ko, maging ang buong buhay ko ay pinaubaya ko na rin. Magkakaroon na ako ng matatawag kong isang buong pamilya dahil sa munting anghel na nasa sinapupunan ko. Ang matagal ko anng pinangarap na masaya at buong pamilya ay unti-unti nang natutupad.

Matapos ko sa kusina ay hinanda ko rin ang aking susuotin, kailangang maganda ako sa paningin ng mahal ko mamaya kaya inayos ko na rin ang hitsura ko. Hindi ako sanay maglagay ng make-up kaya't lipstick at pulbos na lang ang nilagay ko. Ilang sandali na lang ay uuwi na ang mahal ko.

Ilang oras pa akong naghintay dahil hindi siya nakarating sa oras na nakasanayan ko. Tiniis ko muna ang gutom dahil gusto kong sabay kaming kumain.

Pinilit kong labanan ang antok ko, subalit nagising na lang ako ng hating gabi. Hinanap agad ng paningin ko si Daniel ngunit wala ni anino niya ang nagpakita. Kumalabog na ang dibdib ko, may iilang gabi naman na hindi siya nakakauwi pero pinapaalam niya sa akin dahil binigyan niya ako ng cellphone. Kabilin-bilinan niya sa akin na 'wag ko siyang tatawagan at maghintay lang ako ng tawag niya. Tuluyan nang nabalot ng takot ang puso ko. Kating-kati na ang kamay kong i-dial na ang kaniyang numero upang tawagan ngunit pinigilan ko pa rin ang sarili ko at muling naghintay. Parang gusto ko nang umiyak ngunit pilit kong pinigilan. Hindi ako puwedeng ma-stress dahil baka raw maapektuhan ang pinagbubuntis ko. Lumipas nang muli ang ilang oras at bumibigat na ang talukap ng mga mata ko. Nagising na lang ako dahil sa sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Sa sofa na pala ako nakatulog at wala ring Daniel na dumating. Binalingan ko agad ang cellphone ko baka may tawag itong hindi ko nasagot, ngunit nadagdagan ang bigat ng nararamdaman ko nang wala ni isang tawag o text na galing sa kaniya. Hindi ko na napigilan ang emosyong nararamdaman ko, tuluyan nang nagragasa ang mga luhang pinigilan ko mula pa kagabi.

Muli akong naghintay, ngunit ang paghihintay ko ay umabot na ng ilang araw, hanggang umabot na ng ilang buwan. Hindi ko na namalayan ang paglobo ng tiyan ko. Maging ang pagharap sa salamin ay hindi ko na nagawa kaya wala akong kamalay-malay sa resulta ng depresyon na naranasan ko. Ang alam ko lang ay walang araw na hindi tumutulo ang luha ko. Nakakaligtaan ko na rin pala ang kumain.

Namulat na lang ako isang araw nang humarap ako sa salamin, ang laki ng pagbabago ng hitsura ko, maging ang katawan ko'y ang laki ng pinagbago. Ang payat-payat ko na pala. Tiyan ko na lang ang lumalaki. Naalala kong may sanggol na pilit kumakapit sa sinapupunan ko. Muli akong naluha, hanggang sa tuluyan na akong humagulgol. Hinang-hina na ako kaya napahandusay na lang ako sa sahig. Parang ang bigat-bigat ng mga balikat ko at hirap na hirap akong ibangon ang sarili ko. Nawawalan na rin ako ng pag-asang babalikan pa akong muli ni Daniel sa bahay na ito. Pilit kong inayos ang sarili ko at naglakas loob na hanapin siya. Araw-araw kong tinatawagan ang numero niya ngunit hindi na ito ma-contact kaya nagdesisyon na akong hanapin siya. Ginugol ko ang lahat ng lakas ko sa paghahanap sa kaniya. Halos ikutin ko na ang buong lungsod ng Davao ngunit wala akong natagpuang Daniel. Unti-unti na ring nauubos ang perang naitabi ko sa pagtatrabaho noon sa palengke at mga perang inabot niya sa akin.

Habang naglalakad ako sa tabi ng kalsada ay muli akong nakaramdam nang panghihina, marahil ay napagod ako at nahihilo kakahanap sa kaniya. Namulat na lang ako sa loob ng hospital at may nakalatay ng dextrose sa kamay ko. Wala pa man gaanong lakas ay kinapa ko agad ang tiyan ko.

Napalingon na lang ako bigla sa gilid ng aking kama nang may hindi pamilyar na tinig ang nagsalita.

"Maayos ang baby mo dai, 'wag ka na munang kumilos d'yan, antayin mo tatawag ako ng nurse," sambit ng isang bakla.

Nakahinga ako nang maluwag sa sinabi niya. Maya-maya ay may lumapit ng nurse at doctor sa akin. Doon ko napagtanto ang kapabayaang nagawa ko. Muntik nang mapahamak ang bata sa sinapupunan ko, ang anak ko. Pitong buwan na rin pala siyang kumakapit at lumalaban sa tiyan ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status