Share

Chapter 1

SA MADILIM na apat na sulok ng maliit na barung-barung na tinutuluyan ni Toni kasama ang kanyang ina ay pilit na ipinagkakasya ng dalagita ang kaunting liwanag na nagmumula sa kandila upang mabasa nang mabuti ang kanyang mga takdang aralin.

Kahit parang mapupundi na ang nauupos na kandila ay pinilit pa ring magpatuloy ni Toni sa ginagawa. Para sa kanya, kasabay ng unti-unting pagkawala ng liwanag ay para na rin siyang nauubuaan ng oras. 

Nang tuluyang mawalan ng liwanag ay saka lamang siya kumilos upang humanap ng kandilang masisindihan. Dahil madilim ay pagapang siyang nagtungo sa karton sa ilalim ng katre kung saan niya inilalagay ang mga kandilang inipon mula sa sementeryo.

Upang makabawas sa gastusin nila ay araw-araw siyang dumadaan sa sementeryo pagkagaling sa eskwela upang mangolekta ng mga tira-tirang kandilang itinitirik ng mga taong bumibisita roon. Kung minsan ay sinisita siya ng mga nagpupuntang supoltulero dahil pagnanakaw na raw sa patay ang kanyang ginagawa subalit, taliwas iyon para kay Toni. Para sa kanya, kahit nakatayo pa ang kandila at hindi pa tuluyang nalulusaw nang buo, basta namatay na ang apoy dahil sa hangin ay maaari na niya iyong kunin.

Kung minsan, kapag may puwede siyang pasukang trabaho ay walang pagdadalawang isip niya itong tinatanggap. Hindi kasi nagiging sapat ang kinikita ng kanyang ina sa paghuhugas ng plato sa restaurant na pinapasukan nito. Kaya kapag may labahin sa kapitbahay o mga kakilala ay tinatanggap pa rin ng kanyang ina. Ngunit, kahit magdoble kayod silang mag-ina ay hindi pa rin nagiging sapat. 

Dahil sa upa pa lang ng kanilang tinutuluyan ay hirap na sila. Hindi niya mawari kung nararapat lang ba ang ipinambabayad nilang upa sa bahay na kanilang tinutuluyan dahil napakaraming butas ng bubong niyon. Kapag nga umuulan ay para silang mga basang sisiw sa loob dahil kailngan pa nilang bantayan ang mga tumutulong tubig na parang gripo sa lakas. Tapos ang nagsisilbing pagitan lamang nila mula sa kapitbahay ay isang manipis na plywood kaya dinig na dinig ni Toni palagi ang mga away ng mag-asawang kapitbahay niya. Maigi na nga sa kanya kung away lang ang kanyang naririnig subalit maging ang mga ungol at halinghing ay hindi nakaliligtas sa kanyang pandinig. Isa pa iyon sa problemang pinagsasawaan na niya sa pagtira sa bahay na iyon. 

Kung sa bagay, hindi na dapat siya magtaka pa. Nasa squatters area sila nakatira at iyon lamang ang kaya nilang mag-ina. 

Sa pagsindi ni Toni ng kandila ay muling kumalat ang liwanag sa paligid. Hindi man kasing liwanag gaya ng sa kapitabahay nila na may sariling kuryente ay sapat na iyon para sa kanya. 

Tinitigan niyang muli ang ginagawang assignment. Nangangalahati pa lamang siya bago matapos. Kasabay ng pag-unawa niya kung saan siya nahinto ay panay din ang kanyang hampas sa hita kung saan malimit kagatin ng lamok. Napabuntong hininga ang dalagita. 

Hindi naman dapat sana sila ganoon kahirap ng ina kung hindi dahil sa kanyang amang mailap pa sa ulan kung magpakita. 

Nang maalala ang kanyang ama ay mabilis niya itong iwinaksi sa isipan. Hindi na dapat siya umasa sa ama. Matagal na sila nitong pinabayaan kaya dapat ay magsariling sikap na lamang sila ng ina. 

Habang nagsusulat ay naalala ni Toni alamin kung ano ang oras na. Tumayo siya saka lumapit sa plywood na naghahati sa kanila ng kapitbahay. Sa maliit na butas ay sumilip siya. Doon ay nakikita ni Toni ang wall clock ng kapitbahay. 

'Alas diyes na pala.'

Naalala rin ni Toni na malamang ay pauwi na rin ang kanyang ina mula sa trabaho. Kaya kumilos na siya upang initin ang sinabawang sardinas na may miswa na kanyang niluto kaninang dumating siya mula sa eskwela. Baka wala na namang maiuwing ulam mula sa restaurant ang kanyang ina. Kung minsan naman kasi ay nakakakain sila ng masarap at libre kapag may mga natitirang ulam sa trabaho nito.

Pagkatapos initin ang ulam ay marahang binasa ni Toni ang mga uling upang mamatay ang baga. Maaari pa kasi nilang magamit iyon kinabukasan kapag natuyo kaagad. Makalipas ang ilang sandali ay binalak na ni Toni ang bumalik sa pag-aaral nang makitang humahangos ang ina patungo sa kanya.

“Antoniette, madali ka! Iligpit mo ang lahat ng mga damit natin. Aalis na tayo rito!” nagmamadaling sabi nito habang kinukuha ang malaking bag nila sa ilalim ng katre.

Nagtatakang tinitigan niya ang ina sabay tanong ng, “Bakit po? Bakit tayo aalis sa ganitong dis oras ng gabi?”

“’Wag ka nang magtanong, anak. Sige na—” Maagap nitong hinila lahat ng nakasampay nilang mga damit sa sampayan.“Ano ba, Antoniette?! Huwag kang tumayo lang d’yan! Kumilos ka na!”

Nagulat si Toni nang pagtaasan ng siya nito ng boses dahilan upang siya ay matauhan. Kahit nalilito ay sinunod na lamang niya ang iniuutos ng ina sa kanya. Inunang iniligpit ng dalagita ang lahat ng gamit niya sa school. Maging ang mga kandilang kanyang inipon ay inilagay din niya sa nag-iisa nilang bag.

“Narito na ba ng lahat?” tanong ng kanyang ina makalipas ang ilang sandali.

Tumango naman siya. 

“Oh, halika na. Huwag ka nang lilingon. Huwag ka ring hihiwalay sa ’kin. Bilisan mo rin ang lakad,” bilin nito bago siya hawakan sa kamay.

Halos matisod si Toni sa kanilang paglalakad dahil sa bilis ng hakbang ng kanyang ina. Bahagya rin kasing madilim sa eskinitang kanilang dinadaanan. Panay din ang kabog ng kanyang dibdib sa pag-aalala.

“Nay, ano po bang nangyayari?”

“Kapag may nakita kang tricycle, sabihin mo agad sa ’kin,” sabi nito imbes na sagutin ang kanyang tanong.

“Nay—” tawag niya rito pero tila wala itong naririnig.

Dahil wala na naman siyang narinig mula sa ina ay sinubukan niyang bawiin ang kamay mula rito. Doon lamang siya nito napagtuunan ng pansin kasabay ng paghinto nila sa paglalakad.

“Nay, sino po ba ang tinatakbuhan natin? Ano ba’ng nangyayari—”

Hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay muli na naman nitong kinuha ang kanyang kamay. “Mamaya ko na ipaliliwanag sa ’yo. Pero anak, nakikiusap ako. Bilisan na natin, puwede?”

Marahan siyang tumango habang pinagmamasdan ang mukha ng kanyang inang hindi man niya nakikita nang malinaw ay siguradong namumutla na at punung-puno na ng pag-aalala.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status