Share

CHAPTER 4

CHAPTER 4

"Mga guwapo't magagandang suki, patatas kayo riyan, may carrots din po preskong-presko pa!" hikayat ko sa mga mamimili na dumaraan sa puwesto ng amo ko.

Isang taon na ang nakalipas nang tanggapin ko ang alok na trabaho ng mag-asawang nasakyan ko nang umalis ako sa bahay ng tiyahin ko.

Maliban sa pagiging tindera ko ng mga gulay sa tindahan ng aking amo ay suma-sideline pa ako sa ibang puwesto tuwing may bakanteng oras.  Sa tuwing may dumarating na mga truck na may kargang mga gulay ay kinokontrata ko na ang mga negosyante sa palengke bilang taga-linis at taga-balat ng mga gulay katulad ng mga itinitinda ko ngayon. Mayroon na akong boarding house na tinutuluyan at kahit papaano ay mayroon na rin akong kaunting ipon. Nakatulong ang pagiging kuripot ko at mga diskarte upang mapagkasya ko ang aking mga bayarin. Balak kong muling bumalik sa pag-aaral sa susunod na pasukan kaya kailangan kong makapag-ipon. Alam ko naman na libre lang mag-aral sa mga pampublikong paaralan, mas tinuon ko nga lang muna ang sarili ko sa pag-iipon dahil mas kailangan kong kumita upang may pangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ko. 

"Cailee, hija!" Napalingon ako sa gawing kanan kung saan ko narinig ang masiglang pagbanggit ng pangalan ko. Tinig ito ni Nanay Tonya, ang aking mabait na amo.

Halos lakad-takbo itong humakbang upang mabilis na makalapit sa akin.

"Bakit po nay? Mukhang ang saya-saya po ninyo ngayon ah?" Kumikinang ang singkit nitong mga mata habang papalapit sa akin.

"Hija, may maganda akong balita sa'yo," nakangiti at tila sabik nitong wika.

"Ano naman po iyon Nay Tonya?" Bahagyang nakalukot ang noo ko habang itinatanong iyon sa kaniya.

"Narinig mo na ba 'yong ALS?"

"Pamilyar lang po, ano po bang meron do'n?" Alam ko at narinig ko na ang tungkol sa kaniyang binanggit ngunit hindi ko makonekta kung ano ang kinalaman no'n sa akin kaya mas minabuti kong magtanong na lang na para bang naku-kyuryosohan.

"Alternative Learning System hija, since ayaw mo namang tanggapin ang alok ko sa'yo na pag-aralin ka, baka ito na ang makakatulong sa iyo. Anim na buwan ka lang mag-aaral at kailangan mo lang ipasa ang pagsusulit, maaari ka nang makatuntong sa kolehiyo," masaya ang tinig nito habang nagsasalita. Mas mukha pa siyang excited kaysa sa akin.

Nasabik din ako nang malinaw niyang ipinaliwanag ang gustong sabihin kaya nagkaroon agad ako ng interest na alamin pa ang tungkol dito.

"Huwag kang mag-alala, sasamahan kitang mag-enroll ngayong darating na pasukan." Inagaw nito ang isa kong kamay at pinagsalikop ang aming mga palad. Matangkad ako kaya halos hindi magpantay ang balikat niya sa balikat ko. Nakatingala siya palagi kapag kinakausap ako.

"Naku, sige po. Sa pagkakataong ito ay hindi na po ako tatanggi Nay Tonya."

"Dapat lang Cailee, kailangang makapagtapos ka sa pag-aaral. Hindi bagay sa iyo ang magtrabaho rito sa loob ng palengke. Napakaganda mong dalaga, walang kapintasan sa panloob at panlabas na kaanyuan. Ang nararapat sa'yo na magtrabaho sa mga de-aircon na opisina. 'Yang ganda mong iyan nga ang nararapat na irampa sa mga beauty pageant eh." Pinasadahan pa ng kaniyang daliri ang mahaba kong buhok. Para akong batang nilalambing ng aking ina. Hindi ko tuloy maiwasang maalala ang kaunting alaala ko sa aking ina noong nabubuhay pa sila ng papa. 

Saglit lang akong namalagi sa bahay ni Nanay Tonya mula nang tinawagan ko siya noong nakaraang taon. Sa mga sandaling panahong 'yon ay itinuring nila akong mag-asawa na parang tunay na anak. Gustuhin ko man na tanggapin ang alok nilang manirahan sa kanilang tirahan ay hindi ko iyon tinanggap. Mas minabuti kong mamuhay nang mag-isa dahil ayoko na rin makaperwisyo pa ng ibang tao. Tinanggap ko lang alok nilang trabaho upang makatulong na rin sa kanila kahit papaano. May sakit na rin kasi si Tatay Manuel kaya bihira na lang makapagmaneho. Habang inaalagaan siya ni Nanay Tonya ay mag-isa akong nagbabantay sa kanilang puwesto. Sayang naman kasi ang kikitain kung isasara nila. Hindi ko na rin hinahayaan na bayaran nila ang serbisyo ko kung matumal ang kita, sapat na sa akin na makatulong sa dalawang matanda na ginagabayan ako at pinaparamdam sa akin na mahalaga ako kahit wala ako sa kanilang puder.

Hindi na ako nagsinungaling noon at sinalaysay ko na ang tunay na nangyari noong gabing pinara ko ang kanilang sasakyan. Awang-awa sila sa kalagayan ko. Nakahinga na rin sila nang maluwag at napanatag ang kalooban dahil sa pagsasabi ko ng totoo. Simula kasi noong ibinaba nila ako sa tabi ng kalsada ay hindi na sila mapalagay dahil sa kakaisip sa akin.

Kahit na mayroon na akong sariling tinutuluyan sa ngayon ay patuloy pa rin nila akong ginagabayan. Kaya naman napakalaki ng utang na loob ko sa kanila.

"Oh siya sige, ako na muna ang magbabantay rito, hinahanap ka nga pala ni Dita. Nandoon na raw ang mga repolyo," pagputol nito sa aming usapin. Mukha kasing may namumuo ng drama sa pagitan naming dalawa.

Bago ako tuluyang magpaalam ay h******n ko muna siya, kaytagal kong hindi naranasan ang ganoong pakiramdam. Kahit papaano ay isang taon na ring gumaan ang buhay ko, walang takot at kaba, alam kong malayo rin sa kapahamakan. Hindi ako nagsisising napadpad ako sa lungsod na ito. Malayo sa panganib na naranasan ko sa tiyuhin ko, at malayo sa pambubunganga at pang-aalipin ng tiyahin ko.

"Sige na po Nanay Tonya, 'wag mo pong kalimutan na balitaan ako tungkol doon sa nabanggit mo kanina ha?" Hinubad ko na ang suot kong apron at isinukbit sa pakong naka-usli sa loob ng tindahan at saka umalis.

Naglakad na ako patungo sa isa ko pang amo na si Aling Dita. Nang makarating ako roon ay sinimulan ko na agad ang pagbabalat ng repolyo, hindi ganoon kalaki ang kikitain ko sa ganoong sideline, ngunit malaking tulong na rin ito pambili ng makakain ko. Madalas din akong may naiuuwing mga gulay kaya naman malaki ang natitipid ko sa ulam.

Mabilis kong natapos ang pagbabalat ng tatlong sakong repolyo dahil tinulungan ako ng binatang anak ni Aling Dita, ang makulit kong manliligaw. Wala naman sa plano ko ang magkaroon ng nobyo, ngunit handa naman daw itong maghintay kaya't hinayaan ko na lang. 

Agad na akong nagpaalam kay Aling Dita at sa anak nitong binata nang matapos na ako sa aking trabaho. At dahil marami pa akong oras na natitira ay muli akong nag-ikot sa palengke at naghanap muli ng mapagtatrabahuan.

Sa pag-iikot ko ay suwerte namang nakahanap agad ako bilang taga-balat at hiwa ng carrots at patatas. 

Isang taon ko na itong ginagawa kaya naman nasanay na ang katawan ko na maraming ginagawa. Magkakasakit pa yata ako kung buong araw lang akong nakatihaya. Mula pa noong siyam na taong gulang ako at kinupkop ng tiyahin ko ay sanay na ang katawan ko sa mga mabibigat na gawain kaya naman gamay na gamay ko na lang ang mga ganitong trabaho. Ini-enjoy ko na lang ang bawat araw na dumaraan.

Hingang malalim, pahinga at dasal. Iyan ang palagi kong itinatatak sa aking isipan sa tuwing nakakaramdam ako ng pagod at kawalan ng ganang mabuhay.

Kakatapos ko lang magbalat ng mga patatas at carrots, itatapon ko na sa maliit na kanal ang tubig na pinanghugasan ko ng mga gulay nang biglang may dumaan na lalaki sa kinatatayuan ko. Saktong sa kaniya ko naihagis ang isang timbang puno ng maruming tubig na lulan ko. 

"Diyos ko po, patawarin," pabulong kong panalangin.

Hindi ko alam ang gagawin ko, takot na takot ako sa magiging reaksiyon niya. Pakiramdam ko'y naagaw namin ang pansin ng mga mamimili sa loob ng palengke dahil sa narinig kong mga singhap at bulungan. Matagal pa bago gumalaw ang lalaki na tila ba hindi makausad mula sa pagkakabigla. 

Mariin akong napakagat sa ilalim ng aking labi. Hinanda ko ang sarili ko sa mga masasakit na salita na matatangap ko. Muling bumalik ang mga alaala ko kay Tiya Marita, matagal-tagal na rin akong hindi nakakarinig ng mga masasakit na sermon. Mukhang ngayon pa lang ulit.

Dahan-dahan lang ang hakbang ko habang nakayuko palapit sa kaniya. Hindi ko siya magawang titigan dahil alam kong hindi ko kakayaning makita ang galit niyang mukha. Kotang-kota na ako sa masamang mukha ng tiyahin ko noon. Kung puwede lang na pumikit na lang ako para hindi ko makita ang hitsura ng lalaking 'to. Nang nasa tapat na niya  ako ay lumuhod na lang ako agad sa kaniyang paanan at pinunasan ang basang laylayan ng pantalon niya at sapatos gamit ang mahaba kong bistida. Hindi ko na naisip na kumuha ng tuyong basahan dahil natataranta na ako.

"Sir pasensya na po kayo hindi ko po sinasadya, hindi ko po napansin na dumaan kayo," halos maluha-luhang paliwanag ko sa kaniya habang nakaluhod at pinupunasan siya. Uunahan ko na lang siya ng drama upang hindi niya ako mapagalitan. Hindi ko na pinagtuunan pa ng pansin ang mga tawanan at bulung-bulongan ng mga tao roon. Parang gusto ko na lang lamunin ng lupa at tuluyan nang maglaho.

Mabilis niyang kinabig ang kaniyang binti at mahigpit akong hinawakan sa kamay dahilan upang mapilitan akong tumayo at mapatitig sa kaniya. Parang biglang bumagal ang galaw ng paligid nang sumilay ang ngiti sa kaniyang maamong mukha. Malayong-malayo sa ini-imagine kong hitsura at reaksyon kanina. Napakaguwapo niyang lalaki. Dumagdag pa ang malalim at lalaking-lalaki nitong boses nang magsalita. Mukha itong artista na naligaw sa pupuntahan at napadpad sa palengke. Kahit yata narumihan ang puting-puti nitong polo shirt ay mukha pa rin itong mayaman. Makinis ako at may kaputian ang balat pero mukhang hindi nangalahati sa kutis niyang pangmayaman. Ang kulay kayumanggi nitong mata at makapal na kilay ay bumagay sa matangos niyang ilong. Kay sarap niyang pagmasdan. Nakakaakit din ang malawak at mukhang matigas nitong dibdib. Para bang kay sarap sandalan kahit ilang minuto lang. 

Hindi ko maiwasang suriin ang kabuohan niya sa maikling sandali. Maging ang mabango niyang amoy ay mabilis na nanuot sa ilong ko dahilan upang bahagya akong napapikit. Lumakbay pa yata ang isip ko sa kawalan. Maya-maya'y lumuwag ang kanina'y mahigpit niyang pagkakahawak sa akin. Bahagya pa niya akong inalog upang bumalik ako sa aking tila nawawalang sarili. Natawa na lang ako sa aking isip nang mapagtantong nagmumukha na akong tanga sa harapan niya.

Nang tuluyan na akong naibalik sa kasalukuyan ay mataman ko siyang tinitigan. Sa kabilang banda ng utak ko ay naroon ang isang pamilyar na eksena, hindi ko lang matandaan kung ano, kailan o saan naganap.

"Miss, okay ka lang?" Muli niya akong inalog nang hindi ako agad nakapagsalita.

"S-sir? Naku sir pasensya na po talaga hindi ko po talaga kayo napansin kanina. Kung gusto niyo po na lumuhod ako, gagawin ko po mapatawad niyo lang ako," hinging paumanhin ko sa kaniya.

Nahinto ako sa pagsasalita nang makita ko itong muling ngumiti, hindi ko inaasahan na mas may idadagdag pa pala ang kaniyang kaguwapuhan.

"Ano ba'ng ginagawa mo? Hindi mo kailangang gawin 'yan. Tingnan mo marumi na tuloy 'yang damit mo." Nakagat ko na lang ang ibaba ng aking labi dahil sa naramdamang hiya. Nahihiya ako sa sarili ko dahil pinag-isipan ko siya nang masama kanina. Hindi ko inaasahang ito ang magiging reaksyon niya lalo nang pinagpag pa niya ang narumihan kong bistida.

Pinagmasdan ko ang paligid at tuluyang nakahinga nang maluwag nang unti-unting naglaho ang kanina'y nagtutumpukan at nag-uusisang mga tao. 

"Naku sir, ako na po. Nakakahiya naman sa inyo, ako na nga po itong may kasalanan eh." Matapos kong pagpagin ang narumihan kong bistida ay saka ko lang napagtanto ang katangahang nagawa ko. Halos nailigo ko pala sa kaniya ang maruming tubig dahil basang-basa ang kalahati ng kaniyang katawan. Kinagat ko na lang ulit ang aking labi. Hindi yata sapat na mag-sorry lang ako sa nagawa ko.

"Sinabi mo na nga 'di ba na hindi mo sinasadya, 'wag mo na ulit gagawin 'yan sa kahit na sino, okay? Sorry is enough. Kung ayaw tanggapin ang sorry mo, problema na nila 'yon." 

Napalitan nang ngiti ang kanina'y nag-aalala kong hitsura dahil gumaan na kahit papaano ang aking pakiramdam. 

"Ang bait n'yo naman po sir, kukuha po muna ako ng tuyong basahan." Tumango siya at ngumiti bilang pagsang-ayon.

Matapos kong iabot sa kaniya ito ay nagpaalam na akong bumalik sa trabaho.

Tatalikuran ko na sana siya nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko. Agad naman akong humarap sa kaniya.

"Wait! May I know your name? By the way, I'm Daniel." Agad niyang inilahad ang kamay niya sa akin. Inabot ko na rin ang kamay ko at nagpakilala.

"Cailee po ang pangalan ko, masaya akong makilala kayo sir Daniel. Babalik na po ako, maraming salamat at pasensya na ulit." Humakbang na ako palayo sa kaniya at binalingan ang amo kong kanina pa sumusulyap sa amin na tila ba nanunukso at kinikilig sa nasaksihan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status